Natatandaan Mo Ba?
Nasumpungan mo bang may praktikal na halaga sa iyo ang kamakailang mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayo’y bakit hindi subukin ang iyong memorya sa pamamagitan ng sumusunod na mga tanong?
◻ Ano ang mangyayari sa Armagedon? (Apocalipsis 16:14, 16)
Hindi iyon magiging isang nuklear na apocalipsis o isang kapahamakang pinasimulan ng tao. Hindi, iyon ay digmaan ng Diyos na magwawakas sa lahat ng digmaan ng tao, lilipol sa lahat ng nagtataguyod ng gayong mga digmaan, at magdudulot ng tunay na kapayapaan para sa mga umiibig sa kapayapaan. Hindi ito magluluwat. (Habacuc 2:3)—4/15, pahina 17.
◻ Anong uri ng kasalan ang nagpaparangal kay Jehova?
Ang isang kasalan na doo’y nangingibabaw ang espirituwal na mga aspekto kaysa sa makasanlibutang mga paraan ay tunay na nagpaparangal kay Jehova. Masisiyahan ang mga Kristiyano sa okasyong iyon kung iiwasan nila ang masasamang kaugalian, pamahiin, at kalabisan ng sanlibutan; kung hindi nila hahayaang makasagabal iyon sa mga teokratikong gawain; at kung magpapamalas sila ng kahinhinan sa halip na mapagparangyang pagtatanghal.—4/15, pahina 26.
◻ Paano makikilala ang isang taong may integridad?
Ang isang taong may integridad ay mapagkakatiwalaan, hindi lamang ng kaniyang kapuwa kundi, higit sa lahat, ng Diyos. Ang kadalisayan ng puso ng gayong tao ay nakikita sa kaniyang pagkilos. Siya ay malaya sa pagpapaimbabaw. Hindi siya tuso o masama. (2 Corinto 4:2)—5/1, pahina 6.
◻ Bakit sinabi ni Jeremias: “Mabuti nga sa matipunong tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan”? (Panaghoy 3:27)
Ang pagkatutong harapin ang mga pagsubok samantalang nasa kabataan ay nakatutulong sa paghahanda sa isa na harapin ang mga hamon ng pagiging nasa hustong gulang. (2 Timoteo 3:12) Ang mga pakinabang sa katapatan ay makapupong higit kaysa sa anumang pansamantalang ginhawa na maidudulot ng pakikipagkompromiso.—5/1, pahina 32.
◻ Ano ang inilalarawan ng pagpapakita nina Moises at Elias sa pangitain ng pagbabagong-anyo?
Sa konteksto ng pagbabagong-anyo, sina Moises at Elias ay angkop na lumalarawan sa mga pinahirang kapatid ni Jesus. Na sila, gayundin si Jesus, na “nagpakita na may kaluwalhatian” ay nangangahulugan na sila ay ‘luluwalhatiin’ kasama ni Jesus sa kaayusan ng makalangit na Kaharian. (Lucas 9:30, 31; Roma 8:17; 2 Tesalonica 1:10)—5/15, pahina 12, 14.
◻ Ano ang “sagradong lihim” ng Diyos? (1 Corinto 2:7)
Ang “sagradong lihim” ng Diyos ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Efeso 1:9, 10) Gayunman, hindi ito basta ang pagpapakilala kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. Nasasangkot dito ang isang makalangit na pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, at kasali rito ang papel na nakaatas na gampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos.—6/1, pahina 13.
◻ Paano dapat malasin ng isang Kristiyano ang pagtanda o pagkakasakit?
Sa halip na malasing nililimitahan ng gayong mga pagsubok ang kaniyang paglilingkuran kay Jehova, dapat niyang ituring ang mga ito na isang pagkakataon upang pag-ibayuhin ang pananalig sa kaniya. Dapat din niyang tandaan na ang halaga ng isang Kristiyano ay sinusukat hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang nagagawa kundi gayundin sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya at lalim ng pag-ibig. (Marcos 12:41-44)—6/1, pahina 26.
◻ Paanong ang paggamit ni Jehova ng mga tao sa halip ng mga anghel upang isulat ang Bibliya ay nagpapamalas ng kaniyang dakilang karunungan?
Kung walang katangian na mula sa tao, baka mahirapan tayong maunawaan ang mensahe ng Bibliya. Gayundin, ang Bibliya ay may init, pagkakasari-sari, at pang-akit na inilakip dito ng katangian ng tao.—6/15, pahina 8.
◻ Ano ang lihim ng kaligayahan sa pamilya?
Ang lihim ay nasa mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at sa pagkakapit ng mga simulain nito, tulad ng pagpipigil-sa-sarili, pagkilala sa pagkaulo, mabuting komunikasyon, at pag-ibig.—6/15, pahina 23, 24.
◻ Paanong ang pagpapagaling na isinagawa ni Jesus ay lubhang naiiba sa pangkaraniwang ginagawa niyaong nag-aangking may kapangyarihang magpagaling sa ngayon?
Walang masidhing pagpapahayag ng damdamin mula sa mga pulutong at walang madulang silakbo ng damdamin sa bahagi ni Jesus. Karagdagan pa, hindi kailanman nabigo si Jesus na pagalingin ang mga maysakit sa pagdadahilang hindi gaanong malaki ang kanilang handog o kaya’y kulang sila ng pananampalataya.—7/1, pahina 5.
◻ Paano tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na magkaroon ng dako sa kaniyang banal na layunin may kinalaman sa kaniyang pangalan at Kaharian?
Una, ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang bayan ang katotohanan. Pangalawa, pinagkalooban niya sila ng kaniyang banal na espiritu. At pangatlo, mayroon tayong pambuong-daigdig na kapatiran at pang-organisasyong kaayusan ni Jehova para sa pagsamba.—7/1, pahina 19, 20.
◻ Ano ba ang kagalingan?
Ang kagalingan ay kahusayan sa moral, kabutihan, tamang pagkilos at pag-iisip. Hindi ito isang di-aktibong katangian, kundi isa na aktibo at positibo. Hindi lamang pag-iwas sa kasalanan ang nasasangkot sa kagalingan; nangangahulugan ito ng pagtataguyod ng mabuti. (1 Timoteo 6:11)—7/15, pahina 14.
◻ Ano ang pinakamahalagang maipamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak?
Ang pinakamahalagang maipamamana ay ang kanilang sariling halimbawa ng pagpapakita ng pag-ibig sa iba. Higit sa lahat, kailangang makita at marinig ng mga anak ang kanilang mga magulang na nagpapahayag at nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa.—7/15, pahina 21.
◻ Ano ang ilang kailangan para sa isang mabisang pag-aaral ng pamilya?
Ang pampamilyang pag-aaral ay kailangang maging palagian. Dapat ninyong ‘bilhin ang panahon’ para sa pag-aaral. (Efeso 5:15-17) Gawing buháy ang Bibliya upang maging masigla ang mga panahon ng pag-aaral para sa mga bata. Upang masiyahan dito ang mga anak, dapat nilang madamang nasasangkot sila.—8/1, pahina 26, 28.