Nagpapasalamat sa Isang Mahabang Buhay ng Paglilingkuran kay Jehova
AYON SA PAGKALAHAD NI OTTILIE MYDLAND
Noong bandang katapusan ng ika-19 na siglo, magkakahilera ang mga barkong de layag sa daungan ng Kopervik sa gawing kanluran ng Norway. Noong panahong iyon ay hinihila ng mga tao at mga kabayo ang kariton sa mga lansangan. Gumagamit ang mga tao ng mga lamparang parafina bilang ilawan, at ang pinintahan-ng-puti at yari sa kahoy na mga bahay ay pinaiinit sa pamamagitan ng kahoy at karbon. Doon ako ipinanganak noong Hunyo 1898, ang pangalawa sa limang anak.
NOONG 1905, walang trabaho si Itay, kaya nagpunta siya sa Estados Unidos. Nagbalik siya pagkaraan ng tatlong taon dala ang isang maleta na puno ng nakatutuwang mga regalo para sa mga anak at mga telang seda at iba pang bagay para naman kay Inay. Ngunit ang pinakamahalagang taglay niya ay ang mga tomo ni Charles Taze Russell na pinamagatang Studies in the Scriptures.
Sinimulang sabihin ni Itay sa mga kaibigan at mga kamag-anak ang mga bagay na natutuhan niya sa mga aklat na ito. Sa mga pulong sa lokal na kapilya, ginamit niya ang Bibliya upang ipakita na walang nag-aapoy na impiyerno. (Eclesiastes 9:5, 10) Noong 1909, nang sumunod na taon pagkabalik ni Itay mula sa Estados Unidos, si Brother Russell ay dumalaw sa Norway at nagbigay ng mga pahayag sa Bergen at Kristiania, na ngayo’y Oslo. Nagpunta si Itay sa Bergen upang mapakinggan siya.
Karamihan ng tao ay nag-akusa na si Itay ay nagtataguyod ng mga huwad na turo. Ako’y naawa sa kaniya at tinulungan ko siyang mamahagi ng mga tract ng Bibliya sa mga kapitbahay. Noong 1912, namigay ako ng isang tract tungkol sa impiyerno sa anak na babae ng isang klerigo. Nilait niya kami ni Itay. Nagulat ako na ang isang anak ng klerigo ay nakapagsabi ng gayong kalaswang pananalita!
Paminsan-minsan ay dumadalaw sa amin sa Kopervik ang iba pang mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, kasali na si Theodor Simonsen, isang may-kakayahang tagapagsalita. Inaanyayahan ko ang mga tao sa mga pahayag na ibinibigay niya sa aming tahanan. Tumutugtog siya ng sitara at umaawit bago ang kaniyang pahayag, at pagkatapos naman ng kaniyang pahayag ay umaawit siya ng isang pansarang awit. Siya’y aming lubhang iginagalang.
Ang isa pang panauhin sa aming tahanan ay si Anna Andersen, isang colporteur, o buong-panahong ministro. Nilalakbay niya ang sunud-sunod na mga bayan sa buong Norway, madalas ay nakabisikleta, anupat nagpapasakamay sa mga tao ng mga literatura sa Bibliya. Siya ay dating isang opisyal ng Salvation Army at kilala niya ang ilang opisyal ng Salvation Army sa Kopervik. Pinayagan nila siya na magbigay ng isang pahayag sa Bibliya sa kanilang bahay-pulungan, at inanyayahan ko ang mga tao na pumunta at makinig sa kaniya.
Ang isa pang colporteur na dumalaw sa amin sa Kopervik ay si Karl Gunberg. Ang mabini at tahimik, ngunit mapagpatawang taong ito ay naglilingkod din sa pana-panahon bilang isang tagapagsalin sa tanggapang pansangay sa Oslo. Pagkaraan ng ilang taon ay magkasama kaming nagtrabaho roon.
Naimpluwensiyahan ng mga Relihiyosong Pananaw
Noon ay taglay ng karamihan ng mga tao hindi lamang ang matibay na pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya kundi gayundin ang malalim ang pagkakaugat na mga paniniwala, tulad ng apoy ng impiyerno at Trinidad. Kaya naman totoong nagkakagulo kapag itinuturo ng mga Estudyante ng Bibliya na ang mga doktrinang ito ay hindi kasuwato ng Bibliya. Naimpluwensiyahan ako ng matinding akusasyon ng aming mga kapitbahay na si Itay ay isang erehe. Minsan ay sinabi ko pa nga sa kaniya: “Hindi totoo ang itinuturo mo. Ito ay erehiya!”
“Halika rito, Ottilie,” ang himok niya sa akin, “at tingnan mo kung ano ang sinasabi ng Bibliya.” Nang magkagayo’y bumasa siya mula sa Kasulatan. Bunga nito, lumago ang aking tiwala sa kaniya at sa kaniyang itinuturo. Pinasigla niya akong basahin ang Studies in the Scriptures, kaya noong tag-araw ng 1914, malimit akong magbasa na nakaupo sa isang burol na mula roo’y matatanaw ang bayan.
Noong Agosto 1914 ay nagkumpulan ang mga tao sa labas ng gusali ng lokal na pahayagan habang binabasa ang tungkol sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I. Si Itay ay dumating at nakita kung ano ang nangyayari. “Salamat sa Diyos!” ang bulalas niya. Naunawaan niya sa pagsiklab ng digmaan ang katuparan ng mga hula sa Bibliya na ipinangangaral niya. (Mateo 24:7) Maraming Estudyante ng Bibliya noon ang naniniwalang malapit na silang dalhin sa langit. Nang hindi ito mangyari, ang ilan ay nasiphayo.
Ang Aking Paninindigan sa Katotohanan ng Bibliya
Noong 1915, sa edad na 17, natapos ko ang paaralang sekundarya at nagsimulang magtrabaho nang sekular sa isang tanggapan. Noon ko sinimulang basahin nang regular ang The Watch Tower. Ngunit noon lamang 1918 nagsimulang magdaos ng regular na mga pulong sa Kopervik. Sa simula, lima kami na dumadalo. Binabasa namin ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower, tulad ng Studies in the Scriptures, at tinatalakay ang materyal sa pamamagitan ng tanong at sagot. Bagaman ipinagmamalaki ni Inay sa iba ang mga Estudyante ng Bibliya, kailanman ay hindi siya napabilang sa amin.
Sa tanggapang pinapasukan ko, simula noong 1918 ay nakilala ko si Anton Saltnes, na natulungan kong maging isang Estudyante ng Bibliya. Nang panahong iyon ako ay naging isang regular na mamamahayag at nabautismuhan sa isang asamblea sa Bergen noong 1921.
Noong Mayo 1925 ay nagkaroon ng isang asamblea para sa buong Scandinavia sa Örebro, Sweden. Mahigit sa 500 ang dumalo, kasali na si Joseph F. Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower. Mga 30 kami na naglakbay mula sa Oslo sakay ng tren sa isang reserbadong kotse ng tren.
Ipinatalastas sa asambleang ito na itatatag ang Tanggapan sa Hilagang Europa sa Copenhagen, Denmark, upang asikasuhin ang gawaing pangangaral sa buong Scandinavia at sa mga bansang Baltic. Inatasan si William Dey mula sa Scotland upang pangasiwaan ang gawaing pangangaral. Nagustuhan siya ng marami, at di-nagtagal ay nakilala siya bilang ang Big Scotsman. Sa simula ay walang anumang nalalaman si Brother Dey sa wikang Scandinavian, kaya umuupo siya sa likuran sa panahon ng mga pulong at asamblea at inaalagaan ang mga bata upang makapagtuon ng pansin ang kanilang mga magulang sa pakikinig sa mga nagsasalita sa plataporma.
Tinalakay sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925, ang Apocalipsis kabanata 12, at ipinaliwanag na ang kabanatang ito ay may kaugnayan sa pagsilang ng Kaharian ng Diyos at na ang pagsilang na ito ay naganap sa langit noong 1914. Nahirapan akong maunawaan ito, kaya paulit-ulit kong binasa ang artikulo. Nang sa wakas ay maunawaan ko ito, tuwang-tuwa ako.
Nang gumawa ng mga pagbabago sa aming pagkaunawa sa mga paksa sa Bibliya, ang ilan ay natisod at lumayo sa bayan ng Diyos. Ngunit kapag mahirap masakyan ang gayong pagbabago, lagi kong binabasa nang paulit-ulit ang materyal upang maunawaan ang pangangatuwiran. Kung hindi ko pa rin maunawaan ang bagong paliwanag, naghihintay ako ng paglilinaw. Paulit-ulit akong ginantimpalaan dahil sa gayong pagtitiyaga.
Paglilingkod sa Bethel
Sa loob ng ilang taon ay nagtrabaho ako bilang isang bukiper, kalihim, at awditor ng lalawigan. Noong 1928 ay nagkasakit at kinailangang lumisan sa Bethel ang tao na nag-aasikaso sa pinansiyal na mga kuwenta ng Samahan. Yamang may karanasan ako sa gayong gawain, hiniling na ako ang siyang humalili. Nagsimula ako sa paglilingkod sa Bethel noong Hunyo 1928. Paminsan-minsan, si Brother Dey ay dumadalaw sa amin at sinusuri ang aking mga kuwenta. Nanguna rin ang aming pamilyang Bethel sa pangmadlang pangangaral sa Oslo, kung saan ay may isa lamang kaming kongregasyon noon.
Ang ilan sa amin ay tumulong sa nangangasiwa sa shipping ng Bethel, si Brother Sakshammer, sa pagbabalot at paghahatid ng The Golden Age (ngayo’y Gumising!). Sina Brother Simonsen at Gunberg ay kabilang sa mga tumulong sa amin. Masaya kami, anupat madalas na kami’y nag-aawitan habang kami’y nagtatrabaho.
Nagtitiwala sa Pag-asa ng Kaharian
Noong 1935 ay naunawaan namin na ang “malaking pulutong” ay hindi isang pangalawahing grupong makalangit. Nalaman namin na sa halip ay kumakatawan iyon sa isang grupo na makaliligtas sa malaking kapighatian at may pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 7:9-14) Taglay ang ganitong bagong pagkaunawa, natanto ng ilang nakikibahagi sa emblema sa Memoryal na ang kanilang pag-asa ay makalupa, at sila’y huminto sa pakikibahagi.
Bagaman hindi ako kailanman nag-alinlangan sa aking makalangit na pag-asa, malimit kong isipin, ‘Bakit ibig ako ng Diyos?’ Sa pakiwari ko’y hindi ako nararapat sa gayong dakilang pribilehiyo. Bilang isang maliit, mahiyaing babae, naninibago akong isipin ang aking sarili na isang haring namamahala kasama ni Kristo sa langit. (2 Timoteo 2:11, 12; Apocalipsis 5:10) Gayunman, ako’y nagmunimuni sa mga salita ni apostol Pablo na “hindi maraming makapangyarihan” ang tinawag, kundi “pinili ng Diyos ang mga mangmang na bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong.”—1 Corinto 1:26, 27.
Ang Gawain Noong Digmaang Pandaigdig II
Noong Abril 9, 1940, ang Norway ay sinalakay ng mga hukbong Aleman, at di-nagtagal ay sinakop ang bansa. Dahil sa digmaan, marami ang tumugon sa mensahe ng Kaharian. Mula Oktubre 1940 hanggang Hunyo 1941, nakapagpasakamay kami ng mahigit sa 272,000 aklat at buklet. Nangangahulugan ito na bawat isa sa mahigit na 470 Saksi noon sa Norway ay nakapagpasakamay, sa aberids, ng mahigit sa 570 aklat at buklet sa loob ng siyam na buwang iyon!
Noong Hulyo 8, 1941, dinalaw ng Gestapo ang lahat ng punong tagapangasiwa at sinabihan sila na kung hindi ihihinto ang gawaing pangangaral, sila’y dadalhin sa mga kampong piitan. Limang pulis na Aleman ang dumating sa Bethel at kinumpiska ang karamihan sa mga pag-aari ng Samahang Watch Tower. Ang pamilyang Bethel ay dinala at pinagtatanong, ngunit walang sinuman sa amin ang ibinilanggo. Sa wakas, noong Hulyo 21, 1941, ang gusali ng Samahan, sa Inkognitogaten 28 B, ay kinumpiska, at ipinagbawal ang aming gawaing pangangaral. Bumalik ako sa Kopervik at nakakuha ng sekular na trabaho upang tustusan ang aking sarili.
Nang panahong iyon ay nagpapayunir si Itay. Isang araw, ang mga Nazi ay dumating at hinalughog ang bahay ni Itay. Kinuha nila ang lahat ng kaniyang literatura, pati na ang kaniyang mga Bibliya at mga konkordansiya sa Bibliya. Kaunting suplay lamang ng espirituwal na pagkain ang natatanggap namin nang panahong iyon. Upang manatiling malakas sa espirituwal, paulit-ulit naming pinag-aralan ang mga lumang aklat, gaya ng aklat na Government, at patuloy kaming nangaral.
Nakalulungkot, nagkabaha-bahagi ang mga kapatid sa maraming lugar. Ang ilan ay nag-akalang dapat kaming mangaral nang hayagan at magbahay-bahay samantalang inakala naman ng iba na dapat kaming gumawa nang mas lihim, anupat inaabot ang mga tao sa ibang paraan. Kaya naman ang mga prominenteng kapatid, na dating lubhang nakikipagtulungan at minamahal namin nang gayon na lamang, ay hindi nag-iimikan. Ang kanilang pagkakabaha-bahagi ay lubhang nakabagabag sa akin kaysa sa anumang situwasyon sa aking buhay bilang isang Saksi.
Panibagong Gawain Pagkatapos ng Digmaan
Pagkatapos ng digmaan, noong tag-araw ng 1945, dinalaw ni Brother Dey ang Norway at nagdaos ng mga pulong sa Oslo, Skien, at Bergen. Nanawagan siya sa mga kapatid na kalimutan na ang samaan ng loob at hiniling na tumayo ang lahat ng nagnanais na gumawa ng gayon. Lahat ay tumayo! Permanenteng nalutas ang alitan noong Disyembre 1945, pagkatapos ng pagdalaw ni Nathan H. Knorr, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower.
Samantala, noong Hulyo 17, 1945, nakatanggap ako ng isang telegrama mula sa lingkod ng sangay, si Brother Enok Öman, na nagsasabi: ‘Kailan ka makababalik sa Bethel?’ Sinabi ng ilan na dapat akong manatili sa aming bayan at alagaan ang aking ama, na noo’y mahigit nang 70 anyos. Subalit pinasigla ako ni Itay na ipagpatuloy ang paglilingkod sa Bethel, na siya namang ginawa ko. Noong 1946, naging tagapangasiwa ng aming sangay si Marvin F. Anderson, isang kapatid mula sa Estados Unidos, at muling inorganisa ang gawaing pangangaral.
Kapag bakasyon sa tag-araw ay bumabalik ako sa Kopervik upang makita ang aking pamilya. Hindi naging Saksi ang aking dalawang kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae, ngunit lagi silang mabait sa amin ni Itay. Isa sa aking mga kapatid na lalaki ay naging opisyal at superbisor sa daungan, at ang isa naman ay guro. Bagaman hindi ako sagana sa materyal, sinasabi ni Itay sa kanila: “Mas mayaman sa inyo si Ottilie.” At totoo naman iyon! Ang natamo nila ay hindi maihahambing sa espirituwal na kayamanang tinatamasa ko! Namatay si Itay noong 1951 sa edad na 78. Namatay na si Inay noon pang 1928.
Ang isang tampok na bahagi ng aking buhay ay ang pagdalo sa internasyonal na kombensiyon ng bayan ni Jehova sa New York City noong 1953. Nang taong iyon ay nalampasan ng pandaigdig na larangan ang 500,000 bilang ng mamamahayag, at mahigit sa 165,000 ang dumalo sa kombensiyon! Bago ang kombensiyon noong 1953, nagtrabaho ako nang isang linggo sa Brooklyn Bethel, ang punong-tanggapan ng organisasyon ni Jehova sa lupa.
Ginagawa ang Makakaya Ko
Lumabo ang aking paningin sa mga nakaraang taon dahil sa katarata. Sa tulong ng makapal na salamin sa mata at isang lente, nababasa ko pa rin nang bahagya ang malalaking letra. At ako’y dinadalaw ng Kristiyanong mga sister at binabasahan ako nang dalawang beses sa isang linggo, na tinatanaw ko namang isang malaking utang na loob.
Limitado na rin ang aking gawain sa pangangaral. Kapag tag-araw, paminsan-minsan ay inilalabas ako ng mga Kristiyanong sister sa aking silyang de-gulong tungo sa isang lugar kung saan makapangangaral ako. Regular din akong nagpapadala ng mga magasin at brosyur sa pamamagitan ng koreo sa mga paaralan sa Kopervik, gaya sa paaralang elementarya kung saan ako nag-aral halos 100 taon na ang nakalipas. Natutuwa ako na posible pa rin na ako’y maging isang regular na mamamahayag.
Mabuti na lamang at ang silid-kainan at ang Kingdom Hall ay nasa palapag kung saan naroon din ang aking silid sa Bethel, na mula noong 1983 ay nasa Ytre Enebakk sa labas ng Oslo. Kaya nakapupunta ako sa pang-umagang pagsamba, sa oras ng pagkain, at sa aming mga pulong sa pamamagitan ng walker. At natutuwa ako na nakadadalo pa rin ako sa mga kombensiyon at asamblea. Nasisiyahan akong makita ang mga kaibigan na maraming taon ko nang kilala, gayundin ang mga bagong kapatid at maraming mababait na bata.
Iniingatan ang Pananampalataya Hanggang sa Wakas
Isang pagpapala na mapaligiran ng aktibo, kanais-nais at espirituwal na mga tao rito sa Bethel. Nang magsimula akong maglingkod sa Bethel, ang pamilya ay binubuo lamang niyaong may makalangit na pag-asa. (Filipos 3:14) Lahat ngayon sa Bethel maliban sa akin ay umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa.
Totoo, umasa kami noon na kumilos sana nang maaga si Jehova. Gayunman, nagagalak akong makita na ang malaking pulutong ay lalo pang lumalaki. Tunay ngang malalaking pagsulong ang nasaksihan ko! Nang makibahagi ako sa ministeryo sa unang pagkakataon, mayroon lamang mga 5,000 mamamahayag sa buong daigdig. Ngayon ay may mahigit na 5,400,000! Totoo, nakita ko na ‘ang munti ay naging isang libo, at ang maliit ay naging isang matibay na bansa.’ (Isaias 60:22) Kailangang patuloy tayo sa pag-asam kay Jehova, gaya ng isinulat ni propeta Habacuc: “Bagaman magluluwat, patuloy na asamin iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo.”—Habacuc 2:3.