Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/12 p. 22-25
  • Dapat Ka Bang Magnganga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Ka Bang Magnganga?
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Nganga?
  • Bisyong Nauuwi sa Maraming Pagdurusa!
  • Ano ang Pangmalas ng Bibliya?
  • Tatlong Hakbang Para Maihinto ang Bisyo
  • Pagngangà na Humahantong sa Paghihirap
    Gumising!—1996
  • Nakasumpong Siya ng “Perlas na Mataas ang Halaga”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Ang Nuwes na May Bagong Pangalan
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2012
g 2/12 p. 22-25

Dapat Ka Bang Magnganga?

SA ISANG kalye sa Timugang Asia, isang masayahing tao ang ngumiti, pero mapapansing maiitim ang ngipin niya at punô ng mapulang laway ang bibig niya. Nang dumura siya, nakapandidiri ang kaniyang mapulang dura. Nagnganganga kasi siya.

Mula sa Silangang Aprika, Pakistan, at India hanggang sa Timog-Silangang Asia at hanggang sa Papua New Guinea at Micronesia, milyun-milyon ang nagnganganga​—mga 10 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Ang mga nagtitinda ng nganga, kung minsa’y kasama ang mga anak nila, ay naglalagay ng mesa sa mga palengke at kalsada. Ang iba ay gumagamit ng makukulay na ilaw at mga kabataang babae na halos walang saplot sa katawan para makaakit ng kostumer.

Sa buong daigdig, bilyun-bilyong dolyar ang halaga ng naibebentang nganga taun-taon. Pero ano ba ang nganga? Bakit napakaraming nagnganganga? Ano ang epekto ng bisyong ito sa kalusugan nila? Ano ang pangmalas dito ng Bibliya? At paano maihihinto ng isa ang bisyong ito?

Ano ba ang Nganga?

Ang ginagawang nganga ay ang bunga ng punong bunga (areca palm o betel palm), isang tropikal na halaman na tumutubo sa Pasipiko at Timog-Silangang Asia. Ibinabalot ito sa dahon ng ikmo kasama ng kaunting apog. Nakakatulong ang apog para kumatas ang mga stimulant na alkaloid. Ang ibang nagnganganga ay nagdaragdag ng pampalasa, tabako, o pampatamis para mas magkalasa ito.

Ang pinagsama-samang sangkap na ito ang nagpapalabas at nagpapapula ng laway. Iyan ang dahilan kung bakit dura nang dura ang mga nagnganganga, kahit pa nga mula sa tumatakbong sasakyan; kaya delikado ang mga nasa gilid ng kalsada!

Bisyong Nauuwi sa Maraming Pagdurusa!

“Ginagamit na ang bunga ng punong bunga mula pa noong unang panahon at malaking papel ang ginampanan nito sa lipunan, kultura, at maging sa relihiyon,” ang sabi ng isang ulat sa Oral Health. “Karaniwan nang ipinapalagay ng mga gumagamit nito na hindi ito nakapipinsala at sinasabi pang gumaganda ang pakiramdam nila [at] umiinit ang katawan nila . . . Gayunman, ipinakikita ng ebidensiya na ito’y talagang nakapipinsala.” Paano?

Ang mga ahensiya sa pagsugpo sa bawal na gamot ay naniniwala na nakakaadik ang isa sa mga alkaloid ng nganga. Sa katunayan, ang ilang nagnganganga ay nakakakonsumo ng hanggang 50 bunga bawat araw. Di-magtatagal, mangingitim ang ngipin niya at magkakasakit siya sa gilagid. Ang mga may ganitong bisyo, ayon sa Oral Health, ay maaaring magkaroon ng “chewers mucosa”​—ang kulay-tsokolateng pagmamantsa ng bibig at kadalasa’y pangungulubot ng loob ng bibig. Puwede rin silang magkaroon ng “nagtatagal at lumalalang pagpipilat sa loob ng bibig,” isang kondisyon na tinatawag na oral submucous fibrosis.

Iniuugnay rin sa pagnganganga ang isang uri ng kanser sa bibig na tinatawag na oral squamous cell carcinoma, na maaari ding tumubo sa pinakaloob ng lalamunan. Waring pinatutunayan ito ng maraming kaso ng kanser sa bibig ng mga adulto sa Timog-Silangang Asia. Sa Taiwan, mga 85 porsiyento ng mga pasyenteng may kanser sa bibig ay mga taong nagnganganga. Bukod diyan, “ang bilis ng pagdami ng kaso ng kanser sa bibig sa Taiwan​—isa sa 10 pangunahing sanhi ng kamatayan doon​—ay tumaas nang halos apat na beses nitong nakalipas na 40 taon,” ang sabi ng The China Post.

Ganiyan din ang sitwasyon sa ibang lugar. Iniulat ng Papua New Guinea Post-Courier: “Ang gustung-gustong ngatain ng mga taga-Papua New Guinea, ang nganga, ay pumapatay ng di-kukulangin sa 2,000 katao bawat taon at sanhi ng maraming problema sa kalusugan, ayon sa PNG Medical Society.” “Ang epekto ng bisyong pagnganganga,” ayon sa isang doktor at manunulat sa medisina, “ay halos sindami ng epekto ng paninigarilyo,” kasama na rito ang sakit sa puso.

Ano ang Pangmalas ng Bibliya?

Ang Bibliya ay hindi aklat tungkol sa medisina, at hindi nito espesipikong binabanggit ang pagnganganga. Pero may mga simulain ito na tutulong sa atin na magkaroon ng mas malinis, mas malusog, at mas mabuting buhay. Pag-isipan ang sumusunod na mga talata sa Bibliya at ang mga tanong na kaugnay nito.

“Mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na . . . banal, kaayaaya sa Diyos.” (Roma 12:1) Magiging banal ba, o malinis, sa paningin ng Diyos ang isang tao kung parurumihin niya ang kaniyang katawan sa pagnganganga?

“Sa pamamagitan [ng Diyos], tayo ay may buhay.” (Gawa 17:28) “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas.” (Santiago 1:17) Ang buhay ay napakahalagang regalo mula sa Diyos. Ang tao bang may bisyo na nagiging sanhi ng sakit ay nagpapakita ng paggalang sa regalong iyan?

“Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.” (Mateo 6:24) “Hindi ako pasasailalim sa awtoridad ng anumang bagay.” (1 Corinto 6:12) Kung gusto ng isa na palugdan ang Diyos, dapat ba siyang magpaalipin sa isang maruming bisyo?

“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Marcos 12:31) “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa.” (Roma 13:10) Nagpapakita ba tayo ng tunay na pag-ibig sa kapuwa kung dumudura tayo ng mapula, marumi, at nakapandidiring dura sa daan, bangketa, o iba pang lugar?

Tiyak na ‘aanihin natin ang ating inihahasik.’ (Galacia 6:7, 8) Isang batas iyan ng kalikasan. Kaya kung ang inihahasik natin ay masamang bisyo, sakit ang aanihin natin. Pero kung mamumuhay tayo ayon sa gusto ng Diyos, kasama na ang pagkakaroon ng mabubuting kaugalian, hindi lang tayo aani ng mabuting kalusugan kundi magiging tunay na maligaya rin tayo. Kung nagnganganga ka pero gusto mong magkaroon ng mas mabuti at makabuluhang buhay anupat ginagawa ang tama sa paningin ng Diyos, paano mo maihihinto ang iyong bisyo? Manalangin at isaalang-alang ang sumusunod na praktikal na mga hakbang.

Tatlong Hakbang Para Maihinto ang Bisyo

1. Maging determinado. Para maihinto ang isang masamang bisyo, kailangan mo ng mas mabigat na dahilan kaysa sa basta pagkaalam na nakapipinsala iyon sa iyong kalusugan. Maraming tao ang tuloy pa rin sa pagnganganga, paninigarilyo, o pagdodroga kahit alam na alam nilang nakapipinsala ito sa kanilang kalusugan at buhay. Para mapatibay ang iyong determinasyon, mag-aral ka ng Bibliya upang makilala mo ang iyong Maylalang at malaman kung gaano ka niya kamahal. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” ang sabi sa Hebreo 4:12.

2. Humingi ng tulong sa Diyos. “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo,” ang sabi ni Jesu-Kristo. “Patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.” (Lucas 11:9, 10) Kapag nakita ng tunay na Diyos, si Jehova, na taimtim ang paghingi mo ng tulong at lakas, tiyak na pakikinggan ka niya. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi sa 1 Juan 4:8. Ang pag-ibig na iyan ay nadama ni apostol Pablo. Sumulat siya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.

3. Humingi ng tulong sa iba. Ang pinipili mong kasama ay makaiimpluwensiya sa iyo nang malaki sa ikabubuti o sa ikasasamâ. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara,” ang sabi sa Kawikaan 13:20. Kaya maging matalino sa pagpili ng mga kasama! Sa mga Saksi ni Jehova, marami ang dating nagnganganga. Pero dahil sa pakikipagsamahan sa mga kapananampalataya at pag-aaral ng Bibliya, tumanggap sila ng karagdagang tulong na kailangan nila para maihinto ang kanilang maruming bisyo.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24, 25]

NAIHINTO NILA ANG BISYO

Ininterbyu ng Gumising! ang limang indibiduwal na dating nagnganganga. Pag-isipan ang sinabi nila.

Paano ka natutong magnganga?

Pauline: Bata pa lang ako, tinuturuan na akong magnganga ng mga magulang ko. Iyon ang kaugalian sa isla namin sa Papua New Guinea.

Betty: Dalawang taon pa lang ako, binibigyan na ako ng tatay ko ng nganga. Noong tin-edyer ako, madalas na napakarami kong dalang bunga kaya mukha tuloy akong puno! Grabe ang pagkaadik ko​—paggising ko pa lang sa umaga, magnganganga na ako.

Wen-Chung: Nagsimula akong magnganga noong 16 anyos ako. Para sa karamihan, ang pagnganganga ay sunod sa uso at para sa mga adulto na, at ayaw kong mapaiba.

Jiao-Lian: Hanapbuhay ko ang pagtitinda ng nganga. Para maging mabenta, tinitiyak kong primera klase ang paninda ko, kaya tinitikman ko ’yon. Doon nagsimula ang bisyo ko.

Ano ang epekto ng bisyo mo sa iyong kalusugan?

Jiao-Lian: Ang aking bibig, ngipin, at labi ay mapulang-mapula sa mantsa ng nganga. Hindi ko matingnan ang mga litrato ko noon. May mga ulser pa rin ako sa labi hanggang ngayon.

Pauline: Nagkaroon ako ng mga ulser sa bibig. Nagsusuka rin ako noon at nagda-diarrhea.

Betty: Mga 35 kilo lang ang timbang ko noon, na napakababa para sa height ko. Ang pangit ng ngipin ko, at madalas ko itong linisin at pakinisin ng steel wool.

Sam: Madalas akong may diarrhea at sakit sa gilagid. Iisa na lang ang ngipin ko ngayon! At walang nagawa ang paggamit ko ng steel wool sa paglilinis ng ngipin.

Bakit mo inihinto ang bisyong ito?

Pauline: Nabasa ko sa Bibliya sa 2 Corinto 7:1 na gusto ng Diyos na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman.” Ipinasiya kong gawin ang buong makakaya ko para paluguran ang aking Maylalang.

Sam: Gusto kong patnubayan ako ng banal na espiritu ng Diyos na Jehova, kaya nanalangin ako sa kaniya na tulungan akong labanan ang tuksong magnganga. Sinagot niya ang mga panalangin ko. Mga 30 taon na akong hindi nagnganganga.

Jiao-Lian: Nabasa ko sa Bibliya, “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan.” (Santiago 4:8) Natauhan ako sa utos na iyan. Tama bang magnganga ako at magtinda ng nganga gayong alam kong nakapipinsala ito? Noon mismo, ipinasiya kong ‘linisin ang mga kamay ko’ mula sa bisyong iyon na nagpaparumi sa pisikal at espirituwal na paraan.

Paano ka nakinabang nang maalis ang bisyo mo?

Wen-Chung: Nagnganga ako para tanggapin ako ng mga kaedad ko. Pero ngayon, mayroon na akong mas mahalagang kaugnayan, ang kaugnayan ko kay Jehova at sa mga kapananampalataya ko.

Sam: Mas malusog ako ngayon​—sa pisikal at sa espirituwal. At dahil hindi nauubos ang pera ko sa masasamang bisyo, mas napaglalaanan ko ang pamilya ko.

Pauline: Pakiramdam ko’y malaya ako at malinis. Ang mga ngipin ko ay maputi at matibay. At walang nakakalat na balat ng bunga at pangit na mapulang mantsa sa aking bahay at bakuran.

Betty: Malinis ang konsiyensiya ko at mas maganda ang kalusugan ko. Sa katunayan, nakapagtatrabaho na ako bilang titser at isa na akong buong-panahong ministrong Kristiyano.

[Mga larawan]

Betty

Pauline

Wen-Chung

Jiao-Lian

Sam

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang bisyong pagnganganga ay maaaring mauwi sa malulubhang sakit

Namantsahang ngipin at sakit sa gilagid

Oral submucous fibrosis

Oral squamous cell carcinoma

[Larawan sa pahina 22]

Bunga na ibinalot sa dahon ng ikmo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share