Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 6/15 p. 17-22
  • Pagpapala o Maldisyon—Mga Halimbawa Para sa Atin Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapala o Maldisyon—Mga Halimbawa Para sa Atin Ngayon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Babala Laban sa Idolatriya
  • Babala Laban sa Pakikiapid
  • Babala Laban sa Rebelyosong Pagrereklamo
  • Babala Laban sa Pagbubulung-bulungan
  • Matuto, at Tamasahin ang mga Pagpapala
  • Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • ‘Magpatuloy Nang Walang mga Bulung-bulungan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Pagtupad sa Ating Pag-aalay sa “Araw-Araw”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Pagpapala o Maldisyon—May Mapagpipilian!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 6/15 p. 17-22

Pagpapala o Maldisyon​—Mga Halimbawa Para sa Atin Ngayon

“Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa,at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”​—1 CORINTO 10:11.

1. Kung paanong sinusuri ng isa ang isang kasangkapan, anong pagsusuri ang dapat nating gawin?

PALIBHASA’Y natatakpan ng pintura, ang kalawang ay maaaring sumira sa isang kasangkapang yari sa bakal. Maaaring lumipas pa ang panahon bago makita ang kalawang sa ibabaw. Gayundin naman, ang saloobin at hangarin ng puso ng isa ay maaaring magsimulang sumamâ matagal bago pa ito humantong sa malubhang resulta o mapansin pa nga ng iba. Kung paanong may katalinuhang susuriin natin ang isang kasangkapan upang makita kung ito ay kinakalawang na, gayundin ang isang masusing pagsusuri ng ating puso at napapanahong pangangalaga ay maaaring mag-ingat ng ating Kristiyanong integridad. Sa ibang pananalita, makakamtan natin ang mga pagpapala ng Diyos at maiiwasan ang banal na mga maldisyon. Maaaring isipin ng ilan na ang mga pagpapala at maldisyon na ipinahayag sa sinaunang Israel ay walang gaanong kahulugan para sa mga nakaharap sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. (Josue 8:34, 35; Mateo 13:49, 50; 24:3) Subalit, hindi naman gayon. Makikinabang tayo nang malaki mula sa mga babalang halimbawa may kinalaman sa Israel, gaya ng binabanggit sa 1 Corinto kabanata 10.

2. Ano ang sinasabi ng 1 Corinto 10:5, 6 tungkol sa mga karanasan ng mga Israelita sa ilang?

2 Ang mga Israelita sa ilalim ni Moises ay inihambing ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa ilalim ni Kristo. (1 Corinto 10:1-4) Bagaman nakapasok sana sa Lupang Pangako ang bayang Israel, “sa karamihan sa kanila ay hindi nagpahayag ang Diyos ng kaniyang pagsang-ayon, sapagkat nabuwal sila sa ilang.” Kaya naman masasabi ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Ngayon ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong maging mga taong nagnanasa ng mga nakapipinsalang bagay, kung paanong ninasa nila ang mga iyon.” (1 Corinto 10:5, 6) Ang mga nasa ay pinagyayaman sa puso, kaya kailangang pakinggan natin ang mga babalang halimbawa na binanggit ni Pablo.

Babala Laban sa Idolatriya

3. Paano nagkasala ang mga Israelita may kinalaman sa ginintuang guya?

3 Ang unang babala ni Pablo ay: “Ni maging mga mananamba sa idolo, na gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: ‘Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumindig sila upang magpakasaya.’ ” (1 Corinto 10:7) Ang babalang halimbawang ito ay yaong pagbabalik ng mga Israelita sa mga daan ng Ehipto at paggawa ng ginintuang imahen ng guya. (Exodo, kabanata 32) Ipinakita ng alagad na si Esteban ang pangunahing suliranin: “Sa [kinatawan ng Diyos, si Moises] ay tumangging maging masunurin ang ating mga ninuno, kundi kanilang tinabig siya at sa kanilang mga puso ay nagbalik sila sa Ehipto, na sinasabi kay Aaron, ‘Gumawa ka ng mga diyos para sa amin upang mauna sa amin. Sapagkat ang Moises na ito, na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano ang nangyari sa kaniya.’ Nang magkagayon ay gumawa sila ng isang guya nang mga araw na iyon at nagdala ng hain sa idolo at nagpasimulang magpakasaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.” (Gawa 7:39-41) Pansinin na “sa kanilang puso” ay nagtanim ng maling hangarin ang mga suwail na Israelita na humantong sa idolatriya. “Gumawa sila ng isang guya . . . at nagdala ng hain sa idolo.” Bukod dito, sila’y “nagpasimulang magpakasaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.” May musika, awitan, sayawan, kainan, at inuman. Maliwanag, ang idolatriya ay nakaaakit at nakaaaliw.

4, 5. Anong idolatrosong gawain ang kailangan nating iwasan?

4 Ang antitipikong Ehipto​—ang sanlibutan ni Satanas​—sa katunayan ay sumasamba sa paglilibang. (1 Juan 5:19; Apocalipsis 11:8) Iniidolo nito ang mga artista, mang-aawit, at sikat na mga manlalaro, gayundin ang kanilang sayaw, ang kanilang musika, ang kanilang idea ng katuwaan at pagsasaya. Marami ang natuksong magbuhos ng kanilang sarili sa paglilibang samantalang nag-aangkin pa ring sumasamba kay Jehova. Kapag ang isang Kristiyano ay dapat na sawayin dahil sa pagkakasala, ang kaniyang huminang espirituwal na kalagayan ay malimit na matutunton sa pag-inom ng alak, pagsasayaw, at pagkakatuwaan sa ilang paraan na maaaring malapit-lapit na sa idolatriya. (Exodo 32:5, 6, 17, 18) Ang ilang libangan ay kapaki-pakinabang at kasiya-siya. Subalit, karamihan sa makasanlibutang musika, sayaw, pelikula, at mga video ngayon ay nagpapalugod sa masasamang nasa ng laman.

5 Hindi napadaraig ang mga tunay na Kristiyano sa pagsamba sa mga idolo. (2 Corinto 6:16; 1 Juan 5:21) Sana’y maging maingat ang bawat isa sa atin upang hindi magumon sa idolatrosong libangan at dumanas ng nakapipinsalang epekto ng pagkalulong sa makasanlibutang pagsasaya. Kung ilalantad natin ang ating sarili sa makasanlibutang mga impluwensiya, hindi halos mahahalata ang pagtataglay ng nakapipinsalang mga hangarin at saloobin sa isip at puso. Kapag hindi itinuwid, sa bandang huli ay magbubunga ito ng ‘pagkabuwal sa ilang’ ng sistema ni Satanas.

6. Anong positibong pagkilos ang maaaring kailanganin nating gawin tungkol sa paglilibang?

6 Tulad ni Moises noong pangyayari tungkol sa ginintuang guya, sa katunayan ay sinasabi ng “tapat at maingat na alipin”: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Lumapit sa akin!” Ang positibong pagkilos upang ipakita na tayo ay naninindigang matatag para sa tunay na pagsamba ay maaaring nakapagliligtas-buhay. Ang tribo ni Levi na kinabibilangan ni Moises ay agad kumilos upang itaboy ang nakasásamáng impluwensiya. (Mateo 24:45-47; Exodo 32:26-28) Kaya naman, maingat na suriin ang inyong pinipiling libangan, musika, video, at ang katulad nito. Kung iyon ay masama sa ilang paraan, manindigan kayo para kay Jehova. Sa may pananalanging pag-asa sa Diyos, baguhin ang inyong pinipiling libangan at musika, at sirain ang materyal na nakapipinsala sa espirituwal, gaya ng ginawang pagwasak ni Moises sa ginintuang guya.​—Exodo 32:20; Deuteronomio 9:21.

7. Paano natin maiingatan ang makasagisag na puso?

7 Paano natin mapipigil ang pagsamâ ng puso? Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos, anupat pinapangyayaring bumaon sa ating isip at puso ang mga katotohanan mula rito. (Roma 12:1, 2) Mangyari pa, dapat na palagian tayong dumadalo sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Ang pagdalo sa mga pulong nang hindi nagsisikap na makibahagi ay maihahalintulad sa pagpapahid ng pintura sa isang kinakalawang na bahagi. Maaaring pansamantala nitong mapasigla tayo, ngunit hindi nito nilulutas ang talagang suliranin. Sa halip, sa patiunang paghahanda, pagbubulay-bulay, at aktibong pakikibahagi sa mga pulong, masigasig nating maaalis ang nakasásamáng elemento na maaaring namamalagi sa mga sulok ng ating makasagisag na puso. Tutulong ito sa atin na mangunyapit sa Salita ng Diyos at palalakasin tayo upang mabata ang mga pagsubok sa pananampalataya at maging “malusog sa lahat ng bagay.”​—Santiago 1:3, 4; Kawikaan 15:28.

Babala Laban sa Pakikiapid

8-10. (a) Anong babalang halimbawa ang tinukoy sa 1 Corinto 10:8? (b) Paano kapaki-pakinabang na maikakapit ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 5:27, 28?

8 Sa sumunod na halimbawa ni Pablo, pinapayuhan tayo: “Ni huwag tayong mamihasa sa pakikiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.”a (1 Corinto 10:8) Tinutukoy ng apostol ang panahon nang yumukod ang mga Israelita sa mga huwad na diyos at nagkaroon ng “imoral na relasyon sa mga anak na babae ng Moab.” (Bilang 25:1-9) Ang seksuwal na imoralidad ay humahantong sa kamatayan! Ang hindi pagpigil sa imoral na mga kaisipan at nasa ay tulad ng pagpapahintulot na “kalawangin” ang puso. Sinabi ni Jesus: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Subalit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.”​—Mateo 5:27, 28.

9 Isang patotoo ng kahihinatnan ng ‘pagtingin upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa isang babae’ ay ang naging resulta ng mahalay na kaisipan ng masuwaying mga anghel bago ang Baha noong kaarawan ni Noe. (Genesis 6:1, 2) Alalahanin din na ang isa sa pinakamalungkot na mga pangyayari sa buhay ni Haring David ay bunga ng kaniyang patuloy na pagtingin nang di-nararapat sa isang babae. (2 Samuel 11:1-4) Sa kabaligtaran, ang matuwid at may-asawang si Job ay ‘nakipagtipan sa kaniyang mga mata na hindi niya ipamamalas ang sarili na atentibo sa isang birhen,’ sa gayo’y umiwas sa imoralidad at nagpatunay na isang tagapag-ingat ng katapatan. (Job 31:1-3, 6-11) Ang mga mata ay maaaring itulad sa mga bintana ng puso. At mula sa masamang puso ay lumalabas ang maraming balakyot na mga bagay.​—Marcos 7:20-23.

10 Kung ikakapit natin ang mga salita ni Jesus, hindi natin bibigyang-daan ang maling mga kaisipan sa pamamagitan ng panonood ng pornograpikong mga bagay o pagkakaroon ng imoral na kaisipan may kinalaman sa isang kapuwa Kristiyano, kasamahan sa trabaho, o sa sinuman. Ang kalawang ay hindi tinatanggal sa bakal sa pamamagitan lamang ng pag-iskoba sa bahaging kinakain ng kalawang. Samakatuwid, huwag ipagwalang-bahala ang imoral na mga idea at hilig na para bang ang mga ito ay walang kabuluhan. Gumawa ng tiyakang mga hakbang upang iwaksi ang inyong imoral na mga hilig. (Ihambing ang Mateo 5:29, 30.) Pinayuhan ni Pablo ang mga kapananampalataya: “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos.” Oo, dahil sa gayong mga bagay tulad ng seksuwal na imoralidad, “dumarating ang poot ng Diyos” bilang kapahayagan ng kaniyang maldisyon. Kaya kailangan nating “patayin” ang mga sangkap ng ating katawan may kinalaman sa mga bagay na ito.​—Colosas 3:5, 6.

Babala Laban sa Rebelyosong Pagrereklamo

11, 12. (a) Anong babala ang ibinigay sa 1 Corinto 10:9, at anong pangyayari ang tinukoy? (b) Paano tayo dapat na maapektuhan ng babala ni Pablo?

11 Sumunod ay nagbabala si Pablo: “Ni huwag nating ilagay sa pagsubok si Jehova, gaya ng ilan sa kanila na naglagay sa kaniya sa pagsubok, upang malipol lamang sa pamamagitan ng mga serpiyente.” (1 Corinto 10:9) Samantalang binabagtas ang iláng malapit sa hangganan ng Edom, ang mga Israelita ay “patuloy na nagsalita laban sa Diyos at kay Moises: ‘Bakit ninyo kami inilabas mula sa Ehipto upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang tinapay at walang tubig, at ang aming kaluluwa ay sumapit sa pagkamuhi sa kahamak-hamak na tinapay,’ ” ang makahimalang inilaan na manna. (Bilang 21:4, 5) Akalain mo! Ang mga Israelitang iyon ay “patuloy na nagsalita laban sa Diyos,” anupat tinawag na kasuklam-suklam ang kaniyang mga paglalaan!

12 Sa kanilang pagrereklamo, sinusubok ng mga Israelita ang pasensiya ng Diyos. Hindi pinigil ang pagpaparusa, sapagkat nagpadala si Jehova ng makamandag na mga serpiyente sa gitna nila, at marami ang namatay dahil sa mga kagat ng serpiyente. Pagkatapos na magsisi ang bayan at mamagitan si Moises alang-alang sa kanila, tumigil ang salot. (Bilang 21:6-9) Tiyak na ang pangyayaring ito ay magsisilbing babala para sa atin upang huwag magpamalas ng rebelyoso at mareklamong saloobin, lalo na laban sa Diyos at sa kaniyang mga teokratikong kaayusan.

Babala Laban sa Pagbubulung-bulungan

13. Laban sa ano nagbababala ang 1 Corinto 10:10, at anong rebelyon ang nasa isip ni Pablo?

13 Sa pagbanggit ng kaniyang panghuling halimbawa may kinalaman sa mga Israelita sa ilang, sumulat si Pablo: “Ni huwag kayong maging mga mapagbulong, kung paanong ang ilan sa kanila ay nagbulung-bulungan, upang malipol lamang sa pamamagitan ng tagapuksa.” (1 Corinto 10:10) Sumiklab ang rebelyon nang sina Kore, Datan, Abiram, at ang kanilang mga kasamahan ay kumilos sa di-teokratikong paraan at humamon sa awtoridad nina Moises at Aaron. (Bilang 16:1-3) Pagkatapos puksain ang mga rebelde, ang mga Israelita ay nagsimulang magbulung-bulungan. Ito ay dahil sa iniisip nila na ang pagpuksa sa mga rebelde ay di-makatarungan. Sinasabi ng Bilang 16:41: “Nang sumunod na araw ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kina Moises at Aaron, anupat nagsabi: ‘Kayong mga lalaki, pinatay ninyo ang bayan ni Jehova.’ ” Bunga ng pagpuna nila sa paraan ng paglalapat ng katarungan sa pagkakataong iyon, 14,700 Israelita ang nalipol dahil sa salot na ipinasapit ng Diyos.​—Bilang 16:49.

14, 15. (a) Ano ang isa sa mga kasalanan ng “mga taong di-maka-Diyos” na nakapuslit sa loob ng kongregasyon? (b) Ano ang matututuhan buhat sa pangyayari hinggil kay Kore?

14 Noong unang siglo C.E., ang “mga taong di-maka-Diyos” na nakapuslit sa loob ng Kristiyanong kongregasyon ay napatunayang mga huwad na guro at mga mapagbulong. Ang mga taong ito ay “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati,” ang mga pinahirang lalaki na noo’y pinagkatiwalaan ng espirituwal na pangangasiwa sa kongregasyon. Hinggil sa di-maka-Diyos na mga apostata, sinabi rin ng alagad na si Judas: “Ang mga taong ito ay mga mapagbulong, mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay, lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa.” (Judas 3, 4, 8, 16) Sa ngayon, ang ilang indibiduwal ay naging mga mapagbulong dahil hinayaan nilang tumubo sa kanilang puso ang isang saloobing sumisira sa espirituwal. Malimit na nagtutuon sila ng pansin sa di-kasakdalan niyaong mga nangangasiwa sa kongregasyon at sila’y nagsisimulang magbulung-bulungan laban sa kanila. Ang kanilang pagbubulung-bulungan at pagrereklamo ay maaari pa ngang humantong sa pagpuna sa mga publikasyon ng ‘tapat na alipin.’

15 Angkop na magbangon ng taimtim na mga tanong tungkol sa isang maka-Kasulatang paksa. Ngunit ano kung tumubo sa atin ang isang negatibong saloobin na nahahayag sa mapamunang usapan ng matalik na magkakaibigan? Makabubuting itanong sa ating sarili, ‘Saan ito malamang na humantong? Hindi ba lalong mabuti na tigilan na ang pagbubulung-bulungan at sa halip ay mapakumbabang manalangin ukol sa karunungan?’ (Santiago 1:5-8; Judas 17-​21) Si Kore at ang kaniyang mga alalay, na nagrebelde laban sa awtoridad nina Moises at Aaron, ay maaaring gayon na lamang ang pananalig na makatuwiran ang kanilang pangmalas anupat hindi na nila sinuri ang kanilang motibo. Gayunpaman, talaga namang nagkamali sila. Gayundin ang mga Israelita na nagbulung-bulungan tungkol sa pagpuksa kay Kore at sa iba pang rebelde. Tunay ngang isang katalinuhan na suriin ang ating motibo, iwaksi ang pagbubulung-bulungan o pagrereklamo, at hayaang dalisayin tayo ni Jehova!​—Awit 17:1-3.

Matuto, at Tamasahin ang mga Pagpapala

16. Ano ang diwa ng masidhing payo sa 1 Corinto 10:11, 12?

16 Sa ilalim ng banal na pagkasi, tinapos ni Pablo ang talaan ng mga babalang mensahe sa pamamagitan ng masidhing payo: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay. Dahil dito siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:11, 12) Sana’y huwag nating ipagwalang-bahala ang ating katayuan sa Kristiyanong kongregasyon.

17. Kung nakadama tayo ng maling motibo sa ating puso, ano ang dapat nating gawin?

17 Kung paanong ang bakal ay maaaring kalawangin, tayo rin naman na mga inapo ni Adan ay nagmana ng hilig sa kasamaan. (Genesis 8:21; Roma 5:12) Kaya naman, hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag nakadama tayo ng maling motibo sa ating puso. Sa halip, gumawa tayo ng positibong pagkilos. Kapag ang bakal ay napahantad sa halumigmig o nakapipinsalang kapaligiran, ito’y mabilis na kakalawangin. Kailangang iwasan natin ang pagkahantad sa “hangin” ng sanlibutan ni Satanas, lakip na ang kasuklam-suklam na libangan nito, palasak na imoralidad, at negatibong hilig ng isip.​—Efeso 2:1, 2.

18. Ano ang ginawa ni Jehova may kinalaman sa masasamang hilig ng sangkatauhan?

18 Naglaan si Jehova sa sangkatauhan ng paraan upang paglabanan ang mga masamang hilig na minana natin. Ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak upang yaong nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Kung maingat nating susundan ang mga yapak ni Jesus at magpapamalas tayo ng tulad-Kristong personalidad, tayo ay magiging isang pagpapala sa iba. (1 Pedro 2:21) Tatanggap din tayo, hindi ng mga maldisyon, kundi ng banal na mga pagpapala.

19. Paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang ng mga halimbawa sa Kasulatan?

19 Bagaman tayo ngayon ay nagkakamali tulad rin ng mga Israelita noon, taglay natin ang kumpletong nasusulat na Salita ng Diyos upang patnubayan tayo. Buhat sa mga pahina nito ay natututo tayo tungkol sa pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan gayundin ang kaniyang mga katangian na ipinamalas ni Jesus, ‘ang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong representasyon ng Kaniya mismong sarili.’ (Hebreo 1:1-3; Juan 14:9, 10) Sa pamamagitan ng panalangin at masikap na pag-aaral ng Kasulatan, maaari nating taglayin “ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Kapag napaharap sa mga tukso at iba pang pagsubok sa ating pananampalataya, makikinabang tayo buhat sa pagsasaalang-alang ng mga sinaunang halimbawa sa Kasulatan at lalo na ang nakahihigit na halimbawa ni Jesu-Kristo. Kung gagawin natin ito, hindi na natin kailangan pang danasin ang paglalapat ng banal na mga maldisyon. Sa halip, tatamasahin natin ngayon ang pabor ni Jehova at ang kaniyang mga pagpapala magpakailanman.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1992, pahina 4.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Paano natin maikakapit ang payo ni Pablo na huwag maging mananamba sa idolo?

◻ Ano ang magagawa natin upang masunod ang babala ng apostol laban sa pakikiapid?

◻ Bakit natin dapat na iwasan ang pagbubulung-bulungan at pagrereklamo?

◻ Paano natin matatamo ang banal na pagpapala, hindi ang maldisyon?

[Larawan sa pahina 18]

Kung nais natin ng banal na pagpapala, dapat nating iwasan ang idolatriya

[Mga larawan sa pahina 20]

Kung paanong kailangang alisin ang kalawang, gumawa tayo ng positibong hakbang upang alisin ang maling mga hangarin sa ating puso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share