Pagdurusang Gayon na Lamang
“BAKIT nangyayari ang isahan at panlahatang pagdurusang ito na napakalulubha . . . ? Ang Diyos ay ipinalalagay na siyang larawan ng lahat ng makabuluhan at gayunma’y labis-labis ang walang-kabuluhang mga bagay sa daigdig na ito, anupat gayon na lamang ang walang-saysay na pagdurusa at walang-kawawaang kasalanan. Ang Diyos kayang ito marahil ay katulad ng ibinibintang sa kaniya ni Nietzsche: isang diktador, impostor, manggagantso, berdugo?”—On Being a Christian, ni Hans Küng.
Makikita mo na inihaharap lamang ng Katolikong teologo na si Hans Küng ang isang suliranin na lumilito sa marami—bakit kaya pinahihintulutan ng isang makapangyarihan-sa-lahat at maibiging Diyos ang labis na pagdurusa? Hindi mo ba naririnig na itinatanong iyan ng mga tao? Sinumang madamayin ay napipighati sa inilalarawan ni Küng na “isang walang-katapusang pag-agos ng dugo, pawis at luha, kirot, lumbay at takot, kalungkutan at kamatayan.” Sa katunayan, ito ay mas nahahawig sa isang hugos, isang pagbaha ng kakilabutan at hinagpis na nagwasak sa buhay ng milyun-milyon sa buong kasaysayan.—Job 14:1.
Lipos ng “Kabagabagan at Nakasasakit na mga Bagay”
Isip-isipin ang pagdurusa na bunga ng digmaan, ang kirot na nadama hindi lamang niyaong tuwirang mga biktima kundi gayundin niyaong mga naiwang nagdadalamhati, tulad ng mga magulang at kamag-anak ng mga batang biktima at ng iba pa na pinagmalupitan. “Sa nakalipas na 10 taon,” ang sabi ng Red Cross kamakailan, “1.5 milyong bata ang napatay sa armadong alitan.” Nag-ulat ang Red Cross na sa Rwanda noong 1994, “daan-daang libong lalaki, babae at bata ang buong kalupitan at sistematikong pinaslang.”
Hindi rin natin dapat na kaligtaan ang kirot na dulot ng mahahalay na pedophile. Ganito ang ipinahayag ng isang nagdadalamhating ina, na nagsabing nagpatiwakal ang kaniyang anak na lalaki matapos na abusuhin ng isang tauhan sa pangangalaga ng mga bata: “Ang taong umabuso sa aking anak . . . ang sumira sa kaniya at sa marami pang ibang batang lalaki sa pinakasistematiko, pinakamahalay na paraang maiisip.” At kumusta naman ang di-mailarawang kirot na nadama niyaong mga biktima ng mga walang-habag na mámamasláng o mga baliw na mamamatay-tao na sunud-sunod kung pumatay, tulad niyaong mga nahuli sa Britanya na “nandukot, nanghalay, nagpahirap at pumatay nang di-napaparusahan sa loob ng 25 taon”? Sa buong kasaysayan ay waring walang hangganan ang naipararanas na kirot at pagdurusa ng mga lalaki at babae sa isa’t isa.—Eclesiastes 4:1-3.
Idagdag pa rito ang pagdurusang sanhi ng emosyonal at pisikal na mga karamdaman at ang matinding pagdadalamhati na sumasalanta sa mga pamilya dahil sa maagang pagkamatay ng mga minamahal. Nariyan din ang hinagpis ng mga biktima ng taggutom o iba pang tinaguriang likas na kapahamakan. Iilan ang tututol sa sinabi ni Moises na ang ating 70 o 80 taon ay lipos ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.”—Awit 90:10.
Bahagi Kaya ng Layunin ng Diyos?
Maaari kaya na, gaya ng inaangkin ng ilan, ang ganitong walang-patid na pagdurusa ay bahagi ng di-maubos-maisip na layunin ng Diyos? Kailangan ba tayong magdusa ngayon upang mapahalagahan ang buhay sa ‘kabilang daigdig’? Totoo kaya, gaya ng paniwala ng Pranses na pilosopong si Teilhard de Chardin, na ang “pagdurusang pumapatay at bumubulok, ay kailangan ng tao upang ito ay mabuhay at maging espiritu”? (The Religion of Teilhard de Chardin; amin ang italiko.) Tiyak na hindi!
Sadya kayang lilikhain ng isang makonsiderasyong disenyador ang isang nakamamatay na kapaligiran at pagkatapos ay mag-aangking madamayin kapag sinagip niya ang mga tao buhat sa mga epekto nito? Hinding-hindi! Bakit gagawa ng gayon ang isang maibiging Diyos? Kaya bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Magwawakas pa kaya ang pagdurusa? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kuha ni P. Almasy ng WHO