Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 10/15 p. 22-24
  • Ang Cayman—Ang mga Isla na Nilimot ng Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Cayman—Ang mga Isla na Nilimot ng Panahon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Mga Pawikan, mga Pirata, at Masulong na Teknolohiya
  • Ibang Uri ng mga Bisita
  • Ang mga Taga-Cayman ay Nakapakinig ng Mabuting Balita
  • Ang Pananalansang ay Napagtagumpayan sa Cayman Brac
  • Naaalaala ni Jehova
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 10/15 p. 22-24

Ang Cayman​—Ang mga Isla na Nilimot ng Panahon

IKAW ay maaaring lumangoy sa kalmadong bughaw na tubig. Puwede kang sumisid upang manggalugad sa maraming labi ng mga bagay-bagay na naroon sa ilalim ng dagat. O dili kaya’y puwede kang bumisita sa isang pasibulan ng pawikan. Saan? Sa Kapuluang Cayman​—Grand Cayman, Cayman Brac, at Little Cayman.

‘Ngunit nasaan ba sa lupa ang Kapuluang Cayman?’ marahil ay itatanong mo. Iyan ay isang tanong na kauna-unawa sapagkat ang mga ito’y napakaliliit na anupa’t bihirang makita sa mga mapa ng daigdig. Sakaling makita mo man, marahil ay nakikita ito na tatlong pagkaliliit na mga tuldok sa Kanlurang Karagatang Caribeano, 240 kilometro sa gawing timog ng Cuba, o mga 800 kilometro sa gawing timog ng Miami, Florida.

Natuklasan noong 1503 ni Christopher Columbus sa kaniyang huling biyahe sa West Indies, ang mga islang​—Cayman Brac at Little Cayman, yamang hindi naman nakita ni Columbus ang Grand Cayman​—ay tinawag na Los Tortugas (Ang mga Pawikan). Iyan ay dahilan sa napakaraming mga pawikan na nakita doon sa mismong mga isla at sa palibot. Noong 1670, sa pamamagitan ng Kasunduan ng Madrid, ang mga isla ay isinuko ng Espanya sa Britanya, at ang mga ito’y nanatiling isang kolonya ng Britanya mula noon.

Mga Pawikan, mga Pirata, at Masulong na Teknolohiya

Noong mga araw ng naglalayag na mga barko, ang mga islang ito ay isang paboritong daungan ng malalaking barkong nagyayaot sa dagat ng Caribeano. Ang saganang luntiang mga pawikang-dagat ay naging isang kombenyenteng pinagkukunan ng sariwang karne para sa nagugutom na mga marino. Ang mga pawikan ay kinakain nang hilaw, o ang mga ito’y ibinibiyahe nang tuyo o inasnan. Ang mga ito ang pangunahing pinagkukunan ng protina kung malalayo ang biyahe.

Subalit ang mga isla ay kilala dahil sa iba pang bagay. Dahilan sa taglay nitong kapatagan na mahuhusay na daungan kung kaya naakit dito ang mga ibang marinero sa malawak na karagatan. Ang bantog na armadong mga pribadong barko at mga pirata, tulad halimbawa ni Sir Henry Morgan at Edward Teach, kilala rin bilang si Blackbeard, ang gumamit ng mga islang ito bilang taguan o mga base para sa kanilang pandarambong sa komersiyal na mga barko. Ang makulay na bahaging ito ng kasaysayan ay ibinalita sa pamamagitan ng isang taunang kapistahan na tinatawag na Linggo ng mga Pirata, na itinuturing sa lugar na iyon na isang tampok ng taon.

Habang umuunti ang mga pawikan at mga barkong pinaandar ng singaw ang humalili sa naglalayag na mga barko, umunti naman nang umunti ang dumadaong na mga barko. At palibhasa’y kakaunting mga taga-isla ang may mga radyo, kung tungkol sa lahat ng mga layuning praktikal ang Kapuluan ng Cayman ay napahiwalay sa nalalabing bahagi ng daigdig at nalimot na. Kanilang natamo para sa kanilang sarili ang titulong “Ang mga Isla na Nilimot ng Panahon.”

Gayunman, sa pagsapit ng 1960’s, ang larawan ay nagsimulang magbago. Dahilan sa lokal na mga batas sa pagbabangko at pagbubuwis, lakip na ang pagdating ng masulong-na-teknolohiya sa larangan ng komunikasyon, ang nalimot nang teritoryong ito ay naging isa sa pinakakilalang sentro ng internasyonal na pagbabangko. Ang kapuluan ay nagkaroon ng kanilang ika-500 bangko na nagbukas noong Hunyo 1987. Ang ganitong pagsulong ay nagpalakas din sa negosyong turismo. Ang lokal na lupon ng turismo ay nagalak nang lahat-lahat ay 8,244 na mga bisita ang dumating noong 1966. Ang bilang na iyan ay biglang tumaas din at umabot sa 430,000 noong 1986, anupa’t ang turismo ay pumangalawa lamang kung sa kahalagahan sa pinansiyal na industriya. Gayunman, mayroong isa pang grupo ng mga tao na may matinding interes sa mga islang ito.

Ibang Uri ng mga Bisita

Ang mga Saksi ni Jehova, na seryoso ang pakikitungo sa mga salita ni Jesus na ang mabuting balita ng Kaharian ay ipangangaral sa lahat ng bansa, ay hindi nakalimot sa Kapuluang Cayman. (Mateo 24:14) Sing-aga ng 1929, si Patrick Davidson, na nangangasiwa sa gawaing pangangaral sa Jamaica, ay dumalaw sa Grand Cayman. Sa kabila ng pananalansang, nagawa rin niya na maghasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian.

Si Davidson ay gumawa ng pangalawang pagbisita noong 1937, subalit hindi nangyari kundi noong 1950 na naisagawa ang lubusang paggawa sa Grand Cayman ni Aleck Bangle at ng isang kasamang misyonero. Daan-daang literatura ng Bibliya ang ipinamahagi sa loob ng maikling panahon. Iniulat ng mga misyonero na nasumpungan nilang ang mga tao’y palakaibigan, madaling kausapin, at sabik na makarinig ng mabuting balita.

Ang mga Taga-Cayman ay Nakapakinig ng Mabuting Balita

May katatagan at pagtitiyaga na ang mga misyonero at ang iba pang buong-panahong mga ministro ay nagpatuloy sa kanilang gawain. Noong 1959 ay nagkaroon ng isang maliit na grupo ng 12 mga mamamahayag ng Kaharian, at isang kongregasyon ang itinatag. Isa sa unang mga tagaroon na tumanggap sa katotohanan ng Bibliya ay si Wilbert Sterling. Tandang-tanda pa niya ang mga kaarawan nang ang maliit na grupo ng mga Saksi ay naglalakad sa paggawa sa kanilang teritoryo. Bagama’t ngayon ay bulag na at mahigit nang 80 anyos, si Brother Sterling ay naglilingkod pa rin bilang isang elder sa Georgetown Congregation.

Ang kasipagan ng mga unang tagapaghayag na ito ng Kaharian ay pinagpala ni Jehova. Mayroon na ngayon sa katamtaman na 60 mga mamamahayag ng Kaharian sa gitna ng populasyon na humigit-kumulang 17,000. Nakilala ng marami sa mga tagaisla na ang mga Saksi ay naiiba sapagkat ang kanilang pagsamba ay nakasalig sa Bibliya.

Halimbawa, nakita ng isang babaing nagtatrabaho sa isang restaurant ang isang Saksing nangangaral sa bahay-bahay. Kaniyang nilapitan ito at tinanong kung ano ang kailangang gawin upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi sa kaniya na kailangang kumuha siya ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at pagkatapos ay ikapit iyon. (Juan 17:3) Nang madinig niya iyon, siya’y tumanggap ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon, siya ay naglilingkod kay Jehova bilang isa sa kaniyang mga saksi.

Marami sa mga taong tumanggap sa katotohanan ay mga tagaibang bansa. Kanilang ginawang tahanan ang Cayman o dili kaya’y naging pansamantalang mga residente na may mga kontrata sa trabaho. Sa gayon, isang sister ang nagpahayag ng pagnanasang makita ang lalo pang maraming katutubong mga taga-Cayman sa kongregasyon. Siya’y nanalangin kay Jehova na tulungan na makasumpong ng isang katutubong tagaroon na ibig mag-aral ng Bibliya. Hindi nagtagal, kaniyang natagpuan ang isang kabataang babae na mayroon na ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, at sinimulan ng sister na aralan siya ng Bibliya. Sa loob lamang ng mga ilang buwan, ang babae ay nagsimulang dumalo sa mga pulong, umalis sa kaniyang dating relihiyon, at nagsimulang ibahagi sa iba ang kaniyang natututuhan. Hindi natapos ang isang taon at siya’y naging isang nag-alay, bautismadong saksi ni Jehova.

Ang gawaing pangangaral ay lalo pang sumigla noong 1982, nang isang mag-asawang misyonero ang inatasan na gumawa sa Grand Cayman. Sila’y nagdaos ng maraming pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya at naglatag ng mainam na pundasyon para sa higit pang pagpapalawak.

Ang Pananalansang ay Napagtagumpayan sa Cayman Brac

Ang isla ng Cayman Brac ay mga 140 kilometro sa gawing hilagang silangan ng Grand Cayman. Paminsan-minsan, ang mga misyonero at iba pang buong-panahong mga manggagawa buhat sa Grand Cayman ay humihinto roon upang magdala ng mabuting balita sa kaniyang 1,700 mga mamamayan. Subalit kapana-panabik na mga bagay ang nagsimulang mangyari roon noong 1986.

Isang mag-asawa na nagtatrabaho roon sa ilalim ng isang kontrata ang nagsimulang mag-aral at sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo. Pagkatapos, dalawa pang Saksi ang lumipat doon galing sa ibang mga bansa. Hindi nagtagal at ang sumiglang gawain ay kinapootan ng mga mananalansang, na nagsikap na lumapit sa mga awtoridad ng imigrasyon upang kanselahin ang mga permiso sa trabaho ng bagong kababautismong mag-asawa. Gayunman, ang kanilang pagsisikap na iyon ay nabigo nang ang hepe ng imigrasyon sa Georgetown, Grand Cayman, ay manindigan na kung ang relihiyosong mga mananalansang ay nagagalit dahilan sa gawain ng mga Saksi, sila man ay dapat na magbahay-bahay upang salungatin iyon. Walang hayagang pagsalungat ang nasaksihan sapol noon.

Naaalaala ni Jehova

Ang mga tagaroon sa Kapuluang Cayman ay tunay na hindi nalilimutan ni Jehova, ang Dakilang Maylikha. Bagkus, pinapangyayari niya na ang mabuting balita ay maipangaral sa mga maliliit na islang ito, sa gayo’y tinutupad ang hula ng Isaias: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, at ng kapurihan niya mula sa kaduluduluhan ng lupa, kayong mga taong nagsisibaba sa dagat at ang buong naroroon, kayong mga isla at kayong mga nananahan diyan.”​—Isaias 42:10.

Maikagagalak ng Kapuluang Cayman na sa paningin ni Jehova, sila’y hindi “Ang mga Isla na Nilimot ng Panahon.”

[Mga mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Caribbean Sea

LITTLE CAYMAN

CAYMAN BRAC

[Mapa]

GRAND CAYMAN

[Mapa]

CUBA

GRAND CAYMAN

CAYMAN BRAC

JAMAICA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share