Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Binautismuhan ni Felipe ang Isang Etiopeng Opisyal
SAMANTALANG nakasakay sa kaniyang karo, may katalinuhang ginagamit ng isang Etiope ang kaniyang panahon. Siya ay nagbabasa nang malakas—isang karaniwang kaugalian ng mga unang-siglong manlalakbay. Ang lalaking ito ay isang opisyal na “nasa kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope.”a Siya ang “namamahala sa lahat ng kaniyang kayamanan”—sa katunayan, siya ay isang ministro sa pananalapi. Ang opisyal na ito ay nagbabasa buhat sa Salita ng Diyos upang magkamit ng kaalaman.—Gawa 8:27, 28.
Nasa malapit ang ebanghelisador na si Felipe. Isang anghel ang umakay sa kaniya sa dakong ito, at ngayon ay sinabi sa kaniya: “Lumapit ka at sumama ka sa karong ito.” (Gawa 8:26, 29) Maguguniguni nating itinatanong ni Felipe sa kaniyang sarili, ‘Sino ang lalaking ito? Ano ang kaniyang binabasa? Bakit kaya ako inakay patungo sa kaniya?’
Nang tumakbo si Felipe sa tabi ng karo, narinig niyang binabasa ng Etiope ang mga salitang ito: “Gaya ng isang tupa siya ay dinala sa patayan, at gaya ng isang kordero na walang imik sa harap ng manggugupit nito, gayon na hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig. Sa panahon ng kaniyang pagkakababa ang paghatol ay inalis mula sa kaniya. Sino ang magsasabi ng mga detalye ng kaniyang salinlahi? Sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis mula sa lupa.”—Gawa 8:32, 33.
Agad na nakilala ni Felipe ang teksto. Iyon ay buhat sa isinulat ni Isaias. (Isaias 53:7, 8) Ang Etiope ay naguguluhan sa kaniyang binabasa. Sinimulan ni Felipe ang isang pag-uusap sa pamamagitan ng pagtatanong: “Nalalaman mo bang talaga ang iyong binabasa?” Sumagot ang Etiope: “Tunay nga, paano ko ngang magagawa ang gayon, malibang may umakay sa akin?” Pagkatapos ay namanhik siya kay Felipe na samahan siya sa kaniyang karo.—Gawa 8:30, 31.
“Ano ang Nakapipigil sa Akin Upang Mabautismuhan?”
“Nagsusumamo ako sa iyo,” ang sabi ng Etiope kay Felipe, “tungkol kanino sinasabi ito ng propeta? Tungkol sa kaniyang sarili o tungkol sa iba pang tao?” (Gawa 8:34) Ang pagkalito ng Etiope ay hindi nakapagtataka, sapagkat ang pagkakakilanlan ng “tupa,” o “lingkod,” sa hula ni Isaias ay matagal nang isang misteryo. (Isaias 53:11) Pagkaliwa-liwanag nga nito nang ipahayag ni Felipe sa Etiope “ang mabuting balita tungkol kay Jesus”! Pagkalipas ng ilang sandali ay sinabi ng Etiope: “Narito! Isang dakong may tubig; ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” Kaya binautismuhan siya ni Felipe sa oras at dako ring iyon.—Gawa 8:35-38.
Ito ba’y isang padalus-dalos na pagkilos? Tiyak na hindi! Ang Etiope ay isang proselitang Judio.b Kaya siya ay isa nang mananamba ni Jehova na may kaalaman sa Kasulatan, pati na sa mga hula tungkol sa Mesiyas. Gayunpaman, kulang pa ang kaniyang kaalaman. Ngayong natanggap na niya ang mahalagang impormasyong ito tungkol sa papel ni Jesu-Kristo, naunawaan ng Etiope kung ano ang hinihiling ng Diyos sa kaniya at siya ay handang sumunod. Ang bautismo ay angkop.—Mateo 28:18-20; 1 Pedro 3:21.
Pagkatapos, “mabilis na kinuha ng espiritu ni Jehova si Felipe.” Siya ay nagtungo sa isa pang atas. Ang Etiope ay ‘nagpatuloy sa paghayo na nagsasaya.’—Gawa 8:39, 40.
Aral Para sa Atin
Bilang mga lingkod ni Jehova sa kasalukuyang panahon, pananagutan nating tulungan ang mga tapat-pusong tao na matutuhan ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Marami ang nagtagumpay sa paghaharap ng mabuting balita sa iba samantalang naglalakbay o sa ibang impormal na pagkakataon. Bunga ng gawaing pangangaral ng Kaharian, taun-taon ay sinasagisagan ng daan-daang libo ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo.
Sabihin pa, ang mga baguhan ay hindi dapat madaliin sa pagpapabautismo. Sila ay kailangan munang kumuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Pagkatapos ay kailangang magsisi sila, anupat tinatalikuran ang maling asal at nanunumbalik upang makasunod sa mga pamantayan ng Diyos. (Gawa 3:19) Gumugugol ito ng panahon, lalo na kung malalim ang pagkakaugat ng maling kaisipan at asal. Bagaman nararapat isaalang-alang ng mga baguhan ang nasasangkot sa pagiging isang Kristiyanong alagad, maraming pagpapala ang ibinubunga ng pagpasok sa isang naaalay na kaugnayan sa Diyos na Jehova. (Ihambing ang Lucas 9:23; 14:25-33.) May kasiglahang inaakay niyaong mga Saksi ni Jehova ang gayong mga baguhan sa organisasyon na ginagamit ng Diyos upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. (Mateo 24:45-47) Gaya ng Etiope, ang mga ito’y magsasaya sa pagkaalam at pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos sa kanila.
[Mga talababa]
a Ang “Candace” ay hindi isang pangalan kundi isang titulo (gaya ng “Faraon” at “Cesar”) na kapit sa sunud-sunod na mga reynang Etiope.
b Ang mga proselita ay hindi mga Israelita na nagpasiyang manghawakan sa Kautusang Mosaiko.—Levitico 24:22.
[Kahon sa pahina 8]
Bakit Tinawag na Bating?
Sa buong salaysay sa Gawa kabanata 8, ang Etiope ay tinukoy bilang isang “bating.” Subalit, yamang ang Kautusang Mosaiko ay hindi tumatanggap ng isang lalaking kapon sa loob ng kongregasyon, maliwanag na ang lalaking ito ay hindi bating sa literal na diwa. (Deuteronomio 23:1) Ang Griegong salita para sa “bating” ay maaaring tumukoy sa isang tao na may mataas na tungkulin. Kaya naman ang Etiope ay isang opisyal sa ilalim ng reyna ng Etiopia.