Pagpapala o Maldisyon—May Mapagpipilian!
“Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang maldisyon; at dapat mong piliin ang buhay upang ikaw ay manatiling buháy.”—DEUTERONOMIO 30:19.
1. Ang mga tao ay pinagkalooban ng anong kakayahan?
TAYO—ang matatalinong taong nilalang ng Diyos na Jehova—ay kaniyang dinisenyo na may malayang kalooban. Hindi tayo nilalang na parang mga makina, o mga robot, kundi binigyan ng pribilehiyo at pananagutan na magpasiya. (Awit 100:3) Ang mga unang tao—sina Adan at Eva—ay malayang pumili ng kanilang landasin ng pagkilos, at mananagot sila sa Diyos sa kanilang pinili.
2. Ano ang pinili ni Adan, at ano ang resulta?
2 Saganang naglaan ang Maylalang ng walang-hanggang pagpapala para sa buhay ng tao sa paraisong lupa. Bakit hindi natupad ang layuning iyan? Sapagkat mali ang pinili ni Adan. Ibinigay ni Jehova ang utos na ito sa tao: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka nang may kasiyahan. Ngunit mula sa punungkahoy ng kaalaman sa mabuti at masama ay hindi ka dapat kumain, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Kung pinili sana ni Adan na sumunod, pinagpala sana ang ating unang mga magulang. Ang pagsuway ay nagbunga ng kamatayan. (Genesis 3:6, 18, 19) Kaya naipamana sa lahat ng supling ni Adan ang kasalanan at kamatayan.—Roma 5:12.
Ginawang Posible ang mga Pagpapala
3. Paano naglaan ang Diyos ng katiyakan na matutupad ang kaniyang layunin sa sangkatauhan?
3 Gumawa ang Diyos na Jehova ng paraan upang sa kalaunan ay matupad ang kaniyang layunin na pagpapalain ang sangkatauhan. Siya mismo ay patiunang nagsabi tungkol sa isang Binhi, anupat humula sa Eden: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Susugatan ka niya sa ulo at susugatan mo siya sa sakong.” (Genesis 3:15) Nang maglaon ay nangako ang Diyos na ang mga pagpapala ay darating sa masunuring sangkatauhan sa pamamagitan ng Binhing ito, isang inapo ni Abraham.—Genesis 22:15-18.
4. Anong kaayusan ang ginawa ni Jehova ukol sa pagpapala ng sangkatauhan?
4 Ang ipinangakong Binhing iyan ng pagpapala ay napatunayang si Jesu-Kristo. Hinggil sa papel ni Jesus sa kaayusan ni Jehova ukol sa pagpapala ng sangkatauhan, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Pagpapala ang tatamasahin niyaong mga kabilang sa makasalanang sangkatauhan na sumusunod sa Diyos at nagkakapit sa kanilang sarili ng bisa ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Gawa 4:12) Pipiliin mo ba ang pagsunod at mga pagpapala? Ibang-iba naman ang ibubunga ng pagsuway.
Ano Naman ang Tungkol sa mga Maldisyon?
5. Ano ang kahulugan ng salitang “maldisyon”?
5 Ang kabaligtaran ng pagpapala ay ang maldisyon. Ang salitang “maldisyon” ay nangangahulugan na magsalita ng nakapipinsala tungkol sa isang tao o magpahayag ng masama laban sa kaniya. Ang Hebreong salita na qela·lahʹ ay galing sa ugat na pandiwang qa·lalʹ, na ang literal na kahulugan ay “maging magaan.” Gayunman, kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ito’y nangangahulugan na ‘magpahayag na datnan ng masama’ o ‘makitungo nang may paghamak.’—Levitico 20:9; 2 Samuel 19:43.
6. Anong pangyayari hinggil kay Eliseo ang naganap malapit sa sinaunang Bethel?
6 Tingnan ang isang madulang halimbawa ng mabilis na pagkilos may kinalaman sa maldisyon. Nangyari ito habang naglalakad ang propeta ng Diyos na si Eliseo mula sa Jerico patungo sa Bethel. Ganito ang salaysay: “Habang siya’y humahayo sa daan, may mga munting batang lalaki na lumabas mula sa lunsod at nagsimulang kumutya at patuloy na nagsabi sa kaniya: ‘Humayo ka, ikaw na kalbo ang ulo! Humayo ka, ikaw na kalbo ang ulo!’ Sa wakas ay pumihit siya sa kaniyang likuran at nakita sila at nagpahayag na datnan sila ng masama sa pangalan ni Jehova. Nang magkagayon ay dalawang osong-babae ang lumabas mula sa kakahuyan at niluray-luray ang apatnapu’t dalawang bata mula sa kanilang bilang.” (2 Hari 2:23, 24) Hindi isiniwalat kung ano ang eksaktong sinabi ni Eliseo nang salitain niya ang maldisyong iyon sa pamamagitan ng pagpapahayag na datnan ng masama ang mapangutyang mga batang iyon. Gayunpaman, nagbunga ang binigkas na kapahayagang iyon dahil sinalita iyon sa pangalan ni Jehova ng isang propeta ng Diyos na kumikilos kasuwato ng banal na kalooban.
7. Ano ang nangyari sa mga batang kumutya kay Eliseo, at bakit?
7 Ang pangunahing dahilan sa pangungutya ay waring ang bagay na suot ni Eliseo ang kilalang opisyal na kasuutan ni Elias, at hindi nais ng mga bata na magkaroon ng sinumang kahalili ang propetang iyon. (2 Hari 2:13) Upang sagutin ang hamon sa kaniyang pagiging kahalili ni Elias at upang turuan ang mga kabataang ito at ang kanilang mga magulang ng wastong paggalang sa propeta ni Jehova, si Eliseo ay nagpahayag na datnan ng masama ang nangungutyang pangkat sa pangalan ng Diyos ni Elias. Ipinamalas ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon kay Eliseo bilang kaniyang propeta sa pamamagitan ng pagpapangyaring lumabas mula sa kakahuyan ang dalawang osong-babae at luray-lurayin ang 42 sa mga nanlilibak na iyon. Agad kumilos si Jehova dahil sa kanilang lantarang kawalang-galang sa alulod ng pakikipagtalastasan na ginagamit niya sa lupa nang panahong iyon.
8. Ano ang ipinangakong gagawin ng bayan ng Israel, at taglay ang anong pag-asa?
8 Mga taon bago nito, nagpakita ang mga Israelita ng gayunding kawalang-galang sa mga kaayusan ng Diyos. Ganito ang pangyayari: Noong 1513 B.C.E., si Jehova ay nagpakita ng pabor sa bayan ng Israel sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila buhat sa pagkaalipin sa Ehipto na para bang nasa “mga pakpak ng mga agila.” Di-natagalan pagkatapos, nangako silang susunod sa Diyos. Pansinin kung paanong ang pagsunod ay laging kaugnay sa pagtanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Moises: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at talagang iingatan ang aking tipan, kung magkagayon ay tunay ngang kayo’y magiging aking pantanging ari-arian mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay sa akin.” Pagkatapos, ang mga tao ay sumagot ng oo, anupat sinabi: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Exodo 19:4, 5, 8; 24:3) Inangkin ng mga Israelita na iniibig nila si Jehova, anupat nakaalay sa kaniya, at sumumpang susundin ang kaniyang tinig. Ang paggawa nito ay magbubunga ng dakilang pagpapala.
9, 10. Samantalang nasa Bundok Sinai si Moises, ano ang ginawa ng mga Israelita, at ano ang kinahinatnan?
9 Gayunman, bago iukit sa bato sa pamamagitan ng ‘daliri ng Diyos,’ ang mga saligang simulain ng kasunduang iyan, kinailangan ang mga banal na maldisyon. (Exodo 31:18) Bakit nararapat ang gayong kalunus-lunos na pangyayari? Hindi ba ipinahiwatig ng mga Israelita ang pagnanais na gawin ang lahat ng sinalita ni Jehova? Oo, sa salita ay hiniling nila ang mga pagpapala, ngunit sa kanilang pagkilos ay pinili nila ang isang landasin na karapat-dapat sa maldisyon.
10 Sa loob ng 40 araw na si Moises ay nasa Bundok Sinai habang tinatanggap ang Sampung Utos, sinira ng mga Israelita ang kanilang naunang pangako ng katapatan kay Jehova. “Samantala,” sabi ng ulat, “nakita ng mga tao na nagtatagal si Moises sa pagbaba buhat sa bundok. Kaya ang bayan ay nagtipun-tipon kay Aaron at nagsabi sa kaniya: ‘Tumindig ka, igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, sapagkat kung tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, tiyak na hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya.’ ” (Exodo 32:1) Ito ay isa pang halimbawa ng walang-galang na saloobin na ipinamalas sa ahenteng ginagamit noon ni Jehova upang akayin at patnubayan ang kaniyang bayan. Narahuyo ang mga Israelita sa pagtulad sa idolatriya ng mga Ehipsiyo at umani ng masaklap na bunga nang mga 3,000 sa kanila ang nasawi sa tabak sa isang araw.—Exodo 32:2-6, 25-29.
Kapahayagan ng mga Pagpapala at Maldisyon
11. Anong mga tagubilin hinggil sa mga pagpapala at maldisyon ang isinagawa ni Josue?
11 Sa pagtatapos ng 40-taóng pagtahak ng Israel sa ilang, itinala ni Moises ang mga pagpapala na aanihin ng pagpili ng isang landasin ng pagsunod sa Diyos. Inisa-isa rin niya ang mga maldisyon na mararanasan ng mga Israelita kung pipiliin nilang suwayin si Jehova. (Deuteronomio 27:11–28:10) Di-nagtagal pagkatapos na pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, isinagawa ni Josue ang mga tagubilin ni Moises hinggil sa mga pagpapala at maldisyong ito. Anim na tribo ng Israel ang tumayo sa paanan ng Bundok Ebal, at ang natitira pang anim ay pumuwesto sa harap ng Bundok Gerizim. Doon naman sa libis na nasa pagitan nito tumayo ang mga Levita. Lumilitaw, ang mga tribo na nakahimpil sa harap ng Bundok Ebal ang nagsabi ng “Amen!” sa mga maldisyon, o sumpa, na binasa sa direksiyong iyon. Ang iba ay tumugon sa mga pagpapala na binasa ng mga Levita sa kanilang direksiyon sa paanan ng Bundok Gerizim.—Josue 8:30-35.
12. Ano ang ilan sa mga maldisyon na ipinahayag ng mga Levita?
12 Gunigunihin na naririnig ninyo ang mga Levita habang nagsasabi: “Sumpain ang tao na gumagawa ng inukit na larawan o binubong estatuwa, isang bagay na kapoot-poot kay Jehova, ang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa kahoy at metal, at naglagay niyaon sa taguang dako. . . . Sumpain ang isa na nakikitungo nang may paghamak sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. . . . Sumpain ang isa na nag-uurong ng hangganang muhon ng kaniyang kapuwa. . . . Sumpain ang isa na nagpapangyaring maligaw ang bulag sa daan. . . . Sumpain ang isa na pumipilipit sa kahatulan ng naninirahang dayuhan, ng batang lalaking walang ama at ng babaing balo. . . . Sumpain ang isa na sumisiping sa asawa ng kaniyang ama, sapagkat inilantad niya ang saya ng kaniyang ama. . . . Sumpain ang isa na sumisiping sa anumang hayop. . . . Sumpain ang isa na sumisiping sa kaniyang kapatid na babae, ang anak na babae ng kaniyang ama o anak na babae ng kaniyang ina. . . . Sumpain ang isa na sumisiping sa kaniyang biyenang-babae. . . . Sumpain ang isa na nananakit nang ikamamatay ng kaniyang kapuwa mula sa isang taguang dako. . . . Sumpain ang isa na tumatanggap ng suhol upang saktan nang nakamamatay ang isang kaluluwa, kapag ito ay dugo ng inosente. . . . Sumpain ang isa na hindi magpapatupad ng mga salita ng kautusang ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga ito.” Pagkatapos ng bawat maldisyon, ang mga tribo sa harap ng Bundok ng Ebal ay nagsabi, “Amen!”—Deuteronomio 27:15-26.
13. Sa inyong sariling salita, paano ninyo sasabihin ang ilang pagpapala na ipinahayag ng mga Levita?
13 Ngayon naman ay gunigunihin na naririnig ninyong tumutugon nang bibigan yaong mga nasa harap ng Bundok Gerizim sa bawat pagpapala habang ibinubulalas ng mga Levita: “Pagpapalain ka sa lunsod, at pagpapalain ka sa parang. Pagpapalain ang bunga ng iyong tiyan at ang bunga ng iyong lupa at ang bunga ng iyong domestikong hayop, ang guya ng iyong baka at ang supling ng iyong kawan. Pagpapalain ang iyong basket at ang iyong masahan. Pagpapalain ka kapag pumapasok ka, at pagpapalain ka kapag lumalabas ka.”—Deuteronomio 28:3-6.
14. Ano ang batayan ng pagtanggap ng mga Israelita ng mga pagpapala?
14 Ano ang batayan sa pagtanggap ng mga pagpapalang ito? Sinasabi ng ulat: “Kung walang-pagsalang makikinig ka sa tinig ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa lahat ng kaniyang utos na iniuutos ko sa iyo ngayon, tiyak na ilalagay ka ni Jehova na iyong Diyos sa ibabaw ng lahat ng iba pang bansa sa lupa. At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at maaabutan ka, sapagkat patuloy kang nakinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos.” (Deuteronomio 28:1, 2) Oo, ang susi sa pagtatamasa ng mga banal na pagpapalang ito ay ang pagsunod sa Diyos. Subalit kumusta naman tayo sa ngayon? Pipiliin kaya ng bawat isa sa atin ang mga pagpapala at buhay sa pamamagitan ng patuloy na ‘pakikinig sa tinig ni Jehova’?—Deuteronomio 30:19, 20.
Isang Masusing Pagsusuri
15. Ano ang ipinakikitang punto sa mga pagpapala na nakaulat sa Deuteronomio 28:3, at paano tayo makikinabang dito?
15 Bulay-bulayin natin ang ilang pagpapala na maaaring tamasahin ng isang Israelita dahil sa pagsunod kay Jehova. Halimbawa, sinasabi sa Deuteronomio 28:3: “Pagpapalain ka sa lunsod, at pagpapalain ka sa parang.” Ang pagiging pinagpala ng Diyos ay hindi nakasalalay sa lokasyon o atas. Maaaring nadarama ng ilan na sila’y nahahadlangan ng kanilang kalagayan, marahil dahil sa sila’y naninirahan sa isang naghihikahos na lugar o sa isang bansang sinalanta ng digmaan. Ang iba ay maaaring nagnanais na maglingkod kay Jehova sa ibang lugar. May ilang Kristiyano na maaaring nasisiraan ng loob dahil sa hindi sila nahihirang na maging ministeryal na lingkod o matanda sa kongregasyon. Kung minsan, nanghihina ang loob ng mga Kristiyanong babae dahil wala sila sa kalagayan na makibahagi sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir o misyonera. Gayunman, lahat ng ‘nakikinig sa tinig ni Jehova at maingat na gumagawa ng lahat niyang kahilingan’ ay pagpapalain ngayon at magpakailanman.
16. Paano nararanasan ngayon ng organisasyon ni Jehova ang simulain sa Deuteronomio 28:4?
16 Sinasabi ng Deuteronomio 28:4: “Pagpapalain ang bunga ng iyong tiyan at ang bunga ng iyong lupa at ang bunga ng iyong domestikong hayop, at ang guya ng iyong baka at ang supling ng iyong kawan.” Ang paggamit sa pang-isahang Hebreong panghalip na isinaling “iyo” ay nagpapahiwatig na ito ay personal na mararanasan ng isang masunuring Israelita. Kumusta naman ang mga masunuring lingkod ni Jehova sa ngayon? Ang pambuong-daigdig na pagsulong at paglawak na nagaganap sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay bunga ng pagpapala ng Diyos sa taimtim na pagsisikap ng mahigit sa 5,000,000 tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 13:10) At ang potensiyal para sa higit pang pagsulong ay kitang-kita dahil sa mahigit na 13,000,000 ang dumalo sa 1995 na pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Nagtatamasa ba kayo ng mga pagpapala ng Kaharian?
Napakahalaga ang Ginawang Pagpili ng Israel
17. Sa ano nakasalalay ang pagiging ‘naabutan’ ng mga pagpapala o ng mga maldisyon?
17 Sa diwa, susunod ang mga pagpapala sa isang masunuring Israelita. Ipinangako: “Lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at maaabutan ka.” (Deuteronomio 28:2) Gayundin naman, ganito ang sabi tungkol sa mga maldisyon: “Lahat ng maldisyong ito ay darating din sa iyo at maaabutan ka.” (Deuteronomio 28:15) Kung naging isa kang Israelita noong sinaunang panahon, ‘naabutan’ ka kaya ng mga pagpapala o ng mga maldisyon? Iyan ay depende kung sinunod mo ang Diyos o sinuway mo siya.
18. Paano sana naiwasan ng mga Israelita ang mga maldisyon?
18 Sa Deuteronomio 28:15-68, iniharap bilang mga maldisyon ang masaklap na kahihinatnan ng pagsuway. Ang ilan ay eksaktong kabaligtaran ng mga pagpapala dahil sa pagsunod na inisa-isa sa Deuteronomio 28:3-14. Malimit, inani ng bayang Israel ang matinding resulta ng mga maldisyon dahil pinili nilang magsagawa ng huwad na pagsamba. (Ezra 9:7; Jeremias 6:6-8; 44:2-6) Kalunus-lunos ngang resulta! Ang gayong kinalabasan ay naiwasan sana sa pamamagitan ng pagpili ng tama, iyon ay ang pagsunod sa kapaki-pakinabang na mga kautusan at simulain ni Jehova, na malinaw na nagpapakita ng mabuti at ng masama. Marami sa ngayon ang dumaranas ng kirot at trahedya dahil sa pinili nilang sumalungat sa mga simulain ng Bibliya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng huwad na relihiyon, pagkasangkot sa seksuwal na imoralidad, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pagpapakalabis sa alak, at sa katulad na mga bagay. Gaya sa sinaunang Israel at Juda, ang gayong maling pagpili ay nagbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos at ng di-kinakailangang kirot ng damdamin.—Isaias 65:12-14.
19. Ilarawan ang mga kalagayang tinamasa nang pinili ng Juda at Israel na sundin si Jehova.
19 Sagana ang mga pagpapala at namamayani lamang ang katahimikan kapag sinusunod ng Israel si Jehova. Halimbawa, hinggil sa mga kaarawan ni Haring Solomon, mababasa natin: “Ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat para sa karamihan, anupat kumakain at umiinom at nagsasaya. . . . At ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahan sa katiwasayan, bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong-ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling punong igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng kaarawan ni Solomon.” (1 Hari 4:20-25) Maging noong panahon ni Haring David, na lipos ng matinding pagsalansang mula sa mga kaaway ng Diyos, ang bansa ay nakadama ng pag-alalay at pagpapala ni Jehova kapag pinipili nilang sundin ang Diyos ng katotohanan.—2 Samuel 7:28, 29; 8:1-15.
20. Sa ano may tiwala ang Diyos tungkol sa mga tao?
20 Susundin mo ba ang Diyos, o susuwayin mo siya? May pagpipilian ang mga Israelita. Bagaman minana nating lahat ang makasalanang hilig mula kay Adan, tinanggap din natin ang kaloob na malayang pagpili. Sa kabila ni Satanas, ng balakyot na sanlibutang ito, at ng ating di-kasakdalan, maaari nating piliin ang tama. Isa pa, may tiwala ang ating Maylalang na sa harap ng bawat pagsubok at tukso, mayroong pipili ng tama, hindi lamang sa salita kundi gayundin sa gawa. (1 Pedro 5:8-10) Makakabilang ka kaya sa kanila?
21. Ano ang susuriin sa susunod na artikulo?
21 Sa susunod na artikulo, masusuri natin ang ating saloobin at pagkilos sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga nakaraang halimbawa. Harinawang bawat isa sa atin ay tumugon nang may pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ni Moises: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang maldisyon; at dapat mong piliin ang buhay upang ikaw ay manatiling buháy.”—Deuteronomio 30:19.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano ginawang posible ni Jehova ang mga pagpapala ukol sa makasalanang mga tao?
◻ Ano ang mga maldisyon?
◻ Paano sana natamo ng mga Israelita ang mga pagpapala sa halip na ang mga maldisyon?
◻ Anong mga pagpapala ang tinamasa ng Israel dahil sa pagsunod sa Diyos?
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga Israelita ay nagtipon sa harap ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.