Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 2/15 p. 30-31
  • Mga Himala—Ang mga Ito Ba’y Kasuwato ng Batas ng Kalikasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Himala—Ang mga Ito Ba’y Kasuwato ng Batas ng Kalikasan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Ang Pagsunod ng Diyos sa Kaniyang Batas sa Moral
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 2/15 p. 30-31

Mga Himala​—Ang mga Ito Ba’y Kasuwato ng Batas ng Kalikasan?

ANG mga himala ay mga pangyayaring pumupukaw ng pagkamangha o panggigilalas; mga epekto sa pisikal na daigdig na nakahihigit sa lahat ng kilalang kapangyarihan ng tao o ng kalikasan at samakatuwid ay itinuturing na likha ng sobrenatural na lakas. Sa Hebreong Kasulatan ang salitang moh·phethʹ, na kung minsa’y isinasaling “himala,” ay nangangahulugan ding “palatandaan,” “kababalaghan,” at “pahiwatig.” (Deuteronomio 28:46; 1 Cronica 16:12, talababa sa Ingles) Madalas itong gamitin kaugnay ng Hebreong salita na ʼohth, na ang ibig sabihin ay “tanda.” (Deuteronomio 4:34) Sa Griegong Kasulatan ang salitang dyʹna·mis, “kapangyarihan,” ay isinaling “makapangyarihang mga gawa,” “kakayahan,” “himala.”​—Mateo 25:15; Lucas 6:19; 1 Corinto 12:10, AT, KJ, NW, RS.

Ang isang himala, na kagila-gilalas sa paningin ng nakakakita, ay isang bagay na hindi niya kayang gawin o maunawaan pa nga nang lubusan. Ito rin ay isang makapangyarihang gawa, na nangangailangan ng higit na kapangyarihan o kaalaman kaysa sa taglay niya. Ngunit sa pangmalas ng isa na pinagmumulan ng gayong kapangyarihan, hindi iyon isang himala. Nauunawaan niya at may kakayahan siyang gawin iyon. Sa gayon, ang marami sa mga gawa ng Diyos ay kagila-gilalas sa mga taong nakakita sa mga ito ngunit ang mga ito ay paggamit lamang ng kaniyang kapangyarihan. Kung ang isang tao ay naniniwala sa isang diyos, lalo na sa Diyos ng paglalang, hindi niya maaaring patuloy na itanggi ang kapangyarihan ng Diyos na gumawa ng kagila-gilalas na mga bagay sa paningin ng mga tao.​—Roma 1:20.

Sa pamamagitan ng pag-aaral at obserbasyon, natiyak ng mga mananaliksik ang sari-saring magkakatulad na pag-andar ng mga bagay-bagay sa sansinukob at nakilala ang mga batas na umuugit sa gayong pagkakatulad sa likas na mga pangyayari. Ang isa rito ay ‘ang batas ng grabidad.’ Inaamin ng mga siyentipiko ang pagkamasalimuot ngunit pagkamaaasahan ng mga batas na ito, at ang pagtawag sa mga ito bilang “mga batas” ay nagpapahiwatig ng pag-iral ng Isa na nagpapatupad sa gayong mga batas. Minamalas ng mga mapag-alinlangan na ang isang himala ay paglabag sa mga batas na kinikilala nilang likas, di-mababago, di-matitinag; samakatuwid, ang sabi nila, hindi nangyayari kailanman ang isang himala. Mabuting tandaan sa isipan na ang kanilang saloobin ay na kung hindi natin ito maunawaan at maipaliwanag salig sa abot ng ating nauunawaan sa mga batas na ito, hindi ito maaaring mangyari.

Gayunman, nagiging lalong maingat ang may-kakayahang mga siyentipiko tungkol sa pagsasabing imposible ang isang bagay. Ganito ang sabi ni Propesor John R. Brobeck ng University of Pennsylvania: “Hindi na tapatang masasabi ng isang siyentipiko na imposible ang isang bagay. Masasabi lamang niya na ito’y malayong mangyari. Ngunit maaaring masabi niya na ang isang bagay ay imposibleng ipaliwanag may kaugnayan sa ating kasalukuyang kaalaman. Hindi masasabi ng siyensiya na batid na ngayon ang lahat ng katangian ng materya at ang lahat ng anyo ng enerhiya. . . . [Para sa isang himala] ang isang bagay na kailangang idagdag ay ang pinagmumulan ng enerhiya na di pa natin alam sa ating mga siyensiya ng biyolohiya at pisyolohiya. Sa ating Kasulatan ang pinagmumulang ito ng enerhiya ay ipinakikilala bilang ang kapangyarihan ng Diyos.” (Time, Hulyo 4, 1955) Sapol nang ipahayag ito, idiniin pa ito ng karagdagang pagsulong sa siyensiya.

Hindi lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko ang mga katangian ng init, liwanag, atomiko at nuklear na pag-andar, elektrisidad, o ng alinman sa mga anyo ng materya kahit na sa ilalim ng normal na mga kalagayan. Lalo nang di-sapat ang kanilang pagkaunawa sa mga katangiang ito sa ilalim ng di-pangkaraniwan o di-normal na mga kalagayan. Halimbawa, kamakailan lamang nang gumawa ng malawakang pagsusuri sa ilalim ng napakalamig na mga kalagayan, ngunit sa sandaling panahong ito, napansin ang maraming kakaibang pagkilos ng mga elemento. Ang tingga, na isang di-mainam na konduktor ng kuryente, kapag inilubog sa likidong helium na pinalamig sa temperaturang −271° C. (−456° F.) ay nakapagtatakang nagiging isang napakahusay na konduktor at isang malakas na electromagnet kapag inilagay sa tabi nito ang isang bar magnet. Sa gayong ubod-lamig na temperatura ang helium mismo ay waring lumalabag sa batas ng grabidad sa pamamagitan ng pag-akyat sa gilid ng baso hanggang sa umapaw at tumapon mula sa baso.​—Matter, Life Science Library, 1963, pahina 68-9.

Ang natuklasang ito ay isa sa maraming pinagtatakhan ng mga siyentipiko, anupat waring binaligtad ang kanilang dating mga ideya. Paano, kung gayon, masasabi ninuman na nilabag ng Diyos ang kaniyang sariling mga batas sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa na waring kamangha-mangha at makahimala sa mga tao? Tiyak na ang Maylalang ng pisikal na sansinukob ay may ganap na kapamahalaan sa kaniyang nilalang at maaaring maniobrahin ang mga bagay na ito sa loob ng saklaw ng mga batas na inilakip niya sa mga ito. (Job 38) Mapangyayari niya ang kalagayan na kailangan upang maganap ang mga gawang ito; kaniyang mapabibilis, mapababagal, mababago, o mapipigil ang mga reaksiyon. O ang mga anghel, na mas makapangyarihan sa tao, ay makagagawa ng gayon bilang pagtupad sa kalooban ni Jehova.​—Exodo 3:2; Awit 78:44-49.

Tiyak na hindi naman pinapalitan o nilalampasan ng siyentipiko ang pisikal na mga batas kapag gumagamit siya ng higit na init o lamig, o higit pang oksiheno, at iba pa, upang pabilisin o pabagalin ang isang kemikal na proseso. Gayunpaman, tinututulan ng mga mapag-alinlangan ang mga himala sa Bibliya, kasali na ang “himala” ng paglalang. Sa katunayan, iginigiit ng mga tumututol na ito na sila’y pamilyar sa lahat ng kalagayan at proseso na naganap kailanman. Ipinipilit nila na ang pagkilos ng Maylalang ay kailangang limitado lamang sa sakop ng kanilang makikitid na pagkaunawa sa mga batas na umuugit sa pisikal na mga bagay.

Ang kahinaang ito sa bahagi ng mga siyentipiko ay kinilala ng isang Swekong propesor sa plasma physics, na nagsabi: “Walang sinuman ang tumututol sa pagsunod ng atmospera ng lupa sa mga batas ng sigwasan (mechanics) at mulpikan (atomic physics). Gayunpaman, maaaring napakahirap para sa atin na tiyakin kung paano umaandar ang mga batas na ito kung tungkol sa anumang itinakdang situwasyon may kinalaman sa mga pangyayari sa atmospera.” (Worlds-Antiworlds, ni H. Alfvén, 1966, pahina 5) Ikinapit ng propesor ang kaisipang ito sa pinagmulan ng sansinukob. Itinatag ng Diyos ang pisikal na mga batas na umuugit sa lupa, araw, at sa buwan, at sa loob ng nasasaklaw ng mga ito ay nakagawa ang mga tao ng kamangha-manghang mga bagay. Tiyak na maaaring gamitin ng Diyos ang mga batas upang magkaroon ng isang resulta na hindi inaasahan ng mga tao; hindi problema para sa kaniya na hatiin ang Dagat na Pula upang “ang katubigan ay isang pader” sa magkabilang panig. (Exodo 14:22) Bagaman sa tao, ang paglalakad sa ibabaw ng tubig ay isa nang kahanga-hangang tagumpay, kaydaling magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng “Isa na naglaladlad ng mga langit na parang isang manipis na kayo, na nag-uunat ng mga ito tulad ng isang tolda upang tirahan.” Isa pa, ang Diyos ay inilalarawan na lumalalang, at may kapamahalaan, sa lahat ng bagay sa kalangitan, at sinasabing “dahil sa kasaganaan ng dinamikong enerhiya, siya rin naman dahil sa puspos ng sigla sa kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isaias 40:21, 22, 25, 26.

Yamang sa pagkilala sa pag-iral ng batas, tulad ng batas ng grabidad, ay ipinalalagay na may isang mambabatas na may mataas na antas, nakahihigit-sa-taong katalinuhan at kapangyarihan, bakit pag-aalinlanganan ang kaniyang kakayahang gumawa ng kagila-gilalas na mga bagay? Bakit susubuking takdaan ang kaniyang pagkilos sa pagkakitid-kitid na saklaw ng kaalaman at karanasan ng tao? Inilarawan ng patriyarkang si Job ang kadiliman at kamangmangan na pinahihintulutan ng Diyos na kasadlakan niyaong mga nakikipagpaligsahan sa kaniyang karunungan.​—Job 12:16-25; ihambing ang Roma 1:18-23.

Ang Pagsunod ng Diyos sa Kaniyang Batas sa Moral

Ang Diyos ng paglalang ay hindi isang kapritsosong Diyos, anupat di-maaasahang tutupad sa kaniyang sariling mga batas. (Malakias 3:6) Makikita ang bagay na ito sa pagsunod ng Diyos sa kaniyang mga batas sa moral, na kasuwato ng kaniyang pisikal na mga batas ngunit mas matayog at mas dakila kaysa sa mga ito. Sa katarungan ay hindi niya maaaring pagpaumanhinan ang kalikuan. “Ikaw din naman ay may mga matang napakadalisay para tumingin sa kasamaan; at hindi mo magagawang tumingin sa kaguluhan,” sabi ng kaniyang propeta. (Habacuc 1:13; Exodo 34:7) Ipinahayag niya ang kaniyang batas sa Israel: “Kaluluwa para sa kaluluwa, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.” (Deuteronomio 19:21) Nang hangarin niyang patawarin ang kaawa-awa, nagsisising mga tao dahil sa kasalanan na sanhi ng kanilang kamatayan, kinailangan ng Diyos ng isang legal na batayan upang masunod niya ang kaniyang batas. (Roma 5:12; Awit 49:6-8) Napatunayang mahigpit siyang sumusunod sa kaniyang batas, anupat umabot sa punto ng pagsasakripisyo ng kaniyang bugtong na Anak bilang isang pantubos sa kasalanan ng sangkatauhan. (Mateo 20:28) Binanggit ni apostol Pablo na, “sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” nagawa ni Jehova na “ipakita ang kaniyang sariling katuwiran . . . upang siya ay maging matuwid kahit kapag ipinahahayag na matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.” (Roma 3:24, 26) Kung nauunawaan natin na ang Diyos, bilang paggalang sa kaniyang mga batas sa moral, ay hindi nagkait sa paghahain ng kaniyang sinisintang Anak, tiyak na maikakatuwiran nating hindi niya kailangang “labagin” ang kaniyang pisikal na mga batas upang isagawa lamang ang anumang ninanais sa loob ng pisikal na sangnilalang.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share