Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 4/15 p. 5-7
  • Napipinto Na ang Mabuting Balita!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Napipinto Na ang Mabuting Balita!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sanhi ng Lahat ng Masamang Balita
  • Bakit Dumarami ang Masamang Balita?
  • Hindi Magiging Laging Gayon
  • Dumaraming Insidente ng Masamang Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Mabuting Balita!
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
  • Mabuting Balita
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 4/15 p. 5-7

Napipinto Na ang Mabuting Balita!

LAHAT tayo ay nalulungkot kailanma’t makatanggap tayo ng masamang balitang personal na nakaaapekto sa atin. Sa kabilang dako, nagsasaya tayo kapag dumating ang mabuting balita​—mga balita ng kagalakan para sa ating sarili o sa ating mga minamahal. Ngunit kapag hindi tayo kundi ang iba ang siyang apektado ng masamang balita, malimit ay nasasabik tayong makaalam; ang ilan ay natutuwa pa ngang makarinig tungkol sa kasawian ng iba. Ito sa isang banda ang maaaring dahilan kung bakit mabiling-mabili ang masamang balita!

Noong maagang bahagi ng Digmaang Pandaigdig II, may isang malinaw na halimbawa ng nakasusuklam na interes ng ilang tao sa kalamidad. Isang 10,000-toneladang armadong barkong pandigma, ang Graf Spee, ay ipinagmamalaki ng plotang Aleman noong 1939. Ilang linggo nang nagdudulot ng pinsala ang barkong pandigmang ito sa mga barkong pangkalakal ng mga Alyado sa mga karagatang Timog Atlantiko at Indian. Sa wakas, tatlong barkong pandigma ng Britanya ang tumugis at umatake sa Graf Spee, anupat naging sanhi ng mga kamatayan at ang barko ay napilitang dumaong upang makumpuni sa puwerto ng Montevideo sa Uruguay. Iniutos ng pamahalaan ng Uruguay na ibalik kaagad sa laot ang barkong pandigma, kung hindi ay kukumpiskahin ito. Kaya waring napipinto ang isang mahigpit at di-patas na labanan.

Nang mabalitaan ito, isang grupo ng mayayamang negosyante sa Estados Unidos ang umarkila ng isang eroplano, sa halagang humigit-kumulang $2,500 bawat pasahero, upang lumipad patungong Uruguay para masaksihan ang madugong labanan. Laking kabiguan nila, sapagkat hindi naganap ang engkuwentro. Iniutos ni Adolf Hitler na palubugin ang Graf Spee. Ang libu-libong mánonoód na dumagsa sa daungan sa pag-asang masaksihan ang tanawin ng isang mahigpit na pagbabaka sa dagat, ang sa halip ay nakakita at nakarinig sa nakabibinging pagsabog na siyang nagpabulusok sa Graf Spee, anupat pinalubog ng sariling tripulante nito. Nagpatiwakal ang kapitan sa pamamagitan ng pagbaril sa kaniyang ulo.

Sa kabila ng bahagyang pagkahilig ng maraming tao sa nakasisindak na mga bagay, karamihan ay sasang-ayon na mas gusto nila ang mabuting balita kaysa sa masamang balita. Hindi ba ganiyan ang nadarama mo? Bakit, kung gayon, nag-uulat ang kasaysayan ng napakaraming masamang balita at kakaunting mabuting balita? Mababago pa kaya ang situwasyon?

Sanhi ng Lahat ng Masamang Balita

Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa panahon na pulos mabubuting balita lamang ang nagaganap. Ang masamang balita ay isang bagay na di-kilala, di-naririnig. Nang makumpleto ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga gawang paglalang, ang planetang Lupa ay handa na upang tamasahin ng tao at ng mga hayop. Ganito ang sinasabi sa atin ng ulat sa Genesis: “Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.”​—Genesis 1:31.

Ang kawalan ng masamang balita ay hindi nagtagal pagkatapos likhain ang tao. Bago magkasupling sina Adan at Eva, naiulat na ang masamang balita tungkol sa rebelyon laban sa Diyos at sa kaniyang pansansinukob na kaayusan ng kabutihan. Isang mataas-ang-ranggong espiritung anak ang naging traydor sa ipinagkatiwala sa kaniyang posisyon at nagtagumpay na pakilusin ang unang mag-asawang tao na makisali sa kaniya sa mapaghimagsik, taksil na landasin.​—Genesis 3:1-6.

Nagsimula nang panahong iyon ang napakaraming masamang balita na nasaksihan ng sangkatauhan. Hindi nakapagtataka na ang intriga, panlilinlang, kasinungalingan, kabulaanan, at di-pagsasabi ng buong katotohanan ay prominenteng-prominente sa masasamang balita na bumaha sa sanlibutan sapol noon. Tuwirang ibinunton ni Jesu-Kristo ang pananagutan kay Satanas na Diyablo bilang ang pinagmulan ng masamang balita, anupat sinabi sa mga relihiyosong lider noong Kaniyang kaarawan: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magpasimula, at siya ay hindi tumayong matatag sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling disposisyon, sapagkat siya ay isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44.

Habang lumalaki ang populasyon ng tao, kasabay nitong dumarami ang masamang balita. Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na wala nang panahon ng kagalakan at kaligayahan, sapagkat napakaraming bagay sa buhay ang sanhi ng kagalakan. Subalit, ang mga ulap ng suliranin at kalungkutan ay kitang-kita sa bawat salinlahi ng tao magpahanggang sa ngayon.

Mayroon pang isang saligang dahilan sa nakahahapis na kalagayang ito. Iyan ay ang ating minanang hilig sa paggawa ng masama at sa kapahamakan. Itinuro ni Jehova mismo ang di-maiiwasang sanhing ito ng masamang balita sa pagsasabi: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama buhat pa sa kaniyang pagkabata.”​—Genesis 8:21.

Bakit Dumarami ang Masamang Balita?

Gayunman, may isang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagdami ng masamang balita sa ika-20 siglong ito. Ang dahilan ay maliwanag na ipinahahayag sa Bibliya, na humula na ang sangkatauhan sa ika-20 siglo ay papasok sa isang naiibang yugto ng panahon na kilala bilang ang “mga huling araw” o “ang panahon ng kawakasan.” (2 Timoteo 3:1; Daniel 12:4) Ipinakikilala ng hula sa Bibliya at ng Biblikal na kronolohiya ang “katapusang yugto” na ito, na nagsimula noong 1914. Para sa detalyado at maka-Kasulatang patotoo nito, pakisuyong tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Ang mga huling araw ay magsisimula sa isang pangyayari na tiyak na magiging dahilan ng pagdami ng masamang balita sa lupa. Ano iyon? Iyon ay ang pagbubulid kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang hukbo ng mga demonyo mula sa langit. Mababasa mo ang malinaw na paglalarawang ito ng di-maiiwasang pagdami ng masamang balita sa Apocalipsis 12:9, 12: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. . . . ‘Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.’ ”

Kaya sa anumang panahon na natitira pa hanggang sa matapos ang mga huling araw, maaasahan natin na ang masamang balita ay magpapatuloy, darami at lalo pang titindi.

Hindi Magiging Laging Gayon

Nakatutuwa naman para sa mga naninirahan sa lupa, hindi laging iiral ang miserableng mga kalagayan na nagbubunga ng epidemya ngayon ng masamang balita. Sa katunayan, masasabi natin nang may pagtitiwala na ang mga araw ng patuloy na masasamang balita ay biláng na. May pag-asa pa ang kalagayan, sa kabila ng mga nangyayari. Napakalapit na ang wakas ng lahat ng masamang balita at ito’y walang pagsalang darating sa panahong itinakda ng Diyos.

Matitiyak natin ito sapagkat ang mga huling araw ay inihulang aabot sa kasukdulan o matatapos sa pamamagitan ng pagpuksa at pag-aalis ng Diyos sa lahat ng sanhi ng masamang balita. Papalisin niya ang balakyot na mga taong nagsusulsol ng mga alitan na tumatangging magbago at tumalikod mula sa kanilang maling landasin. Ito ay aabot sa kasukdulan sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na karaniwang kilala bilang ang digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Karaka-raka pagkatapos nito, si Satanas na Diyablo at ang kaniyang pulutong ng mga demonyo ay aalisan ng kapangyarihan anupat sila’y wala nang anumang magagawa. Inilalarawan ng Apocalipsis 20:1-3 ang paggapos kay Satanas, ang pinagmumulan ng lahat ng masamang balita: “Nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.”

Kasunod ng madulang mga pangyayaring ito, darating ang isang panahon ng wala pang katulad na mabuting balita para sa lupa at sa mga naninirahan dito. Kasali sa mga naninirahang ito ang milyun-milyong nakaligtas sa pangwakas na digmaan ng Armagedon at ang bilyun-bilyong bubuhaying-muli buhat sa kanilang pagkakatulog sa kamatayan sa mga libingan. Ang pinakamabuting balitang ito ay inilarawan sa huling aklat ng Bibliya: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Mailalarawan mo ba sa iyong isip ang maligayang panahong iyan? Tunay ngang isang maluwalhating kinabukasan na doo’y wala nang masamang balita. Oo, lahat ng masamang balita ay magwawakas at hindi na muling maririnig pa. Kung magkagayon ay mangingibabaw ang mabuting balita, at lalaganap iyon magpakailanman.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share