Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Bawat Araw sa Pamilihang-dako”
SINAMANTALA ni apostol Pablo ang bawat pagkakataon sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Upang hanapin ang mga karapat-dapat, siya’y nakipagkatuwiranan “sa sinagoga sa mga Judio . . . at sa bawat araw sa pamilihang-dako doon sa mga nagkataong nasa malapit.”—Gawa 17:17.
Ang gayong sigasig ay naging tatak na ng tunay na mga mananamba ni Jehova mula pa noong unang siglo C.E. (Mateo 28:19, 20) Gayundin naman sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng iba’t ibang paraan habang masikap nilang tinutulungan ang mga tapat-puso na sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan. (1 Timoteo 2:3, 4) Ang sumusunod na karanasan mula sa Australia ay nagpapatunay nito.
Limang araw bawat linggo, sina Sid at Harold ay naghahalinhinan sa pagbabantay ng isang maliit na displey ng literatura sa Bibliya sa isang istasyon ng tren sa Sydney. Ibinabahagi nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa ganitong paraan sa loob ng halos limang taon na ngayon. Si Sid, na 95 anyos, ay nagpaliwanag: “Nang ako’y sumapit sa 87, hindi ko na kayang magmaneho ng kotse. Ikinalungkot ko iyon dahil gustung-gusto ko ang gawaing pangangaral sa madla. Isang araw habang malapit sa isang popular na pook pang-turista na tinatawag na Echo Point sa Katoomba, nakita ko ang isang pintor na nagtitinda ng mga larawan ng tanawin. Pinag-aralan ko ang mga larawan at naisip ko, ‘Mas maganda ang mga larawang nasa loob ng aking bag—at mas mababa ang halaga!’ Kaya ipinasiya kong gumawa ng isang maliit na istante, itayo ito sa isang kilalang lugar, at ialok sa mga nagdaraan ang mga literatura sa Bibliya na may magagandang larawan na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.
“May apat na taon na ngayon ang nakararaan, inilipat ko ang istante sa Sydney, at sumama sa akin si Harold. Naghahalinhinan kami sa pagbabantay nito at sa paggawa na kasama ng mga kongregasyon sa aming lugar.” Si Harold, na ngayo’y 83, ay nagsabi: “Kakaunting tao ang nasa bahay kung Lunes hanggang Biyernes. Kaya ang pamamahagi ng mensahe ng Kaharian sa ganitong paraan ay nagdadala sa amin sa lugar kung saan naroroon ang mga tao. Natural, nakakamit namin ang mas mabubuting resulta. Ang mga literaturang naipamahagi namin ay totoong kapansin-pansin sa bansang ito.”
“Bagaman pumuwesto kami sa apat o limang iba’t ibang lugar sa paglipas ng mga taon,” sabi ni Sid, “hindi nagtagal bago kami nakilala. Nilalapitan kami ng ilang tao para sa literatura. Ang iba’y nais masagot ang kanilang mga tanong. At ang ilan nama’y ibig lamang makipag-usap ng mga ilang minuto. Ito lamang ang panahon na ako ang pinupuntahan ng aking mga dinadalaw-muli,” ang sabi niya na medyo natatawa.
“Maraming tao ang totoong interesado sa Bibliya,” sabi pa ni Harold. “Sa isang buwan ay apat na tao ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi bunga ng pagtanggap nila ng literatura mula sa amin at dahil sa nasagot namin ang mga tanong mula sa Bibliya. Ang mga karanasang gaya niyaon ay totoong nakapagpapasigla sa amin.”
Tulad nina Sid at Harold—at tulad ni apostol Pablo—ang mga Saksi ni Jehova saanman ay gumagamit ng lahat ng paraang posible upang palaganapin ang kanilang mahalagang mensahe. Sa gayon, ang “mabuting balita” ay patuloy na ipinangangaral “sa buong tinatahanang lupa.”—Mateo 24:14.