Kung Paano Naglilingkod Bilang Tapat na mga Katiwala ang Naglalakbay na mga Tagapangasiwa
“Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang maiinam na katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.”—1 PEDRO 4:10.
1, 2. (a) Paano ninyo bibigyang-katuturan ang salitang “katiwala”? (b) Sinu-sino ang kabilang sa mga katiwalang ginagamit ng Diyos?
GINAGAMIT ni Jehova ang lahat ng tapat na Kristiyano bilang mga katiwala. Ang katiwala ay kadalasang isang lingkod na nangangasiwa sa isang sambahayan. Maaari rin niyang pangasiwaan ang negosyo ng kaniyang panginoon. (Lucas 16:1-3; Galacia 4:1, 2) Tinawag ni Jesus ang kaniyang lupon ng matapat na mga pinahiran sa lupa bilang “ang tapat na katiwala.” Ipinabahala niya sa katiwalang ito ang “lahat ng kaniyang mga pag-aari,” kasali na ang gawaing pangangaral ng Kaharian.—Lucas 12:42-44; Mateo 24:14, 45.
2 Sinabi ni apostol Pedro na ang lahat ng Kristiyano ay mga katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan. Ang bawat Kristiyano ay may dako na kung saan magagampanan niya ang pagiging tapat na katiwala. (1 Pedro 4:10) Mga katiwala ang hinirang na Kristiyanong matatanda, at kabilang sa kanila ang naglalakbay na mga tagapangasiwa. (Tito 1:7) Paano dapat na malasin ang naglalakbay na matatandang ito? Anu-anong katangian at layunin ang nararapat nilang taglayin? At paano sila makapagdudulot ng malaking kapakinabangan?
Nagpapasalamat sa Kanilang Paglilingkuran
3. Bakit matatawag na “maiinam na katiwala” ang naglalakbay na mga tagapangasiwa?
3 Nang sumulat sa isang naglalakbay na tagapangasiwa at sa kaniyang kabiyak, ganito ang sabi ng isang mag-asawang Kristiyano: “Ibig namin kayong pasalamatan sa lahat ng panahon at pag-ibig na ibinigay ninyo sa amin. Bilang isang pamilya, kami’y lubhang nakinabang sa lahat ng inyong pampatibay-loob at payo. Alam naming kailangan naming patuloy na sumulong sa espirituwal, ngunit sa tulong ni Jehova at ng mga kapatid na tulad ninyo, ang mga suliraning kaakibat nito ay mas napagagaan.” Madalas marinig ang mga pananalitang tulad nito sapagkat ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagpapakita ng personal na interes sa mga kapananampalataya, kung paanong inaasikasong mabuti ng isang mabuting katiwala ang mga pangangailangan ng sambahayan. Ang ilan ay mahuhusay na tagapagsalita. Marami ang magagaling sa gawaing pangangaral, samantalang ang iba naman ay kilala sa kanilang pagiging magiliw at madamayin. Sa paglinang at paggamit ng gayong mga kaloob sa paglilingkod sa iba, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay angkop na matatawag na “maiinam na katiwala.”
4. Anong tanong ang isasaalang-alang ngayon?
4 “Ang hinahanap sa mga katiwala ay na masumpungang tapat ang isang tao,” ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 4:2) Isang pambihira at maligayang pribilehiyo ang paglilingkod sa mga kapuwa Kristiyano sa iba’t ibang kongregasyon linggu-linggo. Gayunpaman, iyon ay isa ring mabigat na pananagutan. Paano, kung gayon, buong katapatan at matagumpay na magagampanan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kanilang pagiging katiwala?
Matagumpay na Ginagampanan ang Kanilang Pagiging Katiwala
5, 6. Bakit napakahalaga sa buhay ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang may pananalanging pananalig kay Jehova?
5 Mahalaga ang may pananalanging pananalig kay Jehova upang maging matagumpay na katiwala ang naglalakbay na mga tagapangasiwa. Dahil sa kanilang iskedyul at maraming pananagutan, kung minsan ay baka nabibigatan sila. (Ihambing ang 2 Corinto 5:4.) Kaya kailangan nilang kumilos kasuwato ng awit ng salmistang si David: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) Nakaaaliw din ang mga salita ni David: “Purihin si Jehova, na sa araw-araw ay nagdadala ng pasan para sa atin.”—Awit 68:19.
6 Saan nakuha ni Pablo ang lakas upang asikasuhin ang kaniyang espirituwal na mga pananagutan? “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang sulat niya. (Filipos 4:13) Oo, ang Diyos na Jehova ang siyang Pinagmumulan ng lakas ni Pablo. Gayundin naman, nagpayo si Pedro: “Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos; upang sa lahat ng mga bagay ay maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 4:11) Binigyang-diin ng isang kapatid na naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng maraming taon ang pangangailangang umasa sa Diyos, anupat sinabi: “Laging umasa kay Jehova sa paglutas ng mga suliranin, at hanapin ang tulong ng kaniyang organisasyon.”
7. Paanong ang pagiging timbang ay gumaganap ng bahagi sa gawain ng isang naglalakbay na tagapangasiwa?
7 Kailangang maging timbang ang isang matagumpay na naglalakbay na tagapangasiwa. Tulad ng ibang Kristiyano, nagsusumikap siyang ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10)a Kapag may mga katanungan ang lokal na matatanda tungkol sa isang bagay, isang katalinuhan para sa kanila na sumangguni sa dumadalaw na tagapangasiwa ng sirkito. (Kawikaan 11:14; 15:22) Malamang, mapatutunayang kapaki-pakinabang ang kaniyang timbang na mga komento at maka-Kasulatang payo habang patuloy na nilulutas ng matatanda ang bagay na iyon pagkatapos na makaalis na siya sa kongregasyon. Nahahawig sa ganitong kaisipan, ganito ang sabi ni Pablo kay Timoteo: “Ang mga bagay na narinig mo mula sa akin na may pagsuhay ng maraming saksi, ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado upang magturo naman sa iba.”—2 Timoteo 2:2.
8. Bakit mahalaga ang pag-aaral, pagsasaliksik, at pagbubulay-bulay sa Bibliya?
8 Ang pag-aaral, pagsasaliksik, at pagbubulay-bulay sa Kasulatan ay kailangan sa pagbibigay ng magaling na payo. (Kawikaan 15:28) Ganito ang sabi ng isang tagapangasiwa ng distrito: “Kapag nakikipagpulong sa matatanda, hindi kami dapat na matakot na amining hindi namin alam ang sagot sa isang partikular na tanong.” Ang pagsisikap na makuha “ang pag-iisip ni Kristo” hinggil sa isang bagay ay nagpapaging posible na makapagbigay ng salig-sa-Bibliyang payo na tutulong sa iba na sundin ang kalooban ng Diyos. (1 Corinto 2:16) Kung minsan ay kailangang sumulat ang naglalakbay na tagapangasiwa sa Samahang Watch Tower ukol sa patnubay. Sa anumang kaso, ang pananampalataya kay Jehova at pag-ibig sa katotohanan ay makapupong higit na mahalaga kaysa sa reputasyon o kahusayang magsalita. Sa halip na dumating taglay “ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan,” sinimulan ni Pablo ang kaniyang ministeryo sa Corinto “sa kahinaan at sa takot at taglay ang matinding panginginig.” Siya ba’y naging di-mabisa dahil dito? Sa kabaligtaran, nakatulong ito sa mga taga-Corinto na manampalataya, “hindi sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.”—1 Corinto 2:1-5.
Iba Pang Mahahalagang Katangian
9. Bakit kailangan ng naglalakbay na matatanda ang empatiya?
9 Ang empatiya ay nakatutulong sa naglalakbay na mga tagapangasiwa na matamo ang mabubuting resulta. Hinimok ni Pedro ang lahat ng Kristiyano na ‘magpakita ng damdaming pakikipagkapuwa,’ o maging “madamayin.” (1 Pedro 3:8, talababa sa Ingles) Nadama ng isang tagapangasiwa ng sirkito ang pangangailangang ‘maging interesado sa lahat sa kongregasyon at maging totoong maalalahanin.’ Sa katulad na diwa, sumulat si Pablo: “Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Ang gayong saloobin ay nagpapakilos sa naglalakbay na mga tagapangasiwa upang taimtim na sikaping maunawaan ang mga suliranin at kalagayan ng mga kapananampalataya. Kung magkagayo’y makapagbibigay sila ng nakapagpapatibay na payo buhat sa Kasulatan na pakikinabangan nang husto kung ikakapit iyon. Isang tagapangasiwa ng sirkito na namumukod-tangi sa pagpapakita ng empatiya ang nakatanggap ng ganitong liham buhat sa isang kongregasyong malapit sa Turin, Italya: “Kung nais ninyong maging interesante, maging interesado kayo; kung ibig ninyong maging nakalulugod, maging kalugud-lugod kayo; kung nais ninyong kayo’y ibigin, maging kaibig-ibig kayo; kung nais ninyong matulungan, maging handang tumulong. Ito ang natutuhan namin mula sa inyo!”
10. Ano ang sinabi ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito tungkol sa pagiging mapagpakumbaba, at anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus hinggil dito?
10 Ang pagiging mapagpakumbaba at madaling lapitan ay tumutulong sa naglalakbay na mga tagapangasiwa na makapagdulot ng malaking kapakinabangan. Ganito ang sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Mahalaga na manatiling mapagpakumbaba.” Pinapag-iingat niya ang bagong naglalakbay na mga tagapangasiwa: “Huwag hayaan ang inyong sarili na lubhang maimpluwensiyahan ng mas nakaririwasang mga kapatid dahil sa magagawa ng mga ito para sa inyo, ni makipagkaibigan lamang sa gayong mga tao, kundi laging magsumikap na makitungo sa iba nang di-nagtatangi.” (2 Cronica 19:6, 7) At ang isang tunay na mapagpakumbabang naglalakbay na tagapangasiwa ay hindi labis na magpapahalaga sa kaniyang sarili bilang isang kinatawan ng Samahan. Angkop na nasabi ng isang tagapangasiwa ng distrito: “Maging mapagpakumbaba at handang makinig sa mga kapatid. Palagi kayong maging madaling lapitan.” Bilang ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, maaari sanang maasiwa ang mga tao kay Jesu-Kristo, subalit siya’y totoong mapagpakumbaba at madaling lapitan anupat maging ang mga bata ay palagay ang loob sa kaniya. (Mateo 18:5; Marcos 10:13-16) Ibig ng naglalakbay na mga tagapangasiwa na ang mga bata, tin-edyer, mga matatanda na—sa katunayan sinuman at lahat sa kongregasyon—ay huwag mag-atubiling lumapit sa kanila.
11. Kapag iyon ay kailangan, ano ang nagiging epekto ng paghingi ng tawad?
11 Mangyari pa, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” at walang naglalakbay na tagapangasiwa ang hindi nagkakamali. (Santiago 3:2) Kapag nagkamali sila, ang taimtim ng paghingi ng tawad ay nagpapakita sa ibang matatanda ng isang halimbawa ng pagpapakumbaba. Ayon sa Kawikaan 22:4, “ang resulta ng pagpapakumbaba at ang [mapitagang] takot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” At hindi ba ang lahat ng lingkod ng Diyos ay kailangang ‘maging mapagpakumbaba sa paglakad kasama ng kanilang Diyos’? (Mikas 6:8, 1960 Edisyon sa Ingles) Nang tanungin kung ano ang maipapayo niya sa isang bagong naglalakbay na matanda, ganito ang komento ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Igalang at pahalagahan nang husto ang lahat ng kapatid, at ituring na sila’y nakahihigit sa iyo. Marami kang matututuhan sa mga kapatid. Manatiling mapagpakumbaba. Maging natural ka lang. Huwag kang mag-astang mahangin.”—Filipos 2:3.
12. Bakit gayon na lamang ang kabuluhan ng sigasig sa ministeryong Kristiyano?
12 Ang sigasig sa ministeryong Kristiyano ay nagbibigay-kabuluhan sa mga sinasabi ng naglalakbay na tagapangasiwa. Sa katunayan, kapag silang mag-asawa ay nagpapakita ng masigasig na halimbawa sa gawaing pag-eebanghelyo, ang matatanda, ang kanilang kabiyak, at ang iba pa sa kongregasyon ay napasisiglang maging masigasig sa kanilang ministeryo. “Maging masigasig sa paglilingkuran,” ang himok ng isang tagapangasiwa ng sirkito. Sinabi pa niya: “Natuklasan ko na, pangkaraniwan, habang mas masigasig ang kongregasyon sa ministeryo, mas kakaunti ang problemang nararanasan nila.” Ganito ang sabi ng isa pang tagapangasiwa ng sirkito: “Naniniwala ako na kung ang matatanda ay gagawang kasama ng mga kapatid sa larangan at tutulungan silang masiyahan sa ministeryo, magbubunga ito ng kapayapaan ng isip at ng pinakamalaking kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova.” Si apostol Pablo ay ‘nag-ipon ng katapangan upang salitain ang mabuting balita ng Diyos sa mga taga-Tesalonica nang may labis na pakikipagpunyagi.’ Hindi nakapagtatakang napamahal sa kanila ang alaala ng kaniyang pagdalaw at pangangaral at nanabik silang makita siyang muli!—1 Tesalonica 2:1, 2; 3:6.
13. Ano ang isinasaalang-alang ng naglalakbay na tagapangasiwa kapag gumagawang kasama ng mga kapuwa Kristiyano sa paglilingkod sa larangan?
13 Kapag gumagawang kasama ng mga kapuwa Kristiyano sa ministeryo sa larangan, isinasaalang-alang ng naglalakbay na tagapangasiwa ang kanilang kalagayan at limitasyon. Bagaman nakatutulong ang kaniyang mga mungkahi, batid niya na ang ilan ay ninenerbiyos kapag nangangaral na kasama ang isang makaranasang matanda. Samakatuwid, sa ilang kalagayan, baka ang pampatibay-loob ay mas kapaki-pakinabang kaysa sa payo. Kapag sinasamahan niya ang mga mamamahayag o mga payunir sa isang pag-aaral sa Bibliya, baka mas gusto nilang siya ang mangasiwa niyaon. Malamang na ito ay upang mabatid nila ang ilang paraan upang mapasulong ang kanilang paraan ng pagtuturo.
14. Bakit masasabi na pinupukaw ng masigasig na naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kasigasigan sa iba?
14 Pinupukaw ng masigasig na naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kasigasigan sa iba. Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Uganda ang naglakad sa makapal na kagubatan sa loob ng isang oras upang samahan ang isang kapatid sa isang pag-aaral ng Bibliya na hindi gaanong sumusulong. Gayon na lamang ang lakas ng ulan nang sila’y naglalakad anupat dumating silang basang-basa. Nang malaman ng pamilyang may anim na miyembro na ang kanilang panauhin ay isang naglalakbay na tagapangasiwa, sila’y lubhang humanga. Alam nila na ang mga ministro ng kanilang simbahan ay hindi magpapakita ng gayong interes sa kawan. Nang sumunod na Linggo, dumalo sila sa kanilang kauna-unahang pulong at nagpahayag ng pagnanais na maging mga Saksi ni Jehova.
15. Anong mainam na karanasan ang tinamasa ng isang masigasig na tagapangasiwa ng sirkito sa Mexico?
15 Sa Mexicanong estado ng Oaxaca, isang tagapangasiwa ng sirkito ang gumawa ng pagsisikap na hindi naman talagang inaasahan sa kaniya. Isinaayos niyang mamalagi sa isang selda sa bilangguan sa loob ng apat na araw upang dalawin ang isang grupo ng pitong bilanggo na naging mga mamamahayag ng Kaharian. Sa loob ng maraming araw ay sinamahan niya ang mga bilanggong ito habang sila’y nagpapatotoo sa bawat selda at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa interes na ipinakita, ang ilan sa mga pag-aaral na ito ay nagpatuloy hanggang sa kinagabihan. “Sa katapusan ng pagdalaw, lubos ang kagalakan ko at ng mga bilanggo bunga ng pagpapatibayan sa isa’t isa,” ang isinulat ng masigasig na tagapangasiwang ito ng sirkito.
16. Bakit gayon na lamang ang kapakinabangan kapag naglalaan ng pampatibay-loob ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak?
16 Sinisikap ng naglalakbay na mga tagapangasiwa na maging nakapagpapatibay. Nang dalawin ni Pablo ang mga kongregasyon sa Macedonia, kaniyang ‘pinatibay-loob sila sa maraming salita.’ (Gawa 20:1, 2) Nakatutulong nang malaki ang mga salitang pampatibay sa pag-akay sa kapuwa mga kabataan at matatanda na magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Sa isang malaking tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower, isiniwalat ng isang di-pormal na surbey na ang mga tagapangasiwa ng sirkito ang nakapagpasigla sa halos 20 porsiyento ng mga boluntaryo upang pumasok sa buong-panahong paglilingkuran. Sa kaniyang mainam na halimbawa bilang isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian, ang kabiyak ng naglalakbay na tagapangasiwa ay napatutunayan ding isang malaking pinagmumulan ng pampatibay-loob.
17. Ano ang nadarama ng isang matanda nang tagapangasiwa ng sirkito hinggil sa kaniyang pribilehiyo na makatulong sa iba?
17 Ang matatanda na at mga nanlulumo ay lalo nang nangangailangan ng pampatibay-loob. Ganito ang isinulat ng isang matanda nang tagapangasiwa ng sirkito: “Ang pitak ng aking gawain na nagdudulot ng labis-labis na kagalakan ay ang pribilehiyo na makatulong sa mga di-aktibo at mahihina sa kawan ng Diyos. May pantanging kahulugan sa akin ang mga salita sa Roma 1:11, 12, sapagkat lubhang napatitibay at napalalakas ako habang ‘ibinabahagi ang ilang espirituwal na kaloob sa gayong mga tao nang sa gayo’y mapatatag sila.’ ”
Mga Gantimpala sa Kanilang Maligayang Gawain
18. Ano ang maka-Kasulatang mga layunin ng naglalakbay na mga tagapangasiwa?
18 Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay taimtim na interesado sa kapakanan ng kanilang mga kapananampalataya. Ibig nilang palakasin ang mga kongregasyon at patibayin ang mga ito sa espirituwal. (Gawa 15:41) Nagpapagal ang isang naglalakbay na tagapangasiwa “upang magbigay ng pampatibay-loob, maglaan ng kaginhawahan, at magtaguyod ng hangaring tuparin ang ministeryo at patuloy na mamuhay sa katotohanan.” (3 Juan 3) Ang isa pa ay naghahangad na patatagin ang pananampalataya ng mga kapananampalataya. (Colosas 2:6, 7) Tandaan na ang naglalakbay na tagapangasiwa ay isang “tunay na katuwang,” hindi isang panginoon sa pananampalataya ng iba. (Filipos 4:3; 2 Corinto 1:24) Ang kaniyang pagdalaw ay isang okasyon para sa pampatibay-loob at karagdagang gawain, at isang pagkakataon din naman para sa lupon ng matatanda na repasuhin ang pagsulong na nagawa at pag-aralan ang mga tunguhin sa hinaharap. Sa kaniyang mga salita at halimbawa, ang mga mamamahayag, payunir, ministeryal na lingkod, at matatanda sa kongregasyon ay makaaasang mapapatibay at mapasisigla para sa gawain sa unahan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:11.) Kaya buong-pusong suportahan ang mga pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, at lubusang samantalahin ang paglilingkuran ng tagapangasiwa ng distrito.
19, 20. Paano ginagantimpalaan ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak sa kanilang tapat na paglilingkuran?
19 Saganang ginagantimpalaan ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak dahil sa kanilang tapat na paglilingkuran, at makapagtitiwala sila na pagpapalain sila ni Jehova dahil sa kanilang mabuting ginagawa. (Kawikaan 19:17; Efeso 6:8) Maraming taon na naglingkod sa gawaing paglalakbay ang matanda nang mag-asawang sina Georg at Magdalena. Sa isang kombensiyon sa Luxembourg, nilapitan si Magdalena ng isang taong napatotohanan niya mahigit na 20 taon bago nito. Ang interes ng babaing Judiong ito sa katotohanan ay pinukaw ng literatura sa Bibliya na naiwan ni Magdalena sa kaniya, at nang maglaon ay nabautismuhan siya. Nilapitan naman si Georg ng isang espirituwal na kapatid na babae na nakaalaala sa pagdalaw nito sa kaniyang tahanan halos 40 taon na ang nakalipas. Ang masiglang paghaharap nito ng mabuting balita ang sa wakas ay umakay sa kaniya at sa kaniyang asawa na tanggapin ang katotohanan. Sabihin pa, nag-uumapaw ang kagalakan nina Georg at Magdalena.
20 Ang mabungang ministeryo ni Pablo sa Efeso ay nagpagalak sa kaniya at marahil siyang nagpakilos sa kaniya na ulitin ang mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Yamang sa gawaing paglalakbay ay nasasangkot ang palaging pagbibigay, yaong nakikibahagi rito ay nagtatamasa ng kaligayahan, lalo na kapag nabatid nila ang mabubuting resulta ng kanilang pagpapagal. Sa isang liham ay ganito ang ipinabatid sa isang tagapangasiwa ng sirkito na nakatulong sa isang matanda na nasiraan ng loob: “Ikaw ay naging malaking ‘tulong na nagpapalakas’ sa aking espirituwal na buhay—higit pa sa natatalos mo. . . . Hindi mo kailanman lubusang mauunawaan kung gaano kalaking tulong ang naibigay mo sa isang modernong-panahong Asap, na ‘ang mga paa ay halos pumihit na.’ ”—Colosas 4:11; Awit 73:2.
21. Bakit masasabi ninyong kumakapit ang 1 Corinto 15:58 sa mga gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa?
21 Gustung-gustong alalahanin ng isang matanda nang Kristiyano na nasa gawaing pansirkito sa loob ng maraming taon ang 1 Corinto 15:58, kung saan nagpayo si Pablo: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” Tiyak na maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon ang naglalakbay na mga tagapangasiwa. At laking pasasalamat natin na gayon na lamang ang kagalakan nilang maglingkod bilang tapat na mga katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova!
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Maliligayahan Ka ba sa Maraming Gawain?” sa Ang Bantayan, Mayo 15, 1991, pahina 28-31.
Paano Ninyo Sasagutin?
◻ Bakit maaaring malasin bilang “maiinam na katiwala” ang naglalakbay na mga tagapangasiwa?
◻ Ano ang ilang salik na tumutulong sa mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na magdulot ng malaking kapakinabangan?
◻ Bakit gayon na lamang kahalaga ang pagpapakumbaba at sigasig para sa mga nakikibahagi sa gawaing paglalakbay?
◻ Ano ang maiinam na layunin ng naglalakbay na mga tagapangasiwa?
[Larawan sa pahina 16]
Sinisikap ng naglalakbay na mga tagapangasiwa na pasiglahin ang mga kapananampalataya
[Mga larawan sa pahina 17]
Makikinabang kapuwa ang mga bata’t matatanda sa pakikisama sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa kanilang kabiyak
[Larawan sa pahina 18]
Nag-uudyok ng sigasig sa iba ang masigasig na ministeryo ng naglalakbay na tagapangasiwa