Pagsamba sa Diyos sa Katotohanan
Upang maging kaayaaya ang pagsamba sa Diyos, dapat na ito’y batay sa katotohanan. (Juan 4:23) Ipinakikilala ng Bibliya na ang mga tunay na mananamba ay kabilang “sa sambahayan ng Diyos, na siyang kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Ang mga bumubuo ng kongregasyon ng Diyos ay hindi lamang naniniwala sa katotohanan ng Salita ng Diyos kundi namumuhay rin kasuwato nito at naipagtatanggol ito, anupat ipinakikilala ito sa buong lupa.—Mateo 24:14; Roma 10:9-15.
KILALANG-KILALA ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang edukasyonal na gawain tungkol sa Bibliya, na ngayo’y isinasagawa sa mahigit na 200 lupain. Pinag-aaralan nila ang Bibliya at itinuturo ito bilang ang katotohanan, na hindi inilalakip ang nagpaparupok na impluwensiya ng mga pilosopiya ng tao. Alam mo na ba ang kanilang salig-sa-Bibliyang mga turo? Marami ang nag-aatubiling makinig sa mga Saksi ni Jehova dahil sa di-magagandang balita na kumakalat laban sa kanila. Ngunit inaanyayahan ang tapat-pusong mga tao na sila mismo ang magpasiya kung ang ipinangangaral ng mga Saksi ay totoo o hindi. Ang gayong mahalagang pagpapasiya ay hindi dapat ibatay sa mga naririnig lamang. Marami sa mga nagsagawa ng sariling pagsusuri sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova ang nakinabang nang lubusan.
Pumapawi ng Takot ang Kaalaman sa Katotohanan
Halimbawa, tingnan natin ang nangyari kay Eugenia. Siya’y pinalaki sa sambahayan ng mga saradong Katoliko. Ang kaniyang ama ay isa sa mga nag-organisa sa pagdalaw ng papa sa Mexico noong 1979. Habang dumadalaw sa mga kaibigan, nakakilala si Eugenia ng mga Saksi ni Jehova. Sa tulong ng mga ito ay sinimulan niyang suriing mainam ang sinasabi ng Bibliya. Nagunita niya: “Sa pasimula, nakaramdam ako ng takot. Nasumpungan ko na ang katotohanan! Pero nangangahulugan ito na karamihan sa aking dating paniniwala ay mali. Ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan, ang mga taong mahal ko—silang lahat ay mali. Ninerbiyos ako. Patuloy kong tinatanong ang aking sarili kung ano ang sasabihin ng aking pamilya sa bagong natuklasan ko. Sa paglipas ng panahon at sa tulong ni Jehova, unti-unti akong nasanay sa nakababahalang karanasang ito. Isang araw, ipinasiya kong magtapat sa isang kaibigan ng pamilya, isang propesor sa teolohiya. Sinabi ko sa kaniya ang lahat ng aking pagnanais na masumpungan ang katotohanan. Sinabi naman niya, ‘Kung nais mong malaman ang katotohanan, hanapin mo ang mga Saksi ni Jehova.’ ”
Gaya ng kinatatakutan ni Eugenia, pinalayas siya ng kaniyang pamilya. Gayunman, nagpatuloy ang mga Saksi sa pagtulong sa kaniya sa espirituwal. Sabi niya: “Napalakas ako na manindigan sa katotohanan. Napagtanto kong ito’y nararapat lamang na ipakipaglaban. Napakahalaga ng ginawang pagtanggap sa akin ng mga Saksi ni Jehova. Nadama ko ang pagmamahal ng kongregasyong Kristiyano. Ang pagiging malapít sa organisasyon ng Diyos ay nakatulong sa akin upang mapagtagumpayan ang takot na manindigang mag-isa.”
Tingnan natin ang isa pang halimbawa. Nakalakihan na ni Sabrina ang pagkakaroon ng regular na pag-uusap ng pamilya hinggil sa Bibliya. Sa katunayan, nagkaroon sila ng isang anyo ng ‘pampamilyang relihiyon.’ Nakasanayan na niyang makisama sa mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon upang ilantad ang mga pagkakamali ng mga ito. Nang alukin siya ng isa sa mga Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya, agad niyang tinanggap ito sa layuning pabulaanan ang paniniwala ng mga ito. Nagunita niya: “Matapos ang mahigit na isang taóng pakikipag-aral, natakot akong maiwala ko ang ‘aking katotohanan.’ Napakadali kong mailantad ang mga pandaraya ng maraming relihiyon na sinamahan ko, ngunit hindi gayong kadali sa pagkakataong ito.”
Inihinto ni Sabrina ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova dahil sa takot. Subalit nakadama naman siya ng kakulangan sa espirituwal. Ipinasiya niyang ipagpatuloy ang pag-aaral at sa dakong huli, tinanggap niya ang bagong tuklas na katotohanang ito. Sumulong si Sabrina hanggang sa puntong nais na niyang ibahagi sa iba ang kaniyang natututuhan. Hiniling pa man din niya na sumama sa mga Saksi sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay. Nagpaliwanag si Sabrina: “Bago pahintulutang mangaral kasama ng mga Saksi ni Jehova, tinanong muna ako: ‘Talaga bang nais mong maging isa sa mga Saksi ni Jehova?’ ‘Hindi!’ sagot ko. Nakadama na naman ako ng takot.” Sa wakas, matapos ang patuloy na pagdalo sa lahat ng pulong at pagmamasid sa bayan ng Diyos at kung paano nila ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya, naipasiya ni Sabrina na ito na nga ang katotohanan. Nabautismuhan siya at ngayo’y isa nang buong-panahong ebanghelisador.
Bakit Ibang-Iba?
Baka itanong ng isa, ‘Bakit kaya ibang-iba ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova kaysa sa ibang mga relihiyon?’ Ang isang sulyap sa paniniwala ng mga Saksi ay tutulong sa iyo na makitang sila’y taimtim na mga Kristiyano, tapat na mga estudyante ng Bibliya. Hinihimok ka naming tingnan sa iyong sariling Bibliya ang mga teksto sa sumaryo ng kanilang pangunahing mga paniniwala na ipinakikita sa itaas.
Sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova at kung paano sila sumusunod sa mga itinuturo ng Bibliya, pagpapalain ka ng kalayaan na inilalaan ng katotohanan. (Juan 17:17) Walang dahilan upang katakutan ang katotohanan. Tandaan ang pangako ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
[Kahona sa pahina 6]
ILANG PANGUNAHING PANINIWALA NG MGA SAKSI NI JEHOVA
◯ Si Jehova ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ang kaniyang personal na pangalan ay lumilitaw nang mahigit na 7,000 ulit sa pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya.—Awit 83:18.
◯ Si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, na bumaba sa lupa upang ibigay ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. (Juan 3:16, 17) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga turo ni Jesu-Kristo ayon sa nasusumpungan sa Ebanghelyo.
◯ Ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay batay sa Isaias 43:10, na nagsasabi: “ ‘Kayo ay aking mga saksi,’ ang kapahayagan ni Jehova.”
◯ Ang Kaharian na idinadalangin ng mga tao sa panalanging “Ama Namin” ay isang makalangit na pamahalaan na malapit nang mag-alis sa lahat ng pagdurusa at kirot sa daigdig upang mabigyang-daan ang Paraiso na ipinangako ng Bibliya.—Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4.
◯ Bawat isa na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay may pagkakataong magtamasa ng mga pagpapala ng Kaharian magpakailanman.—Juan 17:3; 1 Juan 2:17.
◯ Dapat hubugin ng mga Kristiyano ang kanilang paggawi ayon sa sinasabi ng Bibliya. Dapat nilang pagsikapan na maging tapat, magkaroon ng dalisay at malinis na pamumuhay, at magpakita ng pag-ibig sa kapuwa.—Mateo 22:39; Juan 13:35; 1 Corinto 6:9, 10.
[Larawan sa pahina 5]
Ipinakikilala ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan sa mga tao sa mahigit na 200 lupain