Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 7/1 p. 25-27
  • Gumagawa ng “Mga Himala” ang Salita ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gumagawa ng “Mga Himala” ang Salita ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paghahanap Ko sa Bayan ng Diyos
  • Pangangaral sa Aking Tinubuang Bayan
  • “Mga Himala” na Ginawa ng Salita ng Diyos
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Binigyan Ako ni Jehova ng Lakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kung Paano Ako Nakinabang Mula sa Pangangalaga ng Diyos
    Gumising!—1995
  • Ako ay ‘Aakyat na Gaya ng Lalaking Usa’
    Gumising!—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 7/1 p. 25-27

Gumagawa ng “Mga Himala” ang Salita ng Diyos

AYON SA PAGKALAHAD NI THÉRÈSE HÉON

Isang araw noong 1965, pumasok ako sa isang bahay-kalakal at nag-alok ng mga kopya ng Bantayan at Gumising! sa mga negosyante. Nang papaalis na ako, nakarinig ako ng malakas na putok. Tumama ang isang bala sa sahig malapit sa aking mga paa. “Ganiyan ang dapat sa mga Saksi ni Jehova,” ang pagtuya ng isa sa mga negosyante.

NATAKOT ako dahil sa karanasang iyan​—pero hindi ito sapat para huminto ako sa buong-panahong ministeryo. Ang mga katotohanan sa Bibliya na natutuhan ko ay totoong napakahalaga upang pahintulutan ko ang anumang bagay na udyukan akong iwan ang aking ministeryo. Hayaan ninyong ipaliwanag ko kung bakit ko sinabi ito.

Pagkatapos na ako ay isilang noong Hulyo 1918, nanirahan ang aking mga magulang sa Cap-de-la-Madeleine, isang munting nayon sa Quebec, Canada, na kilala bilang Ang Lugar ng mga Himala. Dumaragsa ang mga panauhin dito upang magbigay-galang sa dambana ng Birheng Maria. Bagaman hindi mapatunayan ang diumano’y mga himala sa pamamagitan ni Maria, ang Salita ng Diyos ay gumawa ng halos isang himala sa buhay ng maraming tao habang ang nayon ay lumalago tungo sa isang bayan na may mahigit sa 30,000 naninirahan.

Nang ako’y mga 20 taóng gulang, nakita ng aking ama ang interes ko sa mga relihiyosong bagay at ibinigay niya sa akin ang kaniyang Bibliya. Nang simulan kong basahin iyon, nagulat ako nang malaman ko mula sa Exodo kabanata 20 na ang pagsamba sa imahen ay malinaw na hinahatulan. Agad akong nawalan ng tiwala sa mga turo ng Simbahang Katoliko at huminto ako ng pagdalo sa Misa. Hindi ko nais na sumamba sa mga estatuwa. Naririnig ko pa rin si Itay na nagsasabi, “Thérèse, hindi ka ba magsisimba?” “Hindi,” ang sagot ko, “Nagbabasa ako ng Bibliya.”

Patuloy na naging bahagi ng aking buhay ang pagbabasa ng Bibliya kahit nang ako’y mag-asawa noong Setyembre ng 1938. Yamang ang aking asawa, si Rosaire, ay malimit magtrabaho sa gabi, naging ugali ko nang basahin ang Bibliya kapag siya’y nasa trabaho. Di-nagtagal at nahinuha ko na ang Diyos ay tiyak na may isang bayan, at sinimulan kong hanapin sila.

Ang Paghahanap Ko sa Bayan ng Diyos

Dahil sa natutuhan ko sa simbahan, nang ako’y bata pa, takót akong matulog dahil nangangamba akong magising na nasa impiyerno. Upang mapaglabanan ang gayong takot, palagi kong sinasabi sa sarili ko na hindi hahayaan ng isang Diyos ng pag-ibig na mangyari ang gayong kakila-kilabot na bagay. May pagtitiwalang ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng Bibliya, anupat hinahanap ang katotohanan. Katulad ako ng Etiopeng bating na bumabasa ngunit hindi nakauunawa.​—Gawa 8:26-39.

Ang kapatid kong si André at ang kaniyang kabiyak, na nakatira sa isang apartment sa palapag na nasa ibaba namin, ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong mga 1957. Sinabi ko sa aking hipag na ipaalam sa akin sa pamamagitan ng pagkatok sa kisame kapag dumating na ang mga Saksi upang mangaral sa gusali. Sa gayong paraan ay malalaman ko na hindi ko sila dapat sagutin. Isang araw ay hindi niya ako nabigyang-babala.

Nang araw na iyon ay binuksan ko ang pinto at nakilala ko si Kay Munday, isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Kinausap niya ako tungkol sa pangalan ng Diyos, anupat ipinaliwanag na ang Diyos ay may personal na pangalan, na Jehova. Pagkaalis niya, tiningnan ko ang aking Bibliya upang tiyakin kung ang mga sinabi niya ay talagang sinusuhayan ng mga teksto sa Bibliya. Tuwang-tuwa ako sa aking pagsasaliksik.​—Exodo 6:3, Douay Version, talababa; Mateo 6:9, 10; Juan 17:6.

Nang muling dumalaw si Kay, tinalakay namin ang Katolikong doktrina ng Trinidad, na nagsasabing ang Diyos ay tatlong persona sa iisang Diyos. Pagkaraan ay sinuri kong mabuti ang aking sariling Bibliya upang tiyakin sa aking sarili na hindi nito itinuturo ang Trinidad. (Gawa 17:11) Pinatunayan ng aking pag-aaral na si Jesus ay hindi kasindakila ng Diyos. Siya ay nilalang. Mayroon siyang pasimula, samantalang si Jehova ay walang pasimula. (Awit 90:1, 2; Juan 14:28; Colosas 1:15-17; Apocalipsis 3:14) Dahil sa nasisiyahan ako sa aking natututuhan, nagalak akong ipagpatuloy ang mga pag-uusap sa Bibliya.

Isang araw noong 1958, habang bumabagyo ng niyebe noong Nobyembre, inanyayahan ako ni Kay na dumalo sa isang pansirkitong asamblea na ginaganap nang mismong gabing iyon sa isang inupahang bulwagan. Pinaunlakan ko ang paanyaya at nasiyahan ako sa programa. Pagkaraan, sa pakikipag-usap sa isang Saksi na lumapit sa akin, nagtanong ako, “Dapat bang mangaral ang isang Kristiyano sa bahay-bahay?”

“Oo,” sabi niya, “kailangang maipahayag ang mabuting balita, at isinisiwalat ng Bibliya na ang pagdalaw sa mga tao sa kanilang tahanan ay isang mahalagang paraan ng pangangaral.”​—Gawa 20:20.

Tuwang-tuwa ako sa kaniyang sagot! Ito ang nakakumbinsi sa akin na natagpuan ko na ang bayan ng Diyos. Kung sinabi niya, “Hindi, hindi iyon kailangan,” baka pag-alinlanganan ko na natagpuan ko na ang katotohanan, sapagkat alam ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangangaral sa bahay-bahay. Mula noon, naging mabilis ang aking pagsulong sa espirituwal.

Pagkatapos ng pansirkitong asambleang iyon, nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa kalapit na bayan ng Trois-Rivières. Si Kay at ang kaniyang kapareha, si Florence Bowman, ang tanging mga Saksi na naninirahan noon sa Cap-de-la-Madeleine. Isang araw ay sinabi ko, “Sasama ako sa inyo bukas upang mangaral.” Nalugod silang makasama ako.

Pangangaral sa Aking Tinubuang Bayan

Akala ko’y tatanggapin ng lahat ang mensahe ng Bibliya, ngunit agad kong natutuhan na hindi gayon. Nang sina Kay at Florence ay naatasan sa ibang lugar, ako na lamang sa bayan ang nangangaral ng katotohanan ng Bibliya sa bahay-bahay. May lakas ng loob, patuloy akong nangaral na mag-isa sa loob ng mga dalawang taon hanggang sa mabautismuhan ako noong Hunyo 8, 1963. Nang mismong araw na iyon ay nagpatala ako para sa noo’y tinatawag na paglilingkuran bilang vacation pioneer.

Nagpatuloy ako bilang isang vacation pioneer sa loob ng isang taon. Pagkatapos, nangako si Delvina Saint-Laurent na pupunta siya sa Cap-de-la-Madeleine at gagawang kasama ko minsan sa isang linggo kung ako’y magiging isang regular pioneer. Kaya sinulatan ko ang aking aplikasyon para sa pagpapayunir. Subalit nakalulungkot, dalawang linggo na lamang bago ko simulan ang buong-panahong ministeryo, namatay si Delvina. Ano ang gagawin ko? Buweno, nasulatan ko na ang aplikasyon at hindi ko nais na umatras. Kaya noong Oktubre 1964, nagsimula ako sa aking karera sa buong-panahong ministeryo. Sa sumunod na apat na taon, mag-isa akong nagbahay-bahay.

Madalas na nagagalit ang mga debotong Katoliko sa Cap-de-la-Madeleine. Tumatawag pa ang ilan ng pulis sa pagtatangkang pigilin ako sa pangangaral. Isang araw, gaya ng nabanggit ko sa simula, tinangka ng isang negosyante na takutin ako sa pamamagitan ng pagbaril sa aking paanan. Buweno, ito’y naging usap-usapan sa bayan. Tinawag iyon ng isang lokal na istasyon ng telebisyon na isang krusada laban sa mga Saksi ni Jehova. Nagbunga ng mainam na patotoo ang buong pangyayari. Siya nga pala, pagkaraan ng sampung taon, naging Saksi mismo ang isang kamag-anak ng negosyante na bumaril sa akin.

“Mga Himala” na Ginawa ng Salita ng Diyos

Sa paglakad ng mga taon, nakita kong unti-unting gumuho sa Cap-de-la-Madeleine ang pader ng pagsalansang sa mga katotohanan sa Bibliya. Noong mga 1968, lumipat dito ang ibang Saksi, at ang mga naninirahan dito ay nagsimulang tumugon sa mga katotohanan sa Bibliya. Sa katunayan, pagsapit ng mga unang taon ng dekada ng 1970, biglang dumami ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya. Umabot iyon sa punto na kinailangan kong hilingin sa ibang Saksi na sila na ang mag-asikaso sa ilang pinagdarausan ko ng pag-aaral sa Bibliya upang makapagpatuloy ako sa pagkakaroon ng bahagi sa ministeryo sa bahay-bahay.

Isang araw ay tumanggap mula sa akin ang isang kabataang babae ng isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Kasama niya noon ang isang kabataang lalaki na nagngangalang André, isang mukhang butangerong kriminal na sumali sa aming pag-uusap. Napukaw ang interes ni André nang kausapin siya, at nasimulan ang pag-aaral sa Bibliya. Di-naglaon pagkatapos ay sinimulan niyang sabihin sa kaniyang mga kaibigan ang tungkol sa kaniyang natututuhan.

Minsan, nakikipag-aral ako ng Bibliya sa apat na gangster, na ang isa sa kanila ay hindi gaanong nagsasalita ngunit talagang nakikinig. Pierre ang pangalan niya. Isang umaga, nang bandang alas dos, nakarinig kaming mag-asawa ng katok sa pintuan. Ilarawan ang tagpo: Nakatayo roon ang apat na gangster na may mga katanungan para sa akin. Mabuti na lamang, hindi kailanman nagreklamo si Rosaire tungkol sa gayong alanganing-oras na mga pagdalaw.

Sa simula ay dumadalo sa mga pulong ang apat na lalaki. Gayunman, sina André at Pierre lamang ang nagtiyaga. Iniayon nila ang kanilang buhay kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos at sila’y nabautismuhan. Sa loob ng mahigit sa 20 taon na ngayon, ang dalawang lalaking ito ay buong katapatang naglilingkod kay Jehova. Nang sila’y magsimulang mag-aral, kilalang-kilala sila sa kanilang masasamang gawain at sila’y minamanmanan ng pulisya. Kung minsan ay hinahanap sila ng mga pulis pagkatapos ng isa sa aming mga pag-aaral sa Bibliya o sa panahon ng pulong ng kongregasyon. Nasisiyahan ako na nakapangaral ako sa “lahat ng uri ng mga tao,” at sa gayo’y nakita ko nang tuwiran kung paanong ang Salita ng Diyos ay nagbubunga ng mga pagbabago na wari ngang makahimala.​—1 Timoteo 2:4.

Kung sa simula ng aking ministeryo ay sinabihan ako na magkakaroon ng Kingdom Hall sa Cap-de-la-Madeleine at na ito’y mapupuno ng bayan ni Jehova, baka hindi ko pinaniwalaan iyon. Laking kagalakan ko na ang isang munting kongregasyon sa karatig na lunsod ng Trois-Rivières ay lumago tungo sa anim na mauunlad na kongregasyon na nagtitipon sa tatlong Kingdom Hall kasali na ang isa na nasa Cap-de-la-Madeleine.

Ako’y personal na nagkaroon ng kagalakan sa pagtulong sa humigit-kumulang 30 katao na umabot sa punto ng pag-aalay at pagpapabautismo. Ngayon, sa edad na 78, tunay na masasabi kong maligaya ako na inialay ko ang aking buhay kay Jehova. Subalit, aaminin ko na may mga panahon na nasiraan din naman ako ng loob. Upang mapagtagumpayan ang gayong mga panahon, lagi kong binubuklat ang aking Bibliya at binabasa ang ilang teksto na lubhang nakapagpapaginhawa sa akin. Hindi ko maisip na palipasin ang isang araw na hindi ako nakapagbasa ng Salita ng Diyos. Lalo nang nakapagpapatibay ang Juan 15:7, na doo’y sinasabi: “Kung kayo ay nananatiling kaisa ko at ang aking mga pananalita ay nananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais at ito ay magaganap sa inyo.”

Umaasa akong makita si Rosaire sa bagong sanlibutan na napakalapit na. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Bago siya mamatay noong 1975, sumusulong na siyang mainam patungo sa pagpapabautismo. Sa ngayon, ako’y determinado na manatili sa buong-panahong ministeryo at patuloy na magalak sa gawain ni Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share