Ang Kahulugan ng mga Balita
Hindi Pa Lipas
Maraming tao ang malaon ding may paniniwala na ang mga prinsipyo ng mabuting pamumuhay na nakabalangkas sa Bibliya ay lipas na at di-gumagana. Gayunman, dahil sa mga pag-aaral na ginawa kamakailan, ang mga ilang dalubhasang manggagamot ay muling pinag-iisipan ang kahalagahan ng payo ng Bibliya sa paggawa ng mabuti sa iba.
Sang-ayon sa American Health, dalawang doktor ang nagsasabi na “ang paggawa ng mabuti ay baka mabuti para sa inyong puso, sa inyong sistema na panlaban sa sakit—at sa inyong pangkalahatang kalakasan.” Sa Michigan isa pang grupo ng mga manggagamot ang nagsagawa ng surbey nang sampung taon upang matiyak kung hanggang saan naaapektuhan ng mga relasyong panlipunan ang kalusugan. Nakapagtataka na matuklasan na ang trabahong boluntaryo sa komunidad ay nakatulong nang malaki sa pagpapahaba ng buhay at ng pagkakaroon din ng higit pang kalakasan. Napag-alaman sa surbey na ang mga lalaki ang lalung-lalo nang apektado. Yaong mga hindi gumawa ng trabahong boluntaryo ay sinasabing dalawa at kalahating beses ang higit na posibilidad na mamatay sa panahon na nasasakop ng surbey na iyon kaysa mga lalaking nagboluntaryo ng pagtatrabaho nang kahit minsan lamang sa isang linggo.
Isang doktor sa California ang nag-uulat na ang kaniyang pagsasaayos sa dalawang pasyenteng walang gusto sa isa’t isa na maglaba ng damit ng isa’t isa ang naapektuhan niyaon sa bagay na bumaba ang kanilang cholesterol levels at nabawasan ang kanilang sakit ng dibdib.
Daan-daang taon na ngayon nang sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na “pagbilinan mo ang mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na sila’y huwag magpataas ng pag-iisip, at ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang kayamanan,” kundi “gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa, maging bukas-palad, handang magbigay.” Kaniya ring ipinaalaala sa mga Hebreong Kristiyano na huwag kalilimutang “gumawa ng mabuti at bahaginan ang iba ng mga bagay na mayroon sila.” Ang dahilan? “Kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sumasa bawat isang gumagawa ng mabuti.” Malaon nang alam ng mga Kristiyano na ang pagsunod sa napapanahong payong ito ay nagdadala ng kapakinabangan sa pisikal at sa espirituwal na paraan.—1 Timoteo 6:17, 18; Hebreo 13:16; Roma 2:10.
Isang “Lalong Mabigat na Hatol”
Ang mga kagawad ng General Synod of the Anglican Church ay kamakailan napalagay sa isang alanganing katayuan. Sila’y nagkaisang nagsalita ng pabor sa “tradisyonal na turo tungkol sa kalinisang-puri at sa katapatan sa personal na mga pakikitungo.” Subalit, nang ang pari ng parokyang si Tony Higton ay magharap ng isang mosyon na humihiling sa synod na ideklara na ang klero’y kailangang maging “uliran sa lahat ng pitak ng moralidad, kasali na ang seksuwal na moralidad, bilang isang kondisyon para mahirang o makapagpatuloy sa panunungkulan,” iyon ay tinanggihan. Ang Ecumenical Press Service ay nag-uulat na ang mga kagawad ng synod ay nagsabing ang mungkahing yaon ay “medyo lubhang matindi,” at isinusog pa na “si Michael Baughen, obispo ng Chester, ay nagpahayag na iniuutos niyaon na agad-agad magbitiw sa tungkulin ang lahat na mga obispo ng simbahan at ang iba pang klero.”
Sa halip, ang mosyon ni Higton ay binago upang sumakop sa lahat ng Kristiyano, “lalo na. . . ang mga lider na Kristiyano,” upang maging mga uliran “sa lahat ng pitak ng moralidad, kasali na ang seksuwal na moralidad.” Binanggit din ng Press Service na tinanggihan ng synod ang panawagan para sa “angkop na pagdisiplina” sa klero sa mga kaso ng seksuwal na imoralidad.
Bagaman ang gayong mga utos sa pagdisiplina ay marahil “lubhang matindi” para sa maraming mga klerigo sa ngayon, ang Salita ng Diyos ay malinaw ang sinasabi: “Alisin ninyo sa gitna ninyo ang mga taong balakyot.” (1 Corinto 5:13) Iniutos ng Diyos na gumawa ng matatag na pagkilos laban sa lahat ng mga taong di-nagsisisi ng pamimihasa sa gawang masama upang maingatan ang moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyong Kristiyano. Oo, ang disiplina ay higit na angkop para sa mga lider na Kristiyano, sapagkat ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid, yamang nalalaman ninyong tayo’y tatanggap ng lalong mabigat na hatol.”—Santiago 3:1.
Pagluwalhati sa Diyos
“Ang kuwalidad na nagawa ng isang manlalaro ay maaaring magsiwalat ng kuwalidad ng kaniyang pag-ibig sa Diyos.” Totoo ba itong sinabi ni Wes Neal, pangulo ng IAP (Institute for Athletic Perfection), ayon sa iniulat ng Christianity Today? Ang IAP, isang ahensiya na ginagamit ng mga ebangheliko upang “pakabanalin ang mapagkompetensiyang sport,” ay nagtataguyod ng ideya na ang mga manlalaro sa kanilang paglalaro ay dapat tumulad sa ipinakitang sigasig ni Jesus sa “pagsasagawa ng layunin ng kaniyang Ama.” Ang gayong pangangatuwiran ay naging popular na doktrina ng “locker-room religion,” ng mga ebangheliko, ang sabi ng Christianity Today. Sa katunayan, binabanggit ng artikulo ang halimbawa ng isang propesyonal na manlalaro ng football na “nagpinta ng krus sa kaniyang sapatos at wristband bilang isang tagapagpagunita na siya’y naglalaro upang luwalhatiin si Kristo.”
Gayunman, masasabi ba na ang paglahok sa isang larong may matinding kompetisyon o lubhang marahas ay pagluwalhati sa Diyos? Malayo! Gaya ng binanggit ng Psychology Today: “Dahil sa kalikasan ng kompetisyon kung kaya pansamantala’y kinakailangang sumunod sa mga bagay na magpapasulong ng sariling kapakanan samantalang nagsusumikap ang manlalaro na manalo.” Subalit sinasabi ng Bibliya na ang dapat ‘tingnan ng mga [Kristiyano] ay hindi ang [kanilang] sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ (Filipos 2:3, 4) Ang mga tunay na Kristiyano ay lumuluwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban, hindi ang kanilang sariling kalooban.—Ihambing ang Isaias 58:13, 14.