Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 8/15 p. 10-15
  • Si Jehova ang Dapat Nating Pagtiwalaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ang Dapat Nating Pagtiwalaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtitiwala Salig sa Pagkakilala at Pagkakaibigan
  • Pagtitiwala sa mga Pinili ni Jehova
  • Huwag Pag-alinlanganan ang mga Pinili ni Jehova
  • Pagtitiwala sa Pagkamatuwid ni Jehova
  • Patibayin ang Ating Pagtitiwala sa Pagkamatuwid ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Maibabalik ang Pagtitiwala!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Pinakadakilang Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Lumalakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 8/15 p. 10-15

Si Jehova ang Dapat Nating Pagtiwalaan

“Si Jehova ang magiging iyong pagtitiwala.”​—KAWIKAAN 3:26.

1. Bagaman marami ang nag-aangking may tiwala sa Diyos, ano ang nagpapahiwatig na hindi nila laging ginagawa iyon?

ANG sawikaing “In God We Trust” ay makikita sa salapi ng Estados Unidos ng Amerika. Ngunit lahat ba ng gumagamit ng salaping ito, sa lupaing iyon o sa iba pang dako, ay talagang nagtitiwala sa Diyos? O higit ba nilang pinagtitiwalaan ang salapi mismo? Ang gayong pagtitiwala sa salapi ng lupaing iyan o ng iba pang bansa ay hindi maaaring maging kasuwato ng pagtitiwala sa isang makapangyarihan-sa-lahat na Diyos ng pag-ibig, na kailanma’y hindi gumagamit ng kaniyang kapangyarihan sa maling paraan at hindi sakim sa anumang paraan. Sa katunayan, maliwanag na hinahatulan niya ang kasakiman.​—Efeso 5:5.

2. Anong saloobin ang taglay ng mga tunay na Kristiyano tungkol sa kapangyarihan ng kayamanan?

2 Inilalagak ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang pagtitiwala sa Diyos, hindi sa kayamanan, na may “mapanlinlang na kapangyarihan.” (Mateo 13:22) Kinikilala nila na talagang limitado lamang ang kapangyarihan ng salapi na magdulot ng kaligayahan at mag-ingat ng buhay. Hindi gayon ang kapangyarihan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. (Zefanias 1:18) Kung gayon, tunay na isang katalinuhan ang payo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ”!​—Hebreo 13:5.

3. Paano nililiwanag ng konteksto ng Deuteronomio 31:6 ang pagsipi ni Pablo sa talatang ito?

3 Nang isulat ang nabanggit na mga salita sa mga Hebreong Kristiyano, sinipi ni apostol Pablo ang tagubilin ni Moises sa mga Israelita nang malapit na siyang mamatay: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. Huwag kayong matakot o magitla sa harapan nila, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ang hahayong kasama mo. Hindi ka niya pababayaan ni iiwan man nang lubusan.” (Deuteronomio 31:6) Ipinakikita ng konteksto na pinasisigla ni Moises ang pagtitiwala kay Jehova na higit pa sa basta pagtitiwala lamang sa kaniya na maglalaan sa kanila ng materyal na mga pangangailangan. Paano nagkagayon?

4. Paano pinatunayan ng Diyos sa mga Israelita na siya ay mapagkakatiwalaan?

4 Sa loob ng 40 taon na ang Israel ay kinailangang gumala-gala sa iláng, naging tapat ang Diyos sa paglalaan sa kanila ng mga pangangailangan sa buhay. (Deuteronomio 2:7; 29:5) Naglaan din siya ng pangunguna. Ang isang kapahayagan nito ay isang ulap sa araw at isang apoy sa gabi, na umakay sa mga Israelita sa “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8; 40:36-38) Nang dumating ang panahon para sa aktuwal na pagpasok sa Lupang Pangako, pinili ni Jehova si Josue upang maging kahalili ni Moises. Inaasahang lalaban ang mga naninirahan sa lupain. Ngunit lumakad na si Jehova kasama ng kaniyang bayan sa loob ng mga dekada, kaya hindi kailangang matakot. Taglay ng mga Israelita ang sapat na dahilan upang kilalanin si Jehova bilang isang Diyos na mapagkakatiwalaan!

5. Paano nakakatulad ang kalagayan ng mga Kristiyano ngayon sa kalagayan ng mga Israelita bago sila pumasok sa Lupang Pangako?

5 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay lumakad sa iláng ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan patungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang ilan sa kanila ay nasa landasing ito nang mahigit pa sa 40 taon. Ngayon ay nakatayo na sila sa hangganan ng bagong sanlibutan ng Diyos. Gayunman, nakaharang pa rin ang mga kaaway, na desididong hadlangan ang sinuman sa pagpasok sa magiging gaya ng isang Lupang Pangako, na ibayo ang ganda sa sinaunang lupain na inagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Kaya para sa mga Kristiyano ngayon, angkop nga ang mga salita ni Moises, na inulit ni Pablo: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan”! Nakatitiyak ng gantimpala ang lahat ng nananatiling matibay at malakas ang loob, punô ng pananampalataya at nagtitiwala kay Jehova.

Pagtitiwala Salig sa Pagkakilala at Pagkakaibigan

6, 7. (a) Ano ang sumubok sa pagtitiwala ni Abraham kay Jehova? (b) Ano marahil ang nadama ni Abraham samantalang naglalakbay sa dako na kung saan ihahain niya si Isaac?

6 Minsan ay inutusan ang ninuno ng mga Israelita na si Abraham na ihain ang kaniyang anak na si Isaac bilang handog na susunugin. (Genesis 22:2) Ano ang nagpangyari sa maibiging ama na ito na magkaroon ng gayong di-nasisirang pagtitiwala kay Jehova anupat siya’y handang sumunod agad? Sumasagot ang Hebreo 11:17-19: “Sa pananampalataya si Abraham, nang subukin siya, ay para na ring inihandog si Isaac, at ang tao na may katuwaang tumanggap ng mga pangako ay nagtangkang ihandog ang kaniyang bugtong na anak, bagaman sinabi na ito sa kaniya: ‘Yaong tatawaging “iyong binhi” ay magiging sa pamamagitan ni Isaac.’ Ngunit ibinilang niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay; at mula roon ay tinanggap nga rin niya siya sa maka-ilustrasyong paraan.”

7 Tandaan na inabot sina Abraham at Isaac ng tatlong araw para marating ang dako na kung saan magaganap ang paghahain. (Genesis 22:4) Maraming panahon para pag-isipan ni Abraham ang ipinagagawa sa kaniya. Maguguniguni kaya natin ang kaniyang nadarama, ang kaniyang emosyon? Gayon na lamang ang di-inaasahang kagalakan nila nang isilang si Isaac. Ang katibayang ito na namagitan ang Diyos ay nagpalalim sa kaugnayan ni Abraham at ng kaniyang dating baog na asawang si Sara sa Diyos. Tiyak na mula noon ay kinasabikan nila ang magiging kinabukasan ni Isaac at ng kaniyang mga inapo. Bigla kayang maglalaho ang kanilang mga pangarap, na waring magkakagayon nga dahil sa hinihiling ngayon ng Diyos?

8. Paanong ang pagtitiwala ni Abraham sa Diyos ay higit pa sa paniniwala na kaya Niyang buhaying muli si Isaac?

8 Gayunpaman, ang pagtitiwala ni Abraham ay salig sa personal na pagkakilala ng matalik na magkakaibigan sa isa’t isa. Bilang “kaibigan ni Jehova,” si Abraham “ay naglagak ng pananampalataya kay Jehova, at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” (Santiago 2:23) Ang pagtitiwala ni Abraham kay Jehova ay higit pa sa paniniwala lamang na kayang buhaying muli ng Diyos si Isaac. Kumbinsido rin si Abraham na wasto ang ipinagagawa sa kaniya ni Jehova, bagaman hindi sapat ang nalalaman ni Abraham. Wala siyang dahilan upang pag-alinlanganan kung si Jehova ay matuwid sa paghiling ng ganitong bagay. Pagkatapos, pinalakas ang pagtitiwala ni Abraham nang makialam ang anghel ni Jehova upang hindi maihain si Isaac.​—Genesis 22:9-14.

9, 10. (a) Kailan naunang nagpamalas ng pagtitiwala si Abraham kay Jehova? (b) Anong mahalagang aral ang matututuhan natin kay Abraham?

9 Ipinamalas na ni Abraham ang ganito ring uri ng pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova mga 25 taon bago nito. Palibhasa’y binabalaan na pupuksain ang Sodoma at Gomorra, natural lamang na mabahala siya sa kapakanan ng sinumang matuwid na tao na nakatira roon, kasali na ang kaniyang pamangking si Lot. Nakiusap si Abraham sa Diyos sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Malayong mangyari sa iyo na ikaw ay gagawi sa ganitong paraan upang patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot anupat kailangang mangyari sa taong matuwid ang gaya ng sa balakyot! Malayong mangyari sa iyo. Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?”​—Genesis 18:25.

10 Kumbinsido ang patriyarkang si Abraham na si Jehova ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na di-matuwid. Nang maglaon ay inawit ng salmista: “Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:17) Makabubuting itanong natin sa ating sarili: ‘Tinatanggap ko ba ang ipinahihintulot ni Jehova na danasin ko nang hindi nag-aalinlangan sa kaniyang pagkamatuwid? Kumbinsido ba ako na anumang ipinahihintulot niya ay para sa ikabubuti ko at sa ikabubuti rin naman ng iba?’ Kung makasasagot tayo ng oo, natuto tayo ng isang mahalagang aral mula kay Abraham.

Pagtitiwala sa mga Pinili ni Jehova

11, 12. (a) Anong aspekto ng pagtitiwala ang kinailangan noon ng mga lingkod ng Diyos? (b) Ano ang maaaring maging suliranin natin kung minsan?

11 Yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay nagtitiwala rin sa mga taong pinipili ni Jehova na gamitin sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin. Para sa mga Israelita, nangahulugan ito noon ng pagtitiwala kay Moises at nang dakong huli sa kaniyang kahalili, si Josue. Para sa mga naunang Kristiyano, nangahulugan ito ng pagtitiwala sa mga apostol at nakatatandang mga lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem. Para naman sa atin ngayon, nangangahulugan ito ng pagtitiwala sa “tapat at maingat na alipin” na inatasang magbigay sa atin ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon,” gayundin sa mga kabilang sa kanila na bumubuo ng Lupong Tagapamahala.​—Mateo 24:45.

12 Sa katunayan, ang paglalagak ng ating tiwala sa mga nangunguna sa kongregasyong Kristiyano ay para sa sarili nating kabutihan. Sinabihan tayo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”​—Hebreo 13:17.

Huwag Pag-alinlanganan ang mga Pinili ni Jehova

13. Ano ang ating dahilan para magtiwala sa mga inatasang manguna?

13 Tinutulungan tayo ng Bibliya na maging timbang sa pagtitiwala sa mga nangunguna sa bayan ni Jehova. Baka tanungin natin ang ating sarili: ‘Nagkamali kaya si Moises? Lagi bang nagpakita ang mga apostol ng tulad-Kristong saloobin na ibig ni Jesus na taglayin nila?’ Maliwanag ang kasagutan. Minabuti ni Jehova na gamitin ang matapat at nakatalagang mga lalaki upang akayin ang kaniyang bayan, bagaman sila’y mga taong di-sakdal. Alinsunod dito, bagaman di-sakdal ang matatanda sa ngayon, dapat pa rin nating kilalanin sila bilang “[inatasan ng] banal na espiritu [upang maging] mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” Nararapat na sila’y ating suportahan at igalang.​—Gawa 20:28.

14. Ano ang kapansin-pansin tungkol sa pagpili ni Jehova kay Moises bilang lider sa halip na kina Aaron o Miriam?

14 Si Aaron ay mas matanda ng tatlong taon kay Moises, ngunit kapuwa sila nakababata sa kanilang kapatid na babae, si Miriam. (Exodo 2:3, 4; 7:7) At yamang si Aaron ay mas matatas magsalita kaysa kay Moises, siya ang inatasan bilang tagapagsalita ng kaniyang kapatid. (Exodo 6:29–​7:2) Subalit upang pangunahan ang mga Israelita, hindi pinili ni Jehova ang pinakamatanda, si Miriam, o ang pinakamatatas magsalita, si Aaron. Si Moises ang pinili niya matapos isaalang-alang ang mga bagay-bagay at ang mga pangangailangan sa pagkakataong iyon. Nang minsan ay wala sila ng ganitong malalim na unawa, nagreklamo sina Aaron at Miriam: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din namin ay nagsalita siya?” Si Miriam, na malamang na siyang pangunahing tagapagsulsol, ay pinarusahan dahil sa ganitong kawalang-galang sa pinili ni Jehova, na dapat sana’y kinilala nila ni Aaron bilang “ang pinakamaamo sa lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa.”​—Bilang 12:1-3, 9-15.

15, 16. Paano pinatunayan ni Caleb na may tiwala siya kay Jehova?

15 Nang isugo ang 12 espiya upang maniktik sa Lupang Pangako, ang 10 ay nagbalik na dala ang isang negatibong balita. Naghasik sila ng takot sa puso ng mga Israelita sa pagsasabi na ang mga Canaanita ay “mga lalaking di-pangkaraniwan ang laki.” Ito naman ang nag-udyok sa mga Israelita na “magbulung-bulungan laban kina Moises at Aaron.” Ngunit hindi lahat ng espiya ay nagpamalas ng kawalan ng pagtitiwala kay Moises at kay Jehova. Mababasa natin: “Nang magkagayo’y sinikap ni Caleb na patahimikin ang bayan sa harap ni Moises at sinabi: ‘Umahon tayo nang tuwiran, at nakatakda nating angkinin iyon, sapagkat tiyak na makapananaig tayo roon.’ ” (Bilang 13:2, 25–​33; 14:2) Ang matatag na paninindigan ni Caleb ay taglay rin ng kaniyang kapuwa espiya na si Josue. Kapuwa sila nagpakita ng pagtitiwala kay Jehova nang sabihin nila: “Kung nalulugod sa atin si Jehova, kung gayo’y tiyak na dadalhin niya tayo sa lupaing ito at ibibigay ito sa atin, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Lamang . . . ay huwag kayong matakot sa mga tao sa lupain . . . si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila.” (Bilang 14:6-9) Ginantimpalaan ang ganitong pagtitiwala kay Jehova. Sa lahat ng mga nasa hustong gulang ng henerasyong nabubuhay nang panahong iyon, tanging si Caleb, Josue, at ilang Levita ang nagkapribilehiyong pumasok sa Lupang Pangako.

16 Pagkaraan ng ilang taon ay sinabi ni Caleb: “Kung tungkol sa akin, sinunod ko si Jehova na aking Diyos nang lubusan. . . . At narito, iningatan akong buháy ni Jehova, gaya ng kaniyang ipinangako, sa apatnapu’t limang taóng ito mula nang bitiwan ni Jehova ang pangakong ito kay Moises noong ang Israel ay lumalakad sa ilang, at narito, ako sa araw na ito ay walumpu’t limang taóng gulang. Gayunma’y ako ngayon ay sinlakas gaya noong araw ng pagsusugo sa akin ni Moises. Kung paano ang kapangyarihan ko noon, gayundin ang kapangyarihan ko ngayon.” (Josue 14:6-11) Pansinin ang positibong saloobin ni Caleb, ang kaniyang katapatan, at ang kaniyang pisikal na kakayahan. Gayunman, hindi pinili ni Jehova si Caleb para maging kahalili ni Moises. Ang pribilehiyong ito ay ibinigay kay Josue. Makapagtitiwala tayo na may dahilan si Jehova sa kaniyang napili, at iyon ang pinakamabuti.

17. Ano ang waring dahilan kung bakit naging di-nararapat si Pedro sa pananagutan?

17 Tatlong beses na ipinagkaila ni apostol Pedro ang kaniyang Panginoon. Kumilos din siya nang may kapangahasan, anupat tinagpas ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote. (Mateo 26:47-​55, 69-​75; Juan 18:10, 11) Maaaring sabihin ng ilan na si Pedro ay isang taong matatakutin, di-timbang, anupat di-nararapat na magtamasa ng mga pantanging pribilehiyo. Gayunman, sino ba ang binigyan ng mga susi ng Kaharian, na nagkapribilehiyong buksan sa tatlong grupo ang daan tungo sa makalangit na pagtawag? Si Pedro.​—Gawa 2:1-​41; 8:14-​17; 10:1-​48.

18. Anong pagkakamali, gaya ng pagkabanggit ni Judas, ang ibig nating iwasan?

18 Ipinakikita ng mga halimbawang ito na dapat tayong maging maingat tungkol sa paghatol batay sa panlabas na kaanyuan. Kung nagtitiwala tayo kay Jehova, hindi natin pag-aalinlanganan ang kaniyang mga pinili. Bagaman ang kaniyang makalupang kongregasyon ay binubuo ng di-sakdal na mga tao, na hindi nag-aangking sila’y hindi nagkakamali, ginagamit niya sila sa isang pambihirang paraan. Nagbabala si Judas, ang kapatid sa ina ni Jesus, sa mga Kristiyano noong unang siglo tungkol sa mga taong “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati.” (Judas 8-10) Hindi tayo kailanman dapat na tumulad sa kanila.

19. Bakit wala tayong dahilan para pag-alinlanganan ang mga pinili ni Jehova?

19 Maliwanag na ang pinipili ni Jehova para sa ilang pananagutan ay mga indibiduwal na may partikular na mga katangiang kailangan upang patnubayan ang kaniyang bayan sa daan na ibig niyang tahakin nila sa partikular na panahong iyon. Dapat na sikapin nating kilalanin ang katotohanang ito, huwag pag-alinlanganan ang mga pinili ng Diyos, kundi maging kontento na mapagpakumbabang maglingkod kung saan tayo inilagay ni Jehova bilang indibiduwal. Sa gayo’y ipinakikita natin na kay Jehova tayo nagtitiwala.​—Efeso 4:11-16; Filipos 2:3.

Pagtitiwala sa Pagkamatuwid ni Jehova

20, 21. Ano ang maaari nating matutuhan sa paraan ng pakikitungo ng Diyos kay Moises?

20 Kung may panahon na labis tayong nagtitiwala sa ating sarili at hindi kay Jehova, matuto tayo kay Moises. Nang 40 taong gulang, nagkusa siyang kumilos upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkabihag sa Ehipto. Tiyak na maganda naman ang layunin ng kaniyang pagsisikap, ngunit hindi ito nagbunga ng kagyat na paglaya ng Israel, ni nagpabuti man sa kaniyang sariling kalagayan. Sa katunayan, napilitan siyang tumakas. Pagkatapos lamang na sumailalim sa 40 taon ng mahirap na pagsasanay sa isang banyagang lupain ay saka siya naging kuwalipikadong mapili upang gawin ang nais niyang gawin noong una. Sa pagkakataong ito ay maaasahan niya ang pagsuporta ni Jehova sapagkat ang mga bagay-bagay ngayon ay ginagawa ayon sa paraan ni Jehova at sa panahong kasuwato ng Kaniyang talaorasan.​—Exodo 2:11–​3:10.

21 Maaaring itanong sa sarili ng bawat isa sa atin: ‘Kung minsan ba ay inuunahan ko si Jehova at ang hinirang na matatanda sa kongregasyon, anupat sinisikap na pabilisin ang mga bagay-bagay o gawin iyon ayon sa aking sariling paraan? Sa halip na madamang ako’y kinaligtaan para sa ilang pribilehiyo, tinatanggap ko ba nang kusa ang aking kasalukuyang pagsasanay?’ Ang totoo, natuto ba tayo ng isang mahalagang aral mula kay Moises?

22. Kahit nawalan siya ng isang malaking pribilehiyo, ano ang nadama ni Moises tungkol kay Jehova?

22 Bukod dito, maaari tayong matuto ng isa pang aral mula kay Moises. Sinasabi sa atin ng Bilang 20:7-13 ang isang pagkakamaling nagawa niya, na malaki ang naging kapalit. Naiwala niya ang pribilehiyong akayin ang mga Israelita patungo sa Lupang Pangako. Sa gayo’y sinabi ba niya na hindi makatarungan ang pasiya ni Jehova tungkol sa bagay na iyon? Nagmukmok ba siya sa isang sulok, wika nga, dahil sa hindi makatuwiran ang pakikitungo sa kaniya ng Diyos? Nawalan ba si Moises ng tiwala sa pagkamatuwid ni Jehova? Masusumpungan natin ang kasagutan sa mga salita mismo ni Moises na sinabi niya sa Israel nang malapit na siyang mamatay. Tungkol kay Jehova, ganito ang sabi ni Moises: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya’y walang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Tiyak na nanatili ang pagtitiwala ni Moises kay Jehova hanggang sa katapusan. Kumusta naman tayo? Bawat isa ba sa atin ay gumagawa ng hakbang upang patibayin ang ating pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang pagkamatuwid? Paano natin magagawa ito? Tingnan natin.

Paano Ninyo Sasagutin?

◻ Ano ang mga dahilan ng mga Israelita para magtiwala kay Jehova?

◻ Hinggil sa pagtitiwala, ano ang maaaring matutuhan kay Abraham?

◻ Bakit dapat nating iwasan na pag-alinlanganan ang mga pinili ni Jehova?

[Larawan sa pahina 13]

Kalakip sa pagtitiwala kay Jehova ang paggalang sa mga nangunguna sa kongregasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share