Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 3/1 p. 20-23
  • Maimonides—Ang Taong Bumago sa Kahulugan ng Judaismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maimonides—Ang Taong Bumago sa Kahulugan ng Judaismo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino si Maimonides?
  • Ano ang Isinulat Niya?
  • Ano ang Itinuro Niya?
  • Papaano Naapektuhan ang Judaismo at Iba Pang Paniniwala?
  • Judaismo—Paghahanap sa Diyos sa Tulong ng Kasulatan at Tradisyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Sino ang Karapat-dapat na Tawaging Rabbi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Naḥmanides—Pinabulaanan ba Niya ang Kristiyanismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Mga Judio, mga Kristiyano, at ang Mesiyanikong Pag-asa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 3/1 p. 20-23

Maimonides​—Ang Taong Bumago sa Kahulugan ng Judaismo

“MULA kay Moises hanggang kay Moises, walang sinuman ang gaya ni Moises.” Tatanggapin ng maraming Judio ang mahiwagang sawikaing ito bilang kapahayagan ng paghanga sa Judiong pilosopo, tagauri, at komentarista ng Talmud at ng Kasulatan noong ika-12 siglo na si Moses Ben Maimon​—kilala rin bilang si Maimonides at bilang si Rambam.a Sa ngayon marami ang hindi nakakikilala kay Maimonides, gayunma’y may matinding epekto ang kaniyang mga isinulat sa kaisipang Judio, Muslim, at iglesya noong kaniyang kaarawan. Sa isang saligang paraan, binago niya ang kahulugan ng Judaismo. Sino si Maimonides, at bakit itinuturing siya ng maraming Judio bilang “ang pangalawang Moises”?

Sino si Maimonides?

Si Maimonides ay isinilang sa Córdoba, Espanya, noong 1135. Ang kaniyang ama, si Maimon, na naglaan ng karamihan sa kaniyang maagang pagsasanay sa relihiyon, ay isang tanyag na iskolar buhat sa isang kilalang pamilya ng mga rabbi. Nang sakupin ng mga Almohad ang Córdoba noong 1148, napaharap ang mga Judio sa pagpili na makomberte sa Islam o tumakas. Ito ang nagpasimula sa isang mahabang yugto ng paggala-gala ng pamilyang Maimonides. Noong 1160 sila’y nanirahan sa Fez, Morocco, kung saan tumanggap siya ng pagsasanay bilang isang manggagamot. Noong 1165 kinailangang tumakas patungong Palestina ang kaniyang pamilya.

Gayunman, di-matatag ang kalagayan sa Israel. Ang maliit na pamayanang Judio ay napaharap sa panganib buhat sa mga Krusada ng Sangkakristiyanuhan at gayundin sa mga puwersang Muslim. Pagkatapos ng wala pang anim na buwan sa “Banal na Lupain,” si Maimonides at ang kaniyang pamilya ay nakasumpong ng kanlungan sa Fustat, ang Matandang Lunsod ng Cairo, Ehipto. Dito lubusang nakilala ang talino ni Maimonides. Noong 1177 siya ay naging puno ng pamayanang Judio, at noong 1185 siya ay hinirang na manggagamot sa korte ng tanyag na pinunong Muslim na si Saladin. Tinaglay ni Maimonides ang dalawang posisyong ito hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1204. Ang kaniyang kahusayan sa panggagamot ay totoong kilala anupat sinasabing buhat sa malayong Inglatera, tinangka ni Haring Richard na may Pusong Leon na kunin si Maimonides bilang kaniyang sariling manggagamot.

Ano ang Isinulat Niya?

Si Maimonides ay isang malikhaing manunulat. Habang tumatakas buhat sa pag-uusig ng mga Muslim, nang nagtatago at namumuhay bilang isang takas, tinipon niya ang karamihan sa kaniyang unang pangunahing akda, ang Commentary on the Mishnah.b Yamang isinulat sa wikang Arabe, ipinaliliwanag nito ang mga idea at termino sa Mishnah, kung minsan nababaling sa mga paliwanag ng pilosopiya ni Maimonides tungkol sa Judaismo. Sa bahaging nagpapaliwanag sa salaysay na Sanhedrin, binuo ni Maimonides ang 13 pangunahing simulain ng pananampalatayang Judio. Hindi kailanman nagpahayag ang Judaismo ng isang pormal na kredo, o kapahayagan ng mga paniniwala. Ngayon, ang 13 Simulain ng Pananampalataya ni Maimonides ang naging orihinal na modelo ng sunud-sunod na pagbuo ng kredong Judio.​—Tingnan ang kahon, pahina 23.

Sinikap ni Maimonides na bigyang-kahulugan ang lohikong ayos ng lahat ng bagay, maging pisikal man o espirituwal. Tinanggihan niya ang bulag na pananampalataya, anupat humihingi ng paliwanag sa lahat ng bagay salig sa kung ano ang minamalas niya bilang makatuwirang patotoo o paliwanag. Ang likas na hilig na ito ay umakay sa pagsulat ng kaniyang obra maestra​—ang Mishneh Torah.c

Noong kaarawan ni Maimonides minalas ng mga Judio na ang “Torah,” o “Batas,” ay kumakapit hindi lamang sa nasusulat na mga salita na iniulat ni Moises kundi sa lahat ng rabinikong pagpapaliwanag ng Batas na ito sa loob ng mga siglo. Ang mga ideang ito ay nakaulat sa Talmud at sa libu-libo sa mga rabinikong kahatulan at kasulatan tungkol sa Talmud. Kinilala ni Maimonides na dahil sa lawak at pagiging di-organisado ng lahat ng impormasyong ito, ang isang pangkaraniwang Judio ay nahihirapang gumawa ng mga pasiya na nakaaapekto sa kaniyang pang-araw-araw na buhay. Karamihan ay wala sa kalagayang gumawa ng buong-buhay na pag-aaral ng lahat ng rabinikong literatura, na karamihan nito ay nakasulat sa mahirap unawaing Aramaiko. Ang solusyon ni Maimonides ay ang isaayos ang impormasyong ito, na tinatampok ang praktikal ng mga kahatulan, at organisahin ito sa isang maayos na sistema ng 14 na aklat, na hinati ayon sa paksa. Isinulat niya iyon sa isang napakalinaw, at madaling-unawaing wikang Hebreo.

Gayon na lamang kapraktikal na giya ang Mishneh Torah anupat nangamba ang ilang pinunong Judio na lubusang hahalinhan nito ang Talmud. Gayunman, kahit na yaong mga tumanggi ay kumilala sa kahanga-hangang karunungan ng akdang iyan. Ang napakaorganisadong kodigong ito ay isang malaking tagumpay, anupat nagbibigay ng bagong buhay sa sistema ng Judaismo na hindi na masakyan o maunawaan ng karaniwang tao.

Pagkatapos, sinimulang isulat ni Maimonides ang isa pang pangunahing akda​—The Guide for the Perplexed. Dahil sa pagkasalin sa Arabe ng mga klasikong Griego, mas maraming Judio ang nagiging pamilyar kay Aristotle at sa iba pang pilosopo. Ang ilan ay nalilito, anupat nahihirapang itugma sa pilosopiya ang literal na kahulugan ng mga termino sa Bibliya. Sa The Guide for the Perplexed, sinikap na ipaliwanag ni Maimonides, na lubhang humahanga kay Aristotle, ang diwa ng Bibliya at Judaismo sa isang paraan na kasuwato ng pilosopikong kaisipan at lohika.​—Ihambing ang 1 Corinto 2:1-5, 11-16.

Karagdagan sa pangunahing mga akdang ito at iba pang relihiyosong kasulatan, may awtoridad na sumulat si Maimonides sa larangan ng medisina at astronomiya. Hindi dapat kaligtaan ang isa pang katangian ng kaniyang malikhaing mga akda. Ganito ang komento ng Encyclopaedia Judaica: “Ang mga liham ni Maimonides ay nagpakilala ng isang yugto ng panahon sa pagsulat ng liham. Siya ang unang Judiong manunulat na ang karamihan sa mga liham ay iningatan. . . . Ang kaniyang mga liham ay nakapukaw sa isip at puso ng kaniyang mga kasulatán, at iniba-iba niya ang kaniyang istilo upang bumagay sa kanila.”

Ano ang Itinuro Niya?

Sa kaniyang 13 Simulain ng Pananampalataya, naglaan si Maimonides ng malinaw na balangkas ng paniniwala, na ang ilan dito ay nakaugat sa Kasulatan. Gayunman, sinasalungat ng simulaing pito at siyam ang diwa ng maka-Kasulatang pananampalataya kay Jesus bilang Mesiyas.d Kung isasaalang-alang ang apostatang mga turo ng Sangkakristiyanuhan, tulad ng Trinidad, at ng maliwanag na pagpapaimbabaw na ipinamalas ng malawakang pamamaslang ng mga Krusada, di-nakapagtatakang hindi na sinuri pa ni Maimonides ang suliranin tungkol sa pagka-Mesiyas ni Jesus.​—Mateo 7:21-23; 2 Pedro 2:1, 2.

Sumulat si Maimonides: “Mayroon pa bang mas malaking katitisurang bato kaysa sa [Kristiyanismo]? Lahat ng propeta ay nagsalita tungkol sa Mesiyas bilang ang manunubos ng Israel at ang tagapagligtas nito . . . [Sa kabaligtaran, ang Kristiyanismo] ay nagpangyaring malipol ang mga Judio sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga nalabi ay magsipangalat at hamakin, mabago ang Torah, at ang karamihan sa sanlibutan ay magkasala at maglingkod sa isang diyos maliban sa Panginoon.”​—Mishneh Torah, “Ang mga Batas ng mga Hari at ang Kanilang mga Digmaan,” kabanata 11.

Datapuwa, sa kabila ng lahat ng paggalang na iniukol sa kaniya, pinili ng maraming Judio na waling-bahala si Maimonides sa ilang isyu na tahasang tinalakay niya. Dahil sa lumalaking impluwensiya ng mahiwagang Judaismo (Kabbalah), nagiging lalong popular sa mga Judio ang astrolohiya. Sumulat si Maimonides: “Sinumang nasasangkot sa astrolohiya at isinasaplano ang kaniyang gawain o paglalakbay batay sa panahong itinakda ng mga nagsusuri ng langit ay karapat-dapat na hampasin . . . Lahat ng bagay na ito ay kasinungalingan at pandaraya . . . Sinumang naniniwala sa mga bagay na ito . . . ay isang hangal at walang isip.”​—Mishneh Torah, “Mga Batas sa Idolatriya,” kabanata 11; ihambing ang Levitico 19:26; Deuteronomio 18:9-13.

Tahasang pinuna rin ni Maimonides ang isa pang kaugalian: “Inobliga ng [mga rabbi] ang mga tao at mga pamayanan na magbigay sa kanila ng salapi at buong kahangalang pinapaniwala ang mga tao na iyon ay kahilingan at nararapat . . . Lahat ng ito ay mali. Walang anumang salita, kahit sa Torah o sa mga sawikain ng mga marurunong [sa Talmud], ang umaalalay rito.” (Commentary on the Mishnah, Avot 4:5) Ibang-iba naman sa mga rabbi na ito, puspusang nagpagal si Maimonides upang suportahan ang kaniyang sarili bilang isang manggagamot, kailanma’y hindi tumatanggap ng kabayaran para sa relihiyosong mga serbisyo.​—Ihambing ang 2 Corinto 2:17; 1 Tesalonica 2:9.

Papaano Naapektuhan ang Judaismo at Iba Pang Paniniwala?

Ganito ang sabi ni Propesor Yeshaiahu Leibowitz ng Hebrew University, Jerusalem: “Si Maimonides ang pinakamaimpluwensiyang persona sa kasaysayan ng Judaismo, mula sa panahon ng mga Patriyarka at ng mga Propeta hanggang sa kasalukuyan.” Ganito ang sabi ng Encyclopaedia Judaica: “Di-masusukat ang impluwensiya ni Maimonides sa panghinaharap na pag-unlad ng Judaismo. . . . Si C. Tchernowitz . . . ay nagsabi pa nga na kung hindi dahil kay Maimonides ang Judaismo ay nabuwag na tungo sa iba’t ibang sekta at paniniwala . . . Nagtagumpay siya na pagkaisahin ang iba’t ibang kaisipan.”

Sa pamamagitan ng panibagong pag-oorganisa ng kaisipang Judio upang bumagay sa kaniyang sariling mga idea ng kaayusan at lohika, binigyan ni Maimonides ng panibagong kahulugan ang Judaismo. Nasumpungan kapuwa ng mga iskolar at ng karamihan na ang bagong kahulugang ito ay praktikal at nakaaakit. Tinanggap nang dakong huli maging ng kaniyang mga mananalansang ang karamihan sa paraan ni Maimonides. Bagaman ang kaniyang mga isinulat ay nilayong magpalaya sa mga Judio buhat sa pangangailangang umasa sa walang-katapusang mga komentaryo, di-nagtagal ay naisulat ang mahahabang komentaryo tungkol sa kaniyang mga akda.

Ganito ang komento ng Encyclopaedia Judaica: “Si Maimonides ang . . . pinakapangunahing pilosopong Judio ng Edad Medya, at ang kaniyang Guide for the Perplexed ang pinakamahalagang akdang pilosopiko na nagawa ng isang Judio.” Bagaman isinulat sa wikang Arabe, ang The Guide for the Perplexed ay isinalin sa Hebreo habang nabubuhay pa si Maimonides at di-nagtagal pagkatapos ay sa Latin, anupat nagpangyaring magamit ito sa pag-aaral sa buong Europa. Bilang resulta, ang pambihirang kombinasyon ni Maimonides ng pilosopiya ni Aristotle at ng kaisipang Judio ay agad na nakapasok sa pinakapusod ng kaisipan ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga iskolar ng Sangkakristiyanuhan ng panahong iyan, tulad nina Albertus Magnus at Thomas Aquinas, ay malimit bumanggit sa mga pananaw ni Maimonides. Naimpluwensiyahan din ang mga iskolar ng Islam. Ang pilosopikong mga paraan ni Maimonides ay nakaimpluwensiya sa mga Judiong pilosopo nang bandang huli, gaya ni Baruch Spinoza, upang lubusang humiwalay sa ortodoksong Judaismo.

Si Maimonides ay maituturing na isang taong Renaissance na nabuhay bago ng panahong Renaissance. Ang paggigiit niya na ang pananampalataya ay dapat na maging kasuwato ng katuwiran ay isa pa ring mabisang simulain. Inakay siya ng simulaing ito upang tahasang magsalita laban sa relihiyosong pamahiin. Gayunman, ang masamang halimbawa ng Sangkakristiyanuhan at ang pilosopikong impluwensiya ni Aristotle ay malimit na nakahadlang sa kaniya na maabot ang mga konklusyon na lubusang kasuwato ng katotohanan sa Bibliya. Bagaman hindi lahat ay sasang-ayon sa pangungusap na nakaukit sa libingan ni Maimonides​—“Mula kay Moises hanggang kay Moises, walang sinuman ang gaya ni Moises”​—dapat tanggapin na binigyan niya ng panibagong kahulugan ang landasin at kaayusan ng Judaismo.

[Mga talababa]

a Ang “Rambam” ay isang Hebreong acronym, isang pangalang binuo mula sa unang mga letra ng mga salitang “Rabbi Moses Ben Maimon.”

b Ang Mishnah ay kalipunan ng rabinikong mga komentaryo, batay sa itinuturing ng mga Judio na sinalitang batas. Ito’y isinulat noong bandang katapusan ng ikalawa at pasimula ng ikatlong siglo C.E., na bumubuo ng pasimula ng Talmud. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Will There Ever Be a World Without War? pahina 10, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

c Ang pangalang Mishneh Torah ay isang katawagang Hebreo na hinalaw mula sa Deuteronomio 17:18, iyon ay, isang kopya, o pag-uulit, ng Batas.

d Para sa higit pang impormasyon tungkol sa katibayan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, tingnan ang brosyur na Will There Ever Be a World Without War? pahina 24-30, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 23]

ANG 13 SIMULAIN NG PANANAMPALATAYA AYON KAY MAIMONIDESe

1. Ang Diyos ang Maylikha at Tagapamahala ng lahat ng bagay. Siya lamang ang gumawa, gumagawa, at gagawa ng lahat ng bagay.

2. Iisa ang Diyos. Walang pagiging iisa na katulad ng sa Kaniya.

3. Walang katawan ang Diyos. Hindi kumakapit sa Kaniya ang mga kaisipang pisikal.

4. Ang Diyos ang una at huli.

5. Angkop na sa Diyos lamang manalangin. Hindi maaaring manalangin ang isa sa kaninuman o sa ano pa mang bagay.

6. Totoo ang lahat ng salita ng mga propeta.

7. Ganap na totoo ang hula ni Moises. Siya ang punò ng lahat ng propeta, kapuwa bago at pagkatapos niya.

8. Ang buong Torah na taglay natin ngayon ay yaong ibinigay kay Moises.

9. Hindi mababago ang Torah, at hindi na magbibigay ang Diyos ng iba pa.

10. Alam ng Diyos ang lahat ng gawa at kaisipan ng tao.

11. Ginagantimpalaan ng Diyos yaong nag-iingat ng Kaniyang mga kautusan, at pinarurusahan yaong nagkakasala laban sa Kaniya.

12. Darating ang Mesiyas.

13. Bubuhaying-muli ang mga patay.

[Talababa]

e Binigyang-kahulugan ni Maimonides ang mga simulaing ito sa kaniyang Commentary on the Mishnah, (Sanhedrin 10:1). Nang dakong huli ay tinanggap ito ng Judaismo bilang isang opisyal na kredo. Ang teksto sa itaas ay pinaikli ayon sa kung papaano lumilitaw ang mga ito sa Judiong aklat dasalan.

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Jewish Division / The New York Public Library / Astor, Lenox, and Tilden Foundations

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share