Pagdalaw sa Lupang Pangako
HALIMBAWANG sabihin sa iyo ng isang kaibigan na ibinili ka niya—bilang regalo—ng isang bagong bahay sa gitna ng maganda at tahimik na kapaligiran. ‘Ano kaya ang hitsura nito?’ marahil ay iisipin mo. Walang alinlangang masasabik kang makita mo mismo ang bahay na ito, pumasok doon at tingnang mabuti ang bawat kuwarto. Tutal, sa iyo naman ang bagong tahanang ito!
Noong 1473 B.C.E., ipinamana ni Jehova sa bansa ng sinaunang Israel ang isang bagong tahanan—ang Lupang Pangako, isang makitid na teritoryo na may sukat na 500 kilometro mula hilaga hanggang timog at 55 kilometro ang lapad, sa katamtaman.a Palibhasa’y nasa tinatawag na Fertile Crescent, ang Lupang Pangako ay isang kawili-wiling lugar upang panirahan, na biniyayaan ng sarili nitong pambihirang mga katangian.
Ngunit bakit ka dapat na maging interesado ngayon sa isang “tahanan” na ipinagkaloob na sa iba, lalo na sa isa na napakatagal nang panahong nabuhay? Sapagkat ang pagkaalam sa makasaysayang lupaing ito ay magpapaibayo sa iyong pagpapahalaga sa mga kasaysayan sa Bibliya. “Sa lupain ng Bibliya,” isinulat ng yumaong Propesor Yohanan Aharoni, “ang heograpiya at kasaysayan ay mahigpit na pinagsama anupat alinman ay hindi tunay na mauunawaan kung wala ang tulong ng isa.” Isa pa, sa pinakasukdulan nito ang Lupang Pangako ay naglaan ng isang maliit na halimbawa ng kung ano ang magiging kahulugan ng Paraiso para sa sangkatauhan sa buong daigdig sa ilalim ng Kaharian ng Diyos!—Isaias 11:9.
Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ginamit ni Jesu-Kristo ang karaniwang mga tanawin sa Lupang Pangako upang ituro ang praktikal na mga aral. (Mateo 13:24-32; 25:31-46; Lucas 13:6-9) Tayo man sa praktikal na paraan ay maraming matututuhan sa pagsasaalang-alang ng ilang katangian ng sinaunang Palestina. Pumasok tayo sa ilang mga kuwarto nito, wika nga, na tinitingnang mabuti ang ilang namumukod na mga katangian ng lupaing ito na nagsilbing tahanan sa bayan ng Diyos sa loob ng maraming siglo. Gaya ng makikita natin, marami tayong matututuhan sa Lupang Pangako.
[Talababa]
a Sa paggamit ng “Lupang Pangako” sa artikulong ito ay minamalas ang mga bagay-bagay mula sa paniniwala ng sinaunang panahon, ayon sa paglalarawan ng Bibliya, at walang kinalaman ang modernong makapulitikang/relihiyosong pag-aangkin sa lugar na iyon.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Garo Nalbandian