Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Nakasumpong Siya ng “Perlas na Mataas ang Halaga”
ANG kaharian ng mga langit ay tulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas. Sa pagkasumpong sa isang perlas na mataas ang halaga, umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” Sa mga salitang ito, inilarawan ni Jesus ang napakalaking halaga ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 13:45, 46) Yaong kumikilala sa kahalagahan ng Kaharian ay malimit na nagsasakripisyo nang husto upang makamit ito. Ito ay inilalarawan ng sumusunod na karanasan mula sa Lalawigan ng Pingtung, Taiwan.
Noong 1991, sina G. at Gng. Lin ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang matuklasan ito ng klerigo sa kanilang lugar, sinikap niyang hikayatin silang makisama sa kaniyang simbahan. Yamang ang negosyo ng mga Lin ay ang pagbebenta ng dugo ng baboy at pato sa lokal na pamilihan, nagpasiya silang tanungin ang pangmalas ng klerigo tungkol sa bagay na ito. “Lahat ng ginawa ng Diyos ay maaaring magsilbing pagkain ng tao,” tugon niya. Sa kabilang panig, hinimok naman sila ng mga Saksi na isaalang-alang ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Nalaman nila na sagrado ang pangmalas ng Diyos na Jehova sa dugo, sapagkat “ang buhay ng isang nilalang ay ang dugo.” (Levitico 17:10, 11, The New English Bible) Kaya ang mga tunay na Kristiyano ay dapat na “umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:20) Bunga ng pagsusuri sa Kasulatan tungkol sa paksang ito, nagpasiya ang mga Lin na huminto sa pagbebenta ng dugo, bagaman ito ang pangunahin nilang pinagkakakitaan. Sa loob lamang ng sandaling panahon, napaharap sila sa mas malaking pagsubok.
Bago natuto ng katotohanan, nakapagtanim ang mga Lin ng 1,300 palma ng bunga sa kanilang lupa. Bagaman gugugol ng limang taon bago pagkakitaan ang mga puno, minsang mamunga na nang husto ang mga ito, makaaasa ang mga Lin na sila ay kikita ng $77,000 bawat taon. Habang papalapit na ang unang pag-aani, kinailangang gumawa ng mahalagang pasiya ang mga Lin. Nalaman nila sa kanilang pag-aaral ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat na maglinis ng kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu” sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit, o pagtataguyod, ng di-malinis na kinaugalian tulad ng paninigarilyo, pag-aabuso sa droga, at pagnganganga. (2 Corinto 7:1) Ano ang gagawin nila?
Palibhasa’y ginigipit ng nababagabag na budhi, nagpasiya si G. Lin na huminto sa pag-aaral. Samantala, ipinagbili ni Gng. Lin ang mga bunga mula sa ilan sa kanilang dati nang naitanim na mga palma at tumubo ng mahigit sa $3,000. Ito ay patikim lamang ng malapit na nilang kitain kung pananatilihin nila ang kanilang mga puno. Gayunman, patuloy na binabagabag si G. Lin ng kaniyang budhi.
Pinag-isipan niyang mabuti ang bagay na ito hanggang sa isang araw, hiniling niya sa mga Saksi sa kanilang lugar na putulin para sa kaniya ang kaniyang mga palma ng bunga. Ipinaliwanag ng mga Saksi na iyon ay kaniyang pasiya; samakatuwid, siya ang kailangang ‘magdala ng kaniyang sariling pasan’ at siya mismo ang dapat pumutol sa mga puno. (Galacia 6:4, 5) Kanilang pinatibay-loob siya na alalahanin ang pangako sa 1 Corinto 10:13, na ang sabi: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban sa kung ano ang karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kasama ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” Nangatuwiran din sa kaniya ang mga Saksi, na nagsabi: “Kung puputulin namin ang iyong mga puno para sa iyo, baka panghinayangan mo iyon at sisihin kami sa pagkalugi.” Pagkaraan ng sandaling panahon, nagising si Gng. Lin sa ingay ng lagaring de-motor. Pinuputol ng kaniyang asawa at mga anak ang mga palma ng bunga!
Nasumpungan ni G. Lin na tapat si Jehova sa Kaniyang pangako. Nakakuha siya ng trabaho na nagpahintulot na siya’y manatiling may malinis na budhi, anupat nagpangyaring siya’y maging isang tagapuri kay Jehova. Nabautismuhan siya sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 1996.
Oo, sa diwa ay “ipinagbili [ni G. Lin] ang lahat ng mga bagay na taglay niya” at binili ang isang “perlas na mataas ang halaga.” Ngayon ay taglay niya ang walang-katumbas na pribilehiyo ng pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova at paglilingkod ukol sa kapakanan ng Kaniyang Kaharian.