Dumaraming Insidente ng Masamang Balita
NAPANSIN mo ba na ang mga ulo ng balita tungkol sa masasamang pangyayari ay mas pumupukaw ng interes ng mambabasa kaysa sa mabuting balita? Maging iyon man ay ulo ng balita sa isang pahayagan tungkol sa isang likas na kapahamakan o isang nakatatawag-pansing tsismis na nasa pabalat ng isang makintab na magasin, waring mas mabili ang masamang balita kaysa sa mabuting balita.
Sa ngayon ay napakaraming masamang balita. Ngunit kung minsan ang isa ay nag-iisip kung ang mga tagapag-ulat at mga peryodista ay sinanay upang maghanap at magbunyag lamang ng masamang balita—anupat wala nang dako para sa anumang mabuting balita.
Napakarami sa Buong Kasaysayan
Totoo, napakaraming masamang balita sa nakalipas na mga siglo, anupat nahigitan ang anumang mabuting balita. Sa mga rekord ng kasaysayan, mas mabigat ang timbang ng mga ulat tungkol sa pagdurusa ng tao, pagkasiphayo, at kawalang-pag-asa, na siyang kinasadlakan ng sangkatauhan.
Tingnan natin ang ilang halimbawa. Ang aklat na Chronicle of the World, na binuo ni Jacques Legrand, ay naghaharap ng koleksiyon ng mga salaysay, na bawat isa ay isinulat para sa partikular na petsa ng kaganapan ng pangyayari ngunit parang ito ay inilalahad ng isang modernong peryodista na nag-uulat ng pangyayari. Mula sa mahusay ang pagkasaliksik na mga ulat na ito, makikita natin ang kabuuan ng malaganap na masamang balita na narinig ng tao sa buong panahon ng kaniyang batbat-ng-suliraning pag-iral dito sa planetang Lupa.
Una, tingnan ang naunang report na ito mula sa Gresya noong 429 B.C.E. Iniulat nito ang digmaan sa pagitan ng Atenas at Sparta: “Ang lunsod-estado ng Potidaea ay napilitang sumuko sa kumukubkob na mga taga-Atenas pagkatapos na magutom nang gayon na lamang anupat kinakain na ng mga tao ang katawan ng kanilang mga patay.” Talaga namang napakasamang balita!
Sa pagsapit ng unang siglo bago ng ating Karaniwang Panahon, makasusumpong tayo ng buháy na buháy na pag-uulat tungkol sa pagkamatay ni Julius Cesar, na inilathala sa Roma noong Marso 15, 44 B.C. “Pataksil na pinatay si Julius Cesar. Siya’y pinagsasaksak hanggang sa mamatay ng isang grupo ng mga magkakasabuwat, na ang ilan sa kanila ay kaniyang pinakamalalapit na kaibigan, nang umupo siya sa Senado ngayong araw na ito, Ikalabinlima ng Marso.”
Sa mga sumunod na siglo, patuloy na dumami ang masamang balita. Isang nakagigimbal na halimbawa ay ang balitang ito mula sa Mexico noong 1487: “Sa lubhang kahindik-hindik na pagtatanghal ng paghahain na nasaksihan kailanman sa kabisera ng Aztec, ang Tenochtitlan, ang mga puso ng 20,000 katao ay inihain kay Huitzilopochtli, ang diyos ng digmaan.”
Hindi lamang ang kalupitan ng tao ang sanhi ng masamang balita kundi ang kaniyang kapabayaan ay nakaragdag pa sa mahabang talaan. Ang malaking sunog sa London ay waring isa sa gayong mga sakuna. Ganito ang mababasa sa report mula sa London, Inglatera, na may petsang Setyembre 5, 1666: “Sa wakas, pagkatapos ng apat na araw at gabi, ang sunog sa London ay naapula ng duke ng York, na nagdala ng mga pangkat mula sa hukbong-dagat upang pasabugin ang mga gusali na daraanan ng apoy. Mga 160 ektarya ang lawak ng natupok na doo’y nawasak ang 87 simbahan at mahigit na 13,000 bahay. Isang himala, siyam na buhay lamang ang nasawi.”
Kailangang idagdag natin sa mga halimbawang ito ng masasamang balita ang mga epidemya na sumalot sa maraming kontinente—halimbawa, ang epidemya ng kolera noong mga unang taon ng dekada ng 1830. Ganito ang mababasa sa inilimbag na pamagat ng ulat: “Ang lagim ng kolera ay lumukob sa Europa.” Ang makatotohanang ulat na kasunod ay naglalarawan ng masamang balita sa kasukdulan nito: “Ang kolera, na di-kilala sa Europa hanggang noong 1817, ay lumalaganap pakanluran mula sa Asia. Naubos na ang malaking bahagi ng populasyon ng mga Rusong lunsod tulad ng Moscow at St. Petersburg—ang karamihan sa mga biktima ay galing sa mga dukhang taga-lunsod.”
Dumami sa mga Nakaraang Taon
Kaya bagaman totoo na ang masamang balita ay tunay na mga pangyayari sa buong nakaulat na kasaysayan, ang mga nakaraang dekada ng ika-20 siglong ito ay nagpapatunay na dumarami ang masasamang balita, sa katunayan ito ay mabilis na dumarami.
Walang alinlangan, ang mga balita tungkol sa digmaan ang siyang pinakagrabeng uri ng masamang balita na narinig sa ating kasalukuyang siglo. Ang dalawang pinakamalaking digmaan sa kasaysayan—angkop na tinawag na Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II—ay tiyak na nag-ulat ng masasamang balita sa nakapangingilabot na antas. Pero ang totoo ay maliit na bahagi lamang iyan ng masamang balita na naganap sa siglong ito.
Tingnan ang ilan lamang sa mga ulo ng balita na basta na lamang pinili:
Setyembre 1, 1923: Winasak ng lindol ang Tokyo—300,000 ang patay; Setyembre 20, 1931: Krisis—Ibinaba ng Britanya ang halaga ng pound; Hunyo 25, 1950: Nagmartsa ang Hilagang Korea patungo sa Timog; Oktubre 26, 1956: Nag-alsa ang mga Hungariano laban sa pamamahalang Sobyet; Nobyembre 22, 1963: Binaril at napatay si John Kennedy sa Dallas; Agosto 21, 1968: Lumunsad ang mga tangkeng Ruso upang sugpuin ang pag-aalsa sa Prague; Setyembre 12, 1970: Pinasabog sa disyerto ang na-hijack na mga eroplano; Disyembre 25, 1974: Iginuho ng bagyong Tracy ang Darwin—66 ang namatay; Abril 17, 1975: Bumagsak ang Cambodia sa mga puwersang Komunista; Nobyembre 18, 1978: Lansakang pagpapatiwakal sa Guyana; Oktubre 31, 1984: Binaril at napatay si Gng. Gandhi; Enero 28, 1986: Sumabog ang space shuttle nang papalipad ito; Abril 26, 1986: Nasunog ang reactor ng Sobyet; Oktubre 19, 1987: Bumagsak ang stock market; Marso 25, 1989: Naapektuhan ang Alaska ng tumapong langis; Hunyo 4, 1989: Pinagpapatay ng mga kawal ang mga nagpoprotesta sa Tiananmen Square.
Oo, ipinakikita ng kasaysayan na palaging maraming masamang balita, samantalang bibihira ang mabuting balita. Habang dumarami ang masasamang balita sa mga nakaraang dekada, umuunti naman ang mabubuting balita habang lumalakad ang bawat taon.
Bakit ganito? Lagi bang magiging ganito?
Sasagutin ng kasunod na artikulo ang dalawang tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
WHO/League of Red Cross