Ang Dalaw ng Tagapangasiwa ng Sirkito—Isang Paglalaan Ukol sa Espirituwal na Pagsulong
1 “Katatapos pa lamang ng nakasisiyang dalaw ng aming naglalakbay na tagapangasiwa . . . at ang kapahayagan ng aming pasasalamat ay kailangan maipaabot sa inyo dahilan sa pag-aatas ng isang mabuting lingkod ni Jehova sa aming dako.” Kadalasang tumatanggap ang Samahan ng ganitong komento ng pagpapahalaga para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa. Ang napapanahong pagdalaw ng may karanasang mga matatanda ay tumutulong sa atin na gumawa ng espirituwal na pagsulong.
2 Noong unang siglo, ang mga naglalakbay na matatanda ay nagbibigay ng payo sa mga kongregasyon. (1 Tes. 2:1, 10-12) Taglay nila ang tagubilin mula sa lupong tagapamahala. (Gawa 16:4, 5) Naglalahad sila ng mga karanasan mula sa ibang dako. (Gawa 14:27, 28) Tunay na napakalaking pampatibay-loob ang mga pagdalaw na iyon!
3 Sa ngayon, ang mga pagdalaw ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nakapagpapasigla rin ukol sa espirituwal na pagsulong. Gayumpaman, upang lubusang makinabang, kailangang magkaroon tayo ng wastong saloobin at ibigay natin ang lubusang pagtangkilik sa dalaw. Papaano ito maisasagawa?
WASTONG SALOOBIN AT PAGHAHANDA
4 Una, kailangang tayo’y magkaroon ng tamang punto-de-vista sa dalaw at gumawa ng mga plano upang magkaroon ng mas malawak na bahagi sa ministeryo. Maaari ba kayong mag-auxiliary payunir sa buwan ng dalaw? Maaari bang baguhin ang inyong karaniwang gawain sa araw-araw upang makapaglingkod sa larangan sa linggong iyon? Maaari ba kayong makapag-eskedyul ng mga pagdalaw-muli at pag-aaral sa hapon? Ang tagapangasiwa ng sirkito ay magagalak na samahan kayo o mangasiwa sa inyong pag-aaral kung nais ninyo.
5 Ang mga pulong sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ay maaari ding makatulong sa inyong espirituwal na paglaki. Lubusang makinig sa kaniyang mga pahayag at maging handang makibahagi sa pantanging palatuntunang “Magpatuloy sa mga Bagay na Inyong Natutuhan.” Ang pulong ng payunir ay makatutulong sa mga regular payunir at yaong mga kasalukuyang naglilingkod bilang mga auxiliary payunir na mapasulong ang uri ng kanilang ministeryo. Ang mga pulong ng mga matatanda at ministeryal na lingkod ay nagbibigay sa mga ito ng kinakailangang payo at patnubay mula sa organisasyon ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nakapagpapatibay sa kongregasyon.—Gawa 15:36, 41.
6 Ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ay makatutulong sa mga estudiyante sa Bibliya na sumulong, marahil ay matulungan silang magpahalaga sa pagdalo sa mga pulong. Tiyaking ipaliwanag sa kanila ang gawain ng tagapangasiwa ng sirkito. Kung ang estudiyante ay nakagawa ng pagsulong upang maging karapat-dapat na sinang-ayunang kasamahan, anyayahan siyang makibahagi sa paglilingkuran sa linggong iyon. Linangin ang taus-pusong pagpapahalaga sa napapanahong paglalaang ito sa pamamagitan ng nakikitang organisasyon ni Jehova.
7 Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa na naglilingkod sa 120 mga sirkito at 7 distrito sa bansang ito ay nagtataglay ng maraming taon ng karanasan sa katotohanan at sa buong panahong ministeryo. Katalinuhan sa ating bahagi na samantalahin ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito at tanggapin ang anumang espirituwal na kaloob na kaniyang maibabahagi. (Roma 1:11, 12) Magplano na ngayon upang makinabang sa paglalaang ito ukol sa inyong espirituwal na pagsulong.