Bakit Dapat Magpasalamat?
DAHIL sa inopera ang kaniyang gulugod, napilitan si Harley na magbago ng trabaho mula sa pagiging isang makinista tungo sa pagiging isang klerk sa opisina. Nang tanungin kung ano ang nadarama niya sa pagbabagong ito, sinabi ni Harley: “Talagang hinahanap-hanap ko ang pagtatrabaho sa makina. Pero, sa totoo lang, mas masaya ako sa trabaho ko ngayon kaysa noon.”
Upang sabihin kung bakit siya nasisiyahan, inilahad ni Harley: “Iyon ay dahil sa pakikitungo ng mga taong katrabaho ko. Di-tulad ng mga tao sa dati kong pinapasukan, pinahahalagahan ng aking superbisor at mga kamanggagawa ngayon ang aking ginagawa, at hindi sila maramot sa papuri. Malaki ang nagawa nito.” Palibhasa’y nadaramang siya’y kapaki-pakinabang at kailangan, si Harley ngayon ay isang maligayang manggagawa.
Talagang nakapagpapasigla sa puso ang komendasyon o pasasalamat kapag ito’y nararapat. Sa kabilang dako, ang kawalang-utang-na-loob ay nakapanghihina ng loob gaya ng sinabi ni Shakespeare: “Humihip ka, humihip ka, ikaw na hangin ng taglamig, hindi ka kasinlupit ng kawalang-utang-na-loob ng tao.” Nakalulungkot, marami ang dumaranas ng gayong kalupitan.
Mag-ingat Laban sa Kawalang-Utang-na-Loob
Bihira nang marinig sa daigdig ngayon ang taimtim na pasasalamat. Halimbawa, nagtanong ang isang manunulat: “Kung nagkaroon ng panahon ang isang nobya na sulatan ang 200 imbitasyon sa kasal, bakit hindi siya magkaroon ng panahon na sumulat ng pasasalamat para sa 163 regalo?” Kadalasan kahit ang simpleng salitang “salamat” ay hindi nababanggit. Ang pagtanaw ng utang-na-loob ay higit na napapalitan ng saloobing ako muna. Ang kalagayang ito ay isa sa pagkakakilanlang tanda ng mga huling araw. Nagbabala si apostol Pablo: “Dapat mong matanto na sa mga huling araw ay malilipos ng panganib ang panahon. Ang mga tao ay magiging lubhang makasarili . . . Sila’y magiging totoong walang utang-na-loob.”—2 Timoteo 3:1, 2, Phillips.
Sa ibang kalagayan, ang pasasalamat ay hinahalinhan ng pambobola. Ang pasasalamat ay nanggagaling sa puso nang hindi iniisip ang sariling kapakinabangan. Subalit ang pambobola, na karaniwan nang di-taimtim at labis-labis, ay maaaring nagmumula sa pansariling motibo na umangat o makakuha ng ilang personal na pakinabang. (Judas 16) Bukod sa nililinlang ang taong binobola, ang gayong madulas na pangungusap ay waring bunga ng pagmamapuri at kapalaluan. Sino, kung gayon, ang ibig mabiktima ng paimbabaw na papuri? Ngunit tunay na nakagiginhawa ang taimtim na pasasalamat.
Nakikinabang ang taong nagpapasalamat. Ang kasiglahang nadarama niya dahil sa taimtim na pagpapasalamat ay nagdudulot sa kaniya ng kaligayahan at kapayapaan. (Ihambing ang Kawikaan 15:13, 15.) At yamang isang positibong katangian, ang pagtanaw ng utang-na-loob ay nagsasanggalang sa kaniya sa negatibong damdamin tulad ng galit, paninibugho, at paghihinanakit.
“Ipakita ang Inyong mga Sarili na Mapagpasalamat”
Hinihimok tayo ng Bibliya na tayo’y tumanaw ng utang-na-loob, o maging mapagpasalamat. Sumulat si Pablo: “May kaugnayan sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kaisa ni Kristo Jesus may kinalaman sa inyo.” (1 Tesalonica 5:18) At pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Colosas: “Hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang sumupil sa inyong mga puso . . . At ipakita ang inyong mga sarili na mapagpasalamat.” (Colosas 3:15) Maraming salmo ang naglalaman ng mga kapahayagan ng pasasalamat, anupat nagpapahiwatig na ang taos-pusong pagtanaw ng utang-na-loob ay isang makadiyos na katangian. (Awit 27:4; 75:1) Maliwanag, nalulugod ang Diyos na Jehova kapag nagiging mapagpasalamat tayo sa araw-araw.
Ngunit anong mga salik sa walang utang-na-loob na sanlibutang ito ang nagpapangyaring maging mahirap para sa atin na maging mapagpasalamat? Paano natin maipamamalas ang pagiging mapagpasalamat sa pang-araw-araw na pamumuhay? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.