Hindi Sila Gumawa ng Bantog na Pangalan Para sa Kanilang Sarili
HINDI binabanggit ng Bibliya ang pangalan ng mga nagtayo ng kahiya-hiyang tore ng Babel. Sinasabi ng ulat: “Sila ngayon ay nagsabi: ‘Halikayo! Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili, dahil baka mangalat tayo sa ibabaw ng buong lupa.’ ”—Genesis 11:4.
Sino “sila”? Ang pangyayaring ito ay naganap mga 200 taon pagkatapos ng Baha. Nang panahong iyon, si Noe, na mga 800 taong gulang na, ay namumuhay kasama ng kaniyang libu-libong inapo. Silang lahat ay nagsasalita ng iisang wika at sama-samang naninirahan sa isang malawak na lugar kung saan siya at ang kaniyang mga anak ay namalagi pagkatapos ng Baha. (Genesis 11:1) Sumapit ang panahon na ang isang bahagi ng lumaking populasyong ito ay lumipat pasilangan at ‘nakatuklas ng isang kapatagang libis sa lupain ng Sinar.’—Genesis 11:2.
Isang Ganap na Kabiguan
Sa libis na ito nagpasiya ang grupo na maghimagsik sa Diyos. Paano nagkagayon? Buweno, ipinahayag ng Diyos na Jehova ang kaniyang layunin nang iutos niya sa unang mag-asawang tao na sila’y ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Ito’y inulit kay Noe at sa kaniyang mga anak matapos ang Baha. Tinagubilinan sila ng Diyos: “At kung tungkol sa inyo, magpalaanakin kayo at magpakarami, pagkulupunan ninyo ang lupa at magpakarami kayo roon.” (Genesis 9:7) Salungat sa utos ni Jehova, ang mga tao ay nagtayo ng isang lunsod upang hindi sila ‘mangalat sa ibabaw ng buong lupa.’
Ang mga taong ito ay nagsimula ring magtayo ng isang tore sa layuning gumawa ng “bantog na pangalan” para sa kanilang sarili. Ngunit taliwas sa kanilang inaasahan, hindi nila natapos ang pagtatayo ng tore. Ipinakikita ng ulat sa Bibliya na ginulo ni Jehova ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan. “Kaya,” sabi ng kinasihang ulat, “pinangalat sila ni Jehova mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at nang maglaon ay tinigilan nila ang pagtatayo ng lunsod.”—Genesis 11:7, 8.
Ang ganap na kabiguan ng kapangahasang ito ay itinatampok sa bagay na ang mga pangalan ng mga nagtayo ay hindi naging “bantog,” o kilalang-kilala. Ang totoo, ang kanilang mga pangalan ay hindi nakilala at nabura na sa kasaysayan ng tao. Subalit kumusta naman si Nimrod, ang apo-sa-tuhod ni Noe? Hindi ba siya ang pinuno ng paghihimagsik na ito sa Diyos? Hindi ba kilalang-kilala naman ang kaniyang pangalan?
Si Nimrod—Isang Walang-Pakundangang Rebelde
Walang-duda, si Nimrod ang pasimuno. Ipinakikilala siya ng Genesis kabanata 10 bilang isang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Genesis 10:9) Sinasabi rin ng Kasulatan na “siya ang nagpasimuno sa pagiging makapangyarihan sa lupa.” (Genesis 10:8) Si Nimrod ay isang mandirigma, isang taong marahas. Siya ang unang taong naging tagapamahala pagkatapos ng Baha, anupat hinirang ang sarili bilang hari. Si Nimrod ay isa ring tagapagtayo. Tinutukoy siya ng Bibliya bilang ang pundador ng walong lunsod, kasali na ang Babel.—Genesis 10:10-12.
Samakatuwid, si Nimrod—isang mananalansang sa Diyos, hari ng Babel, at tagapagtayo ng mga lunsod—ay tiyak na nakibahagi sa pagtatayo ng tore ng Babel. Hindi ba siya nakagawa ng bantog na pangalan para sa kaniyang sarili? Hinggil sa pangalang Nimrod, ganito ang isinulat ng dalubhasa tungkol sa Oryente na si E. F. C. Rosenmüller: “Ang pangalan ay ibinigay kay Nimrod mula sa [ma·radhʹ], ‘siya’y nagrebelde,’ ‘siya’y tumalikod,’ ayon sa Hebreong kahulugan.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Rosenmüller na “nahirati ang mga taga-Oryente na tawagin ang kanilang prominenteng mga tao sa pamamagitan ng mga pangalang ibinigay pagkamatay ng mga ito, na dito kung minsa’y may kamangha-manghang pagkakasuwato ang mga pangalan at ang mga bagay na nagawa.”
May palagay ang ilang iskolar na ang pangalang Nimrod ay hindi siyang pangalan na ibinigay nang ipanganak siya. Sa halip, itinuturing nilang ito ang pangalang ibinigay nang maglaon upang bumagay sa kaniyang rebelyosong katauhan pagkatapos na ito ay mahayag. Halimbawa, sinabi ni C. F. Keil: “Ang pangalan mismo, Nimrod na galing sa [ma·radhʹ], ‘maghihimagsik tayo,’ ay tumutukoy sa isang marahas na paglaban sa Diyos. Ito’y natatangi anupat mga kapanahon lamang niya ang maaaring nakapagbigay nito, at sa gayo’y naging isang personal na pangalan.” Sa isang talababa, sinipi ni Keil ang istoryador na si Jacob Perizonius na sumulat: “Naniniwala ako na ang taong ito [si Nimrod], bilang isang mabagsik na mangangaso at napalilibutan ng isang pangkat ng mga kasama, upang pukawin ang iba pa na maghimagsik, ay laging bukambibig at pinagtutuwang ang salitang iyan na ‘nimrod, nimrod,’ alalaong baga, ‘Maghimagsik tayo! Maghimagsik tayo!’ Mula noon, nang sumunod na mga panahon, siya ay tinukoy ng iba, maging ni Moises mismo, sa pamamagitan ng salitang iyan bilang isang personal na pangalan.”
Maliwanag, hindi gumawa si Nimrod ng bantog na pangalan para sa kaniyang sarili. Lumilitaw na di-alam ang pangalan na ibinigay sa kaniya noong siya’y isilang. Nabura na iyon sa kasaysayan, gaya ng mga pangalan niyaong sumunod sa kaniyang pangunguna. Ni hindi man siya nag-iwan ng sinumang supling na magdadala ng kaniyang pangalan. Sa halip na magkamit ng kaluwalhatian at katanyagan, siya’y nakilala dahil sa kabuktutan. Ang pangalang Nimrod ay walang-hanggang nagpakilala sa kaniya bilang isang walang-pakundangang rebelde na buong-kamangmangang humamon sa Diyos na Jehova.