Michael Faraday—Siyentipiko at Taong may Pananampalataya
“Ama ng Elektrisidad.” “Pinakadakilang siyentipiko sa pag-eeksperimento na nabuhay kailanman.” Ito ang dalawang paglalarawan kay Michael Faraday, isinilang noong 1791 sa Inglatera, na ang natuklasang electromagnetic induction ay umakay sa pagbuo ng mga de-kuryenteng motor at ng paglikha ng elektrisidad.
SI FARADAY ay malawakang naglektyur ng kimika at pisika sa Royal Institution sa London. Ang kaniyang mga lektyur na nilayon upang itanyag ang siyensiya ay tumulong sa mga kabataan na maunawaan ang masalimuot na mga idea. Nakatanggap siya ng mga gantimpala buhat sa maraming pamantasan. Subalit iniwasan niya ang publisidad. Siya ay taimtim na relihiyosong tao, maligayang-maligaya na nakabukod sa kaniyang tatlong-silid na apartment at sa piling ng kaniyang pamilya at mga kapananampalataya. Si Faraday ay kabilang sa inilalarawan niya na “isang napakaliit at hinahamak na sekta ng mga Kristiyano, kilala . . . bilang mga Sandemanian.” Sino sila? Ano ang kanilang paniwala? At paano ito nakaapekto kay Faraday?
Ang mga Sandemanian
“Ang unang ugnayan sa pagitan ng pamilyang Faraday at ng simbahang Sandemanian ay pinagbuklod ng mga nuno ni Michael Faraday,” ang sabi ni Geoffrey Cantor, awtor ng Michael Faraday: Sandemanian and Scientist. Sila ay nakisama sa mga tagasunod ng isang lumilibot na nagsasariling ministro na ang mga kasamahan ay nagtataguyod ng paniniwalang Sandemanian.
Si Robert Sandeman (1718-71) ay estudyante sa isang pamantasan sa Edinburgh, nag-aaral ng matematika, Griego, at iba pang wika nang isang araw ay makinig siya sa pangangaral ng isang dating ministrong Presbiteryano na si John Glass. Ang kaniyang narinig ay nagpangyari sa kaniya na lisanin ang pamantasan, umuwi sa Perth, at sumama kay Glass at sa kaniyang mga kasamahan.
Noong dekada ng 1720, si John Glass ay nagsimulang mag-alinlangan sa ilang turo ng Church of Scotland. Inakay siya ng kaniyang pag-aaral sa Salita ng Diyos na manghinuha na ang bansang Israel sa Bibliya ay lumalarawan sa isang espirituwal na bansa na ang mga mamamayan ay nanggaling sa maraming nasyonalidad. Saanman ay hindi siya nakasumpong ng katuwiran ukol sa isang hiwalay na simbahan para sa bawat bansa.
Palibhasa’y hindi na nasisiyahan sa kaniyang simbahan sa Tealing, sa labas ng Dundee, Scotland, tumiwalag si Glass mula sa Church of Scotland at nag-organisa ng kaniyang sariling mga pulong. Mga sandaan katao ang sumama sa kaniya, at buhat sa pasimula, nadama na nila ang pangangailangang panatilihin ang pagkakaisa sa kanilang mga miyembro. Ipinasiya nilang sundin ang mga tagubilin ni Kristo, na nakaulat sa Mateo kabanata 18, talata 15 hanggang 17, upang lutasin ang anumang di-pagkakaunawaan na babangon sa kanila. Di-nagtagal ay nagdaos sila ng lingguhang mga pulong na doo’y nagtitipon ukol sa pananalangin at masidhing pagpapayo yaong magkakatulad ang pananampalataya.
Nang isang malaking bilang ng mga tao ang nagsimulang dumalo nang regular sa mga pulong ng iba’t ibang grupo, kinailangan ang responsableng mga lalaki upang pangasiwaan ang kanilang pagsamba. Subalit sino ang kuwalipikado? Sina John Glass at ang kaniyang mga kasamahan ay nagbigay ng pantanging pansin sa isinulat ni apostol Pablo hinggil sa paksang ito. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Wala silang nasumpungang pagbanggit hinggil sa edukasyon sa pamantasan o sa pangangailangang makaunawa ng Hebreo o Griego. Kaya pagkatapos ng may pananalanging pagbubulay-bulay sa mga maka-Kasulatang tuntunin, humirang sila ng mga kuwalipikadong lalaki upang maging mga elder. Itinuring ito niyaong mga matapat sa Church of Scotland na “halos pamumusong” para sa walang pinag-aralang mga lalaki na “pinalaki sa panghabi, karayom, o araro” na magkunwaring nauunawaan ang Bibliya at nangangaral ng mensahe nito. Noong 1733, nang itayo nina Glass at ng kaniyang mga kasamahan ang kanilang sariling pagpupulungang bulwagan sa bayan ng Perth, tinangka ng mga klero roon na gipitin ang mga mahistrado upang palayasin sila sa bayan. Sila ay nabigo, at lumago ang kilusan.
Pinakasalan ni Robert Sandeman ang panganay na anak na babae ni Glass at, sa edad na 26, siya ay naging elder sa kongregasyon ng mga Glassite sa Perth. Ang kaniyang mga pananagutan bilang elder ay naging totoong mabigat kung kaya ipinasiya niyang ibuhos ang lahat ng kaniyang panahon sa gawaing pagpapastol. Nang maglaon, pagkamatay ng kaniyang asawa, si Robert ay “malugod na sumang-ayong maglingkod sa Panginoon saanman siya kailanganin,” ang sabi ng isang maikling talambuhay.
Lumaganap ang Sandemanianismo
Masigasig na pinalawak ni Sandeman ang kaniyang ministeryo mula sa Scotland tungo sa Inglatera, kung saan lumago ang mga bagong grupo ng mga kapananampalataya. Nang panahong iyon, laganap ang pagtatalo sa gitna ng mga Calvinistang Ingles. Ang ilan sa kanila ay naniniwala na sila ay nakatadhana ukol sa kaligtasan. Sa kabilang banda, pumanig naman si Sandeman sa mga nanghahawakan na kailangan muna ang pananampalataya. Upang suhayan ang pangmalas na ito, naglathala siya ng isang aklat na muling inimprenta nang apat na ulit at lumabas din sa dalawang edisyong Amerikano. Ayon kay Geoffrey Cantor, ang paglalathala sa tomong ito ay “siyang tanging pinakamahalagang pangyayari na nagtaas sa sektang [Sandemanian] mula sa maliit na pasimula nito sa Scotland.”
Noong 1764, si Sandeman, kasama ang ibang elder na Glassite, ay naglakbay patungong Amerika, isang pagdalaw na pumukaw ng labis na pagtatalo at pagsalansang. Gayunpaman, naging dahilan ito ng pagkakatatag ng isang grupo ng mga Kristiyanong may gayunding kaisipan sa Danbury, Connecticut.a Doon, noong 1771, namatay si Sandeman.
Ang Relihiyosong Paniniwala ni Faraday
Tinanggap ng kabataang si Michael ang turong Sandemanian ng kaniyang mga magulang. Natutuhan niya na pinananatiling hiwalay ng mga Sandemanian ang kanilang sarili buhat sa mga hindi nagsasagawa ng mga turo ng Bibliya. Halimbawa, tumanggi silang makibahagi sa serbisyo ng kasal ng mga Anglikano, anupat minabuting takdaan ang kanilang mga seremonya sa kasal ayon lamang sa legal na mga kahilingan.
Kilalá ang mga Sandemanian sa pagpapasakop sa mga pamahalaan, subalit nanatiling neutral sa pulitika. Bagaman iginagalang na mga miyembro ng komunidad, madalang nilang tanggapin ang mga tungkuling pambayan. Subalit sa ilang pagkakataon na sila ay tumanggap, iniwasan naman nila ang mga partido sa pulitika. Ang pananatili sa paninindigang ito ay nagdulot ng kakutyaan sa kanila. (Ihambing ang Juan 17:14.) Pinanghawakan ng mga Sandemanian na ang makalangit na Kaharian ng Diyos ang siyang sakdal na kaayusan ukol sa pamahalaan. Minalas nila ang pulitika na “isang walang-halaga, maruming laro na salát sa kagandahang-asal,” ang sabi ni Cantor.
Bagaman hiwalay sa iba, hindi sila nagtaglay ng maka-Fariseong saloobin. Ganito ang ipinahayag nila: “Ipinasiya namin na kailangang lubusang iwasan ang Espiritu at Kaugalian ng mga sinaunang Fariseo, ang paggawa ng maraming Kasalanan o Pananagutan nang higit kaysa sa ginawa ng Kasulatan; at ang pagpapawalang-bisa sa mga Simulain ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tradisyon o mga Taliwas na pangangatuwiran ng tao.”
Sinunod nila ang maka-Kasulatang pagtitiwalag sa sinuman sa kanilang miyembro na naging manlalasing, mangingikil, mapakiapid, o nagsasagawa ng ibang malulubhang kasalanan. Kung tunay na nagsisi ang nagkasala, sinisikap nilang ibalik siya. Kung hindi, sinusunod nila ang maka-Kasulatang utos na “alisin ninyo ang taong balakyot.”—1 Corinto 5:5, 11, 13.
Sinunod ng mga Sandemanian ang utos ng Bibliya na umiwas sa dugo. (Gawa 15:29) Ikinatuwiran ni John Glass na ang bayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pananagutang sumunod sa pagbabawal sa dugo kung paanong iniutos ng Diyos sa mga unang tao na umiwas sa pagkain sa bunga ng punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at ng masama. (Genesis 2:16, 17) Ang paglabag sa utos may kinalaman sa dugo ay katumbas ng pagtanggi sa wastong paggamit sa dugo ni Kristo, samakatuwid nga ay ang katubusan buhat sa kasalanan. Ganito nagtapos si Glass: “Ang pagbabawal na ito sa pagkain ng dugo ay lagi, at nananatiling may pinakadakila at pinakamataas na halaga.”
Ang pangangatuwiran ng mga Sandemanian mula sa Kasulatan ay tumulong sa kanila na maiwasan ang maraming silo. Halimbawa, kung tungkol sa paglilibang, bumaling sila sa mga tagubilin ni Kristo bilang mga tuntunin. “Hindi kami nangangahas gumawa ng mga Kautusan kapag walang ginawa si Kristo,” ang sabi nila, “ni inaalis ang alinman sa ibinigay niya sa amin. Samakatuwid, yamang hindi namin masumpungan na bawal ang Dibersiyon, hayagan man o hindi; itinuturing naming wasto ang alinmang Libangan, na hindi nauugnay sa mga Kalagayang talagang kasalanan.”
Bagaman nanghawakan kung gayon ang mga Sandemanian sa maraming mga pangmalas na wastong nakasalig sa Kasulatan, hindi nila naunawaan ang kahalagahan ng mismong gawain na nagpapakilala sa mga tunay na Kristiyano, samakatuwid nga, na dapat ipangaral ng bawat isa ang mabuting balita ng Kaharian sa iba. (Mateo 24:14) Gayunman, bukás para sa lahat ang kanilang mga pulong, at doon ay pinagsikapan nilang ibigay sa lahat ng nagtatanong sa kanila ang dahilan ng kanilang pag-asa.—1 Pedro 3:15.
Paano naapektuhan ng ganitong anyo ng paniniwala ang siyentipikong si Michael Faraday?
Si Faraday na Sandemanian
Bagaman pinarangalan, ipinagdiwang, lubhang iginalang dahil sa kaniyang pambihirang mga tuklas, namuhay lamang nang simple si Michael Faraday. Kapag namatay ang mga tanyag na tao at yaong kilalá sa publiko ay inaasahang dadalo sa libing, napansin na laging wala si Faraday, yamang ang kaniyang budhi ay pumipigil sa kaniya na dumalo at maging bahagi sa isang serbisyo ng Church of England.
Bilang isang siyentipiko ay nanghawakan nang mahigpit si Faraday sa mga bagay na mapatutunayan niyang totoo. Kaya naman iniwasan niyang makisama sa marurunong na tao na nagtaguyod ng kanilang sariling kuru-kuro at may pinapanigan sa mga usapin. Gaya ng minsang sinabi niya sa isang grupo ng tagapakinig, ‘ang isang saligang katotohanan ay hindi kailanman bibigo sa atin, ang mga katibayan nito ay laging totoo.’ Inilarawan niya ang siyensiya bilang nakasalalay ‘sa maingat na sinuring mga katotohanan.’ Sa kaniyang pagtatapos sa isang presentasyon na may kinalaman sa mga pangunahing puwersa ng kalikasan, pinasigla ni Faraday ang kaniyang tagapakinig na dili-diliin “Siya na gumawa sa mga ito.” Pagkatapos ay sinipi niya ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Ang mga bagay Niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang Kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20, King James Version.
Ang lubhang nagtangi kay Faraday mula sa maraming siyentipiko ay ang kaniyang pagnanais na matuto buhat sa kinasihang Aklat ng Diyos at saka sa aklat ng kalikasan. “Sa pamamagitan ng kaniyang pagiging Sandemanian ay natuklasan niya ang paraan upang mamuhay na sinusunod ang moral na kautusan ng Diyos at taglay ang pangakong walang-hanggang buhay,” ang sabi ni Cantor. “Sa pamamagitan ng kaniyang siyensiya ay nasuri niya nang malapitan ang pisikal na mga batas na pinili ng Diyos upang umugit sa sansinukob.” Naniniwala si Faraday na “ang ganap na awtoridad ng Bibliya ay hindi maaaring sirain ng siyensiya, bagkus ang siyensiya, kung gagamitin sa isang tunay na Kristiyanong paraan, ay makapagbibigay-liwanag sa isa pang aklat ng Diyos.”
Mapagpakumbabang tinanggihan ni Faraday ang marami sa mga karangalan na nais igawad ng iba sa kaniya. Patuloy niyang ipinahayag ang kawalan niya ng interes sa pagiging kabalyero. Nais niyang manatiling ‘Ginoong Faraday lamang.’ Nagbuhos siya ng malaking panahon sa kaniyang mga gawain bilang isang elder, lakip na ang regular na paglalakbay mula sa kabisera tungo sa isang nayon sa Norfolk upang mangalaga sa isang maliit na grupo ng mga mananampalatayang may gayunding kaisipan na naninirahan doon.
Namatay si Michael Faraday noong Agosto 25, 1867, at inilibing sa sementeryo ng Highgate sa hilagang London. Sinasabi sa atin ng mananalambuhay na si John Thomas na si Faraday ay “nagpamana sa sumunod na salinlahi ng mas maraming tunay na makasiyentipikong gawa kaysa sa alinmang ibang pisikal na siyentipiko, at ang praktikal na kinalabasan ng kaniyang mga tuklas ay nakaimpluwensiya nang malaki sa uri ng buhay sa kabihasnan.” Ganito ang isinulat ng biyuda ni Faraday, si Sarah: “Ang Bagong Tipan lamang ang maituturo ko bilang ang kaniyang patnubay & tuntunin; sapagkat itinuring niya ito bilang ang Salita ng Diyos . . . na kumakapit pa rin sa mga Kristiyano sa kasalukuyan kagaya nang ito ay isulat”—maliwanag na patotoo sa isang tanyag na siyentipiko na taimtim na namuhay ayon sa kaniyang pananampalataya.
[Talababa]
a Huminto sa pag-iral ang kahuli-hulihang nalabi sa mga grupong Sandemanian, o Glassite, sa Estados Unidos noong bandang pasimula ng siglong ito.
[Kahon sa pahina 29]
Palibhasa’y itinalaga bilang lektyurer sa Royal Institution ng Britanya, itinanyag ni Michael Faraday ang siyensiya sa paraang mauunawaan kahit na ng mga bata. Ang kaniyang payo sa mga kapuwa lektyurer ay naglalaman ng praktikal na mga mungkahi na makabubuting isaalang-alang ng mga modernong-panahong mga Kristiyano na nagtuturo sa madla.
◻ “Ang pagsasalita ay hindi dapat na mabilis at minamadali, at sa gayo’y hindi maintindihan, kundi banayad at marahan.”
◻ Dapat pagsikapan ng isang tagapagsalita na gisingin ang interes ng kaniyang mga tagapakinig “sa pasimula ng lektyur at sa pamamagitan ng isang sunud-sunod na di-halatang paglipat sa ibang paksa, na di-napapansin ng mga tagapakinig, ay panatilihin itong buháy hangga’t ito ay hinihiling ng paksa.”
◻ “Lubhang ibinababa ng isang lektyurer ang dangal ng kaniyang pagkatao kapag inililihis niya ang kaniyang pagsasalita upang pumukaw ng palakpak at humiling ng papuri.”
◻ Kung tungkol sa paggamit ng balangkas: “Lagi kong nasusumpungan ang aking sarili na napipilitang . . . bumuo ng isang balangkas ng [paksa] sa papel at punan ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng muling paggunita sa mga ito, maging sa pamamagitan man ng pag-uugnay-ugnay sa isip o sa ibang paraan. . . . Mayroon akong isinaayos na mga serye ng pangunahin at pangalawahing mga uluhan ng paksa, at mula rito ay binabalangkas ko ang mga punto sa aking paksa.”
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Mga larawan: Sa kagandahang-loob ng Royal Institution