Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 7/22 p. 10-12
  • Gawaing Pagboboluntaryo na May Nagtatagal na mga Kapakinabangan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gawaing Pagboboluntaryo na May Nagtatagal na mga Kapakinabangan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit at Paano Nakapagdudulot ng Kapakinabangan ang Edukasyon sa Bibliya
  • Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Espiritu ng Pagboboluntaryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2006
  • Mga Boluntaryong Nasa Gawain
    Gumising!—2001
  • Ang mga Saksi ni Jehova sa Larangang Misyonero
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Pagpapanatili sa Edukasyon sa Kaniyang Dako
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 7/22 p. 10-12

Gawaing Pagboboluntaryo na May Nagtatagal na mga Kapakinabangan

REGULAR na gumawa si Jesu-Kristo ng mabubuting bagay para sa mga nangangailangan. Halimbawa, pinakain niya ang gutóm at pinagaling ang maysakit. (Mateo 14:14-21) Gayunman, anong gawain ang pinakapangunahin sa kaniya? Ang pangyayaring naganap sa unang bahagi ng ministeryo ni Jesus ay naglalaan ng kasagutan. Nakaulat ito sa unang kabanata ng Ebanghelyo ni Marcos.

Habang si Jesus ay nasa Capernaum, malapit sa Dagat ng Galilea, dinala siya sa tahanan ni Simon, o Pedro. Doon, “ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga at nilalagnat,” at pinagaling siya ni Jesus. (Marcos 1:29-31) Nang maglaon, isang pulutong na dito’y kabilang ang maraming tao na “may dinaramdam na iba’t ibang sakit” ang nagsimulang magtipon sa pintuan ng bahay ni Pedro, at pinagaling din sila ni Jesus. (Marcos 1:32-34) Pagkatapos ay gumabi na, at natulog na ang lahat.

Kinaumagahan “samantalang madilim pa,” tahimik na bumangon si Jesus at umalis sa bahay “patungo sa isang liblib na dako,” kung saan “nagsimula siyang manalangin.” Di-nagtagal, nagising din ang mga alagad, tumingin sa labas ng bahay, at nakita ang isang malaking pulutong ng mga tao na naghihintay sa pintuan. Ngunit ano ang gagawin nila? Nawawala si Jesus! Kaagad na hinanap ni Pedro at ng kaniyang mga kasama si Jesus at sinabi sa kaniya: “Ang lahat ay naghahanap sa iyo.” (Marcos 1:35-37; Lucas 4:42) Tila sa diwa ay sinasabi nila kay Jesus: ‘Ano ang ginagawa mo rito sa labas? Kagabi ay napakatagumpay ng iyong pagpapagaling sa maysakit. Ngayon ay isa na namang malaking pagkakataon ang naghihintay sa iyo!’

Ngunit pansinin ngayon ang reaksiyon ni Jesus: “Pumunta tayo sa ibang dako, sa kalapit na maliliit na bayan, upang makapangaral din ako roon.” Mahalaga ang pagtugon na ito. Hindi na bumalik si Jesus sa bahay ni Pedro upang gamutin ang iba. Ipinakita niya kung bakit nang kaniyang sabihin: “Sapagkat sa layuning ito [iyon ay upang makapangaral] ako lumabas.” (Marcos 1:38, 39; Lucas 4:43) Ano ang sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Mahalaga sa kaniya ang paggawa ng mabubuting gawa, ngunit ang pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos ang pangunahing misyon ni Jesus.​—Marcos 1:14.

Yamang hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘maingat na sundan ang mga yapak [ni Jesus],’ ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay may malinaw na patnubay pagdating sa pagtatakda ng mga priyoridad sa gawaing pagboboluntaryo. (1 Pedro 2:21) Tulad ni Jesus, tinutulungan nila ang mga taong nangangailangan​—gaya ng inilalarawan ng naunang artikulo. Gayundin tulad ni Jesus, pinakapangunahin sa kanila ang gawaing pagtuturo ng mensahe ng Bibliya hinggil sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.a (Mateo 5:14-16; 24:14; 28:19, 20) Ngunit bakit dapat unahin ang pagboboluntaryo na turuan ang mga tao hinggil sa mensahe ng Bibliya kaysa sa iba pang mahahalagang anyo ng gawaing pagboboluntaryo?

Kung Bakit at Paano Nakapagdudulot ng Kapakinabangan ang Edukasyon sa Bibliya

Isang kawikaan sa Asia ang nagbibigay ng sagot. Sinasabi nito: “Kung nagpaplano ka para sa isang taon, maghasik ng mga binhi. Kung nagpaplano ka para sa sampung taon, magtanim ng mga punungkahoy. Kung nagpaplano ka para sa isang daang taon, magturo ka sa mga tao.” Tunay na pagdating sa paglalaan ng mga solusyon na nagtatagal, kailangang-kailangan ang edukasyon dahil nililinang nito ang kakayahan ng isang tao na gumawa ng mga desisyon na magpapabuti sa kaniyang buhay. Iyan ang dahilan kung bakit sa ngayon ay mahigit sa anim na milyong part-time at buong-panahong mga boluntaryo ang gumugugol ng kanilang panahon, pagsisikap, at kayamanan sa paglalaan ng walang-bayad na edukasyon sa Bibliya sa publiko. Ang programang ito ng pagboboluntaryo na subok na sa panahon at isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay may epekto sa mga komunidad sa buong daigdig. Paano?

Habang tinutulungan ang mga tao na maunawaan at masunod ang praktikal na payo ng Bibliya, higit silang nasasangkapan na mapakitunguhan ang mga problema sa buhay. Nagkakaroon sila ng moral na lakas na kinakailangan upang madaig ang nakapipinsalang mga kaugalian. Idiniriin ni Nelson, isang kabataan sa Brazil, ang isa pang kapakinabangan ng edukasyon sa Bibliya: “Mula noong magsimula akong mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nalaman ko ang kagalakan dahil sa ngayon ay may layunin na ang aking buhay.” (Eclesiastes 12:13) Daan-daang libong iba pa​—bata at matanda​—na kamakailan lamang nagsimulang mag-aral ng Salita ng Diyos ang nakadarama ng katulad ng kay Nelson. Karagdagan pa sa pagtulong sa mga estudyante na masumpungan ang kasiya-siyang layunin sa buhay, ang mensahe ng Kaharian ng Diyos ay naglalaan ng isang nakapagpapasiglang pag-asa para sa hinaharap​—isang pag-asa na nagpapangyari na maging sulit ang pamumuhay, maging sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan. (1 Timoteo 4:8)​—Tingnan ang kahon “Kung Paano Magdudulot ng mga Kapakinabangan ang Kaharian ng Diyos.”

Sa pamamagitan ng paglalaan ng edukasyon sa Bibliya, isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang boluntaryong paglilingkod na may nagtatagal na kapakinabangan. Gaano katagal? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Gunigunihin na ikaw ay nakikibahagi sa isang programang may walang-hanggang mga kapakinabangan​—iyan talaga ang isang anyo ng boluntaryong paglilingkod na tunay na nagdudulot ng kapakinabangan! Hindi ba iyan ang uri ng programa na nais mong higit na matutuhan? Kung gayon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad. Ang pagtanggap sa paanyayang ito ay isang hakbang na hindi mo pagsisisihan.

[Talababa]

a Ang turing ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pangangaral ay katulad ng pagturing ni apostol Pablo rito​—bilang isang pangangailangan para sa tunay na mga Kristiyano. Sinabi ni Pablo: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin.” (1 Corinto 9:16) Gayunman, ang kanilang gawaing pangangaral ay boluntaryo dahil malaya silang nagpasiya na maging mga alagad ni Kristo, na lubos na nalalaman ang mga pananagutan na kaakibat ng pribilehiyong iyon.

[Blurb sa pahina 11]

“Kung nagpaplano ka para sa isang taon, maghasik ng mga binhi. Kung nagpaplano ka para sa sampung taon, magtanim ng mga punungkahoy. Kung nagpaplano ka para sa isang daang taon, magturo ka sa mga tao.”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Nagbibigay Siya ng Tulong at Pag-asa

Si Nadine, isang 43-taóng-gulang na nars na Pranses na espesyalista sa mga sakit sa tropiko, ay isa sa mga boluntaryong nagtrabaho sa Sentral Aprika. “Tinatanong ako ng mga tao kung bakit ko ginagawa ito,” sinabi niya sa isang kamakailang panayam. “Naniniwala ako sa Diyos, mahal ko ang mga tao, at nais kong ibigay ang aking sarili sa iba. At ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ang nag-uudyok sa akin na magbigay ng kapuwa lunas at pag-asa sa mga nagdurusa.” Habang nagboboluntaryo sa Aprika, hinahati ni Nadine ang kaniyang panahon sa paglalaan ng tulong at pakikibahagi sa gawaing pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa ng mga Saksi sa lugar na iyon.

[Mga larawan]

Si Nadine sa Aprika

[Kahon sa pahina 12]

Kung Paano Magdudulot ng mga Kapakinabangan ang Kaharian ng Diyos

Pakisuyong basahin ang mga kasulatang ito sa iyong sariling Bibliya, at tingnan kung paano ipinangako ng Diyos na kaniyang sasapatan ang mga pangangailangan ng tao sa sumusunod na mga larangan:

Kalusugan “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4; Isaias 33:24; 35:5, 6.

Edukasyon “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9; Habakuk 2:14.

Trabaho “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. . . . Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan.”​—Isaias 65:21-23.

Pagkain “Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”​—Awit 67:6; 72:16; Isaias 25:6.

Mga Kalagayan sa Lipunan “Binali ni Jehova ang tungkod ng mga balakyot . . . Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging panatag.”​—Isaias 14:5, 7.

Katarungan “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.”​—Isaias 11:3-5; 32:1, 2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share