“Manatiling Gising”
1 Pagkatapos ilarawan ang napakahalagang mga pangyayari na magiging tanda ng mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “manatiling gising.” (Mar. 13:33) Bakit kailangang manatiling gising ang mga Kristiyano? Sapagkat tayo ay nabubuhay sa pinakamapanganib na panahon sa kasaysayan ng tao. Hindi tayo dapat mag-antok sa espirituwal na paraan. Iyon ay magiging dahilan ng pagkabigo natin na gawin ang ipinagagawa sa atin ni Jehova sa panahong ito ng kawakasan. Ano ang gawaing iyon?
2 Pinangyayari ni Jehova na maihayag ng kaniyang bayan sa buong lupa ang mabuting balita tungkol sa kaniyang Kaharian—ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Ang ating malapitang paggawa kasama ng organisasyon ng Diyos ay nagpapakilala sa atin bilang mga tunay na Kristiyano na palaisip sa mga panahon at sa pangangailangang tulungan ang mga tao na makarinig sa “mga pananalita ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 6:68) Sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa pinakamahalagang gawaing ito, tayo’y nagbibigay ng katunayan ng pagiging gising sa espirituwal.
3 Napakilos Upang Mangaral: Bilang mga Saksi ni Jehova, dapat tayong maging positibo hinggil sa ating ministeryo. Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa ay personal na nagpapakilos sa atin upang makibahagi sa gawaing pangangaral. (1 Cor. 9:16, 17) Sa paggawa nito, ating ililigtas ang ating sarili pati na yaong mga nakikinig sa atin. (1 Tim. 4:16) Maging determinado nawa tayong makibahagi nang palagian hangga’t maaari at gumawa nang matagal hangga’t kinakailangan sa pangangaral tungkol sa pinakamabuting pamahalaan na maaaring makamtan ng sangkatauhan—ang Kaharian ng Diyos!
4 Ang pagkaapurahan ng ating ministeryo ay naikintal sa atin ng isang mahalagang katotohanan—ang pagsiklab ng malaking kapighatian ay darating samantalang nagsasagawa pa tayo ng gawaing ito. Ang hindi natin pagkaalam sa araw at oras ay humihiling na tayo’y manatiling gising at handa sa lahat ng panahon, na may pananalanging umaasa kay Jehova. (Efe. 6:18) Ang saklaw ng gawaing pangangaral ay patuloy na lumalawak. Subalit darating ang araw, ang pinakadakilang gawaing pagpapatotoo sa kasaysayan ng tao ay sasapit sa kasukdulan.
5 May katapatang sundin ang utos ni Jesus na “manatiling gising.” Ito ay mas mahalaga ngayon higit kailanman. Tumugon nawa tayo taglay ang pagkadama ng pagkaapurahan. Ngayon at sa bawat araw, manatili tayong palaisip sa espirituwal, alisto, at aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Oo, tayo nawa’y ‘manatiling gising at panatilihin ang ating katinuan.’—1 Tes. 5:6.