Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 10/1 p. 30-31
  • Sunem—Kilala sa Pag-ibig at Karahasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sunem—Kilala sa Pag-ibig at Karahasan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dalawang Mahalagang Labanan
  • Sunem
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sunamita
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Shulamita
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tinalo ni Gideon ang mga Midianita
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 10/1 p. 30-31

Sunem​—Kilala sa Pag-ibig at Karahasan

SA TIMUGANG Galilea, sa dulong-silangan ng mababang kapatagan ng Jezreel, ay naroroon ang lunsod ng Sunem. Ang maliit na lunsod na ito ang nakaranas ng dalawa sa pinakamalalaking digmaan sa kasaysayan ng Bibliya, subalit kilala rin ito bilang ang bayang sinilangan ng dalawang babae na nagpamalas ng matapat na pag-ibig.

Sa gawing likuran ng Sunem ay makikita ang burol na ipinalalagay na More, samantalang sa kabila ng kapatagan, mga walong kilometro ang layo ay naroroon naman ang Bundok Gilboa. Sa pagitan ng dalawang burol na iyon ay may isang lubhang natutubigan at mabungang lupain​—isa sa pinakamabungang rehiyon sa buong Israel.

Ang mahalamang lalawigang ito sa palibot ng Sunem ang siyang pinangyarihan ng isa sa totoong kawili-wiling kuwento ng pag-ibig na nailahad kailanman​—Ang Awit ni Solomon. Isinasalaysay ng awit na ito ang tungkol sa isang taga-lalawigang magandang babae na mas gustong pakasalan ang kaniyang kasamahang pastol sa halip na tanggapin ang alok ni Haring Solomon na maging isa sa kaniyang mga asawa. Ginamit ni Solomon ang lahat ng kaniyang karunungan at kayamanan upang mawagi ang kaniyang puso. Paulit-ulit na pinuri niya siya: “Sino ang babaing ito na dumurungaw na tulad ng bukang-liwayway, maganda na tulad ng buwan na nasa kabilugan, dalisay na tulad ng maningning na araw?” At kaniyang pinangakuan siya na ibibigay ang lahat ng alahas na nais niya.​—Awit ni Solomon 1:11; 6:10.

Upang maipalasap sa kaniya ang maharlikang pamumuhay, isinama siya ni Solomon patungong Jerusalem bilang isa sa kaniyang mga abay, kasama ng 60 sa kaniyang pinakamagigiting na sundalo. (Awit ni Solomon 3:6-11) Kaniyang pinatira siya sa kaniyang maharlikang looban, isang looban na totoong kahanga-hanga anupat nang makita ito ng reyna ng Sheba, “nawalan na siya ng espiritu.”​—1 Hari 10:4, 5.

Subalit ang babaing taga-Sunem ay matapat sa pastol na lalaki. “Tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,” ang sabi niya, “gayon ang mahal ko.” (Awit ni Solomon 2:3) Hayaang magsaya si Solomon sa kaniyang sanlibong ubasan. Isang ubasan​—kasama ng kaniyang mahal​—ay sapat na para sa kaniya. Hindi matitinag ang kaniyang pag-ibig.​—Awit ni Solomon 8:11, 12.

Isa pang magandang babae ang naninirahan sa Sunem. Hindi natin alam ang kaniyang hitsura, subalit tiyak na siya’y may magandang kalooban. Sinasabi ng Bibliya na ‘nagpakasakit siya’​—o dumanas ng maraming hirap​—upang patuloy na mapaglaanan ng pagkain at matutuluyan si Eliseo.​—2 Hari 4:8-13.

Maguguniguni natin si Eliseo na natutuwang umuuwi matapos ang isang mahaba’t nakapapagod na paglalakbay, sa maliit na silid-bubungan na ginawa ng babae at ng kaniyang asawa para sa kaniya. Marahil ay malimit niyang dalawin ang kanilang tahanan, yamang ang kaniyang ministeryo ay tumagal nang 60 taon. Bakit iginigiit ng babaing Sunamitang ito na mamalagi muna si Eliseo sa kanilang tahanan sa tuwing daraan siya roon? Dahil sa pinahahalagahan niya ang gawain ni Eliseo. Ang mapagpakumbaba at maalalahaning propetang ito ay kumilos na parang budhi ng bansa, anupat nagpapaalaala sa mga hari, saserdote, at mamamayan tungkol sa kanilang tungkulin na paglingkuran si Jehova.

Walang-alinlangan na ang Sunamitang babae ay isa sa mga tao na nasa isip ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Siya na tumatanggap sa isang propeta sapagkat siya ay propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta.” (Mateo 10:41) Si Jehova ay nagkaloob ng pantanging gantimpala sa may-takot sa Diyos na babaing ito. Bagaman siya ay baog sa loob ng maraming taon, nagsilang siya ng isang anak na lalaki. Pagkalipas ng mga taon ay tinulungan din siya ng Diyos nang salantain ng pitong-taóng taggutom ang lupain. Ang nakaaantig na salaysay na ito ay nagpapaalaala sa atin na ang kabaitan na ating ipinakikita sa mga lingkod ng Diyos ay hindi naililingid kailanman sa ating makalangit na Ama.​—2 Hari 4:13-37; 8:1-6; Hebreo 6:10.

Dalawang Mahalagang Labanan

Bagaman ang Sunem ay natatandaan bilang tahanan ng dalawang matapat na babaing ito, nasaksihan din nito ang dalawang labanan na bumago sa takbo ng kasaysayan ng mga Israelita. May isang angkop na dako ng labanan sa di-kalayuan​—ang kapatagan sa pagitan ng mga burol ng More at Gilboa. Noong panahon ng Bibliya ay palaging nagkakampo ang mga kumandante ng hukbo sa mga lugar na may saganang suplay ng tubig, nagsasanggalang na mataas na dako, at, kung posible, isang mataas na puwesto na doo’y tanaw ang isang tuyong kapatagang libis na may sapat na espasyo upang makapagmaniobra ng mga pulutong ng mga sundalo, kabayo, at mga karo. Naglalaan ng ganoong mga bentaha ang Sunem at Gilboa.

Noong panahon ng mga hukom, nagkampo ang isang hukbo ng 135,000 Midianita, Amalekita, at iba pa sa kapatagan na nasa harap ng More. Ang kanilang mga kamelyo ay “kasindami ng mga butil ng buhangin na nasa baybaying-dagat.” (Hukom 7:12) Nakaharap sa kanila sa kabilang panig ng kapatagan, sa tabi ng balon ni Harod na nasa paanan ng Bundok Gilboa, ang mga Israelita na pinamumunuan ni Hukom Gideon, na may 32,000 kawal lamang.

Mga araw pa bago ang isang digmaan, sinisikap ng bawat panig na pahinain ang loob ng kabilang panig. Ang pulutong ng mga nang-uuyam na mga kawal, ang mga kamelyong pandigma, mga karo, at mga kabayo ay maaaring makasindak sa naglalakad lamang na mga kawal. Walang-alinlangan, ang mga Midianita​—na nakapuwesto na samantalang nag-oorganisa pa lamang ang mga Israelita​—ay tiyak na nakasisindak na tanawin. Nang magtanong si Gideon, “Sino sa inyo ang natatakot at nanginginig?” dalawang-katlo sa kaniyang hukbo ang tumugon sa pamamagitan ng paglisan sa dako ng labanan.​—Hukom 7:1-3.

Sampung libong kawal na lamang ng mga Israelita ngayon ang nasa kabilang panig ng kapatagan na nakaharap sa 135,000 kalabang mga sundalo, at di-nagtagal ay binawasan ni Jehova ang bilang ng mga kawal na Israelita hanggang sa 300 na lamang. Sinusunod ang kaugalian ng mga Israelita, ang maliit na grupong ito ay hinati sa tatlong pangkat. Habang nakukublihan ng dilim, kumalat sila at pumuwesto sa tatlong panig ng kampo ng kalaban. Pagkatapos sa utos ni Gideon, binasag ng 300 ang mga banga na nagkukubli sa kanilang mga sulo, hinawakan at itinaas ang mga sulong iyon, at sumigaw, “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Hinipan nila ang kanilang mga tambuli at nagpatuloy sa paghihip. Sa dilim, ang natarantang haluang pulutong ng mga kawal ay nag-akala na sinasalakay sila ng 300 pangkat. Pinaglaban-laban ni Jehova ang isa’t isa, at “ang buong kampo ay nagtakbuhan at nagsigawan at nagsitakas.”​—Hukom 7:15-22; 8:10.

Ang ikalawang digmaan ay naganap malapit sa Sunem noong panahon ni Haring Saul. Iniuulat ng Bibliya na “nagtipon ang mga Filisteo at dumating at nagkampo sa Sunem. Kaya tinipon ni Saul ang buong Israel at nagkampo sila sa Gilboa,” gaya ng ginawa ng hukbo ni Gideon mga taon bago iyon. Subalit si Saul, di-tulad ni Gideon, ay may kaunting tiwala kay Jehova, anupat pinili pang kumonsulta sa isang midyum ng espiritu sa En-dor. Nang makita niya ang kampo ng mga Filisteo, “natakot siya, at nagsimulang mangatal nang lubha ang kaniyang puso.” Sa sumunod na pagbabaka, tumakas ang mga Israelita at labis na nagapi. Kapuwa namatay sina Saul at Jonatan.​—1 Samuel 28:4-7; 31:1-6.

Iyan ang dahilan kaya mababanaag sa kasaysayan ng Sunem ang pag-ibig at karahasan, pagtitiwala kay Jehova at pananalig sa mga demonyo. Sa kapatagang libis na ito, dalawang babae ang nagpakita ng di-nagbabagong pag-ibig at pagkamapagpatuloy, at dalawang pinunong Israelita ang nakipagbaka sa mahahalagang labanan. Ang apat na halimbawang ito ay pawang naglalarawan sa kahalagahan ng pananalig kay Jehova, na hindi nabibigong gantimpalaan yaong mga naglilingkod sa kaniya.

[Larawan sa pahina 31]

Modernong nayon ng Sulam sa lugar ng sinaunang Sunem, nasa likod ang More

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share