Ang Ebanghelyo Ayon sa mga Iskolar
“SINO ako ayon sa sinasabi ng mga pulutong?” (Lucas 9:18) Itinanong ito ni Jesus sa kaniyang mga alagad halos dalawang libong taon na ang nakalipas. Kontrobersiyal noon ang tanong na ito. Waring mas higit sa ngayon, lalo na tuwing Kapaskuhan, na ipinagpapalagay na nakasentro kay Jesus. Naniniwala ang marami na si Jesus ay isinugo mula sa langit upang tubusin ang sangkatauhan. Ganiyan ba ang iniisip mo?
Ibang pangmalas naman ang inihaharap ng ilang iskolar. “Ang larawan ni Jesus bilang isa na nagturong siya ang Anak ng Diyos na mamamatay alang-alang sa mga kasalanan ng sanlibutan ay hindi totoo ayon sa kasaysayan,” ang sabi ni Marcus J. Borg, propesor sa relihiyon at kultura.
Inaangkin naman ng ilang iskolar na ang totoong Jesus ay iba doon sa isa na nababasa natin sa Bibliya. Naniniwala ang ilan na lahat ng Ebanghelyo ay isinulat apat na dekada o higit pa pagkamatay ni Jesus at na sa panahong iyon ay napalamutian na ang tunay na pagkakakilanlan kay Jesus. Ang suliranin ay wala sa memorya ng mga manunulat ng Ebanghelyo, ang sabi ng mga iskolar, kundi nasa kanilang pagpapakahulugan. Pagkamatay ni Jesus ay naiba ang pangmalas sa kaniya ng mga alagad—bilang Anak ng Diyos, Tagapagligtas, at Mesiyas. Buong-tapang na inaangkin naman ng ilan na si Jesus ay isa lamang pagala-galang paham, isang rebolusyonaryo sa lipunan. Ang gayon, sabi ng mga iskolar, ang siyang katotohanan ng ebanghelyo.
Ang “Pantas” na Pangmalas Tungkol kay Jesus
Upang ipagtanggol ang kanilang “pantas” na pangmalas, waring sabik ang mga kritiko na ipagwalang-bahala ang anumang tila makahimala tungkol kay Jesus. Halimbawa, sinasabi ng ilan na ang pagkasilang sa kaniya ng isang birhen ay isang pagtatakip sa pagiging bastardo ni Jesus. Tinatanggihan naman ng iba ang mga hula ni Jesus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, anupat iginigiit na ang mga ito ay isiningit sa Mga Ebanghelyo pagkatapos ng “katuparan” ng mga ito. Sinasabi pa man din ng ilan na ang mga pagpapagaling ni Jesus ay pulos pagbabago lamang ng kaisipan—na dinaraig ng isip ang isang bagay. Sa palagay mo kaya ang gayong mga paniwala ay totoo o kabalighuan?
Inangkin pa nga ng ilang iskolar na inimbento lamang ng mga alagad ni Jesus ang tungkol sa pagkabuhay-muli upang sagipin ang kanilang kilusan mula sa pagkabuwag. Tutal, ang katuwiran ng mga iskolar, walang kapangyarihan ang mga tagasunod ni Jesus kung wala siya, kaya ibinalik nila sa kuwento ang kanilang Panginoon. Sa diwa, ang Kristiyanismo, hindi si Kristo, ang siyang binuhay-muli. Kung iyan ay waring isang pantas na pangangatuwiran, kumusta naman ang tungkol sa panukala ng teologong si Barbara Thiering na si Jesus ay hindi talaga pinatay? Naniniwala siya na nakaligtas si Jesus sa pagkakapako at patuloy na nabuhay anupat nakapag-asawa nang dalawang beses at nagkaroon ng tatlong anak.
Lahat ng mga pag-aangking ito ay naglalagay kay Jesus sa tanging kalagayan na doo’y tatanggapin siya ng maraming iskolar: bilang isang tao na matalino, pangkaraniwang Judio, isang repormador sa lipunan—kahit ano maliban sa Anak ng Diyos, na dumating upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.”—Mateo 20:28.
Marahil kapag ganitong kapanahunan, nababasa mo ang mga bahagi ng Mga Ebanghelyo, tulad ng bahagi tungkol sa kapanganakan ni Jesus sa isang sabsaban. O baka narinig mo ang gayon sa simbahan. Tinanggap mo ba ang mga salaysay ng Ebanghelyo bilang mahalaga at kapani-paniwala? Kung gayon ay bigyang-pansin ang nakagigimbal na situwasyong ito. Sa isang diumano’y Seminar kay Jesus, isang grupo ng mga iskolar ang nagpupulong nang dalawang ulit sa isang taon mula noong 1985 upang tiyakin ang pagiging totoo ng mga salita ni Jesus. Talaga bang sinabi ni Jesus ang mga pangungusap na ayon sa Bibliya ay galing sa kaniya? Ang mga miyembro ng seminar ay bumoto sa bawat sinabi sa pamamagitan ng de-kolor na abaloryo. Ang pulang abaloryo ay nangangahulugan na ang pangungusap ay tiyak na sinabi ni Jesus; ang isang kulay-rosas na abaloryo ay nangangahulugan na malamang na sinabi iyon ni Jesus; ang isang kulay-abong abaloryo ay nagpapahayag ng pag-aalinlangan; at ang itim na abaloryo ay nagpapahiwatig ng panghuhuwad.
Baka mabalisa kang malaman na idineklara ng Seminar kay Jesus na 82 porsiyento ng mga salitang ipinalalagay na kay Jesus ay malamang na hindi niya binigkas. Iisang pagsipi mula sa Ebanghelyo ni Marcos ang itinuring na mapagkakatiwalaan. Sinabing ang Ebanghelyo ni Lucas ay punung-puno ng mga propaganda anupat “hindi na matunton.” Ang lahat maliban sa tatlong taludtod ng Ebanghelyo ni Juan ay nakakuha ng botong itim na abaloryo, anupat nagpapahiwatig ng panghuhuwad, at ang bahagyang natitira ay pinag-ukulan ng kulay-abong abaloryo ng pag-aalinlangan.
Higit Pa sa mga Akademiko
Sumasang-ayon ka ba sa mga iskolar? Inihaharap ba nila sa atin ang isang mas tumpak na paglalarawan kay Jesus kaysa roon sa masusumpungan sa Bibliya? Ang mga tanong na ito ay higit pa kaysa isang bagay na pagtatalunan lamang ng mga iskolar. Sa panahong ito, baka magunita mo na, ayon sa Bibliya, isinugo ng Diyos si Jesus “upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Kung si Jesus ay isa lamang pagala-galang paham na tungkol sa kaniya ay kakaunti ang ating nalalaman, magiging walang-saysay ang ‘magsagawa ng pananampalataya’ sa kaniya. Sa kabilang banda, kung totoo ang paglalarawan ng Bibliya tungkol kay Jesus, nasasangkot ang ating walang-hanggang kaligtasan. Samakatuwid, kailangan nating malaman—katotohanan ba ang nilalaman ng Bibliya tungkol kay Jesus?