Isang Haring Mayaman at Marunong
Sa palagay mo kaya’y mapaliligaya ka ng kayamanan? Kung may magbigay sa iyo ng isang malaking halaga ng salapi, hindi ka ba matutuwa? Marahil ay matutuwa ka. Malamang na iisipin mo kung paano mo gagastusin ito.
TOTOO, maraming bagay na mabibili upang gawing mas komportable at masaya ang buhay. Ang salapi ay maaari ring magsilbing “pananggalang” laban sa di-inaasahang mga suliranin, gaya ng pagkakasakit o kawalan ng trabaho.—Eclesiastes 7:12.
Subalit ano ba ang kaugnayan ng salapi at kaligayahan? Inaakala mo ba, gaya ng marami, na ang kaligayahan ay kakambal ng kayamanan? Maaaring mahirap sagutin ang mga tanong na ito dahil sa ang salapi ay madaling sukatin, o bilangin, samantalang ang kaligayahan ay hindi. Hindi mo mailalagay ang kaligayahan sa timbangan at saka timbangin ito.
Gayundin, ang ilang mayayamang tao ay waring maligaya nga, samantalang ang iba naman ay kahabag-habag. Ganito rin ang kalagayan niyaong mahihirap. Magkagayunman, karamihan ng tao—maging yaong mayayaman na—ay naniniwala pa rin na ang higit na salapi ay magdudulot sa kanila ng higit na kaligayahan.
Ang isang tao na sumulat ng tungkol sa ganitong mga bagay ay si Haring Solomon ng sinaunang Israel. Siya ang isa sa pinakamayamang tao na nabuhay kailanman. Mababasa mo ang paglalarawan ng kaniyang limpak-limpak na kayamanan sa ika-10 kabanata ng aklat ng Bibliya na Unang Hari. Halimbawa, pansinin na sinasabi sa talatang 14: “Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay nagkakahalaga ng anim na raan at animnapu’t anim na talentong ginto.” Ang bilang na iyan ay katumbas ng 25 tonelada ng ginto. Sa ngayon, ang gayong dami ng ginto ay magkakahalaga ng mahigit na $200,000,000, U.S.!
Gayunman, hindi lamang mayaman si Solomon; siya’y biniyayaan ng Diyos ng karunungan. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Si Haring Solomon ay mas dakila sa kayamanan at karunungan kaysa sa lahat ng iba pang mga hari sa lupa. At hinahanap ng lahat ng tao sa lupa ang mukha ni Solomon upang marinig ang kaniyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kaniyang puso.” (1 Hari 10:23, 24) Tayo man ay makikinabang mula sa karunungan ni Solomon, yamang ang kaniyang mga sulat ay naging bahagi ng ulat sa Bibliya. Tingnan natin kung ano ang kaniyang sinabi hinggil sa kaugnayan ng kayamanan at kaligayahan.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Reproduced from Die Heilige Schrift - Übersetzt von Dr. Joseph Franz von Allioli. Druck und Verlag von Eduard Hallberger Stuttgart