Ano ang Kahulugan ng Pag-ibig sa Diyos?
MGA anim na libong taon na ang nakalipas, isinilang ang unang sanggol na tao. Pagkasilang sa kaniya, ganito ang sabi ng kaniyang ina, si Eva: “Nagluwal ako ng isang tao sa tulong ni Jehova.” (Genesis 4:1) Isinisiwalat ng kaniyang pangungusap na, bagaman nahatulan na ng kamatayan dahil sa kanilang rebelyon, batid pa rin ni Eva at ng kaniyang asawang si Adan ang tungkol sa pagka-Diyos ni Jehova. Nang maglaon ay nagluwal sila ng ikalawang anak. Ang mga batang lalaki ay pinanganlang Cain at Abel.
Habang lumalaki ang mga anak, tiyak na marami silang natutuhan tungkol sa pag-ibig ni Jehova sa pamamagitan lamang ng pagsusuri sa kaniyang mga nilalang. Nasiyahan sila sa magagandang kulay ng kalikasan at ng pagkasari-sari ng mga hayop at halaman. Hindi lamang sila pinagkalooban ng Diyos ng buhay kundi binigyan din niya sila ng kakayahang masiyahan sa buhay.
Natutuhan nila na ang kanilang mga magulang ay nilalang na sakdal at na ang orihinal na layunin ni Jehova ay ang mabuhay ang mga tao magpakailanman. Malamang na inilarawan sa kanila nina Adan at Eva ang magandang hardin ng Eden, at sa paano man ay ipinaliwanag nila kung bakit sila pinalayas sa gayong malaparaisong tahanan. Maaaring nabatid din nina Cain at Abel ang banal na hula na nakaulat sa Genesis 3:15. Sa hulang iyan ay ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na ituwid ang mga bagay-bagay sa takdang panahon ukol sa kapakinabangan niyaong mga umiibig sa kaniya at napatutunayang matapat sa kaniya.
Ang pagkatuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga katangian ay tiyak na pumukaw kina Cain at Abel ng hangaring makamtan ang pabor ng Diyos. Kaya lumapit sila kay Jehova sa pamamagitan ng paghahandog sa kaniya. Sinasabi ng ulat sa Bibliya: “Nangyari pagkalipas ng ilang panahon na si Cain ay nagsimulang magdala ng mga bunga ng lupa bilang handog kay Jehova. Ngunit kung para kay Abel, siya man ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan, maging ang matatabang piraso ng mga ito.”—Genesis 4:3, 4.
Ang kanilang pagnanais ng pabor ng Diyos ay nagtatag ng saligan para sa isang kaugnayan sa kaniya. Si Cain ay humantong sa pagrerebelde sa Diyos, samantalang si Abel ay patuloy na naudyukan ng taimtim na pag-ibig sa Diyos. Hindi kailanman magkakaroon ng gayong kaugnayan si Abel sa Diyos kung hindi muna siya nagtamo ng kaalaman tungkol sa personalidad ni Jehova at sa kaniyang mga layunin.
Maaari mo rin namang makilala si Jehova. Halimbawa, matututuhan mo sa Bibliya na ang Diyos ay isang tunay na persona, hindi basta isang walang-buhay na puwersang nagkataon lamang na lumalalang ng mga bagay. (Ihambing ang Juan 7:28; Hebreo 9:24; Apocalipsis 4:11.) Itinuturo rin ng Bibliya na si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”—Exodo 34:6.
“Ang Sumunod Ay Lalong Mabuti Kaysa sa Hain”
Gaya ng inilarawan sa ulat tungkol kina Cain at Abel, hindi sapat ang pagkakaroon ng kaalaman sa Diyos at ang pagnanais sa isang malapit na kaugnayan sa kaniya. Totoo, ang magkapatid ay lumapit sa Diyos taglay ang mga handog. Gayunman, “samantalang si Jehova ay tumingin nang may pabor kay Abel at sa kaniyang handog, hindi siya tumingin nang may anumang pabor kay Cain at sa kaniyang handog. At si Cain ay nag-init sa matinding galit, at ang kaniyang pagmumukha ay nagsimulang sumamâ.”—Genesis 4:3-5.
Bakit tinanggihan ni Jehova ang hain ni Cain? Mayroon bang anumang depekto sa kalidad ng kaniyang handog? Nagalit ba si Jehova dahil naghandog si Cain ng “mga bunga ng lupa” sa halip na maghain ng isang hayop? Hindi naman gayon. Nang maglaon, malugod na tinanggap ng Diyos ang mga handog na butil at iba pang bunga ng lupa mula sa marami sa kaniyang mga mananamba. (Levitico 2:1-16) Maliwanag, kung gayon, na may depekto sa puso ni Cain. Nabasa ni Jehova ang puso ni Cain at binabalaan siya: “Bakit ka nag-init sa galit at bakit sumamâ ang iyong pagmumukha? Kung babaling ka sa paggawa ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka babaling sa paggawa ng mabuti, nariyan ang kasalanan na yumuyukyok sa pasukan, at ito ay naghahangad sa iyo.”—Genesis 4:6, 7.
Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan ng higit pa kaysa sa paghahandog lamang ng mga hain. Iyan ang dahilan kung kaya hinimok ni Jehova si Cain na “bumaling sa paggawa ng mabuti.” Ibig ng Diyos ng pagsunod. Ang gayong pagsunod sa Diyos ay nakatulong sana kay Cain na maglatag ng mabuting saligan para sa isang maibiging kaugnayan sa Maylalang. Idiniriin ng Bibliya ang halaga ng pagsunod sa mga salitang ito: “Mayroon bang malaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinunog at mga hain gaya sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang sumunod ay lalong mabuti kaysa sa hain, ang magbigay-pansin kaysa sa taba ng barakong tupa.”—1 Samuel 15:22.
Ang ideang ito ay mainam na ipinahayag nang dakong huli sa mga salita sa 1 Juan 5:3: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.” Wala nang mas mabuti pang paraan upang ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova kaysa sa pagpapasakop ng ating sarili sa kaniyang awtoridad. Nangangahulugan ito ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa moral. (1 Corinto 6:9, 10) Nangangahulugan ito ng pag-ibig sa mabuti at pagkapoot sa masama.—Awit 97:10; 101:3; Kawikaan 8:13.
Ang isang mahalagang kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos ay ang ating pag-ibig sa kapuwa. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.”—1 Juan 4:20.
Posibleng Maging Malapít sa Diyos
Maaaring sabihin ng ilan, ‘Sinasamba ko si Jehova. Sinusunod ko ang kaniyang mga kautusan. Makatarungan ang pakikitungo ko sa aking kapuwa. Ginagawa ko ang lahat ng iyan. Gayunpaman, hindi ko nadaramang talagang malapít ako sa Diyos. Wala akong masidhing pag-ibig sa kaniya, at dahil dito ay nakadarama ako ng pagkakasala.’ Ang ilan ay nag-aakala na hindi sila karapat-dapat na magkaroon ng gayong katalik na kaugnayan kay Jehova.
Pagkatapos ng halos 37 taon ng nakaalay na paglilingkuran kay Jehova, ganito ang isinulat ng isang Kristiyano: “Madalas sa aking buhay na parang wala sa loob ko ang paglilingkuran kay Jehova, na baka iyon ay hindi nagmumula sa aking puso. Pero alam ko na ang paglilingkod kay Jehova ang siyang dapat gawin, at hindi ko papayagan ang aking sarili na huminto sa paggawa nito. Gayunman, tuwing makababasa ako tungkol sa isang tao na nagsasabing ang kaniyang ‘puso ay nag-uumapaw sa pag-ibig kay Jehova,’ naiisip ko, ‘Anong problema ko, yamang hindi ako nakadama nang gayon kailanman?’ ” Paano tayo magiging malapít sa Diyos?
Kapag talagang iniibig mo ang isang tao, malimit mong iniisip ang taong iyon. Matindi ang pagnanais mong mapalapit sa kaniya dahil nagmamalasakit ka sa kaniya. Habang madalas mo siyang nakikita, nakakausap, at naiisip, lalong lumalaki ang pag-ibig mo sa kaniya. Kumakapit din ang simulaing ito sa paglinang mo ng pag-ibig sa Diyos.
Sa Awit 77:12, sinabi ng kinasihang manunulat: “Tiyak na bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong aktibidad, at magbubuhos ako ng pansin sa iyong mga pakikitungo.” Ang pagbubulay-bulay ay mahalaga sa paglinang ng pag-ibig sa Diyos. Lalo itong totoo dahil sa bagay na siya ay di-nakikita. Ngunit habang madalas mo siyang iniisip, lalo siyang nagiging totoo sa iyo. Dahil dito ay saka mo lamang madarama ang taos-puso at mapagmahal na kaugnayan sa kaniya—sapagkat totoo siya para sa iyo.
Ang iyong hilig na magbulay-bulay nang madalas tungkol sa mga daan at pakikitungo ni Jehova ay depende sa kung gaano ka kadalas na nakikinig sa kaniya. Nakikinig ka sa pamamagitan ng regular na pagbabasa at pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Bumanggit ang salmista tungkol sa isang maligayang tao bilang ang isa na ang “kaluguran ay nasa kautusan ni Jehova, at ang kaniyang kautusan ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.”—Awit 1:1, 2.
Ang isa pang mahalagang salik ay ang panalangin. Iyan ang dahilan kung kaya paulit-ulit tayong pinapayuhan ng Bibliya na manalangin—“sa bawat pagkakataon,” anupat ‘nag-uukol ng panahon sa pananalangin,’ ‘nagmamatiyaga sa pananalangin,’ at ‘nananalangin nang walang lubay.’ (Efeso 6:18; 1 Corinto 7:5; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Mapapamahal tayo kay Jehova dahil sa ating walang-lubay na pananalangin sa kaniya, at mapapalapit tayo sa kaniya dahil sa katiyakan na nakikinig siya. Ito ay pinatunayan ng salmista, nang sabihin niya: “Umiibig ako, sapagkat dinirinig ni Jehova ang aking tinig, ang aking mga pamamanhik. Sapagkat kaniyang ikiniling ang kaniyang tainga sa akin, sa lahat ng aking mga araw ay tatawag ako.”—Awit 116:1, 2.
Tinutularan ang Diyos ng Pag-ibig
Si Jehova ay mabuti sa atin. Bilang ang Maylalang ng sansinukob, tiyak na marami siyang kailangang isaalang-alang at asikasuhin. Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na bagaman siya’y napakaringal, nagmamalasakit pa rin siya sa mga taong kaniyang nilalang. Iniibig niya tayo. (1 Pedro 5:6, 7) Pinatunayan ito ng salmista sa kaniyang mga salita: “O Jehova ang aming Panginoon, napakaringal ng iyong pangalan sa buong lupa, ikaw na ang dignidad ay isinasalaysay sa itaas ng mga langit! Kapag nakikita ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iyong iniingatan siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat inaalagaan mo siya?”—Awit 8:1, 3, 4.
Paano iniingatan ni Jehova sa isipan ang taong mortal? Sumasagot ang Bibliya: “Sa ganito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa ating kalagayan, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi na siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.”—1 Juan 4:9, 10.
Paanong ang pampalubag-loob na haing ito ang siyang pinakadakilang katunayan ng pag-ibig ng Diyos? Tingnan natin ang nangyari sa halamanan ng Eden. Sina Adan at Eva ay napaharap sa pagpapasiya na magpasakop sa kautusan ni Jehova taglay ang pag-asa ng sakdal na buhay magpakailanman o magrebelde laban kay Jehova na magbubunga naman ng kamatayan. Pinili nilang magrebelde. (Genesis 3:1-6) Sa paggawa nito ay hinatulan nila ng kamatayan ang buong sangkatauhan. (Roma 5:12) May kapangahasang ninakawan nila tayo ng pagkakataong magpasiya para sa ating sarili. Walang sinuman sa atin ang nagkaroon ng pagkakataong magpasiya sa bagay na ito.
Gayunman, maibiging iningatan ni Jehova sa isipan ang taong mortal, anupat kinikilala ang kaniyang suliranin. Sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ng Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, naglaan si Jehova ng legal na saligan upang ang bawat isa sa atin ay makapili para sa kaniyang sarili ng buhay o kamatayan, ng pagsunod o ng pagrerebelde. (Juan 3:16) Iyon ay para bang pinagkalooban tayo ni Jehova ng isang araw sa hukuman—ng pagkakataong makabalik sa Eden, wika nga, at gumawa ng ating sariling pasiya. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig kailanman.
Isip-isipin ang kirot na tiniis ni Jehova habang nakikita niyang iniinsulto, pinahihirapan, at ipinapakong tulad sa isang kriminal ang kaniyang panganay. At tiniis iyan ng Diyos alang-alang sa atin. Ang ating kabatiran sa pagkukusa ni Jehova na unang umibig sa atin ay dapat namang gumanyak sa atin na ibigin siya at pumukaw sa atin na hanapin siya. (Santiago 1:17; 1 Juan 4:19) Inaanyayahan tayo ng Bibliya na “hanapin si Jehova at ang kaniyang lakas. Palaging hanapin ang kaniyang mukha. Alalahanin ang kaniyang kamangha-manghang mga gawa na kaniyang isinagawa, ang kaniyang mga himala at ang hudisyal na mga pasiya ng kaniyang bibig.”—Awit 105:4, 5.
Ang personal na pagmamahal at isang maibiging kaugnayan sa Diyos, anupat maging kaniyang kaibigan, ay makatotohanan. Posible iyon. Totoo, ang ating pag-ibig sa Diyos ay hindi natin maaaring ipantay sa kaugnayan sa mga tao. Ang pag-ibig na nadarama natin sa ating kabiyak, mga magulang, kapatid, anak, o mga kaibigan ay naiiba sa pag-ibig natin sa Diyos. (Mateo 10:37; 19:29) Sa pag-ibig kay Jehova ay nasasangkot ang ating debosyon, pagsamba, at ang walang-pasubaling pag-aalay sa kaniya. (Deuteronomio 4:24) Wala nang iba pang kaugnayan ang nagsasangkot sa gayong mga bagay. Gayunpaman, maaari nating taglayin ang matibay at matinding damdamin sa Diyos sa isang mapitagang paraan, nang may pagkatakot.—Awit 89:7.
Bagaman di-sakdal, taglay mo ang kakayahan tulad nina Cain at Abel na ibigin ang iyong Maylalang. Pinili ni Cain na sumama kay Satanas, at naging ang unang taong mámamasláng. (1 Juan 3:12) Sa kabaligtaran, si Abel ay aalalahanin ni Jehova bilang isang taong may pananampalataya at matuwid at gagantimpalaan ng buhay sa darating na Paraiso.—Hebreo 11:4.
Mayroon ka rin namang mapagpipilian. Sa tulong ng espiritu ng Diyos at ng kaniyang Salita, tunay na magagawa mong ibigin ang Diyos “nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang iyong buong matinding puwersa.” (Deuteronomio 6:5) Patuloy ka namang iibigin ni Jehova, sapagkat siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
[Larawan sa pahina 7]
Ang hain ni Abel ay kaayaaya sa Diyos