Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 8/1 p. 3-4
  • Imortal ba ang Kaluluwa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Imortal ba ang Kaluluwa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ilang Umuukilkil na Katanungan
  • May Buhay Ba Pagkatapos ng Kamatayan?
    Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
  • Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Paniniwala ng mga Tao?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ligtas ba sa Kamatayan ang Kaluluwa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 8/1 p. 3-4

Imortal ba ang Kaluluwa?

TAHIMIK na isa-isang lumapit ang mga kaibigan at pamilya sa nakabukas na ataul. Pinagmasdan nila ang patay, isang 17-taóng-gulang na lalaki. Halos hindi na siya makilala ng kaniyang mga kaibigan sa paaralan. Nalagas ang kaniyang buhok dahil sa chemotherapy; anupat siya’y nangayayat nang husto bunga ng kanser. Talaga nga bang ito ang kanilang kaibigan? Mga ilang linggo lamang bago nito, siya’y punúng-punô ng mga idea, ng mga tanong, ng sigla​—ng buhay! Mangiyak-ngiyak ang kaniyang ina habang paulit-ulit na sinasabi: “Mas maligaya na si Tommy ngayon. Gusto ng Diyos na makasama si Tommy sa langit.”

Ang inang ito na nagdadalamhati ay nakasumpong kahit paano ng pag-asa at kaaliwan sa idea na sa paano man ay nabubuhay pa rin ang kaniyang anak. Sa simbahan ay naturuan siya na ang kaluluwa ay imortal, na iyon ang sentro ng personalidad, kaisipan, alaala​—ang “sarili.” Naniniwala siya na ang kaluluwa ng kaniyang anak ay hindi naman namatay; palibhasa’y isang nabubuhay na espiritung persona, iniwan nito ang kaniyang katawan sa kamatayan at naparoon sa langit upang makasama ng Diyos at ng mga anghel.

Sa panahon ng trahedya, ang puso ng tao ay mahigpit na nangungunyapit sa anumang silahis ng pag-asa, kaya hindi mahirap maunawaan kung bakit lubhang nakaaakit ang paniniwalang ito. Halimbawa, isaalang-alang ang sinabi ng teologong si J. Paterson-Smyth sa The Gospel of the Hereafter: “Di-gaanong makabuluhan ang kamatayan kung ihahambing sa kasunod niyaon​—ang kamangha-mangha, kamangha-mangha, kamangha-manghang daigdig na pagdadalhan sa atin ng Kamatayan.”

Sa buong daigdig at sa maraming relihiyon at kultura, ang mga tao ay naniniwala na ang tao ay may di-namamatay na kaluluwa sa loob niya, isang may malay na espiritu na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang paniniwalang ito ay halos pangkaraniwan sa libu-libong relihiyon at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ito ay isang opisyal na doktrina rin sa Judaismo. Naniniwala ang mga Hindu na ang atman, o kaluluwa, ay nilalang sa pasimula ng panahon, nakabilanggo sa katawan sa panahon ng kapanganakan, at sa kamatayan ay lumilipat sa ibang katawan sa isang patuloy na siklo ng mga reinkarnasyon. Naniniwala ang mga Muslim na ang kaluluwa ay nagsimulang umiral nang isilang ang katawan at patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang iba pang pananampalataya​—ang Aprikanong animista, ang Shinto, maging ang Budista sa isang paraan​—ay may iba’t ibang anyo ng turo sa tema ring ito.

Ilang Umuukilkil na Katanungan

Samantalang ang idea ng isang imortal na kaluluwa ay may di-maikakaila at halos malaganap na pang-akit, gayunpama’y nagbabangon ito ng ilang nakababalisang katanungan. Halimbawa, pinag-iisipan ng mga tao kung saan pumupunta ang kaluluwa ng isang minamahal kung ang isang iyon ay hindi nagkaroon ng ulirang pamumuhay. Ililipat kaya siya sa isang mas mababang anyo ng buhay? O ipinadala kaya siya sa purgatoryo, kung saan siya’y lilinisin sa maapoy na pamamaraan hanggang sa maituring na karapat-dapat na pumaroon sa langit? Mas masahol pa, pahihirapan kaya siya magpakailanman sa isang nag-aapoy na impiyerno? O siya kaya, gaya ng itinuturo ng maraming animistang relihiyon, ay isang espiritu na kailangang papalubagin ang kalooban?

Lumilikha ng posibleng pabigat para sa mga nabubuhay ang gayong idea. Kailangan ba nating papalubagin ang espiritu ng mga minamahal nating namatay dahilan sa baka maghiganti sila sa atin? Inaasahan bang tutulong tayo sa kanila na makalaya mula sa isang kakila-kilabot na purgatoryo? O manginginig na lamang tayo sa takot kapag naiisip ang kanilang paghihirap sa impiyerno? O dapat nating pakitunguhan ang ilang nabubuhay na hayop na para bang nasa mga ito ang kaluluwa ng mga taong namatay?

Hindi rin naman nakaaaliw ang mga tanong na bumabangon tungkol sa Diyos mismo. Halimbawa, maraming magulang, kagaya ng ina na nabanggit sa pasimula, ang sa una’y naaliw sa idea na “kinuha” ng Diyos ang imortal na kaluluwa ng kanilang anak tungo sa langit upang makasama niya. Subalit para sa marami, di-magtatagal at sila’y magsisimulang mag-isip kung anong uri ng Diyos ang magdudulot ng nakapangingilabot na sakit sa isang inosenteng bata, anupat biglang kinukuha ang pinakamamahal na iyon mula sa kaniyang nagdadalamhating mga magulang upang ilipat lamang ang bata sa langit nang wala sa panahon. Nasaan ang katarungan, ang pag-ibig, ang awa, ng gayong Diyos? Pinag-aalinlanganan pa nga ng ilan ang karunungan ng gayong Diyos. Bakit pa, ang tanong nila, ilalagay muna ng isang marunong na Diyos ang lahat ng kaluluwang ito sa lupa kung silang lahat nama’y inaasahang hahantong sa langit sa dakong huli? Hindi ba nangangahulugan iyan na talagang sayang lamang ang pagkalalang sa lupa?​—Ihambing ang Deuteronomio 32:4; Awit 103:8; Isaias 45:18; 1 Juan 4:8.

Maliwanag, kung gayon, na ang doktrina tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ng tao, sa anumang anyo itinuturo ang doktrina, ay nagbabangon ng nakalilitong mga tanong, maging ng mga pagkakasalungatan. Bakit? Ang kalakhang bahagi ng suliranin ay may kinalaman sa pinagmulan ng turong ito. Masusumpungan mo na nakapagtuturong suriin nang maikli ang mga pinagmulang ito; at baka magulat kang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya mismo tungkol sa kaluluwa. Nagbibigay ito ng makapupong higit na pag-asa sa buhay pagkatapos ng kamatayan kaysa sa pangkaraniwang itinuturo ng mga relihiyon ng sanlibutan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share