Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 10/15 p. 25-29
  • Pagkabagabag ng Isip—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkabagabag ng Isip—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit ang mga Kristiyano ay Tinatablan Din
  • Mga Sanhi ng Pagkabagabag ng Isip
  • Ang Magagawa ng Matatanda
  • Yaong mga ‘Nangangailangan ng Manggagamot’
  • Nililigalig ba ng mga Demonyo?
  • Mga Panggagamot ng Sikayatrista
  • Ang Pakikipag-usap na Paraan ng Paggamot
  • “Espirituwal na mga Salita” Para sa Nababagabag ang Isip
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Problema sa Mental na Kalusugan sa Buong Mundo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2023
  • Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Sakit sa Isip
    Gumising!—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 10/15 p. 25-29

Pagkabagabag ng Isip​—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano

ANG mga dalubhasa sa kalusugan ng isip ay nagsasabi na marahil 1 sa 5 indibiduwal sa Estados Unidos ang dumaranas ng isang uri ng nakikilalang sakit ng isip. Isinusog pa ng World Health Organization na marahil ay mayroong kasindami ng 40 milyon na di-nagagamot na mga kaso ng sakit ng isip sa umuunlad na mga bansa. Mga suliranin ng isip ang natuklasan kahit na sa gitna ng mga ilang nananahan sa malaparaisong mga isla sa Pasipiko.

Kung gayon ay hindi natin dapat pagtakhan na mayroong mga Kristiyano sa ngayon na dumaranas ng mga suliranin ng isip o ng emosyon mula sa simpleng pagkabalisa at bahagyang kalumbayan hanggang sa malulubhang karamdaman na tulad baga ng matinding kalumbayan, bipolar na mga kapansanan (manic-depression), phobias, at schizophrenia. Ang iba ay nagkaroon ng ganiyang mga problema bago naging mga Saksi, samantalang ang iba ay nagsimulang dumanas ng kalumbayan sa mga taon ng katandaan.

Kung Bakit ang mga Kristiyano ay Tinatablan Din

Isang nag-alay na babaing Kristiyano na may mahigit na 20 taon na ng paglilingkod ang nag-ulat na siya’y niligalig ng malalakas at walang paglulubay na mga tinig. “Samantalang ang pinag-iisipan ko’y ibang bagay naman,” ang sabi ng babae, “walang anu-ano’y maririnig ko na lamang ang tinig na nagsasabi, ‘Magpakamatay ka.’ . . . Paulit-ulit na maririnig mo ang mga tinig na ito hanggang sa hindi mo na makayanan.” Paano nga nangyayari na ang isang tapat na Kristiyano ay nagdurusa sa ganitong paraan? Hindi baga ang 2 Timoteo 1:7 ay nagsasabi: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip”?

Oo, ngunit ang katinuan ng isip ay pangkaraniwang tumutukoy, hindi gaano sa sikolohikong paraan na di gaya sa abilidad ng Kristiyano na gumamit ng pagpapasiya na salig sa Bibliya. Di-tulad ng isang tao ng sanlibutan na “nasa kadiliman ang pag-iisip,” o “masama ang isip,” ang isang Kristiyano ay ‘nagbago ng kaniyang isip’ sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Efeso 4:17, 18; 2 Timoteo 3:8; Roma 12:2) Ito nga ang walang alinlangan ay malaki ang nagagawa upang ang isang Kristiyano’y manatiling nasa katinuan ng emosyon at pag-iisip, gayunman ay hindi pa rin siya ligtas sa mga suliranin ng kalusugan ng isip. Ang ilang tapat na mga lingkod ng Diyos noong panahon na tinutukoy sa Bibliya, tulad baga ni Epafrodito, ay dumanas ng iba’t ibang uri ng pagkabagabag ng isip.​—Filipos 2:25, 26 Lucas 2:48.

“Kay Adan lahat ay nangamamatay,” ang paalaala sa atin ni apostol Pablo. (1 Corinto 15:22) Marami sa atin ang nahahalatang maysakit. Ang iba naman ay dumaranas ng sakit sa isip o sa emosyon.

Mga Sanhi ng Pagkabagabag ng Isip

Pisikal na mga sanhi ang waring nasa ugat ng maraming kaso ng pagkabagabag ng isip. Halimbawa, may tinutukoy ang Bibliya na isang tao na ang mga mata’y “nakakakita ng kakatuwang mga bagay.” Ano ang sanhi ng gayong mahiwagang mga pagdidiliryo? “Ang matagal na pagpapasasa sa alak”! (Kawikaan 23:29-33) Maliwanag, ang alak ay maaaring maging sanhi ng pagdidiliryo ng utak. Sinasabi ng mga doktor na sa isang nahahawig na paraan, ang tiwaling kimika ng utak, mga salik genetiko, at marahil kahit na ang pagkain ay maaaring sanhi ng maling pag-andar ng utak. Mga suliranin sa isip at sa emosyon ang maaaring maging resulta.a

Ang matitinding sikolohikong mga kagipitan, tulad halimbawa ng igting, ay maaari ring panggalingan ng mga emosyonal na problema. Kahit na ang pagsisikap na manatiling malinis sa moral at ang pagkakaroon ng personalidad na Kristiyano sa ngayon na “mapanganib na mga panahong mahirap na pakitunguhan” ay maaaring pagmulan ng kaigtingan. (2 Timoteo 3:1-5) Aba, “nahahapis ang matuwid na kaluluwa” ni Lot nang dahil sa kabalakyutan na nasasaksihan niya araw-araw sa Sodoma! (2 Pedro 2:8) Isa pa, may mga Kristiyano na naapektuhan ang isip dahilan sa pagkaranas ng isang panggagahasa, ng seksuwal na pang-aabuso, o dahilan sa nakalipas na karanasan sa pagkahandalapak o sa pag-aabuso sa droga. Ang ganiyang mga bagay ay nagkaroon ng nakatatakot na epekto sa kalusugan ng isip ng isang tao.

Ang Magagawa ng Matatanda

Ang matatanda ay may pananagutan na magpastol sa buong kawan na ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga​—kasali na yaong mga dumaranas ng suliranin sa emosyon. (1 Pedro 5:2; Isaias 32:1, 2) Totoo, sila’y hindi mga doktor, at hindi nila mapagagaling ang sinuman sa kanilang mga karamdaman gaya rin kung paano hindi napagaling ni apostol Pablo si Epafrodito sa kaniyang pisikal na sakit o kasunod na pamamanglaw. (Filipos 2:25-29) Gayunman, sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na malasakit at pakikiramay, malimit na malaki ang magagawa nila upang tulungan at palakasing-loob ang mga gayon.​—1 Pedro 3:8.

Ano, kung ang isang kapatid ay kumikilos nang kakatuwa o nagrereklamo na may suliranin sa emosyon? Una muna’y maaaring kausapin ng matatanda ang may suliranin, alamin kung ano talaga ang bumabagabag sa kaniya. Siya ba’y dumanas ng anumang kasakunaan o napaharap sa isang di-pangkaraniwang kalagayan​—marahil ang pagkaalis sa trabaho o ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay​—anupa’t pansamantala ay nawawala siya sa kaniyang sarili? (Eclesiastes 7:7) Ang gayon bang tao ay dumaranas ng bahagyang pamamanglaw dahilan sa pag-iisa at sa gayo’y nangangailangan ng isang “makakausap na aaliw” sa kaniya? (1 Tesalonica 5:14) O baka naman nililigalig ang kapatid na iyon ng isang personal na pagkukulang? Ang pagbibigay sa kaniya ng katiyakan na siya’y iniibig at kinahahabagan ng Diyos​—lakip ang angkop na payo​—ay baka makatulong upang pagaangin ang kaniyang nadarama na bumabalisa sa kaniya. (Awit 103:3, 8-14) Malaki ang magagawa kahit na lamang ang pananalangin na kasama ang kapatid na may suliranin.​—Santiago 5:14.

Ang may suliranin ay maaaring bahaginan ng matatanda ng kanilang praktikal na karunungan. (Kawikaan 2:7) Halimbawa, napag-alaman natin na ang ilang mga suliranin sa emosyon ay maaaring may kaugnayan sa pagkain. Kung gayon ay maaaring magmungkahi ang matatanda na ang kapatid ay kumain ng balanseng pagkain at iwasan ang mga kalabisan kung tungkol sa pagkain. O maaaring nahahalata nila na ang nababagabag na kapatid na iyon ay dumaranas ng malaking kagipitan sa kaniyang trabaho at malaki ang magagawang kabutihan ng “katamtamang pamamahinga”​—gawing regular ito upang makatulog nang mahimbing kung gabi.​—Eclesiastes 4:6.

Yaong mga ‘Nangangailangan ng Manggagamot’

Subalit, kung matindi ang pagkabagabag ay mabuting alalahanin ang mga salita ni Jesus: “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” (Mateo 9:12) Maraming taong nababagabag ang atubili na kumunsulta sa isang manggagamot. Kaya’t baka kailanganin na ang isang kapatid ay himukin ng matatanda at ng mga miyembro ng pamilya na kumunsulta sa doktor, at lubusang paeksamin sa isang pinagkakatiwalaang doktor. Ganito ang sabi ni Propesor Maurice J. Martin: “Maraming sari-saring pisikal na sakit na nakabalatkayo na para bagang mga kapansanan ng kaisipan.” At kahit na kung ang isa’y dumaranas ng sakit ng isip, kadalasan ay mayroon pa ring epektibong gamot doon.

Ang maybahay ng isang matanda ay nagbibida kung paanong ang kaniyang nababagabag na asawa ay “nangambang makihalubilo sa mga kapatid at ayaw na pumaroon sa mga pulong. . . .Talagang gusto na niyang mamatay!” Subalit pagkatapos na siya’y patingin sa isang doktor, ang kaniyang maybahay ay may ganitong pag-uulat: “Hindi na siya gaanong namamanglaw, at hindi na rin niya gustong pumalya sa mga pulong. Kaninang umaga ay siya ang gumanap ng pangmadlang pahayag!”

Aaminin natin, hindi lahat ng situwasyon ay madaling lunasan. Ang siyensiya ay nagsisimula pa lamang na tuklasin ang mga hiwaga ng mga suliranin na pangkaisipan. Ang wastong pagririkonosi at panggagamot ay maaaring maging matagal at masalimuot​—subalit kalimitan ay sulit naman.

Nililigalig ba ng mga Demonyo?

Ang ilang mga biktima ng sakit ng isip ay nangangamba na sila’y inaatake ng mga demonyo, at sinasabi pa nila kung minsan na nakaririnig sila ng mga “tinig.” Totoo, ayon sa pagkaalam may mga taong nagagawa ng mga demonyo na kumilos na parang wala sa katinuan. (Marcos 5:2-6, 15) Walang patotoo na ang mga demonyo’y kasangkot sa karamihan ng mga kaso ng kakatuwang paggawi, at hindi rin masasabi na sila’y kasangkot sa lahat ng kaso na ang isang tao’y naging pipi, bulag, at epileptiko. Datapuwat, noong sinaunang panahon na tinutukoy ng Bibliya, ang mismong mga karamdamang ito ay kung minsan likha (o kung hindi man ay pinalubha) ng mga demonyo! (Mateo 9:32, 33; 12:22; 17:15-18) Gayunman, malinaw na ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba “niyaong mga maysakit at niyaong mga inaalihan ng mga demonyo.” (Marcos 1:32-34; Mateo 4:24; Gawa 5:16) Maliwanag, kung gayon, na ang lubhang karamihan ng mga kaso ng pagkabulag o ng epilepsiya sa ngayon ay likha ng pisikal​—hindi makademonyo​—na mga salik. Tiyak na ganiyan din ang masasabi tungkol sa karamihan ng kaso ng pagkabagabag ng isip.

Gayumpaman, tandaan na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ‘nakikipagbaka’ sa bayan ng Diyos at batid nang kanilang nililigalig ang tapat na mga Kristiyano. (Apocalipsis 12:17; Efeso 6:12) Ang mga demonyo ay napakalulupit, at hindi natin ipagtataka na sila’y natutuwa pa ngang pahirapan ang ilang mga kaluluwang maysakit sa isip​—anupa’t lalong pinalulubha ang kanilang mga suliranin.

Kaya’t kung ang matatanda ay may mabuting dahilan na maghinalang kasangkot doon ang impluwensiya ng mga demonyo, hindi naman makasasama kung sila’y gagawa ng pag-uusisa. Halimbawa, tumanggap kaya ang taong iyon ng anumang kahina-hinalang mga bagay tuwiran man at kusa buhat sa mga taong kasangkot sa anumang anyo ng demonismo? Ang pagtatapon sa gayong mga bagay ay baka makatulong sa paglutas ng suliranin. (Gawa 19:18-20) Yamang ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na “sumalansang sa Diyablo,” ang matatanda ay maaari ring magpayo sa isang nililigalig na itakwil ang anumang kakatuwang “tinig” na maaaring nagmula sa mga demonyo. (Santiago 4:7; Mateo 4:10) Kung inaakala ng isang tao na siya’y inaatake, siya’y dapat na manalangin nang buong ningas, at tawagin nang malakas ang pangalan ni Jehova.​—Efeso 6:18; Kawikaan 18:10.

Gayunman, waring ang pagkasangkot ng mga demonyo ang siyang kataliwasan​—hindi ang tuntunin. Ganito ang paglalahad ng isang sister: “Ang akala ko noon ako ay inalihan ng isang demonyo kung hindi ako nagpatingin sa doktor at sinabi sa akin na hindi balanse ang kimika ng aking katawan. Iyon pala ang sanhi ng aking mga kakatuwang kilos at hindi dahil sa may demonyong nasa loob!”

Mga Panggagamot ng Sikayatrista

Sarisaring panggagamot ang ginagamit ngayon ng mga doktor sa mga sakit sa isip. Sa pamamagitan ng gayong mga panggagamot na nasa ilalim ng pamamanihala ng mga mediko, may mga Kristiyanong malulubha ang sakit na nakakikilos nang normal. Subalit, may mga kapatid na mabuti naman ang hangarin ngunit kanilang pinayuhan ang mga pasyente na huwag sumunod sa mga inihatol na paraan ng paggamot, marahil nangangamba sila na baka makapinsala iyon o maging sugapa roon ang gumagamit niyaon. Kung sa bagay, may mga panganib ang anumang uri ng medikal na panggagamot, at “tinitingnan ng pantas ang kaniyang mga hakbang,” anupa’t isinasaalang-alang ang mahabang-panahong mga resulta.​—Kawikaan 14:15.

Kapansin-pansin, gayunman, ang maraming mga gamot na ginagamit ng sikayatrista ay hindi lumilikha ng pagdidiliryo, hindi nakapagpapaantok, ni umaakay man sa pagkasugapa; kundi iniwawasto lamang ang di-balanseng kimika sa utak. Ang antipsychotics, halimbawa, ay baka makatulong upang supilin ang kalimitang kakatuwang sintomas ng schizophrenia. Ang lithium ay makatutulong upang mabawasan ang pamamanglaw at pagaangin ang epekto ng matinding pamamanglaw.

Ipagpalagay na ang matatapang na mga droga ang kung minsa’y ginagamit upang mapatahimik ang pasyente o masugpo ang hilig na magpatiwakal. Gayunman, kung ang isang kapatid ay gumagamit ng inihatol na gamot hindi para sa ikalulugod kundi upang siya’y makakilos nang normal, ito’y maituturing na gaya ng pagtuturing sa isang diabetiko na gumagamit ng insulin.

Tandaan na ang panggagamot na ginagamit ng sikayatrista ay kalimitan mabagal kumilos at maaaring mayroong mga epektong di mabuti sa bandang huli. Isa pa, kung minsan ay sinusubok lamang ng isang doktor na makatuklas ng isang epektibong paraan ng panggagamot at/o kantidad ng gamot na lumilikha ng pinakakaunting masamang epekto. Ang mga pasyente ay kalimitan nasisiraan ng loob. Ang mga miyembro ng pamilya at ang mga iba pa ay maaari kung gayon na tumulong upang palakasing-loob ang taong ginagamot, at himukin siya na maging matiisin at makipagtulungan sa mga kuwalipikadong manggagamot at sa kanilang mga kasamahan. Ano naman kung siya ay mayroong mga katanungan tungkol sa gamot? O ano kung may bumangong mga suliranin o ang isang panggagamot ay waring di-epektibo? Ang gayong mga suliranin ay dapat ipakipag-usap sa kaniyang manggagamot.b Kung kinakailangan, maaaring kumuha ng pangalawang opinyon.

Ang Pakikipag-usap na Paraan ng Paggamot

Sa mga ilang kaso, maaaring gamitin din ang paraan ng pagbibigay sa pasyente ng pagkakataon na makipag-usap sa isang sanay na propesyonal. Maaaring ang isang pinagkakatiwalaang doktor ng pamilya na personal na nakakakilala sa pasyente ang gamitin sa ganitong paraan. Eh, kumusta naman ang tungkol sa pagpapagamot sa isang sikayatrista o sa isang sikologo? Ito’y kailangang maging isang personal na disisyon na may kalakip na kaukulang pag-iingat. Ang mga terapista ay nagkakaiba-iba sa kanilang ginagamit na paraan sa paggamot. Halimbawa, mayroong gumagamit pa rin ng psychoanalysis ni Freud, na ang pagiging tunay ay hinamon ng marami na nasa larangan ng kalusugan ng isip.

Lalong higit na dapat pag-isipan na mayroong ilang mabuti naman ang hangarin na mga terapista na nagbibigay ng payo na tuwirang salungat sa Bibliya. Palibhasa’y hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyong Kristiyano​—anupa’t itinuturing pa nila ito na “kamangmangan”​—may mga terapista na naniniwalang ang pagsunod sa istriktong kodigong moral ng Bibliya ay sanhi ng mga suliranin ng isang tao!​—1 Corinto 2:14.

Gayunman, may mga terapista, kasali na ang mga sikologo at mga sikayatrista, na nag-aalok ng mga anyo ng pakikipag-usap na paraan ng panggagamot na hindi naman talagang psychoanalysis kundi isang paraan ng pagtulong sa pasyente na maunawaan ang kaniyang sakit, na pinag-iibayo ang pangangailangan ng paggamot, at nilulutas ang mga suliranin sa pamamagitan ng praktikal na paraan. Baka makatulong sa isang Kristiyano ang gayong paraan ng paggamot, subalit kailangang masiguro niya ang talagang katotohanan bago siya pagamot: Ano ba ang kasangkot sa ganoong paggamot? Anong uri ng payo ang ibibigay? Naiintindihan ba ng doktor at kaniya bang iginagalang ang mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova?c Kung sakaling pagkasunduan ang pakikipag-usap na paraan ng paggamot, ‘subukin ang mga pananalita’ ng isang doktor imbes na basta na lamang tanggapin ang anuman nang walang tanung-tanong.​—Job 12:11, 12.

Kung gayon, sa kalakhang bahagi, ang sakit sa isip ay maituturing na isang suliranin sa paggamot​—hindi isang suliranin sa espirituwal. Sa pagkaunawa sa bagay na ito, ang mga pami-pamilya, matatanda, at mga miyembro ng kongregasyon ay lalong higit na makatutulong sa mga maysakit. Kung minsan ang mga nababagabag ang isip ay nangangailangan din ng espirituwal na tulong. Kung paano maibibigay ito ng kongregasyon iyan ang tatalakayin sa isang panghinaharap na labas ng magasing ito.

[Mga talababa]

a Tingnan ang Oktubre 22, 1987, at Setyembre 8, 1986, na mga labas ng aming kasamang magasing Gumising!

b Ang Samahan ay hindi nagrerekomenda o nagpapasiya man tungkol sa iba’t ibang gamot at paraan ng paggamot na ginagamit ng mga doktor. Gayunman, ang pagsasaliksik sa mga publikasyon ng Samahan ay baka makatulong.

c Kung ang isang maysakit ay nahihirapang magpaliwanag ng kaniyang salig-Bibliyang paninindigan sa isang doktor o terapista, baka matulungan siya ng ibang maygulang na Kristiyano.

[Larawan sa pahina 26]

Sa pamamagitan ng may pakikiramay na pakikinig at pagpapayo, kalimitan na ang mga matatanda ay makatutulong sa mga taong dumaranas ng pagkabagabag ng emosyon

[Larawan sa pahina 29]

Kung minsan ay marapat sa isang taong maysakit sa isip ang kumunsulta sa isang doktor

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share