Bakit Sila Humihingi ng Tawad?
ANG ideya na dapat pagsisihan ng mga simbahan ang kanilang mga pagkakamali at pabutihin ang kanilang sarili ay hindi na bago. Ang Religioni e miti (Relihiyon at Alamat), diksyunaryo tungkol sa relihiyon, ay nagsasabi na ang di-umanong integridad ng sinaunang simbahan ay nakaakit sa mga tao noong Edad Medya at umakay ito sa marami upang humiling ng reporma.
Noong 1523, matapos humiwalay sa Roma si Martin Luther, tinangka ni Papa Adrian VI na malunasan ang paghihiwalay sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensaheng ito sa Kapulungan ng Nuremberg: “Alam na alam namin na sa loob ng maraming taon ang mga bagay na dapat kasuklaman ay natipon sa Santa Sede . . . Pagsisikapan naming mabuti na mabago una sa lahat ang Romanong Curia, na marahil ay siyang pinanggalingan ng lahat ng kasamaang ito.” Gayunman, ang pag-aming iyan ay hindi nakalutas sa pagkakabaha-bahagi ni nakapag-alis man ng katiwalian sa Curia ng papa.
Nitong nakaraan lamang ay pinuna ang mga simbahan dahil sa kanilang pananahimik hinggil sa Holocaust. Inakusahan din sila na hindi nila pinipigilan ang kanilang mga miyembro na makibahagi sa mga digmaan. Noong 1941, habang nag-aalab ang Digmaang Pandaigdig II, nagtanong ang isang paring nagngangalang Primo Mazzolari: “Bakit hindi kumikilos ang Roma sa pagguho ng mga turong Katoliko na gaya ng dati nitong ginagawa, at kinasanayan pa ring gawin, sa mga kaso ng di-gaanong kontrobersiyal na mga doktrina?” Di-gaanong kontrobersiyal na mga doktrina na di-tulad ng ano? Tinutukoy ng pari ang nasyonalismo na nagiging dahilan ng digmaan na sumisira noon sa sibilisasyon.
Subalit, ang totoo, nito na lamang inaamin ng mga relihiyon ang kanilang kasalanan. Noong 1832, bilang tugon sa pakiusap ng ilan na ‘magpanibagong-lakas’ ang Simbahang Katoliko, sinabi ni Gregory XVI: “Walang-alinlangang magiging kakatwa at nakapipinsala na imungkahi ang isang ‘pananauli at pagpapanibagong-lakas’ para sa kaligtasan at paglago [ng simbahan], na para bang ito’y itinuturing na may depekto.” Paano na ang maliliwanag na depekto na hindi maaaring pabulaanan? Iba’t ibang estratehiya ang ginawa upang bigyang-matuwid ang mga ito. Halimbawa, pinaninindigan ng ilang teologo na ang simbahan ay kapuwa banal at makasalanan. Ang institusyon mismo ay sinasabing banal—iningatan ng Diyos mula sa pagkakamali. Gayunman, ang mga miyembro nito ay makasalanan. Samakatuwid, kapag nakagagawa ng kalupitan sa ngalan ng simbahan, hindi dapat panagutin ang mismong institusyon, kundi ang mga indibiduwal na kabilang sa simbahan. Makatuwiran kaya iyan? Hindi ito sinang-ayunan ng Romanong Katolikong teologo na si Hans Küng, na sumulat: “Walang sakdal na simbahan na hiwalay sa daigdig ng mga tao.” Nagpaliwanag siya: “Ang Simbahang walang ikukumpisal na kasalanan ay hindi umiiral.”
Ekumenismo at Reputasyon
Marahil ay nais mong malaman kung ano ang mga pangyayari na siyang nagbigay-daan upang humingi ng tawad sa ngayon ang mga simbahan. Sa pasimula, inamin ng mga Protestante at Ortodokso na sila ang may pananagutan sa “nakaraang pagkakabaha-bahagi” sa gitna ng iba’t ibang denominasyon. Ginawa nila ito noong komperensiyang ekumenikal na “Pananampalataya at Kaayusan” na ginanap sa Lausanne, Switzerland, noong 1927. Nang maglaon ay sumunod din ang Simbahang Romano Katoliko. Lalo na mula noong Batikano II,a ang matataas na obispo, kasali na ang mga papa, ay madalas na humihingi ng tawad dahil sa pagkakabaha-bahagi sa loob ng Sangkakristiyanuhan. Sa anong layunin? Maliwanag, nais nila ang higit pang pagkakaisa sa Sangkakristiyanuhan. Sinabi ng Katolikong istoryador na si Nicolino Sarale na sa “proyekto [ni John Paul II] na ‘mga mea culpa,’ may estratehiya, at iyon ay ekumenismo.”
Gayunman, higit pa sa ekumenismo ang nasasangkot. Sa ngayon, alam na ng lahat ang nakahihiyang kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan. “Hindi maaaring ipagwalang-bahala na lamang ng Katoliko ang lahat ng kasaysayang ito,” sabi ng teologong si Hans Urs von Balthasar. “Ang mismong Simbahan na kinaaaniban niya ay gumawa o nagpahintulot na gawin ang mga bagay na sa ngayon ay tiyak na hindi natin sasang-ayunan.” Dahil dito, inatasan ng papa ang isang komisyon upang “magbigay-liwanag sa madidilim na kahapon ng simbahan upang . . . makahingi ng tawad.” Kung gayon, ang isa pang dahilan ng pagpayag ng simbahan na punahin ang kanilang sarili ay waring dahil sa pagnanais na mapanumbalik ang reputasyon nito.
Sa katulad na paraan, ang istoryador na si Alberto Melloni, nang magkomento tungkol sa kahilingan ng simbahan na patawarin ito, ay sumulat: “Sa totoo lang, ang hinihiling kung minsan ay na ipagpaliban na muna ang pag-akusa sa kanila.” Oo, waring sinisikap ng Simbahang Katoliko na ipagwalang-bahala ang bigat ng nakaraang kasalanan upang maibalik ang kredibilidad nito sa mata ng mga tao. Gayunman, tama lamang na sabihing ang nasa isip nito ay ang pakikipagpayapaan sa sanlibutan kaysa sa Diyos.
Ang gayong saloobin ay nagpagunita sa atin kay Saul, ang unang hari ng Israel. (1 Samuel 15:1-12) Siya’y nakagawa ng malaking pagkakamali, at nang ito’y mabunyag, sinikap niyang bigyang-matuwid ang kaniyang sarili—pagpaumanhinan ang kaniyang pagkakamali—kay Samuel, isang tapat na propeta ng Diyos. (1 Samuel 15:13-21) Sa wakas, kinailangang aminin ng hari kay Samuel: “Ako’y nagkasala; sapagkat nilampasan ko ang utos ni Jehova.” (1 Samuel 15:24, 25) Oo, inamin niya ang kaniyang pagkakamali. Ngunit ang sumunod na sinabi niya kay Samuel ay nagsisiwalat kung ano ang nangingibabaw sa kaniyang isip: “Ako’y nagkasala. Ngayon ay parangalan mo ako, pakisuyo, sa harap ng matatandang lalaki ng aking bayan at sa harap ng Israel.” (1 Samuel 15:30) Maliwanag, higit na nababahala si Saul sa kaniyang reputasyon sa Israel kaysa sa pakikipagkasundo sa Diyos. Ang saloobing ito ay naging dahilan upang hindi patawarin ng Diyos si Saul. Sa palagay mo kaya’y patatawarin ng Diyos ang mga simbahan kung ganito rin ang kanilang saloobin?
Hindi Lahat ay Sang-ayon
Hindi lahat ay sumasang-ayon na kailangang humingi ng tawad ang mga simbahan sa mga tao. Halimbawa, ilang Romano Katoliko ang naasiwa nang humingi ng tawad ang kanilang papa dahil sa pang-aalipin o sa pagpapanumbalik sa “mga erehe” na gaya nina Hus at Calvin. Ayon sa pinagmumulan ng impormasyon sa Batikano, ang dokumentong ipinadala sa mga kardinal na nagmumungkahi ng “pagsusuri ng budhi” sa nagdaang kasaysayan ng nakalipas na milenyo ng Katolisismo ay pinuna ng mga kardinal na dumalo sa konsistoryo na ginanap noong Hunyo 1994. Gayunman, nang hangarin ng papa na ilakip ang katangian ng mungkahing iyan sa ensiklista, ang Italyanong kardinal na si Giacomo Biffi ay nagpalabas ng maikling liham na doo’y pinagtibay niya: “Walang kasalanan ang Simbahan.” Gayunman, inamin niya: “Ang paghingi ng tawad para sa mga pagkakamali ng simbahan noong nakaraang mga siglo . . . ay magbibigay sa atin ng magandang larawan.”
“Ang pangungumpisal ng kasalanan ay isa sa pinakakontrobersiyal na paksa sa Simbahang Katoliko,” sabi ng komentaristang Batikano na si Luigi Accattoli. “Kapag inaamin ng papa ang pagkakamali ng mga misyonero, may mga misyonero na may katuwiran namang magdamdam.” Isa pa, sumulat ang isang peryodistang Romano Katoliko: “Kung taglay nga ng papa ang gayong nakatatakot na ideya hinggil sa kasaysayan ng Simbahan, mahirap maunawaan kung paano niya naihaharap ngayon ang Simbahang ito bilang tagapagtanggol ng ‘karapatang pantao,’ ang ‘ina at guro’ na tanging makaaakay sa sangkatauhan tungo sa isang napakaningning na ikatlong milenyo.”
Ibinababala ng Bibliya ang pagpapakita ng pagsisisi na udyok lamang ng kahihiyan dahil sa natuklasan ang pagkakamali. Ang uring iyan ng pagsisisi ay bihirang humantong sa isang pangmatagalang pagbabago para sa isa na nagsisisi. (Ihambing ang 2 Corinto 7:8-11.) Ang pagsisising mahalaga sa paningin ng Diyos ay may kakambal na “mga bungang naaangkop sa pagsisisi”—alalaong baga’y katibayan ng kataimtiman ng pagsisisi.—Lucas 3:8.
Sinasabi ng Bibliya na dapat iwan ng isang nagsisisi at nagtatapat ang mga maling gawain, tigilan na ang paggawa ng mga iyon. (Kawikaan 28:13) Nangyayari ba ito? Buweno, matapos ang lahat ng pagtatapat na ito ng kamalian na ginawa ng Simbahang Katoliko Romano at ng iba pang mga simbahan, ano ang nangyari sa kalilipas na alitang sibil sa sentral Aprika at Silangang Europa, kung saan napakalaking populasyon ng mga “Kristiyano” ang nasangkot? Kumilos ba ang mga simbahan bilang isang puwersa ng kapayapaan? Nagkakaisa ba ang tinig ng lahat ng mga lider nito laban sa kalupitang ginawa ng kanilang mga miyembro? Hindi. Aba, nakibahagi pa nga ang ilang ministro ng relihiyon sa pamamaslang!
Hatol ng Diyos
Sa pagbanggit hinggil sa paulit-ulit na mga mea culpa ng papa, buong panunuyang nagtanong si Kardinal Biffi: “Tungkol sa mga nagawang kasalanan noon, hindi ba mas mabuti na hintayin na lang nating lahat ang pandaigdig na hatol?” Buweno, napipinto na nga ang paghatol sa buong sangkatauhan. Alam na alam ng Diyos na Jehova ang lahat ng madidilim na kahapon ng kasaysayan ng relihiyon. Di na magtatagal, pagsusulitin niya ang mga may kasalanan. (Apocalipsis 18:4-8) Samantala, posible kayang makasumpong ng isang anyo ng pagsamba na di-nababahiran ng pagkakasala sa dugo, ng pamamaslang, at ng iba pang krimen na siyang inihihingi ng tawad ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan? Oo.
Paano natin magagawa iyan? Sa pamamagitan ng pagkakapit ng tuntuning sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga iyon.” Ang ulat ng kasaysayan, na ibig kalimutan ng ilang relihiyon, ay tutulong sa atin na makilala hindi lamang yaong tinawag ni Jesus na “mga bulaang propeta” kundi maging yaong nagluluwal ng “mainam na bunga.” (Mateo 7:15-20) Sino ang mga ito? Inaanyayahan ka naming tuklasin ito sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusuri sa Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan mo kung sino sa ngayon ang talagang nagsisikap na sumunod sa Salita ng Diyos sa halip na maghangad na mapanatili ang isang maimpluwensiyang posisyon sa sanlibutan.—Gawa 17:11.
[Talababa]
a Ang ika-21 konsehong ekumenikal na nagpulong sa Roma nang apat na sesyon mula 1962-65.
[Larawan sa pahina 5]
Humihingi ng tawad ang mga simbahan dahil sa mga kalupitang gaya nito
[Credit Line]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck