Tangkilikin ang Dalaw ng Tagapangasiwa ng Sirkito
1 Mula noong Oktubre 15, 1946, patuloy, ang mga kongregasyon ay naoorganisa sa mga sirkito at pinaglilingkuran ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Sa halos 43 mga taon na ngayon, ang mga indibiduwal at mga kongregasyon ay nakikinabang sa teokratikong kaayusang ito. (Isa. 1:26) Ang patuloy nating pagtangkilik sa kaayusang ito ay nagdadala sa atin ng maraming mga pagpapala.—Efe. 4:7, 8, 11.
PAGHAHANDA SA DALAW
2 Kapag ipinatalastas ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, maaaring magpasimula na tayong maghanda para dito. Maaari nating baguhin ang ating normal na eskedyul upang tangkiliking lubusan ang linggo ng pantanging gawain. Ang ilang mamamahayag ay gumugugol ng higit na panahon sa ministeryo sa larangan sa pamamagitan ng pagiging auxiliary payunir. Ang iba ay nagbabakasyon ng isa o dalawang araw mula sa sekular na trabaho upang makibahagi sa ministeryo. Maraming mamamahayag ang gumagawa ng pantanging kaayusan upang makasama ang tagapangasiwa ng sirkito.
3 Ang mga ulat ay nagpapakita na maaari pang pagbutihin ang pagtangkilik sa pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya sa hapon. Maaari ba ninyong isaayos ang inyong mga pagadalaw-muli o pag-aaral sa Bibliya sa hapon sa linggong iyon? Ang tagapangasiwa ng sirkito ay magagalak na sumama sa inyo, at kung nais ninyo, siya’y malulugod na mangasiwa sa inyong pag-aaral.
PERSONAL NA PAGTULONG
4 Ang tagapangasiwa ng sirkito ay interesadong tumulong doon sa mga nagsisikap na abutin ang lalo pang malalaking pribilehiyo ng paglilingkuran. (1 Tim. 3:1) Mayroon ba kayong mga katanungan sa inyong mga atas o pananagutan? Nais ba ninyong mapasulong pa ang inyong kakayahan at personal na organisasyon? Nais ba ninyong maglingkuran kung saan malaki ang pangangailangan sa inyong sirkito? Anoman ang inyong mga espirituwal na tunguhin, magagalak na ipakipag-usap ito sa inyo ng tagapangasiwa ng sirkito.
5 Kung may asawa ang inyong tagapangasiwa ng sirkito, siya ay isa ring payunir at lubusang tumatangkilik sa mga kaayusan ng paglilingkod sa larangan. Handa siyang gumawa kasama ng iba pang mga kapatid na babae at samahan sila sa mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya. Siya’y karapatdapat din sa papuri kagaya ng ibinigay ni Pablo kay Febe.—Roma 16:1, 2.
6 Hindi rin dapat na kaligtaan ang pribilehiyong taglay natin na magpakita ng pagkamapagpatuloy sa dumadalaw na tagapangasiwa. Napakaraming mga kapatid ang nagpapahalaga sa alaala at pampatibay-loob na kanilang tinanggap dahilan sa pagbubukas ng kanilang tahanan o pagpapakain sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at pagtatamasa ng kasiyahan sa espirituwal na pakikipagsamahan sa kanila.—3 Juan 5-8.
7 Maging determinado nawa tayong lahat na tangkilikin nang lubusan ang susunod na pagdalaw ng ating tagapangasiwa ng sirkito.