Praktikal na mga Aral Mula sa Lupang Pangako
ANG Lupang Pangako ayon sa ulat ng Bibliya ay talagang kakaiba. Sa maliit-liit din namang lugar na ito, masusumpungan natin ang maraming sari-saring heograpikal na mga katangian. Sa hilaga, may mga bundok na ang tuktok nito’y nababalot ng yelo; sa timog, maiinit ang lugar. May mabubungang kapatagan, mapapanglaw na lugar ng kasukalan, at maburol na kabukiran para sa namumungang mga punungkahoy at para sa nanginginaing mga kawan.
Ang pagkakaiba-iba ng taas, klima, at lupa ang dahilan ng pagkakaroon ng maraming iba’t ibang punungkahoy, palumpong, at iba pang mga halaman—lakip na ang ilang nakatatagal sa malalamig na lugar ng alpino, ang iba na tumutubo sa napakainit na disyerto, at mayroon pang iba na yumayabong sa dating binahang kapatagan o sa mabatong talampas. Tinatantiya ng isang botaniko na mga 2,600 sari-saring halaman ang matatagpuan sa lugar na iyon! Nakita ng unang Israelita na gumalugad sa lupain ang aktuwal na katunayan ng potensiyal nito. Iniuwi nila mula sa batis ang isang kumpol ng ubas na napakalaki anupat kinailangang ito’y ibitin sa pingga upang buhatin ng dalawang lalaki! Ang libis ay angkop na tawaging Escol, na nangangahulugang “Kumpol [ng Ubas].”a—Bilang 13:21-24.
Subalit tingnan nating mabuti ngayon ang ilan sa heograpikal na mga katangian ng kakaibang makitid na lupang ito, lalo na ang bahaging timog.
Ang Shepela
Ang kanluraning dalampasigan ng Lupang Pangako ay ang baybayin nito sa Dagat Mediteraneo. Mga 40 kilometro mula sa dagat ay naroroon ang Shepela. Ang salitang “Shepela” ay nangangahulugang “Mababang Lupa,” ngunit ang totoo ito’y maburol na lugar at matatawag lamang na mababa kapag inihahambing sa mga bundok ng Juda sa dakong silangan.
Tingnan ang kalakip na cross-section na mapa at pansinin ang kaugnayan ng Shepela sa nakapalibot na mga teritoryo nito. Sa dakong silangan ay naroroon ang mga bundok ng Juda; sa kanluran, ang baybaying kapatagan ng Filistia. Sa gayon, ang Shepela ay nagsisilbing neutral na sona, isang hangganan na noong panahon ng Bibliya ay siyang naghihiwalay sa bayan ng Diyos mula sa sinaunang mga kaaway nito. Anumang sumasalakay na hukbo mula sa kanluran ay kailangang dumaan muna sa Shepela bago ito makakilos laban sa Jerusalem, ang kabiserang lunsod ng Israel.
Ang gayong pangyayari ay naganap noong ikasiyam na siglo B.C.E. Si Haring Hazael ng Siria, ayon sa ulat ng Bibliya, “ay umahon at lumaban sa Gath [malamang na sa hangganan ng Shepela] at sinakop iyon, pagkatapos ay itiningala ni Hazael ang kaniyang mukha upang umahon laban sa Jerusalem.” Napigil ni Haring Joas si Hazael, anupat sinuhulan siya ng sari-saring mahahalagang bagay mula sa templo at palasyo. Gayunman, ang ulat na ito ay naglalarawan na ang Shepela ay napakahalaga sa kaligtasan ng Jerusalem.—2 Hari 12:17, 18.
Makakakuha tayo ng isang praktikal na aral mula rito. Hinangad ni Hazael na masakop ang Jerusalem, ngunit dapat muna siyang dumaan sa Shepela. Sa katulad na paraan, si Satanas na Diyablo ay “naghahanap ng masisila” sa mga lingkod ng Diyos, ngunit karaniwan nang dapat muna siyang dumaan sa isang matibay na neutral na sona—sa kanilang paninindigan sa mga simulain ng Bibliya, gaya niyaong may kinalaman sa masasamang kasama at materyalismo. (1 Pedro 5:8; 1 Corinto 15:33; 1 Timoteo 6:10) Ang pakikipagkompromiso sa mga simulain ng Bibliya ay madalas na siyang unang hakbang sa paggawa ng malubhang kasalanan. Kaya ingatang matibay ang neutral na sonang iyan. Sundin mo ang mga simulain ng Bibliya ngayon, at hindi ka lalabag sa batas ng Diyos bukas.
Ang Maburol na Lupain ng Juda
Sa dako pa roon papasok mula sa Shepela ay naroroon ang maburol na lupain ng Juda. Ito’y bulubunduking dako na nagsisibol ng mabubuting butil, langis ng olibo, at alak. Dahil sa mataas ito, ang Juda ay isa ring napakagaling na kanlungan. Kaya naman, si Haring Jotham ay nagtayo ng “nakukutaang mga dako at mga tore” doon. Sa panahon ng kaguluhan, ang mga tao’y makatatakas tungo sa mga ito upang makaligtas.—2 Cronica 27:4.
Ang Jerusalem, na tinatawag ding Sion, ay isang prominenteng bahagi ng maburol na lupain ng Juda. Waring ligtas ang Jerusalem yamang nakapaligid sa tatlong panig nito ang matatarik na libis, at ang dakong hilaga, ayon sa unang-siglong istoryador na si Josephus, ay napangangalagaan ng tatlong sunud-sunod na pader. Ngunit higit pa sa mga pader at sandata ang kailangan ng kanlungan upang mapanatili ang kaligtasan nito. Kailangan din nito ang tubig. Napakahalaga nito sa panahon ng paglusob, sapagkat kung walang tubig, ang nasukol na mga mamamayan ay napakadaling mapasuko.
Ang Jerusalem ay kumukuha ng tubig mula sa Tipunan ng Tubig ng Siloam. Subalit noong ikawalong siglo B.C.E., dahil sa inaasahang paglusob ng mga Asiriano, nagpatayo si Haring Hezekias ng pangharang na pader upang mapangalagaan ang Tipunan ng Tubig ng Siloam, anupat binakuran ito sa loob ng lunsod. Binarahan din niya ang mga bukal sa labas ng lunsod, upang ang mga lumulusob na mga Asiriano ay mahirapang makakuha ng tubig para sa kanilang sarili. (2 Cronica 32:2-5; Isaias 22:11) Hindi lamang iyan. Nagawan din ni Hezekias ng paraan na mailipat ang iba pang suplay ng tubig papasok mismo sa Jerusalem!
Bilang ang sinasabing isa sa kahanga-hangang gawa ng inhinyeriya noong unang panahon, nagpahukay si Hezekias ng tunel mula sa bukal ng Gihon hanggang sa Tipunan ng Tubig ng Siloam.b Sa katamtamang 1.8 metro ang taas, ang tunel na ito ay 533 metro ang haba. Gunigunihin lamang ito—isang tunel na mahigit kalahating kilometro ang haba, na tinibag sa mga bato! Sa ngayon, pagkalipas ng mga 2,700 taon, ang mga namamasyal sa Jerusalem ay makapagtatampisaw patawid sa obra-maestrang ito ng inhinyeriya, na kilala sa tawag na tunel ni Hezekias.—2 Hari 20:20; 2 Cronica 32:30.
Ang pagsisikap ni Hezekias na mapangalagaan at maparami ang suplay ng tubig sa Jerusalem ay may maituturong praktikal na aral sa atin. Si Jehova “ang bukal ng buháy na tubig.” (Jeremias 2:13) Ang kaniyang pag-iisip, na nasa Bibliya, ay nagbibigay-buhay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng personal na pag-aaral ng Bibliya. Ngunit ang pagkakataong mag-aral, at ang kaalamang idudulot nito, ay hindi basta na lamang dadaloy sa iyo. Baka kailanganin mong ‘humukay ng mga tunel,’ halimbawa’y sa iyong napakaabalang rutina sa araw-araw, upang mabigyan iyon ng panahon. (Kawikaan 2:1-5; Efeso 5:15, 16) Minsang ito’y mapasimulan mo, manatili sa iyong iskedyul, anupat inuuna mong lagi ang iyong personal na pag-aaral. Ingatang huwag maagaw sa iyo ninuman o ng anumang bagay ang napakahalagang suplay na ito ng tubig.—Filipos 1:9, 10.
Ang mga Dakong Ilang
Sa gawing silangan ng mga bundok ng Juda ay naroroon ang Ilang ng Juda, na tinatawag ding Jesimon, na nangangahulugang “Disyerto.” (1 Samuel 23:19, talababa sa Ingles) Sa Dagat Asin, ang tigang na rehiyong ito ay may mababatong gulod at baku-bakong mga bangin. Palibhasa’y biglang baba nang 1,200 metro sa 24 na kilometro lamang, ang Ilang ng Juda ay nasasanggahan mula sa hanging nagdadala ng ulan mula sa kanluran, kung kaya limitado lamang ang pag-ulan dito. Walang alinlangang sa ilang na ito dinala ang kambing para kay Azazel sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Dito rin tumakas si David mula kay Saul. Dito nag-ayuno si Jesus sa loob ng 40 araw at pagkatapos ay tinukso ng Diyablo.—Levitico 16:21, 22; Awit 63, inskripsiyon; Mateo 4:1-11.
Ang Ilang ng Paran ay nasa humigit-kumulang 160 kilometro sa timog-kanluran ng Ilang ng Juda. Naroroon ang marami sa mga pinagkampuhan ng Israel noong 40 taon nilang paglalakbay mula Ehipto patungo sa Lupang Pangako. (Bilang 33:1-49) Isinulat ni Moises ang tungkol sa “malawak at kakila-kilabot na ilang, na may mga makamandag na serpiyente at mga alakdan at may uhaw na lupa na walang tubig.” (Deuteronomio 8:15) Himala na lamang ang makapagliligtas sa milyun-milyong Israelita! Gayunman, sila’y inalalayan ni Jehova.
Sana’y magsilbing paalaala ito na tayo man ay maaalalayan ni Jehova, kahit sa tigang sa espirituwal na sanlibutang ito. Oo, tayo rin ay lumalakad sa gitna ng mga serpiyente at mga alakdan, bagaman hindi ito literal. Maaaring kailanganing makitungo tayo araw-araw sa mga taong di-nag-aatubiling magbuga ng makamandag na pananalita na madaling lumalason sa ating pag-iisip. (Efeso 5:3, 4; 1 Timoteo 6:20) Yaong nagsisikap maglingkod sa Diyos sa kabila ng mga hadlang na ito ay karapat-dapat papurihan. Ang kanilang katapatan ay patunay na talagang sila’y inaalalayan ni Jehova.
Ang mga Burol ng Carmel
Ang pangalang Carmel ay nangangahulugang “Looban ng mga Bungang-Kahoy.” Ang mayamang rehiyong ito sa hilaga, mga 50 kilometro ang haba, ay napapalamutian ng mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga punungkahoy na namumunga. Ang yumi at ganda ng pinakatulis ng hanay na mga burol na ito ay di-malilimot. Binabanggit ng Isaias 35:2 ang “karilagan ng Carmel” bilang sagisag ng mabungang kaluwalhatian ng isinauling lupain ng Israel.
Maraming dakilang pangyayari ang naganap sa Carmel. Dito hinamon ni Elias ang mga propeta ni Baal at na “ang apoy ni Jehova ay bumaba” bilang katibayan ng Kaniyang pagiging pinakamataas. Gayundin, doon sa tuktok ng Carmel itinawag-pansin ni Elias ang maliit na ulap na naging malakas na buhos ng ulan, na makahimalang nagwakas sa tagtuyot sa Israel. (1 Hari 18:17-46) Ang humalili kay Elias, si Eliseo, ay nasa Bundok ng Carmel nang ang babae ng Sunem ay dumating upang humingi ng tulong sa kaniya para sa kaniyang namatay na anak, na pagkaraan ay binuhay-muli ni Eliseo.—2 Hari 4:8, 20, 25-37.
Ang dalisdis ng Carmel ay mayroon pa ring mga looban ng mga bungang-kahoy, mga taniman ng olibo, at ubasan. Sa panahon ng tagsibol, ang mga dalisdis na ito’y nalalatagan ng maririkit na pagtatanghal ng mga bulaklak. “Ang iyong ulo ay gaya ng Carmel,” sabi ni Solomon sa babaing Sulamita, marahil ay dahil sa kaniyang makapal na buhok o sa pagiging maharlika ng kaniyang ulo na may magandang hubog mula sa kaniyang leeg.—Awit ni Solomon 7:5.
Ang karilagan na siyang katangian ng mga burol ng Carmel ay nagpapagunita sa atin ng espirituwal na kagandahang ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang modernong-panahong organisasyon ng mga mánanambá. (Isaias 35:1, 2) Ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na namumuhay sa isang espirituwal na paraiso, at sila’y sang-ayon sa naging damdamin ni Haring David, na sumulat: “Ang pising panukat ay nahulog sa akin sa kaayaayang mga dako. Oo, ang aking sariling tinatangkilik ay nakalulugod sa akin.”—Awit 16:6.
Totoo, may mabibigat na hamong dapat harapin ng espirituwal na bayan ng Diyos, kung paanong ang mga sinaunang Israelita ay nakaranas ng patuloy na pagsalansang mula sa mga kaaway ng Diyos. Magkagayunman, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi kailanman nakalilimot sa mga pagpapalang inilalaan ni Jehova—lakip na ang patuloy na lumiliwanag na katotohanan sa Bibliya, ang pandaigdig na kapatiran, at ang pagkakataong matamo ang walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.—Kawikaan 4:18; Juan 3:16; 13:35.
“Gaya ng Halamanan ni Jehova”
Ang sinaunang Lupang Pangako ay kaakit-akit sa mata. Ito’y angkop na inilarawan bilang “dinadaluyan ng gatas at pulot.” (Genesis 13:10; Exodo 3:8) Tinawag ito ni Moises na “isang mabuting lupain, isang lupain ng mga batis ng tubig, mga bukal at ng matutubig na kalaliman na bumubukal sa mga libis na kapatagan at sa bulubunduking mga rehiyon, lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga igos at ng mga granada, lupain ng mga puno ng olibo at ng mga pulot, lupain na kakainan mo ng tinapay na di-kapos, na walang magkukulang sa iyo roon, lupain na ang mga bato ay bakal at mula sa mga bundok ay makakakuha ka ng tanso.”—Deuteronomio 8:7-9.
Kung si Jehova ay nakapaglaan ng gayong kasagana at kagandang lupang-tinubuan para sa kaniyang sinaunang bayan, tiyak na makapagbibigay rin siya sa kaniyang modernong-panahong tapat na mga lingkod ng isang maluwalhating paraiso na aabot sa buong daigdig—na may mga bundok, libis, ilog, at lawa. Oo, ang sinaunang Lupang Pangako lakip na ang pagkakasari-sari nito ay isa lamang patikim ng isang espirituwal na paraiso na tinatamasa na ngayon ng kaniyang mga Saksi at sa darating na Paraiso sa bagong sanlibutan. Doon ay matutupad ang pangakong nakaulat sa Awit 37:29: “Mamanahin ng matuwid ang lupa, at sila’y tatahan doon magpakailanman.” Kapag ibinigay na ni Jehova ang Paraisong tahanang iyan sa masunuring sangkatauhan, magiging napakaligaya nila na tingnang mabuti ang lahat ng “mga kuwarto” nito at gawin ito magpakailanman!
[Mga talababa]]
a Ang isang kumpol ng ubas mula sa lugar na ito ay iniulat na tumitimbang ng 12 kilo, at ang iba, ay mahigit na 20 kilo.
b Ang bukal ng Gihon ay nasa labas lamang ng silangang hangganan ng Jerusalem. Ito’y nakatago sa isang kuweba; kaya, malamang na hindi alam ng mga Asiriano ang tungkol dito.
[Mapa sa pahina 4]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GALILEA
Bundok Carmel
Dagat ng Galilea
SAMARIA
SHEPELA
Mga Bundok ng Juda
Dagat Asin
[Credit Line]
Kuha ng NASA
[Mapa sa pahina 4]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Shepela ang hangganan na humahati sa bayan ng Diyos at sa kanilang mga kaaway
MI 0 5 10
KM 0 8 16
Kapatagan ng Filistia
Shepela
Maburol na Lupain ng Juda
Ilang ng Juda
Rift Valley
Dagat Asin
Lupain ng Ammon at Moab
[Mapa/Larawan sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tunel ni Hezekias: 533 metro ang haba, na tinibag sa matigas na bato
Tyropoeon Valley
Siloam
LUNSOD NI DAVID
Libis ng Kidron
Gihon
[Mga larawan sa pahina 6]
Sa Ilang ng Juda, nanganlong si David mula kay Saul. Nang maglaon ay dito tinukso ng Diyablo si Jesus
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang Bundok Carmel, na dito’y hiniya ni Elias ang mga propeta ni Baal
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Mga larawan sa pahina 8]
“Dinala ka ni Jehova na iyong Diyos sa isang mabuting lupain, isang lupain ng mga batis ng tubig, mga bukal at ng matutubig na kalaliman na bumubukal sa mga libis na kapatagan at sa bulubunduking mga rehiyon.”—Deuteronomio 8:7