Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/1 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Sakit sa Isip
    Gumising!—2014
  • Pagkabagabag ng Isip—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kapag May Karamdaman sa Isip ang Iyong Minamahal
    Gumising!—2004
  • “Espirituwal na mga Salita” Para sa Nababagabag ang Isip
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/1 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa

Katalinuhan ba para sa isang Kristiyano na kumonsulta sa isang praktikante sa kalusugan ng isip?

Ipinakikita ng mga ulat sa ilang lupain na dumami ang mga karamdaman sa isip at emosyon sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Taimtim na nakikiramay ang mga Kristiyano kapag naaapektuhan ang kanilang mga kapananampalataya, subalit kinikilala nila na ang bawat isa ay dapat na magpasiya para sa kaniyang sarili kung magpapagamot ng kaniyang karamdaman at, kung gayon, anong uri ng paggamot.a “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Ang ilan na lubhang pinahihirapan ng schizophrenia, bipolar disorder, matinding panlulumo, di-masupil na paggawi, pagpinsala-sa-sarili, at iba pang nakababalisang karamdaman, ay nakapamuhay nang normal matapos makakuha ng tamang propesyonal na tulong.

Sa ilang lugar ay naging popular ang magpasailalim sa therapy. Sa maraming kaso ang pasyente ay walang malubhang karamdaman sa isip subalit nahihirapang humarap sa ilang situwasyon sa buhay. Gayunman, ang Bibliya ang siyang nagbibigay ng pinakamabisang tulong sa pagharap sa mahihirap na suliranin sa buhay. (Awit 119:28, 143) Sa pamamagitan ng Bibliya, nagbibigay si Jehova ng karunungan, kakayahang mag-isip, at tunay na kaalaman​—mga bagay na nagpapatibay sa atin sa mental at emosyonal na paraan. (Kawikaan 2:1-11; Hebreo 13:6) May panahon na ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay maaaring magpahayag ng kanilang sarili sa paraang di-makatuwiran dahil sa matinding pagkabagabag ng damdamin. (Job 6:2, 3) Ang Santiago 5:13-16 ay nagpapasigla sa gayong mga tao na tawagin ang mga matatanda para sa tulong at payo. Ang isang Kristiyano ay maaaring maysakit sa espirituwal, o siya ay maaaring nababagabag dahil sa isang di-mababagong kalagayan o dahil sa matinding kaigtingan, o maaaring madama niya na siya ay biktima ng kawalang-katarungan. (Eclesiastes 7:7; Isaias 32:2; 2 Corinto 12:7-10) Ang gayong tao ay makasusumpong ng tulong sa matatanda, na ‘magpapahid sa kaniya ng langis’​—samakatuwid nga, may kahusayang magbibigay ng nakaaaliw na payo buhat sa Bibliya​—at gayundin ‘ipananalangin siya.’ Ang resulta? “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova [buhat sa kaniyang kawalan ng pag-asa o sa kaniyang pagkadama na pinabayaan siya ng Diyos].”

Subalit paano kung ang pagkabagabag ng isip at kalituhan ng isang tao ay nananatili sa kabila ng mahusay na pagtulong ng espirituwal na mga pastol? Minabuti ng ilan na nasa ganitong kalagayan na lubusang ipasuri ang kanilang katawan. (Ihambing ang Kawikaan 14:30; 16:24; 1 Corinto 12:26.) Maaaring isang suliranin sa katawan ang sanhi ng pagkabagabag ng emosyon o isip. Sa ilang kaso, ang paggamot sa gayong sakit ay nagpaginhawa sa taong may emosyonal na karamdaman.b Kung walang masumpungang sakit sa katawan, ang manggagamot, matapos hilingan, ay maaaring magrekomenda ng isang propesyonal sa kalusugan ng isip. Ano kung gayon? Gaya ng nasabi na, ito ay isang pasiya na dapat timbangin ng bawat indibiduwal sa ganang sarili. Hindi dapat na pumuna o humatol ang iba.​—Roma 14:4.

Gayunpaman, kailangang gamitin ang praktikal na karunungan at maging maingat na huwag kalimutan ang mga simulain sa Bibliya. (Kawikaan 3:21; Eclesiastes 12:13) Kung tungkol sa pisikal na sakit, ang mga pasyente ay napapaharap sa sarisaring mapagpipiliang paggamot, mula sa karaniwang gamot tungo sa mga therapy na gaya ng naturopathy, acupuncture, at homeopathy. Mayroon ding iba’t ibang uring praktikante sa kalusugan ng isip. Kabilang sa kanila ang mga analytic psychotherapist at iba pa, na maaaring mag-usisa sa personal na kasaysayan ng pasyente upang subukang hanapin ang mga dahilan ng di-normal na gawi o sakit ng damdamin. Maaaring subukan ng mga behavioral psychotherapist na tulungan ang pasyenteng matuto ng mga bagong huwarang paggawi. Naniniwala ang ilang praktikante sa kalusugan ng isip na karamihan sa mga karamdaman sa isip ay dapat pagalingin sa pamamagitan ng mga gamot.c Ayon sa ulat, inirerekomenda ng ilan ang pagdidiyeta at mga bitamina.

Dapat na maging maingat ang mga pasyente at ang kanilang pamilya kapag isinasaalang-alang ang mga pagpipiliang ito. (Kawikaan 14:15) Kapansin-pansin, sinabi ni Propesor Paul McHugh, direktor ng Department of Psychiatry and Behavioral Sciences sa Johns Hopkins University School of Medicine, na ang propesyon may kinalaman sa kalusugan ng isip “ay hindi pa ganap na medikal na sining. Hindi ito madaling makakuha ng mga patotoo sa mga palagay nito yamang nakikitungo ito sa mga sakit ng pinakamasalimuot na mga bahagi ng buhay ng tao​—ang isip at gawi.” Ang ganitong situwasyon ay nagbubukas ng pagkakataon sa kakatwang bagay at pandaraya, gayundin sa taimtim na mga paggamot na maaaring lalong makasama kaysa makabuti.

Dapat ding banggitin na samantalang ang mga saykayatris at mga sikologo ay may propesyonal, tinamong mga titulo, marami pang iba na walang propesyonal na kuwalipikasyon ang nagpapayo at nagsasagawa ng therapy nang walang anumang patnubay. Ang ilang indibiduwal ay gumugol ng maraming salapi sa pagkonsulta sa gayong di-kuwalipikadong mga tao.

Kahit sa sanay, kuwalipikadong propesyonal sa kalusugan ng isip, may mga bagay na dapat isaalang-alang. Kapag pumipili ng medikal na doktor o siruhano, kailangang natitiyak natin na igagalang niya ang ating salig-Bibliyang mga pangmalas. Gayundin, magiging mapanganib na kumonsulta sa isang propesyonal sa mental na kalusugan na hindi gumagalang sa ating relihiyoso at moral na pangmalas. Maraming Kristiyano ang talagang nagsisikap, sa kabila ng mental at emosyonal na mga suliranin, na magtaglay “ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” (Roma 15:5) Wastong pinag-iisipan ng mga gayon ang mga saloobin ng sinuman na makaaapekto sa kanilang pag-iisip o gawi. Minamalas ng ilang praktikante na di-mahalaga at totoong nakasasama sa mental na kalusugan ang alinmang pagbabawal dahil sa maka-Kasulatang paniniwala. Sila ay maaaring sumang-ayon, magrekomenda pa nga, sa mga gawain na hinahatulan sa Bibliya, gaya ng homoseksuwalidad o kawalang-katapatan sa pag-aasawa.

Ang mga ideang ito ay kasali sa tinatawag ni apostol Pablo na “mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ ” (1 Timoteo 6:20) Ang mga ito ay salungat sa katotohanan tungkol sa Kristo at bahagi “ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang” ng sanlibutang ito. (Colosas 2:8) Maliwanag ang pamantayan ng Bibliya: “Walang karunungan, ni anumang kaunawaan, ni anumang payo na salungat kay Jehova.” (Kawikaan 21:30) Ang mga praktikante sa kalusugan ng isip na nagsasabing “mabuti ang masama at masama ang mabuti” ay “masasamang kasama.” Sa halip na tumulong upang gamutin ang di-matatag na mga kaisipan, ‘sisirain nila ang kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.’​—Isaias 5:20; 1 Corinto 15:33.

Kaya ang isang Kristiyano na nakadaramang kailangang kumonsulta sa isang propesyonal sa kalusugan ng isip ay dapat na magsuring mabuti sa mga kuwalipikasyon, saloobin, at reputasyon ng praktikante at sa posibleng epekto ng anumang inirekomendang paggamot. Kung ito ay hindi magagawang mag-isa ng isang nababagabag na Kristiyano, marahil ang isang maygulang, malapit na kaibigan o kamag-anak ay makatutulong. Masusumpungan ng isang Kristiyano na hindi nakatitiyak sa katalinuhan ng isang partikular na paggamot na nakatutulong ang pakikipag-usap sa matatanda sa kongregasyon​—bagaman ang pangwakas na pasiya ay manggagaling sa kaniya (o sa kaniyang mga magulang, o sa magkasamang pasiya ng mag-asawa).d

Mas higit ang nagagawa ngayon ng siyensiya kaysa noong nakaraang panahon upang pawiin ang paghihirap. Sa kabila nito, marami pa ring sakit​—kapuwa sa pisikal at sa mental​—ang sa kasalukuyan ay walang kagamutan at kailangang batahin sa sistemang ito ng mga bagay. (Santiago 5:11) Samantala “ang tapat at maingat na alipin,” ang matatanda, at ang lahat ng iba pa sa kongregasyon ay nakikiramay at tumutulong sa mga maysakit. At si Jehova mismo ang nagpapalakas sa kanila upang makapagbata hanggang sa maluwalhating panahong iyon kapag ang sakit ay naparam na.​—Mateo 24:45; Awit 41:1-3; Isaias 33:24.

[Mga talababa]

a Kung minsan ay maaaring hilingin sa isang indibiduwal na magpasuri sa isang saykayatris, marahil kapag isinasaalang-alang para sa mataas na uring trabaho. Personal na pasiya ng isa kung magpapasailalim sa gayong pagsusuri o hindi, ngunit dapat na tandaan na ang pagsusuri ng isang saykayatris ay hindi paggamot.

b Tingnan ang “Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo,” sa Marso 1, 1990, labas ng Ang Bantayan.

c Ang ilang karamdaman sa isip ay waring nalulunasan ng tamang paggamit ng mga gamot. Subalit ang mga gamot na ito ay kailangang gamitin nang maingat sa ilalim ng patnubay ng sinanay at makaranasang mga medikal na manggagamot o saykayatris, yamang maaaring magkaroon ng napakasamang epekto kung ang mga dosis ay hindi wastong iniangkop.

d Tingnan ang artikulong “Pagkabagabag ng Isip​—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano” sa Oktubre 15, 1988, labas ng Ang Bantayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share