Buhay ang Salita ng Diyos
Paano Mo Mauunawaan ang Bibliya
IKAW ba’y nagbabasa ng Bibliya nguni’t nahihirapan sa pag-unawa? Marami ang ganiyan. Alam mo ba kung bakit? Isang pangyayari noong unang siglo malapit sa kasalukuyang lugar ng Gaza sa Israel ang nagpapaunawa sa atin kung ano ang kailangan para maunawaan ang Bibliya.
Isang lalaking naglilingkod sa reyna ng Etiopia ang nakabalita tungkol sa Diyos ng mga Judio, si Jehova. Kaya’t naglakbay siya nang malayo para makarating sa Jerusalem. Makikita mo ang Etiopeng ito na pabalik sa kaniyang bayan sa Aprika at doon siya dumaraan sa daang patungo sa Gaza. Ang hawak niya ay yaong balumbon ng aklat ni Isaias, at binabasa niya iyon nang malakas habang naglalakbay.
Iyan naman ang Kristiyanong alagad na si Felipe na humahabol sa karo. Siya’y inutusan ng espiritu ng Diyos: “Lumapit ka at sumakay ka sa karong ito.” At nang malapit na si Felipe sa karo ay narinig niyang binabasa ng Etiope ang ngayon sa ating mga Bibliya ay Isaias kabanata 53, talatang 7, na: “Siya’y gaya ng tupa na dinala sa patayan, at kung paano hindi umiimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, ganoon hindi niya binubuka ang kaniyang bibig.” At ngayo’y itinatanong ni Felipe: “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?”
Ang Etiope ay mapagpakumbaba at ibig niyang matuto pa nang higit tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang mga layunin. Kaya’t inamin niya: “Paano ko mauunawaan ito, maliban nang may umakay sa akin?” At kaniyang ipinakiusap kay Felipe na sumakay siya sa karo, at nagtanong: “Pakisuyo lamang, Kanino ba ito ikinakapit ng propeta? Sa kaniya ba o sa iba?”
Ipinaliwanag ni Felipe na ang talatang ito sa Isaias ay isang hula tungkol kay Jesus ng Nazaret. Hindi pa nalalaunang pinatay si Jesus na gaya ng isang korderong ihahandog, ang paliwanag ni Felipe, nguni’t siya’y nabuhay uli. Siya ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos! Pagkatapos ay gumamit din si Felipe ng mga ibang teksto upang patunayan na si Jesus ang ipinangakong Tagapagligtas. Ngayon ang mga nabasa ng Etiope ay may kabuluhan! Kaya sa pagpapatuloy nila ng paglalakbay, sinabi niya: “Narito! Ang tubig, ano ang nakahahadlang sa akin upang mabautismuhan?” At binautismuhan ni Felipe ang bagong alagad na ito ni Jesus.—Gawa 8:26-39.
Ipinakikita ng halimbawang ito sa Bibliya na ikaw man ay maaaring tulungan din upang makaunawa ng Bibliya. Si Felipe ay may matalik na kaugnayan sa mga apostol sa Jerusalem at kaanib sa nakikitang kongregasyon ni Jehova. Siya’y hindi isang nagsasariling mambabasa ng Bibliya na nagbigay ng kaniyang opinyon sa Kasulatan, upang matulungan niya ang Etiope na makinabang sa turo na nanggagaling sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang organisasyon. (Gawa 6:5, 6; 8:5, 14, 15) Upang maunawaan ang Bibliya ngayon, kailangan ding tulungan ka ng mga kinatawan ng tunay na kongregasyon ng Diyos.