Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 3/1 p. 14-19
  • Maligaya Yaong mga Nananatiling Gising!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maligaya Yaong mga Nananatiling Gising!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumarating na Gaya ng Isang Magnanakaw
  • Kung Paano Tayo Makapananatiling Gising
  • Nauubos Na ang Panahon
  • Mangyari Pa, Manatili Tayong Gising!
  • “Patuloy Kayong Magbantay”!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Maging Handa Ka Para sa Araw ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Manatiling Gising sa “Panahon ng Kawakasan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • “Manatiling Gising”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 3/1 p. 14-19

Maligaya Yaong mga Nananatiling Gising!

“Narito! Dumarating akong gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan.”​—APOCALIPSIS 16:15.

1. Yamang malapit na ang araw ni Jehova, ano ang maaasahan natin?

MALAPIT NA ang dakilang araw ni Jehova, at digmaan ang kahulugan nito! Sa pangitain, nakakita si apostol Juan ng tulad-palakang “mga pahayag na kinasihan ng mga demonyo” na pumaparoon sa lahat ng “mga hari,” o tagapamahala, sa lupa. Upang gawin ang ano? Aba, “upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”! Idinagdag ni Juan: “Kanilang tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har–​​Magedon.”​—Apocalipsis 16:13-16.

2. Sino si Gog ng Magog, at ano ang mangyayari kapag sinalakay niya ang bayan ni Jehova?

2 Di na magtatagal, pakikilusin ni Jehova ang pulitikal na bahagi ng sistemang ito upang puksain ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:1-5, 15-​17) Pagkatapos ay titipunin ni Gog ng Magog, si Satanas na Diyablo na itinapon sa kapaligiran ng lupa, ang kaniyang mga pulutong at gagawa ng lubusang pagsalakay sa mapayapa at tila walang kalaban-labang bayan ni Jehova. (Ezekiel 38:1-​12) Ngunit kikilos ang Diyos upang iligtas ang kaniyang bayan. Iyan ang magiging hudyat ng pagsiklab ng “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”​—Joel 2:31; Ezekiel 38:18-20.

3. Paano mo ilalarawan ang mga pangyayari na inihula sa Ezekiel 38:21-23?

3 Oo, ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan at papawiin ang bawat huling bakas ng sistema ni Satanas kapag sumapit na tayo sa situwasyon sa sanlibutan na tinatawag na Har–​​Magedon, o Armagedon. Basahin ang makahulang mga salita sa Ezekiel 38:21-23, at gunigunihin ang tanawin. Ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang pakawalan ang pagkalakas-lakas na bugso ng ulan, mapangwasak na mga batong-granizo, rumaragasang apoy, nakamamatay na salot. Naghahari ang takot sa buong daigdig habang nagkakagulo ang mga pulutong ni Satanas, anupat nakikipagbaka sa isa’t isa. Sinumang matirang kaaway ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nililipol samantalang makahimalang inililigtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. Kapag natapos na ang inihulang “malaking kapighatian,” wala nang maiiwan sa di-maka-Diyos na sistema ni Satanas. (Mateo 24:21) Gayunman, maging sa hapdi ng kanilang kamatayan ay malalaman ng balakyot kung sino ang nagpasapit sa kanila ng kapahamakan. Ang ating matagumpay na Diyos mismo ang may sabi: “Kanilang makikilala na ako si Jehova.” Ang pambihirang mga pangyayaring ito ay magaganap sa ating kaarawan, sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus.

Dumarating na Gaya ng Isang Magnanakaw

4. Sa anong paraan darating si Jesus upang puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay?

4 Ganito ang sabi ng niluwalhating Panginoong Jesu-Kristo: “Narito! Dumarating akong gaya ng isang magnanakaw.” Ang pagparitong gaya ng isang magnanakaw ay biglaan, at sa di-inaasahang oras, kapag karamihan ng tao ay nahihimbing. Kapag dumating si Jesus gaya ng isang magnanakaw upang puksain ang balakyot na sistemang ito, iingatan niya yaong mga tunay na gising. Sinabi niya kay Juan: “Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan, upang hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:15) Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? At paano tayo makapananatiling gising sa espirituwal?

5. Ano ang kaayusan sa paglilingkod sa templo nang nasa lupa si Jesus?

5 Karaniwan, hindi naman huhubaran ang isang tanod kung makatulog siya sa oras ng pagbabantay. Subalit nangyari ito sa templo sa Jerusalem nang si Jesus ay nasa lupa at naglilingkod sa templo sa Jerusalem ang mga pangkat ng saserdote at mga Levita. Noon ay ika-11 siglo B.C.E. nang isaayos ni Haring David ang daan-daang saserdote ng Israel at ang kanilang libu-libong katulong na mga Levita upang maging isang organisasyon na binubuo ng 24 na pangkat. (1 Cronica 24:1-18) Bawat pangkat na may mahigit sa isang libong sinanay na mga manggagawa ay naghahali-halili sa isang-linggong paglilingkod sa templo nang di-kukulangin sa dalawang beses sa loob ng isang taon. Subalit sa Kapistahan ng mga Kubol, lahat ng 24 na pangkat ay naroroon upang maglingkod. Kailangan din ng higit pang tulong tuwing kapistahan ng Paskuwa.

6. Ano ang maaaring tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya, “Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan”?

6 Nang sabihin ni Jesus, “Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan,” maaaring ang tinutukoy niya ay ang isang pamamaraan na sinusunod noon may kinalaman sa pagbabantay sa templo. Ganito ang sabi ng Judiong Mishnah: “Nagbabantay ang mga saserdote sa tatlong dako sa Templo: sa Silid ni Abtinas, sa Silid ng Apoy, at sa Silid ng Apuyan; at ang mga Levita sa dalawampu’t isang dako: lima sa limang pintuang-daan ng Bundok ng Templo, apat sa apat na sulok nito sa loob, lima sa lima sa mga pintuang-daan ng Looban ng Templo, apat sa apat na sulok nito sa labas, at isa sa Silid ng mga Handog, at isa sa Silid ng Kurtina, at isa sa likod na kinaroroonan ng Luklukan ng Awa [sa labas ng pader sa likod ng Kabanal-banalang Dako]. Ang opisyal sa Bundok ng Templo ay lumilibot sa bawat bantay na may nakasinding sulo sa harap niya, at kung ang sinumang bantay ay hindi tumayo at magsabi sa kaniya, ‘O opisyal sa Bundok ng Templo, kapayapaan nawa ang sumaiyo!’ at maliwanag na siya ay natutulog, hahampasin niya siya ng kaniyang tungkod, at may karapatan siyang sunugin ang kaniyang kagayakan.”​—The Mishnah, Middoth (“Measurements”), 1, parapo 1-2, isinalin ni Herbert Danby.

7. Bakit kailangang manatiling gising ang mga saserdote at mga Levitang nagbabantay sa templo?

7 Ang maraming Levita at mga saserdote ng naglilingkod na mga pangkat ay nananatiling gising sa buong magdamag upang magbantay at hadlangan ang sinumang di-malinis mula sa pagpasok sa mga looban ng templo. Yamang ang “opisyal sa Bundok ng Templo,” o “ang kapitan ng templo,” ay lumilibot sa lahat ng 24 na himpilan sa panahon ng mga pagbabantay sa gabi, bawat bantay ay kailangang manatiling gising sa kaniyang puwesto kung hindi niya ibig na mahuling di-nagbabantay.”​—Gawa 4:1.

8. Ano ang makasagisag na panlabas na kasuutan ng Kristiyano?

8 Ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang kapuwa mga lingkod ay kailangang manatiling nagbabantay sa espirituwal at mag-ingat ng kanilang makasagisag na panlabas na kasuutan. Ito ang panlabas na katibayan ng ating pagkahirang sa ministeryo sa espirituwal na templo ni Jehova. Bilang pagkilala rito, taglay natin ang banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos upang tulungan tayong gampanan ang ating mga tungkulin at isagawa ang ating mga pribilehiyo bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Kung tutulugan natin ang ating atas bilang mga ministro ng Diyos ay manganganib tayong mahuli ni Jesu-Kristo, ang Kapitan ng dakilang espirituwal na templo. Kung tayo’y nahihimbing sa espirituwal sa panahong iyon, tayo ay makasagisag na huhubaran at susunugin ang ating simbolikong kasuutan. Kaya paano tayo makapananatiling gising sa espirituwal?

Kung Paano Tayo Makapananatiling Gising

9. Bakit gayon na lamang kahalaga ang pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano?

9 Isang pampasigla sa pagiging gising sa espirituwal ang masikap na pag-aaral ng Kasulatan sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano. Sasangkapan tayo ng gayong pag-aaral para sa ministeryo, tutulong sa atin na maharap ang mga krisis, at ituturo sa atin ang daan tungo sa walang-hanggang kaligayahan. (Kawikaan 8:34, 35; Santiago 1:5-8) Dapat na maging masusi at progresibo ang ating pag-aaral. (Hebreo 5:14–6:3) Ang regular na mabuting pagkain ay makatutulong upang manatili tayong gising at alisto. Mahahadlangan nito ang pananamlay na maaaring isang tanda ng malnutrisyon. Wala tayong dahilan upang magkulang sa pagkain at maging antukin sa espirituwal, sapagkat saganang naglalaan ang Diyos ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pinahirang “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-​47) Ang regular na pagkuha ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng personal at pampamilyang pag-aaral ay isang paraan upang manatiling gising at maging ‘malusog sa pananampalataya.’​—Tito 1:13.

10. Paano tumutulong sa atin ang Kristiyanong mga pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon upang manatiling gising sa espirituwal?

10 Tumutulong sa atin na manatiling gising sa espirituwal ang Kristiyanong mga pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon. Naglalaan ang mga ito ng pampatibay-loob at mga pagkakataon upang ‘udyukan ang isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa.’ Lalo na tayong dapat na magtipon nang regular habang ating “nakikita na papalapit na ang araw.” Talaga namang malapit na ang araw na iyon. Iyon ang “araw ni Jehova,” na doo’y ipagbabangong-puri niya ang kaniyang soberanya. Kung talagang mahalaga sa atin ang araw na iyon​—at siya namang nararapat​—​‘hindi natin pababayaan ang ating pagtitipon.’​—Hebreo 10:24, 25; 2 Pedro 3:10.

11. Bakit masasabing mahalaga ang ministeryong Kristiyano sa pagiging gising sa espirituwal?

11 Ang buong-pusong pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ay mahalaga sa pagiging gising sa espirituwal. Mananatili tayong alisto sa pamamagitan ng regular at masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Binibigyan tayo ng ating ministeryo ng maraming pagkakataon upang makipag-usap sa mga tao tungkol sa Salita ng Diyos, sa kaniyang Kaharian, at sa kaniyang mga layunin. Kasiya-siyang magpatotoo sa bahay-bahay, dumalaw-muli, at magdaos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng mga publikasyong tulad ng Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Nagpatotoo ang matatanda sa sinaunang Efeso na tinuruan sila ni Pablo “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20, 21) Mangyari pa, ang ilang tapat na mga Saksi ni Jehova ay may malulubhang sakit na sa paano man ay nakasasagabal sa kanilang ministeryo, ngunit nakasusumpong sila ng mga paraan upang sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang paghahari at nagkakamit ng matinding kagalakan sa paggawa nito.​—Awit 145:10-14.

12, 13. Sa anong mga dahilan dapat nating iwasan ang pagpapakalabis sa pagkain at pag-inom?

12 Ang pag-iwas sa pagpapakalabis ay tutulong sa atin na manatiling gising sa espirituwal. Nang bumabanggit tungkol sa kaniyang pagkanaririto, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga apostol: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat niyaong nananahanan sa ibabaw ng buong lupa.” (Lucas 21:7, 34, 35) Hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya ang katakawan at paglalasing. (Deuteronomio 21:18-​21) Ganito ang sabi ng Kawikaan 23:20, 21: “Huwag kang mapasama sa malalakas uminom ng alak, sa mga matatakaw sa karne. Sapagkat ang lasenggo at matakaw ay darating sa karalitaan, at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.”​—Kawikaan 28:7.

13 Subalit kahit na hindi naman umabot sa gayong punto ang pagkain at pag-inom nang labis, ang mga ito ay magpapaantok sa isang tao, anupat maging tamad at pabaya pa nga sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Likas lamang, may mga kabalisahan tungkol sa buhay pampamilya, kalusugan, at marami pa. Gayunman, magiging maligaya tayo kung uunahin natin ang kapakanan ng Kaharian sa ating buhay at magtitiwala na maglalaan para sa atin ang ating makalangit na Ama. (Mateo 6:25-​34) Kung hindi, “ang araw na iyon” ay darating sa atin na gaya ng “isang silo,” marahil gaya ng isang nakakubling bitag na bibigla sa atin o gaya ng isang may pain na bitag, tulad niyaong nakaaakit at pagkatapos ay susunggab sa di-naghihinalang mga hayop. Hindi ito mangyayari kung mananatili tayong gising, anupat lubusang natatalos na nabubuhay tayo sa “panahon ng kawakasan.”​—Daniel 12:4.

14. Bakit tayo dapat na manalangin nang taimtim?

14 Ang taimtim na panalangin ay isa pang tulong sa pagiging gising sa espirituwal. Sa kaniyang dakilang hula, nanghimok pa si Jesus: “Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:36) Oo, ipanalangin nating sana’y lagi tayong nasa panig ni Jehova at magtamasa ng sinang-ayunang katayuan kapag si Jesus, ang Anak ng tao, ay dumating upang lipulin ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Sa ikabubuti natin at ng ating mga kapananampalataya na ipinananalangin natin, tayo’y kailangang ‘manatiling gising sa pananalangin.’​—Colosas 4:2; Efeso 6:18-20.

Nauubos Na ang Panahon

15. Ano ang naisasakatuparan ng ating paglilingkod bilang mga mangangaral ng katuwiran?

15 Habang hinihintay natin ang dakilang araw ni Jehova, tiyak na hangad nating gawin ang ating buong makakaya sa paglilingkod sa kaniya. Kung taimtim tayong nananalangin sa kaniya tungkol dito, maaaring mabuksan sa atin ang “isang malaking pintuan na umaakay sa gawain.” (1 Corinto 16:8, 9) Sa panahong itinakda ng Diyos, si Jesus ay hahatol at paghihiwalayin ang matuwid na “mga tupa” na karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan mula sa di-maka-Diyos na “mga kambing” na nararapat sa walang-hanggang pagkapuksa. (Juan 5:22) Hindi tayo ang naghihiwalay sa mga tupa mula sa mga kambing. Subalit ang ating paglilingkod ngayon bilang mga mangangaral ng katuwiran ay nagbibigay sa mga tao ng pagkakataon na piliin ang buhay na ukol sa paglilingkod sa Diyos at sa gayo’y magkaroon ng pag-asang mahiwalay tungo sa buhay kapag si Jesus ay “dumating sa kaniyang kaluwalhatian.” Ang kaiklian ng panahong natitira para sa sistemang ito ng mga bagay ay nagpapatindi sa pangangailangang gumawa nang buong-puso habang hinahanap natin yaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.”​—Mateo 25:31-​46; Gawa 13:48.

16. Bakit tayo dapat na maging masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian?

16 Naubos ang panahon para sa sanlibutan noong kaarawan ni Noe, at iyon ay malapit nang maubos para sa sistemang ito ng mga bagay. Kaya naman tayo sana ay maging masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian. Sumusulong ang ating gawaing pangangaral, sapagkat daan-daang libo bawat taon ang nababautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos. Sila ay nagiging bahagi ng pinagpalang organisasyon ni Jehova​—ang “kaniyang bayan at mga tupa ng kaniyang pastulan.” (Awit 100:3) Ano ngang laking kagalakan na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian na nagbibigay ng pag-asa sa napakaraming tao bago “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”!

17, 18. (a) Habang nangangaral tayo, anong tugon ang maaasahan natin mula sa ilan? (b) Ano ang tiyak na aabot sa mga manunuya?

17 Tulad ni Noe, taglay natin ang alalay at proteksiyon ng Diyos. Oo, tiyak na kinutya ng bayan, ng nagkatawang-taong mga anghel, at ng mga Nefilim ang mensahe ni Noe, pero hindi ito nakapigil sa kaniya. Sa ngayon, nangungutya ang ilan kapag itinuturo natin ang saganang patotoo na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang gayong panunuya ay katuparan ng hula sa Bibliya hinggil sa pagkanaririto ng Kristo, sapagkat sumulat si Pedro: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.’ ”​—2 Pedro 1:16; 3:3, 4.

18 Maaaring isipin ng mga manunuya sa ngayon: ‘Wala namang nagbago mula nang paglalang. Patuloy ang buhay, anupat ang mga tao’y kumakain, umiinom, nagsisipag-asawa, at nagpapamilya. Kahit na presente pa si Jesus, hindi siya maglalapat ng hatol sa aking panahon.’ Maling-mali sila! Kung hindi man sila mamatay dahil sa ibang sanhi sa panahong ito, tiyak na aabutan sila ng kakila-kilabot na araw ni Jehova, kung paanong kapaha-pahamak na nalipol sa Baha ang isang balakyot na salinlahi noong kaarawan ni Noe.​—Mateo 24:34.

Mangyari Pa, Manatili Tayong Gising!

19. Paano natin dapat na malasin ang ating paggawa ng alagad?

19 Kung nakaalay tayo kay Jehova, huwag sana tayong mahila sa pagtulog sa pamamagitan ng di-wastong pangangatuwiran. Ito ang panahon upang manatiling gising, manampalataya sa banal na hula, at gampanan ang ating atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Habang ang sistemang ito ay nakaharap sa ganap na kawakasan nito, wala nang hihigit pang pribilehiyo na maaari nating taglayin kaysa sa paglilingkod sa Diyos na Jehova sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo at pakikibahagi sa pambuong-daigdig na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” bago sumapit ang wakas.​—Mateo 24:14; Marcos 13:10.

20. Anong halimbawa ang iniwan nina Caleb at Josue, at ano ang ipinakikita sa atin ng kanilang landasin?

20 Ang ilan sa bayan ni Jehova ay maraming dekada nang naglilingkod sa kaniya, marahil ay buong buhay na. At kahit na kamakailan lamang natin niyakap ang tunay na pagsamba, sana’y maging tulad tayo ng Israelitang si Caleb, na “sumunod kay Jehova nang lubusan.” (Deuteronomio 1:34-​36) Sila ni Josue ay totoong handa na pumasok sa Lupang Pangako di-nagtagal pagkatapos makalaya ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Subalit sa pangkalahatan, ang mga Israelitang nasa hustong gulang ay walang pananampalataya at kinailangang gumugol ng 40 taon sa ilang, kung saan sila namatay. Tiniis nina Caleb at Josue ang hirap kasama nila sa buong panahong iyon, subalit ang dalawang lalaking ito ay pumasok sa lupang pangako nang dakong huli. (Bilang 14:30-​34; Josue 14:6-​15) Kung ‘susundin natin si Jehova nang lubusan’ at mananatiling gising sa espirituwal, tataglayin natin ang kagalakan ng pagpasok sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.

21. Ano ang mararanasan natin kung nananatili tayong gising sa espirituwal?

21 Malinaw ang patotoo na nabubuhay tayo sa panahon ng kawakasan at na ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Hindi ito ang panahon upang maging antukin at pabaya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Pagpapalain lamang tayo kung nananatili tayong gising sa espirituwal at nag-iingat ng kasuutan na nagpapakilala sa atin bilang mga ministrong Kristiyano at mga lingkod ni Jehova. Maging pasiya sana natin na ‘manatiling gising, tumayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki, magpakalakas.’ (1 Corinto 16:13) Bilang mga lingkod ni Jehova, maging matatag at magpakatibay-loob sana ang bawat isa sa atin. Kung magkagayo’y mapapabilang tayo sa mga nakahanda kapag sumapit na ang dakilang araw ni Jehova, anupat buong katapatang naglilingkod kasama ng mga maliligaya na nananatiling gising.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Paano mo bibigyang-kahulugan ang ating makasagisag na panlabas na kasuutan, at paano natin maiingatan ito?

◻ Ano ang ilang paraan upang manatiling gising sa espirituwal?

◻ Bakit dapat nating asahan na may mga manunuya, at paano natin sila dapat na malasin?

◻Paano natin dapat na malasin ang ating paggawa ng alagad sa mga huling araw na ito?

[Blurb sa pahina 16]

Taglay ng mga Kristiyano ang banal na espiritu ng Diyos upang tulungan silang manatiling gising at tumupad sa kanilang mga tungkulin

[Larawan sa pahina 15]

Determinado ka bang manatiling gising sa espirituwal at ingatan ang iyong makasagisag na panlabas na kasuutan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share