Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 4/15 p. 19-22
  • Naḥmanides—Pinabulaanan ba Niya ang Kristiyanismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naḥmanides—Pinabulaanan ba Niya ang Kristiyanismo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nag-udyok ng Debate?
  • Bakit si Naḥmanides?
  • Si Naḥmanides Laban kay Pablo Christiani
  • Nasaan ang Katotohanan?
  • Judaismo—Paghahanap sa Diyos sa Tulong ng Kasulatan at Tradisyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Ano Ba ang Talmud?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Maimonides—Ang Taong Bumago sa Kahulugan ng Judaismo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Magkasundo Kaya?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 4/15 p. 19-22

Naḥmanides​—Pinabulaanan ba Niya ang Kristiyanismo?

EDAD Medya. Ano ang ipinagugunita nito? Krusada? Inkisisyon? Pagpapahirap? Bagaman hindi isang panahon na karaniwang iniuugnay sa malayang talakayan sa relihiyon, nang panahong iyon, noong taóng 1263, naganap ang isa sa pinakapambihirang debateng Judio-Kristiyano sa kasaysayan ng Europa. Sino ang mga nasangkot? Anong mga isyu ang ibinangon? Paano iyon makatutulong sa atin ngayon na makilala ang tunay na relihiyon?

Ano ang Nag-udyok ng Debate?

Sa buong Edad Medya, ipinakilala ng Simbahang Katoliko Romano ang sarili nito bilang ang tunay na relihiyon. Gayunman, hindi kailanman tinalikuran ng mga Judio ang kanilang pag-aangkin na sila ang piniling bayan ng Diyos. Ang kawalang-kakayahan ng simbahan na kumbinsihin ang mga Judio sa pangangailangan na makumberte ay humantong sa pagkasiphayo at kadalasan ay sa karahasan at pag-uusig. Noong panahon ng mga Krusada sampu-sampung libong Judio ang minasaker o sinunog sa tulos nang papiliin sa pagitan ng bautismo o kamatayan. Sa maraming lupain ang anti-Semitismo na pinukaw ng simbahan ang siyang kalakaran.

Subalit isang naiibang saloobin ang umiral sa Katolikong Espanya noong ika-12 at ika-13 siglo. Ang mga Judio ay binigyan ng relihiyosong kalayaan​—hangga’t hindi nila tinutuligsa ang Kristiyanong pananampalataya​—at pinagkalooban pa nga ng mahahalagang posisyon sa korte ng hari. Subalit pagkatapos ng isang siglo ng gayong pabor, kumuha ng mga hakbang ang mga paring Dominiko upang bawasan ang impluwensiya ng mga Judio sa lipunan at upang kumbertehin ang mga Judio sa Katolisismo. Si Haring James I ng Aragon ay ginipit ng mga Dominiko upang magsaayos ng isang opisyal na debate, na ang layunin ay patunayan ang pagiging mababa ng Judiong posisyon at ang pangangailangan na makumberte ang lahat ng Judio.

Hindi ito ang unang debateng Judio-Kristiyano. Noong taóng 1240, isang opisyal na pagtatalo ang idinaos sa Paris, Pransiya. Ang pangunahing layunin nito ay upang litisin ang Talmud, isang aklat na sagrado sa mga Judio. Gayunpaman, ang mga nakibahaging Judio ay hindi gaanong binigyan ng kalayaan sa pagsasalita. Pagkatapos ideklara ng simbahan ang tagumpay nito sa pagtatalong ito, maraming kopya ng Talmud ang sinunog sa mga pampublikong liwasan.

Ngunit ang mas mapagparayang kalooban ni Haring James I ng Aragon ay hindi nagbigay-daan para sa gayong pakunwaring paglilitis. Palibhasa’y natatanto ito, sumubok ng ibang paraan ang mga Dominiko. Gaya ng isinulat tungkol dito ni Hyam Maccoby sa kaniyang aklat na Judaism on Trial, inanyayahan nila ang mga Judio sa isang debate “na nasa anyong paggalang at panghihikayat, sa halip na pagbatikos gaya niyaong sa Paris.” Hinirang ng mga Dominiko bilang kanilang pangunahing kinatawan si Pablo Christiani, isang Judiong nakumberte sa Katolisismo at naging isang paring Dominiko. Sa paggamit sa kaalaman ni Pablo Christiani sa Talmud at rabinikong mga kasulatan, kampante ang mga Dominiko na mapatutunayan nila ang kanilang usapin.

Bakit si Naḥmanides?

Isang kilalang tao lamang sa Espanya ang nagtataglay ng espirituwal na katangian upang kumatawan sa panig ng mga Judio sa debate​—si Moses ben Naḥman, o Naḥmanides.a Isinilang noong mga 1194 sa lunsod ng Gerona, sa kabataan pa lamang ay kilala na si Naḥmanides bilang isang iskolar sa Bibliya at sa Talmud. Pagsapit sa edad na 30, nakasulat na siya ng mga komentaryo sa malaking bahagi ng Talmud, at di-nagtagal pagkatapos noon ay naging isang pangunahing tagapagsalita na namamagitan sa mga kontrobersiya tungkol sa mga isinulat ni Maimonides na nagbabantang magdulot ng pagkabaha-bahagi sa Judiong komunidad.b Si Naḥmanides ay itinuturing na pinakadakilang Judiong iskolar sa Bibliya at sa Talmud noong kaniyang henerasyon at pangalawa lamang marahil kay Maimonides sa kaniyang impluwensiya sa Judaismo nang panahong iyon.

Malaki ang naging impluwensiya ni Naḥmanides sa Judiong komunidad sa Catalonia, at maging si Haring James I ay sumangguni sa kaniya tungkol sa iba’t ibang bagay may kaugnayan sa Estado. Iginalang kapuwa ng mga Judio at mga Gentil ang kaniyang matalas na kakayahan sa pag-iisip. Natanto ng mga Dominiko na upang mabisang hiyain ang mga Judio, siya, ang kanilang pangunahing rabbi, ang siyang kailangang makipagdebate.

Atubili si Naḥmanides na makipagdebate, palibhasa’y nababatid na walang intensiyon ang mga Dominiko na maging patas. Siya ay sasagot sa mga tanong ngunit hindi maaaring makapagtanong. Gayunman, pumayag siya sa kahilingan ng hari, anupat hiniling na pahintulutan siyang makapagsalita nang malaya sa kaniyang pagsagot. Sumang-ayon dito si Haring James I. Ang gayong pagpapahintulot para sa relatibong kalayaan sa pagsasalita ay hindi pa nangyari at hindi na nangyari sa buong Edad Medya, anupat isang maliwanag na patotoo ng mataas na pagtingin ng hari kay Naḥmanides. Gayunpaman, nag-alala si Naḥmanides. Kung itinuturing siyang labis na mapanlaban sa debate, magkakaroon ng kapaha-pahamak na epekto kapuwa sa kaniya at sa Judiong komunidad. Maaaring sumiklab ang karahasan anumang oras.

Si Naḥmanides Laban kay Pablo Christiani

Ang pangunahing pinagdausan ng debate ay ang palasyo ng hari sa Barcelona. Apat na sesyon ang ginanap​—Hulyo 20, 23, 26, at 27, 1263. Personal na pinangasiwaan ng hari ang bawat sesyon, na dinaluhan din ng iba’t ibang dignitaryo ng Simbahan at ng Estado, gayundin ng mga Judio sa lokal na komunidad.

Hindi kailanman nag-alinlangan ang simbahan sa magiging kinalabasan ng debate. Sa kanilang opisyal na ulat, sinabi ng mga Dominiko na ang layunin ng debate ay ‘hindi upang ang pananampalataya ay pagtalunan na para bang ito ay pinag-aalinlanganan, kundi upang sirain ang mga kamalian ng mga Judio at alisin ang matibay na pananampalataya ng maraming Judio.’

Bagaman halos 70 taóng gulang, ipinakita ni Naḥmanides ang kaniyang matalas na pag-iisip sa pamamagitan ng pagsisikap na limitahan ang talakayan sa mga pangunahing isyu lamang. Nagsimula siya sa pagsasabing: “[Ang nakaraang] mga pagtatalo sa pagitan ng mga gentil at mga Judio ay may kinalaman sa maraming pitak ng relihiyosong pagdiriwang na doo’y hindi naman nakasalalay ang saligang simulain ng pananampalataya. Gayunman, sa maharlikang korteng ito, ibig kong pagdebatihan lamang ang tungkol sa mga bagay na doo’y nakasalig ang buong kontrobersiya.” Nang magkagayo’y napagkasunduan na ang mga paksa ay limitado lamang sa kung ang Mesiyas ay dumating na nga, kung siya ay Diyos o tao, at kung taglay ng mga Judio o mga Kristiyano ang tunay na batas.

Sa kaniyang pambungad na argumento, ipinahayag ni Pablo Christiani na patutunayan niya mula sa Talmud na dumating na nga ang Mesiyas. Sumagot si Naḥmanides na kung gayon nga, bakit hindi tinanggap si Jesus ng mga rabbi na tumanggap naman sa Talmud? Sa halip na ituon ang kaniyang mga argumento sa maliwanag na maka-Kasulatang pangangatuwiran, paulit-ulit na bumanggit si Christiani ng malalabong rabinikong mga talata upang patunayan ang kaniyang argumento. Isa-isang pinabulaanan ito ni Naḥmanides sa pamamagitan ng pagpapakita na ang mga ito ay may kamaliang sinipi nang hindi isinaalang-alang ang konteksto. Hinihingi ng katuwiran na maipakikilala ni Naḥmanides ang kaniyang sarili bilang mas nararapat na makipagtalo para sa mga kasulatang ito na pinag-ukulan niya ng buong buhay upang pag-aralan. Kahit na noong bumanggit si Christiani sa Kasulatan, itinampok ng kaniyang pangangatuwiran ang mga punto na madaling napabulaanan.

Bagaman limitado sa pagsagot sa mga tanong, nakapagharap si Naḥmanides ng mabibisang argumento na nagpakita kung bakit ang posisyon ng Simbahang Katoliko ay hindi matatanggap ng mga Judio at ibang palaisip na mga tao. Hinggil sa doktrina ng Trinidad, ganito ang pahayag niya: “Ang isip ng sinumang Judio o sinumang tao ay hindi magpapahintulot sa kaniya na maniwala na ang Maylalang ng langit at lupa . . . ay magdaraan sa sinapupunan ng isang babaing Judio . . . at sa dakong huli ay ibibigay sa kamay ng kaniyang mga kaaway, na . . . pumatay sa kaniya.” Maikli ngunit malinaw na sinabi ni Naḥmanides: “Ang pinaniniwalaan ninyo​—at ito ang ugat ng inyong pananampalataya​—ay hindi matatanggap ng [makatuwirang] pag-iisip.”

Sa pagtatampok sa isang pagkakasalungatan na hanggang sa ngayon ay humadlang sa maraming Judio na isaalang-alang kahit ang posibilidad na si Jesus ang Mesiyas, idiniin ni Naḥmanides ang malubhang pagkakasala sa dugo ng simbahan. Sinabi niya: “Ipinahayag ng mga propeta na sa panahon ng Mesiyas, . . . papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. Mula sa mga araw ng Nazareno hanggang sa ngayon, ang buong sanlibutan ay punung-puno ng karahasan at pagnanakaw. [Sa katunayan], higit na dugo ang ibinubo ng mga Kristiyano kaysa sa iba pa sa mga bansa, at namuhay din sila nang may kahalayan. Magiging napakahirap nga para sa iyo, aking panginoong hari, at sa mga ito na iyong mga kabalyero kung sila’y hindi . . . mangag-aaral pa man . . . ng pakikipagdigma!”​—Isaias 2:4.

Pagkatapos ng ikaapat na sesyon, pinatigil na ng hari ang debate. Ganito ang sabi niya kay Naḥmanides: “Hindi pa ako kailanman nakakita ng isang taong nasa maling panig na nakipagtalo nang kasinghusay mo.” Tapat sa kaniyang pangako, anupat nagbigay garantiya ng kalayaan ng pagsasalita at proteksiyon kay Naḥmanides, pinauwi siya ni Haring James I ng Aragon, kalakip ang kaloob na 300 dinar. Sa kahilingan ng obispo ng Gerona, gumawa si Naḥmanides ng nasusulat na rekord ng debate.

Samantalang nagpapahayag ng tiyakang tagumpay, maliwanag na galit na galit ang mga Dominiko. Nang maglaon ay nagparatang sila na si Naḥmanides ay namumusong laban sa simbahan, anupat ginamit ang kaniyang mga isinulat tungkol sa debate bilang patunay. Palibhasa’y di-nasiyahan sa pagtrato ng hari kay Naḥmanides, umapela ang mga Dominiko kay Papa Clement IV. Bagaman mahigit nang 70 taóng gulang, si Naḥmanides ay pinalayas sa Espanya.c

Nasaan ang Katotohanan?

Nakatulong ba ang argumento ng magkabilang panig upang makilala ang tunay na relihiyon? Samantalang bawat isa ay nagtampok sa mga kamalian ng kabilang panig, walang nagharap ng malinaw na mensahe ng katotohanan. Ang napabulaanan ni Naḥmanides nang gayon na lamang kahusay ay hindi ang tunay na Kristiyanismo, kundi, sa halip, ang gawang-taong doktrina, tulad ng turo ng Trinidad, na inimbento ng Sangkakristiyanuhan mga ilang siglo pagkaraan ni Jesus. Ang mahalay na paggawi at walang-habas na pagbububo ng dugo ng Sangkakristiyanuhan, na buong-tapang na idiniin ni Naḥmanides, ay mga ulat na di-matututulan.

Hindi mahirap maunawaan kung bakit, sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, hindi humanga si Naḥmanides at ang iba pang Judio sa mga argumento na panig sa Kristiyanismo. Isa pa, ang mga argumento ni Pablo Christiani ay salig, hindi sa malinaw na pangangatuwiran mula sa Hebreong Kasulatan, kundi sa maling pagkakapit ng mga rabinikong kasulatan.

Hindi, hindi pinabulaanan ni Naḥmanides ang tunay na Kristiyanismo. Nang panahon niya ang tunay na liwanag ng mga turo ni Jesus at mga patotoo ng kaniyang pagiging Mesiyas ay naging malabo dahil sa huwad na pagpapaliwanag. Ang paglitaw ng gayong apostatang turo ay aktuwal na inihula ni Jesus at ng mga apostol.​—Mateo 7:21-​23; 13:24-​30, 37-​43; 1 Timoteo 4:1-3; 2 Pedro 2:1, 2.

Gayunpaman, madaling makilala ang tunay na relihiyon sa ngayon. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tunay na tagasunod: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Gayundin bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:16, 17) Inaanyayahan ka naming gawin ang pagkilalang ito. Hayaang tulungan ka ng mga Saksi ni Jehova na isagawa ang isang patas na pagsusuri sa maka-Kasulatang mga patotoo. Sa gayo’y malalaman mo ang tunay na kahulugan ng lahat ng pangako ng Diyos may kaugnayan sa Mesiyas at sa kaniyang pamamahala.

[Mga talababa]

a Tinutukoy ng maraming Judio si Naḥmanides bilang “Ramban,” isang Hebreong akronima na binuo mula sa mga unang titik ng mga salitang “Rabbi Moses Ben Naḥman.”

b Tingnan ang artikulong “Maimonides​—Ang Taong Bumago sa Kahulugan ng Judaismo” sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1995, pahina 20-3.

c Noong 1267, nakarating si Naḥmanides sa lupain na ngayo’y kilala bilang Israel. Marami siyang nagawa sa kaniyang mga huling taon. Muli siyang nagtatag ng Judiong presensiya at isang sentro para sa pag-aaral sa Jerusalem. Nakumpleto rin niya ang isang komentaryo sa Torah, ang unang limang aklat ng Bibliya, at naging ang espirituwal na pinuno ng Judiong komunidad sa hilagang baybaying lunsod ng Acre, na doo’y namatay siya noong 1270.

[Larawan sa pahina 20]

Ipinaglaban ni Naḥmanides ang kaniyang kaso sa Barcelona

[Picture Credit Line sa pahina 19]

Mga larawan sa pahina 19-20: Kinopya mula sa Illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach der deutschen Uebersetzung D. Martin Luther’s

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share