Maibabalik ang Pagtitiwala!
BAGAMAN isang tanda ng “mga huling araw” ang kawalan ng pagtitiwala sa ngayon, naging palasak din ang kawalan ng pagtitiwala libu-libong taon na ang nakalipas. (2 Timoteo 3:1) Una itong bumangon sa isang lugar na hindi mo sukat akalain—sa isang paraiso. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa dakong ito: “Ang Diyos ay nagtanim ng isang hardin sa Eden, sa dakong silangan, at doon niya inilagay ang tao na kaniyang inanyuan. Sa gayon ay pinangyari ng Diyos na Jehova na tumubo mula sa lupa ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin at gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng hardin at ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 2:8, 9.
Ipinaliliwanag ng kasunod na mga talata kung ano ang kaugnayan nito sa modernong-panahong kawalan ng pagtitiwala. Ating mababasa: “Ang Diyos na Jehova ay nag-utos din sa tao ng ganito: ‘Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.’ ” (Genesis 2:16, 17) May anumang dahilan ba si Adan na mag-alinlangan sa sinabi ni Jehova?
Ipagpatuloy natin ang pagbasa: “Ang ahas ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya ito ay nagsimulang magsabi sa babae: ‘Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?’ At sinabi ng babae sa ahas: ‘Sa bunga ng mga punungkahoy sa hardin ay makakakain kami. Ngunit kung tungkol sa pagkain ng bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Huwag kayong kumain mula roon, ni huwag ninyong hipuin iyon upang hindi kayo mamatay.” ’ Sa gayon ay sinabi ng ahas sa babae: ‘Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo ay magiging tulad nga ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.’ Dahil dito ay nakita ng babae na ang punungkahoy ay mabuting kainin at na iyon ay kapana-panabik sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na tingnan. Kaya siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon. Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at nagsimula itong kumain niyaon.”—Genesis 3:1-6.
Sa pagwawalang-bahala sa malinaw na babala ng Diyos, ipinakita nina Adan at Eva ang kawalan ng pagtitiwala kay Jehova. Ipinabanaag nila ang kaaway ng Diyos na si Satanas, na nagsalita kay Eva sa pamamagitan ng literal na serpiyente. Walang pagtitiwala si Satanas sa paraan ng pamamahala ni Jehova. Dahil dito at dahil sa palalo at ambisyosong puso, naghimagsik siya sa Diyos at iniligaw ang mga tao sa paggawa rin ng gayon. Inimpluwensiyahan niya sila na mag-isip na hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos.
Ang Resulta? Nasirang Kaugnayan
Maaaring napansin mo na ang mga taong hindi nagtitiwala sa iba ay nahihirapang panatilihin ang pagkakaibigan. Si Publilius Syrus, isang manunulat ng Latin noong unang siglo B.C.E., ay sumulat: “Ang pagtitiwala ang tanging bigkis ng pagkakaibigan.” Dahil sa kanilang paghihimagsik, ipinakita nina Adan at Eva na hindi sila nagtitiwala sa Diyos. Kaya naman, tiyak na walang dahilan ang Diyos upang magtiwala sa kanila. Bunga ng pagkasira ng tiwala, o kumpiyansa, naiwala ng mga unang tao ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Walang pahiwatig na kailanman ay kinausap pa sila ni Jehova pagkatapos na hatulan niya sila dahil sa kanilang paghihimagsik.
Naapektuhan din ang ugnayan nina Adan at Eva. Binabalaan ni Jehova si Eva: “Sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak, at ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” (Genesis 3:16) Ganito ang sabi ng The Jerusalem Bible: “Mamamanginoon siya sa iyo.” Sa halip na magpakita ng maibiging pagkaulo sa kaniyang asawa, gaya ng nais sana ng Diyos, si Adan ngayon ay naging panginoon ni Eva, namamanginoon sa kaniya.
Pagkatapos nilang magkasala, sinikap ni Adan na ibunton ang sisi sa kaniyang asawa. Sa palagay niya, dahil sa ginawa ng babae kung kaya sila napaalis sa isang sakdal na hardin tungo sa isang hindi pa kumpletong lupa, nahatulang maging alipin sa ilalim ng di-sakdal na mga kalagayan bago magbalik sa alabok. (Genesis 3:17-19) Para na nating nakita na ito ang pinagmulan ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa. Baka sumobra ang naging reaksiyon ni Adan, na sinasabing hinding-hindi na siya muling makikinig kay Eva. Maaaring nadama niyang tama siya sa pagsasabi sa kaniya, sa diwa, ‘Mula ngayon, ako na ang masusunod!’ Sa kabilang dako naman, maaaring nakita ni Eva na nabigo si Adan sa kaniyang papel bilang ulo ng pamilya, anupat siya’y nawalan ng tiwala rito. Sa paano man, dahil sa kawalan ng pagtitiwala sa Diyos, naiwala ng mga tao ang kanilang pakikipagkaibigan sa kaniya at nasira ang kanilang kaugnayan sa isa’t isa.
Sino ang Mapagkakatiwalaan Natin?
Hindi lahat ay karapat-dapat sa ating pagtitiwala, gaya ng ipinakita ng halimbawa nina Adan at Eva. Paano natin malalaman kung sino ang karapat-dapat at kung sino ang hindi karapat-dapat sa ating pagtitiwala?
Ang Awit 146:3 ay nagpapayo sa atin: “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan.” At sa Jeremias 17:5-7, ating mababasa: “Sumpain ang matipunong lalaki na nagtitiwala sa makalupang tao at ang ginagawang kaniyang bisig ay laman, at siyang may pusong tumatalikod kay Jehova.” Sa kabilang dako naman, “pinagpala ang matipunong lalaki na nagtitiwala kay Jehova, at siyang pinagtitiwalaan ay si Jehova.”
Totoo, hindi naman laging mali ang pagtitiwala sa mga tao. Ipinakikita lamang ng mga tekstong ito na hindi kailanman mamamali ang pagtitiwala sa Diyos, ngunit ang pagtitiwala sa di-sakdal na mga tao ay kung minsan humahantong sa kapahamakan. Halimbawa, ang mga taong nagtitiwalang magagawa ng mga tao ang mga bagay na magagawa lamang ng Diyos—maglaan ng kaligtasan at magdala ng ganap na kapayapaan at katiwasayan—ay patungo sa pagkasiphayo.—Awit 46:9; 1 Tesalonica 5:3.
Sa katunayan, karapat-dapat lamang sa pagtitiwala ang mga tao at mga institusyon ng tao hangga’t sila ay kumikilos na kasuwato ng mga layunin ng Diyos at nagpapakita ng makadiyos na mga simulain. Sa gayon, para mahimok natin ang iba na magtiwala sa atin, dapat tayong magsalita ng katotohanan, maging tapat at mapananaligan. (Kawikaan 12:19; Efeso 4:25; Hebreo 13:18) Magiging makatuwiran at pagmumulan ng lakas at pampatibay-loob ang pagtitiwala ng iba sa atin tangi lamang kung kikilos tayong kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.
Ibinabalik ang Pagtitiwala
May matibay na saligan ang mga Saksi ni Jehova upang ilagak ang tiwala sa Diyos at himukin ang iba na gawin din iyon. Si Jehova ay tapat at matapat, isa na laging mapananaligan na gagawin ang sinabi niya, sapagkat “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” Ang pagtitiwala sa Diyos ng pag-ibig ay hindi kailanman aakay sa kabiguan.—Hebreo 6:18; Awit 94:14; Isaias 46:9-11; 1 Juan 4:8.
Ang mga taong nagkakaisa sa pagkakaroon ng tiwala kay Jehova at namumuhay ayon sa kaniyang mga simulain ay lubhang nauudyukang magpakita ng tiwala sa isa’t isa. Sa isang daigdig na dumaranas ng kawalan ng pagtitiwala, anong laking kagalakang makasumpong ng mga taong mapagkakatiwalaan! Ilarawan sa isipan kung anong laki ng pagkakaiba ng daigdig kung tayo’y lubos na makapagtitiwala sa sinasabi o ginagawa ng iba! Ito ang magiging kalagayan sa dumarating na bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. Hindi na kailanman mawawalan ng pagtitiwala!
Gusto mo bang mabuhay sa panahong iyon? Kung gayon, inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na patibayin ang iyong pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang mga pangako sa pamamagitan ng pag-alam ng higit pa tungkol sa kaniyang mga kahilingan para sa buhay. Ang pag-aaral ng Bibliya ay nagbibigay-patotoo na umiiral ang Diyos, na siya’y interesado sa kapakanan ng sangkatauhan, at na malapit na siyang kumilos upang lutasin ang mga problema ng daigdig sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Natutuhan na ng milyun-milyon na maglagak ng tiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo ang pangmadlang paglilingkod na isang kurso sa pag-aaral ng Bibliya na iniaalok nila nang walang bayad. O kaya’y sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito para sa higit pang impormasyon.
[Blurb sa pahina 5]
Ang kawalan ng pagtitiwala sa Diyos ay humahantong sa nasirang ugnayan ng mga tao
[Blurb sa pahina 6]
Karapat-dapat lamang sa pagtitiwala ang mga tao hangga’t sila ay kumikilos na kasuwato ng makadiyos na mga simulain