“Turuan Mo Kami Kung Paano Manalangin”
“PANGINOON, turuan mo kami kung paano manalangin.” Ito ang hiniling ng isa sa mga alagad ni Jesu-Kristo. (Lucas 11:1) Ang alagad na di-binanggit ang pangalan ay maliwanag na isang taong may taimtim na pagpapahalaga sa panalangin. Kinikilala rin ng mga tunay na mananamba sa ngayon ang kahalagahan nito. Sa katunayan, ang panalangin ang siyang paraan upang magkaroon tayo ng pagkakataon na marinig ng Pinakamataas na Persona sa sansinukob! At isip-isipin mo! Ang “Dumirinig ng panalangin” ay nagbibigay ng personal na atensiyon sa ating mga suliranin at kabalisahan. (Awit 65:2) Higit na mahalaga, sa pamamagitan ng panalangin, nag-uukol tayo ng pasasalamat at papuri sa Diyos.—Filipos 4:6.
Gayunpaman, ang mga salitang “turuan mo kami kung paano manalangin” ay nagbabangon ng ilang seryosong katanungan. Sa buong daigdig ay maraming paraan ng paglapit sa Diyos ang ginagamit ng iba’t ibang relihiyon. Subalit mayroon bang tama at maling paraan ng pananalangin? Bilang sagot, tingnan muna natin ang ilang popular na relihiyosong mga kaugalian may kinalaman sa pananalangin. Magtutuon tayo ng pansin doon sa mga kinaugalian sa Latin Amerika.
Mga Imahen at “mga Patrong Santo”
Sa pangkalahatan, ang mga bansa sa Latin Amerika ay lubhang relihiyoso. Halimbawa, sa buong Mexico ay mapapansin ng isa ang popular na kaugalian na pananalangin sa “mga patrong santo.” Sa katunayan, kaugalian na sa mga bayan sa Mexico na magkaroon ng “mga patrong santo” na para sa mga ito ay nagdaraos ng mga kapistahan sa partikular na mga araw. Ang mga Katolikong taga-Mexico ay nananalangin din sa sari-saring mga imahen. Subalit, kung aling “santo” ang tinatawagan ay depende sa uri ng kahilingan na ibig gawin ng mananamba. Kung ang isa ay naghahanap ng mapapangasawa, maaari siyang magtirik ng kandila kay “Saint” Anthony. Ang isa na maglalakbay sakay ng awto ay maaaring maghabilin ng kaniyang sarili kay “Saint” Christopher, ang patron ng mga manlalakbay, lalo na ng mga motorista.
Kung gayon, saan nagmula ang gayong mga kaugalian? Ipinakikita ng kasaysayan na noong dumating ang mga Kastila sa Mexico, nasumpungan nila ang isang populasyon na deboto sa pagsamba sa mga paganong diyos. Sa kaniyang aklat na Los Aztecas, Hombre y Tribu (Ang mga Aztec, ang Tao at ang Tribo), sinabi ni Victor Wolfgang von Hagen: “May kani-kaniyang diyos, bawat halaman ay may sarili nitong diyos, bawat gawain ay may sarili nitong diyos o diyosa, mayroon ding isang diyos para sa pagpapatiwakal. Si Yacatecuhtli ang bathala ng mga negosyante. Sa sanlibutang ito na maraming sinasambang diyos, lahat ng diyos ay may maliwanag na itinakdang mga hilig at gawain.”
Ang pagkakahawig ng mga diyos na ito sa Katolikong “mga santo” ay lubhang kapansin-pansin kung kaya nang sikapin ng mga Kastilang mananakop na “kumbertehin sa Kristiyanismo” ang mga katutubo, inilipat lamang ng mga ito ang kanilang katapatan buhat sa kanilang mga idolo tungo sa “mga santo” ng simbahan. Kinilala ng isang artikulo sa The Wall Street Journal ang paganong pinagmulan ng Katolisismo na isinasagawa sa ilang bahagi ng Mexico. Sinabi nito na sa isang lugar, karamihan sa 64 na “santo” na sinasamba ng mga tao ay may katumbas na “espesipikong diyos ng mga Mayan.”
Pinatutunayan ng New Catholic Encyclopedia na “sa pagitan ng santo at niyaong mga tao sa lupa ay may natatag na buklod ng matalik na pananalig, . . . isang buklod na, sa halip na makasira sa kaugnayan kay Kristo at sa Diyos, nagpapayaman at nagpapatibay rito.” Ngunit paanong ang isang buklod na maliwanag na isang bakas ng paganismo ay makapagpapatibay sa kaugnayan ng isa sa tunay na Diyos? Talaga nga kayang makalulugod sa Diyos ang mga panalangin na inihahandog sa gayong “mga santo”?
Ang Pinagmulan ng Rosaryo
Ang isa pang popular na kaugalian ay may kinalaman sa paggamit ng rosaryo. Inilalarawan ng Diccionario Enciclopédico Hispano-Americano (Hispanic-American Encylopedic Dictionary) ang rosaryo bilang isang “kuwintas na may limampu o sandaan at limampung abaloryo na hinati sa tigsasampu sa pamamagitan ng ibang mas malalaking abaloryo at pinagdugtong sa mga dulo sa pamamagitan ng isang krusipiho, na kasunod ng tatlong abaloryo.”
Sa pagpapaliwanag kung paano ginagamit ang rosaryo, ganito ang sabi ng isang publikasyong Katoliko: “Ang Banal na Rosaryo ay isang anyo ng bibigan at pangkaisipang panalangin tungkol sa mga Misteryo ng ating katubusan. Ito ay binubuo ng labinlimang dekada. Bawat dekada ay binubuo ng pagbigkas ng Panalangin ng Panginoon, sampung Ave Maria, at isang Gloria Patri. Ang isang misteryo ay binubulay-bulay sa bawat dekada.” Ang mga misteryo ay mga doktrina, o mga turo, na dapat malaman ng mga Katoliko, anupat sa kalagayang ito ay tumutukoy sa buhay, pagdurusa, at kamatayan ni Kristo Jesus.
Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga unang anyo ng pananalangin sa pamamagitan ng rosaryo ay nagsimula sa Kristiyanismo noong Edad Medya, ngunit naging malaganap lamang noong mga siglo ng 1400 at 1500.” Ang paggamit ba ng rosaryo ay bukod-tangi sa Katolisismo? Hindi. Ganito ang sabi ng Diccionario Enciclopédico Hispano-Americano: “Ang katulad na mga abaloryo ay ginagamit sa pagsambang Islam, Lamaista at Budista.” Sa katunayan, binanggit ng Encyclopedia of Religion and Religions: “Ipinahihiwatig na nakuha ng mga Muhammedano ang Rosaryo mula sa mga Budista, at ng mga Kristiyano buhat sa mga Muhammedano noong panahon ng mga Krusada.”
Ikinakatuwiran ng ilan na ang rosaryo ay nagsisilbing pantulong lamang sa pagsasaulo kapag kailangang ulit-ulitin ang ilang panalangin. Ngunit nalulugod kaya ang Diyos sa paggamit nito?
Hindi tayo kailangang magsapantaha o magtalo tungkol sa pagiging angkop o makatuwiran ng gayong mga kaugalian. May awtoridad ang tugon ni Jesus sa kahilingan na turuan ang kaniyang mga tagasunod kung paano manalangin. Ang sinabi niya ay magbibigay-liwanag at marahil makabibigla sa ilang mambabasa.
[Mga larawan sa pahina 3]
Karaniwang gumagamit ng rosaryo ang mga Katoliko. Anong pinagmulan nito?