Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ginagantimpalaan ang Paninindigang Matatag sa Paaralan
INIHULA ng Bibliya: “Lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay magiging sagana.” (Isaias 54:13) Sa pinalawak na paraan, ang “lahat ng iyong mga anak” ay maaaring kumapit sa buong lupon ng mga lingkod ng Diyos sa lupa, kasali na ang mga napakabata. Sa ngayon, tinitiyak ng mga Kristiyanong magulang na ang kanilang mga anak ay “naturuan ni Jehova” sa tahanan at sa mga pulong Kristiyano.
Gayunman, napapaharap ang mga kabataang Kristiyano sa mga mahihirap na hamon kapag pumapasok sa paaralan. Kadalasan ay nasusumpungan nilang kailangang manindigang matatag salig sa mga natutuhan nila buhat sa Bibliya. Kapag ginawa nila ang gayon, maaaring maging kapaki-pakinabang ang mga resulta kapuwa sa mga estudyante at mga guro, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan buhat sa Micronesia.
Sa maliit na isla ng Tol na nasa Chuuk Islands sa kanlurang Pasipiko, ang mga guro sa lokal na paaralan ay nagsabi sa lahat ng bata na maghanda at makibahagi sa pagdiriwang ng paaralan sa Halloween. Batid ng mga mag-aarál na Saksi na maaaring kasangkot sa pagdiriwang ang mga palamuti at mga kasuutan na naglalarawan ng mga multo, tiyanak, at mga mangkukulam—pawang may kaugnayan sa mga espiritistikong tradisyon. Hindi magawa ng mga batang ito na makibahagi dahil sa kanilang budhi.a
Mula sa kanilang salig-sa-Bibliyang pagsasanay sa tahanan at sa kongregasyong Kristiyano, alam nila na di-nakalulugod sa Diyos ang gayong mga kaugalian, kahit na ginagawa lamang para sa paglilibang. Upang tulungan silang maipaliwanag nang mas malinaw ang kanilang paninindigan, inanyayahan ng mga bata si Barak, isa sa mga misyonerong Saksi sa isla, upang makipag-usap sa kanilang mga guro.
Pagkatapos marinig ang paliwanag, nagsaayos ang mga guro ng pangalawang pulong, na doo’y makapagsasalita si Barak sa buong pakultad ng paaralan. Sa pulong na ito, nagharap si Barak ng mga katunayan upang ipakita kung ano talaga ang Halloween. Kinuha niya ang kaniyang impormasyon buhat sa ilang publikasyon ng Watch Tower at saka sa ibang mapagkukunan ng impormasyon. Namangha ang mga guro at mga administrador sa kanilang natutuhan tungkol sa pinagmulan, kasaysayan, at relihiyosong katangian ng pagdiriwang. Minabuti nilang magdaos ng pulong kasama ng mga kawani upang pag-usapan kung paano pagpapasiyahan ang situwasyon.
Pagkaraan ng ilang araw, isang di-inaasahang desisyon ang ipinatalastas. Lahat ng paghahanda para sa Halloween ay kinakansela. Hindi na lamang ipagdiriwang ng paaralan ang Halloween sa taóng iyon. Ano ngang inam na resulta ng determinasyon ng mga kabataang Saksing ito na gawin ang tama sa paaralan! Ang mga kabataan ay hindi kailanman kailangang matakot o mahiya na manindigang matatag ukol sa katotohanan na nasa Bibliya.
Sa buong daigdig, tinuturuan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga anak na mag-aral nang masikap sa paaralan. Sinasanay din ang mga kabataang Saksi na mamuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya at ibahagi ang kanilang pag-asa at paniniwala sa ibang mga estudyante kapag sila ay may pagkakataon. Kahit na ang mga resulta ay hindi kasingbuti o kasindali ng kasong ito, ang mga kabataan ay makapagtitiwala at masisiyahan sa paggawa ng tama. At higit na mahalaga, makatitiyak sila na ang kanilang makalangit na Ama ay nalulugod at magpapala sa kanila dahil sa kanilang tapat na pagsunod.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon sa Halloween at sa espiritistikong pinagmulan nito, tingnan ang Nobyembre 22, 1993 na labas ng Gumising!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.