Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Espiritu ng Pagboboluntaryo
1. Paano ipinakita nina David at Nehemias ang espiritu ng pagboboluntaryo?
1 Nang tuyain ni Goliat ang hukbo ng Israel, puwede sana siyang labanan ng sinumang sundalo. Pero isang batang lalaking pastol, na walang kasanayan sa pakikidigma, ang nagboluntaryong lumaban. (1 Sam. 17:32) Nang magbalik sa Jerusalem ang mga tapong Judio subalit hindi nila naitayong-muli ang mga pader nito, isang katiwala ng kopa ng hari ng Persia ang nagboluntaryong iwan ang kaniyang marangal na posisyon sa palasyo at maglakbay patungong Jerusalem upang organisahin ang gawain. (Neh. 2:5) Pinagpala ni Jehova ang dalawang lalaking ito, sina David at Nehemias, dahil sa espiritung ipinakita nila.—1 Sam. 17:45, 50; Neh. 6:15, 16.
2. Bakit dapat ipakita ng mga Kristiyano ang espiritu ng pagboboluntaryo?
2 Sa ngayon, bihira nang makita sa sanlibutan ang espiritu ng pagboboluntaryo. Sa “mga huling araw” na ito, napakaabala ng mga tao, at marami ang “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Tim. 3:1, 2) Madaling mabuhos ang pansin ng isang tao sa personal na mga kapakanan anupat napapalampas niya ang mga pagkakataong magboluntaryo kapag kailangan ng iba ang tulong. Subalit bilang mga Kristiyano, gusto nating tularan si Jesus na nagkusang tumulong sa iba. (Juan 5:5-9; 13:12-15; 1 Ped. 2:21) Paano natin maipakikita ang espiritu ng pagboboluntaryo, at anu-anong pagpapala ang matatanggap natin?
3. Paano nakatutulong sa mga pulong ng kongregasyon ang espiritu ng pagboboluntaryo?
3 Alang-alang sa Ating mga Kapatid: Makapagbibigay tayo sa iba ng “espirituwal na kaloob” sa pamamagitan ng pagboboluntaryong magkomento sa mga bahagi ng pulong na kailangan ang pakikibahagi ng mga tagapakinig. (Roma 1:11) Ang pagkokomento ay nagpaparangal kay Jehova, higit na nagkikintal ng katotohanan sa ating isip at puso, at nakadaragdag sa ating kasiyahan sa mga pulong. (Awit 26:12) Maaari din tayong magboluntaryong gampanan ang pahayag o pagtatanghal sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo kung kailangan ng kahalili. Tutulong ito para mapasulong natin ang ating kakayahang magturo.
4. Anu-ano ang iba pang paraan na maipakikita natin ang espiritu ng pagboboluntaryo?
4 Maipakikita ng mga brother ang espiritu ng pagboboluntaryo kapag nagsisikap silang umabot ng mga pananagutan sa kongregasyon. (Isa. 32:2; 1 Tim. 3:1) Makatutulong ang lahat sa mahusay na kaayusan ng asamblea at kombensiyon sa pamamagitan ng pagboboluntaryo sa gawain ng iba’t ibang departamento. Kapag nagboboluntaryo tayo na gumawang kasama ng tagapangasiwa ng sirkito sa ministeryo o maglaan ng kaniyang pagkain, “pagpapalitan ng pampatibay-loob” ang ibinubunga nito. (Roma 1:12) Kapag nagkukusa tayong magbigay ng praktikal na tulong sa mga batang lalaking walang ama, mga balo, maysakit at may kapansanan, mga inang may maliliit na anak, at sa iba pang kabilang sa kongregasyon, nagagalak tayo at nadarama natin ang lingap ni Jehova.—Kaw. 19:17; Gawa 20:35.
5. Anong mga gawain may kinalaman sa Kingdom Hall ang nangangailangan ng kusang-loob na mga boluntaryo?
5 Isa pang paraan para magboluntaryo ng ating panahon at pagsisikap ang pagtulong sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Bukod diyan, yamang marami ang naaakay sa katotohanan, lumalaki ang pangangailangan para sa bagong mga Kingdom Hall at mga boluntaryo na magtatayo ng mga ito. Isang mag-asawa ang nagboluntaryong tumulong sa Regional Building Committee sa kanilang lugar bagaman wala silang kasanayan sa pagtatayo. Nang dakong huli, tumanggap ng pagsasanay ang mag-asawa at tumutulong sila ngayon sa pag-aasinta ng laryo. Ganito ang sabi ng asawang babae: “Nagkaroon ako ng matalik na mga kaibigan dahil sa paggawang kasama ng iba. Sa dulo ng maghapon, pagod kami sa pisikal pero naginhawahan naman sa espirituwal.”
6. Bakit ang ministeryo ang pinakamahalagang gawaing pagboboluntaryo na magagampanan natin?
6 Sa Pamamagitan ng Pangangaral: Ang pinakamahalagang gawaing pagboboluntaryo ngayon ay ang pangangaral hinggil sa Kaharian. Kapag natutulungan ang mga tao na maunawaan at maikapit ang mga payo ng Bibliya, nagkakaroon sila ng layunin sa buhay at ng lakas upang daigin ang nakapipinsalang mga bisyo. Natututuhan nila sa Bibliya ang nakapagpapasiglang pag-asa sa hinaharap. Sa pagtuturo hinggil sa Bibliya, nagsasagawa tayo ng kasiya-siyang boluntaryong paglilingkod na may pangmatagalang mga pakinabang. (Juan 17:3; 1 Tim. 4:16) Marahil ipinahihintulot ng ating kalagayan na makibahagi tayo nang higit sa gawaing ito sa pamamagitan ng paglilingkod bilang auxiliary o regular pioneer, paglipat kung saan mas malaki ang pangangailangan, o pag-aaral ng ibang wika.
7. Bakit lalo nang mahalaga sa ngayon ang pagboboluntaryo?
7 Inihula ni Haring David na sa pagsisimula ng pamamahala ng Mesiyas, ang bayan ng Diyos ay “kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili.” (Awit 110:3, tlb. sa Rbi8) Ngayong pinabibilis ni Jehova ang pangwakas na espirituwal na pag-aani, napakaraming gawain kung saan maaari tayong magboluntaryo. (Isa. 60:22) Nasabi mo na ba: “Narito ako! Isugo mo ako”? (Isa. 6:8) Oo, sa pagpapakita ng espiritu ng pagboboluntaryo, napalulugdan natin si Jehova at aani tayo ng saganang gantimpala.