Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pagtakas Tungo sa Teokratikong Organisasyon ni Jehova
NOON ay naudyukang magpahayag si propeta Isaias: ‘Dapat nilang purihin si Jehova sa mga isla sa dagat.’ (Isaias 24:15) Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang mga isla sa dagat bilang bahagi ng “tinatahanang lupa” na hinggil dito’y sinabi ni Jesus na ‘kailangang ipangaral ang mabuting balita.’—Mateo 24:14; Marcos 13:10.
Ang Marquesas Islands ay matatagpuan mga 1,400 kilometro sa gawing hilagang-silangan ng Tahiti. Ang mga ito ay bahagi ng isang malayong kalipunan ng mga isla sa Timog Pasipiko na tinatawag na French Polynesia. Palibhasa’y may matabang lupa na galing sa bulkan at isang mainit-init at mahalumigmig na klima, ang mga pananim ay mayabong sa mga islang ito. Subalit ang Marquesas ay nagluluwal din ng isa pang uring bunga. Isaalang-alang ang nangyari sa isang pamilya na tumugon sa mensahe ng Kaharian sa isla ng Hiva Oa.
Si Jean at ang kaniyang asawa, si Nadine, ay hindi maligaya sa tinatawag na sibilisadong lipunan sa Kanlurang Europa na kanilang pinamumuhayan. Kaya ipinasiya nilang iwanan ang abalang istilo ng pamumuhay at lumipat kasama ng kanilang anak sa Marquesas Islands. Ang kanilang bagong bahay, na yari sa kawayan, ay naroroon sa isang liblib na nayon. Upang marating ang kanilang pinakamalapit na kapitbahay, kailangan silang umakyat nang dalawang oras sa isang baku-bakong landas sa bundok. Ang pinakamalapit na nayon na may doktor, paaralan, at malaking tindahan ay may layong tatlong oras na biyahe sakay ng dyip.
Hindi interesado sa relihiyon sina Jean at Nadine. Gayunman, nakikibahagi sila sa mga usapan tungkol sa pinagmulan ng buhay. Kadalasan, idedetalye nila ang masalimuot na mga teoriya ng ebolusyon. Subalit isa man sa kanilang mga teoriya ay hindi nagdulot ng kasiyahan sa kanila.
Pagkatapos manirahan nang nakabukod sa loob ng anim na taon, nagulat sila nang dumalaw ang dalawang Saksi ni Jehova. Nalaman ng mga Saksi ang kinaroroonan nina Jean at Nadine buhat sa karatig na mga taganayon. Sabihin pa, ang pag-uusap ay nauwi sa isang talakayan tungkol sa teoriya ng ebolusyon. Masayang-masaya ang mag-asawa na ang mga Saksi ay may dalang isang kopya ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa sina Jean at Nadine na magkaroon ng isang aklat na naghaharap ng isang masusing pagsusuri tungkol sa kung paano nagkaroon ng buhay rito.
Pagkaraan ng maikling panahon, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sa loob ng mga tatlong taon, patuloy na sumulong sina Jean at Nadine. Nakumbinsi sila na ang buong lupa ay malapit nang maging isang paraiso. Nang magkaroon ng tatlong anak ang kanilang pamilya, naging totoong hamon ang paglalakbay nang apat na oras upang makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall. Gayunman, hindi ito nagpahinto sa kanilang pagdalo. Sa wakas ay sinagisagan nina Jean at Nadine ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ginawa nila ito sa isang kombensiyon na ginanap sa pangunahing nayon, na doo’y 38 katao ang pinakamaraming bilang ng dumalo!
Upang matulungan ang maliit na grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian, ipinasiya ng pamilya na iwan ang kanilang nakabukod na tahanan. Lumipat sila sa isang nayon na may mga sanlibong naninirahan, na doo’y naglilingkod ngayon si Jean bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ibinibilang ng pamilyang ito, na dati ay tumakas patungo sa mga isla upang layuan ang sibilisasyon, na isang pribilehiyo ang masumpungan ang tanging tunay na santuwaryo, ang teokratikong organisasyon ni Jehova.