Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ayon sa Mateo 17:20, hindi napagaling ng mga apostol ang isang batang lalaki na may karamdaman ‘dahil sa kanilang kakaunting pananampalataya.’ Gayunman, sa Marcos 9:29 ay iniugnay naman ang kanilang kawalan ng kakayahan sa pangangailangan para sa panalangin. Bakit iba-ibang dahilan ang ibinigay sa magkaibang ulat ng Ebanghelyo?
Sa katunayan, ang dalawang ulat ay nagkakasuwato, hindi nagkakasalungatan. Una muna, tingnan ang Mateo 17:14-20. Iniulat ng isang lalaki na ang kaniyang anak na lalaki ay isang epileptiko at na hindi mapagaling ng mga alagad ni Jesus ang batang lalaki. Pagkatapos ay pinagaling ni Jesus ang batang lalaki sa pamamagitan ng pagpapalayas sa isang demonyo na nagpapahirap dito. Ang mga alagad ay nagtanong kung bakit hindi nila mapalayas ang demonyo. Ayon sa ulat ni Mateo, si Jesus ay sumagot: “Dahil sa inyong kakaunting pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo ay may pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito patungo roon,’ at ito ay lilipat, at walang magiging imposible para sa inyo.”
Ngayon buklatin ang Marcos 9:14-29, kung saan masusumpungan natin ang higit pang detalye. Halimbawa, ibinibigay ng Marcos 9:17 ang detalye na sa kasong ito ang uri ng epilepsiyang pangingisay ay pinangyari ng isang masamang espiritu. Kapansin-pansin na sinasabi sa ibang lugar sa Bibliya na si Jesus ay nagpagaling ng epileptiko at mga taong sinaniban ng demonyo. (Mateo 4:24) Sa natatanging kalagayang ito, ang pangingisay ay pinangyari ng isang “di-makapagsalita at binging espiritu,” na isang balakyot na espiritu, na pinatutunayan naman ng manggagamot na si Lucas. (Lucas 9:39; Colosas 4:14) Pansinin sa Marcos 9:18 ang pariralang, “Saanman siya panaigan nito [ng demonyo].” Kaya ang batang lalaki ay hindi patuluyang nililigalig ng demonyo, paminsan-minsan lamang. Gayunman, hindi mapalayas ng mga alagad ang demonyo nang sa gayo’y gumaling ang batang lalaki. Nang magtanong sila kung bakit, si Jesus ay sumagot: “Ang uring ito ay hindi mapalalabas ng kahit anuman maliban sa pamamagitan ng panalangin.”
Gayunman, ipinakikita ng maingat na pagbabasa sa ulat ni Marcos na walang pagkakasalungatan sa kung ano ang iniulat ni Mateo. Sa Marcos 9:19, mababasa natin na idinaing ni Jesus ang kawalan ng pananampalataya ng salinlahing iyon. At sa Mar 9 talatang 23, iniulat na sinabi niya sa ama ng batang lalaki, “Lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa isa kung ang isa ay may pananampalataya.” Kaya idiniin din ni Marcos ang kahalagahan ng pananampalataya. Si Marcos ay nagbibigay lamang ng karagdagang detalye sa Mar 9 talatang 29. Idinagdag ni Marcos ang sinabi ni Jesus tungkol sa panalangin, na hindi isinama ni Mateo o ni Lucas.
Ano, kung gayon ang masasabi natin? Sa ibang mga pagkakataon kapuwa ang 12 apostol at ang 70 alagad ay nagpalayas ng mga balakyot na espiritu. (Marcos 3:15; 6:13; Lucas 10:17) Subalit sa pagkakataong ito hindi mapalayas ng mga alagad ang demonyo. Bakit? Kung pagsasamahin natin ang mga detalyeng binanggit sa iba’t ibang ulat, mahihinuha natin na hindi nila handang gawin iyon sa kalagayang ito. Marahil bahagi ng problema ang uri ng demonyong nasasangkot, yamang waring ang mga demonyo ay may iba’t ibang personalidad, interes, at mga kakayahan pa nga. Sa isang ito, lalo nang kailangan ang matibay na pananampalataya at marubdob na panalangin para sa tulong ng Diyos. Mangyari pa, taglay ni Jesus ang gayong pananampalataya. Taglay rin niya ang pagtangkilik ng Dumirinig ng panalangin, ang kaniyang Ama. (Awit 65:2) Hindi lamang kayang pagalingin ni Jesus ang nahihirapang batang lalaki sa pamamagitan ng pagpapalayas sa demonyo kundi ginawa niya iyon.