Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ganito ang sabi ng “Ang Bantayan” ng Agosto 15, 1996: “Sa huling bahagi ng kapighatian, ang ‘laman’ na tumakas tungo sa panig ni Jehova ay maliligtas.” Nagpapahiwatig ba ito na pagkatapos ng unang yugto ng malaking kapighatian, maraming baguhan ang papanig sa Diyos?
Hindi iyon ang punto na ipinaaabot.
Ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 24:22 ay pangunahin nang matutupad sa hinaharap sa pamamagitan ng pagliligtas sa unang bahagi ng nalalapit na malaking kapighatian, ang pagsalakay sa relihiyon. Sinabi ng artikulo: “Tandaan na ang ‘laman,’ kapuwa ng pinahirang nalabi at ng ‘malaking pulutong,’ ang makaliligtas kapag ang Babilonyang Dakila ay bumulusok nang matulin at lubusan sa unang bahagi ng kapighatian.”
Hindi na manganganib ang gayong tapat na mga tao kapag kumilos si Jesus at ang kaniyang makalangit na hukbo sa huling bahagi ng kapighatian. Subalit sino kung gayon ang makaliligtas sa yugtong iyon ng kapighatian? Ipinakikita ng Apocalipsis 7:9, 14 na isang malaking pulutong na may makalupang pag-asa ang makaliligtas. Kumusta naman ang mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu? Tinalakay ng “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1990, kung bakit hindi natin maaaring tiyakin kung kailan dadalhin sa langit ang mga nalabi sa mga pinahiran. Kaya hindi nagbigay ng katiyakan ang artikulo kamakailan (Agosto 15, 1996), anupat gumawa na lamang ng pangkalahatang komento: “Gayundin naman sa huling bahagi ng kapighatian, ang ‘laman’ na tumakas tungo sa panig ni Jehova ay maliligtas.”
Tungkol sa kung mayroon mang baguhan na matututo pa ng katotohanan at papanig sa Diyos pagkaraang magsimula ang malaking kapighatian, pansinin ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:29-31. Pagkatapos ng pagsiklab ng kapighatian, lilitaw ang tanda ng Anak ng tao. Sinabi ni Jesus na hahampasin ng lahat ng tribo sa lupa ang kanilang sarili at mananaghoy. Wala siyang sinabi tungkol sa mga taong namulat dahil sa kalagayan, nagsisi, pumanig sa Diyos, at naging tunay na mga alagad.
Gayundin naman, sa talinghaga ng mga tupa at kambing, ang Anak ng tao ay lilitaw at maghuhukom upang pagbukud-bukurin ang mga tao salig sa kanilang ginawa o hindi ginawa sa nakalipas. Walang sinabi si Jesus tungkol sa mga tao na matagal nang nagpapamalas ng tulad-kambing na mga katangian na karaka-rakang nanumbalik at naging tulad-tupa. Siya’y darating upang maghukom salig sa naipamalas na ng mga tao.—Mateo 25:31-46.
Subalit, muli, walang dahilan upang maging dogmatiko sa puntong ito. Ang bayan ni Jehova, kapuwa ang pinahiran at ang malaking pulutong, ay nakababatid kung ano ang dapat nilang gawin ngayon—mangaral at gumawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20; Marcos 13:10) Ngayon na ang panahon para isapuso natin ang masidhing payo: “Yamang gumagawang kasama niya, namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito. Sapagkat sinasabi niya: ‘Sa isang kaayaayang panahon ay dininig kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.’ Narito! Ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”—2 Corinto 6:1, 2.