Mga Kabataang ‘Nagtitiwala kay Jehova’
HINDI nasosolo ng mga kabataan ang kagandahan, ni ang mga may edad man ang tanging nag-aari ng karunungan. (Ihambing ang Kawikaan 11:22; Eclesiastes 10:1.) Bagkus, yaong mga nagtataglay ng namamalaging kagandahan at tunay na karunungan ay yaong mga nagtitiwala kay Jehova at buong-pusong nagsasabi tungkol sa kaniya: “Ikaw ang aking Diyos.”—Awit 31:14; Kawikaan 9:10; 16:31.
Sa buong daigdig ay may dumaraming magagandang tao, kapuwa mga bata at matatanda, na nagpapakita ng kanilang karunungan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Halimbawa, isaalang-alang ang walong-taóng-gulang na si Sabrina.
Si Sabrina ay naninirahan sa Alemanya at nasa ikalawang grado. Siya ang unang-unang Saksi ni Jehova na nag-aral sa paaralang iyon. Nakalulungkot, siya ay naging tudlaan ng mga pag-insulto ng kaniyang mga kamag-aral hanggang sa araw na hilingin ng guro sa mga estudyante na dalhin sa klase ang kanilang paboritong aklat. Ipinasiya ni Sabrina na dalhin Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Nang gabi bago noon, bagaman nag-aalala, siya’y naghandang mainam para sa klase. Yamang may 26 na estudyante sa kaniyang klase, batid niya na hindi siya magkakaroon ng malaking panahon. Ngunit siya’y desididong huwag hayaang pahintuin ng sinuman ang kaniyang presentasyon at natitiyak niya na tutulungan siya ni Jehova. Nang itinakdang araw, nagtanong ang guro kung sino ang nagdala ng aklat at nagnanais na maging unang magpapakita niyaon. Nakapagtataka, si Sabrina lamang ang nagdala ng aklat. Siya’y tumayo sa harap ng klase at nagsimulang magsalita, na bumabasa at nagpapakita ng mga larawan buhat sa aklat at ipinaliliwanag na lahat ay nakasalig sa Bibliya. Bilang pagtatapos, siya’y nagtanong: “Sino ba ang magiging interesado na magkaroon ng aklat na ito?” Isang kopya ang ibinigay niya sa kaniyang guro, at nang sumunod na mga ilang araw, siya’y nagbigay ng sampung karagdagang mga aklat sa ilan sa kaniyang mga kaklase. Ganito ang tanging naikomento ng guro sa kaniyang presentasyon: “Ngayon lamang ako nakakita ng ganiyan.” Kaniyang binigyan si Sabrina ng markang A para sa kaniyang nagawa.
Sa katunayan, maraming kabataang Saksi ang maliligayang mamamahayag ng mabuting balita sa paaralan. Ang isa pang halimbawa ay si Erika, isang 11-taóng-gulang na mamamahayag sa Mexico. Sapol sa pagkasanggol ay tinuruan na siyang umibig kay Jehova. Ang kaniyang mga atas sa paaralan ay kapuri-puri. Isa sa kaniyang mga atas ay ang maghanda ng materyal tungkol sa AIDS at sa pagkasugapa sa tabako at alak. Siya’y naghandang mainam, na ginagamit ang magasing Gumising!, at nakakuha ng pinakamatataas na marka. Ang kaniyang guro ay nagtanong kung saan niya kinuha ang impormasyon at nabigyan ng mga magasin na may mga artikulo tungkol sa mga paksang iyon. Nang bandang huli, ginamit ng guro ang mga magasing ito sa pagtalakay ng mga paksa sa buong klase. Dahil sa paggawi ni Erika, sa kaniyang paggalang sa kaniyang mga guro, at sa kaniyang matataas na marka, siya’y nakatanggap ng mga regalo, diploma, at kalahati lamang ng halaga ng matrikula ang kaniyang binabayaran. Gayunman, inaakala niya na ang pinakadakilang tagumpay niya ay ang kaniyang pagpapakilala ng sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, nakapagpasakamay ng literatura sa Bibliya, at naparangalan ang pangalan ng Diyos.
Nariyan din si Shannon, isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki na naninirahan sa New Zealand. Siya’y may iisang mata na nakakakita; yaong kabilang mata ay dinapuan ng kanser nang siya’y isang sanggol pa lamang. Nang si Shannon ay pitong taon, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang ina. Gayunman, hindi pa natatagalan pagkatapos na masimulan niya ang kaniyang mga leksiyon sa Bibliya, siya’y nakisama nang di-kasal sa isang lalaki at nagpasiyang huminto sa kaniyang pag-aaral. Ipinakiusap ni Shannon na kaniyang maipagpatuloy ang pag-aaral niya ng Bibliya. Pinagbigyan naman ang kaniyang kahilingan. Ang mga Saksi ay patuloy na dumalaw, at sa wakas ang tatlong miyembro ng sambahayan ay nag-aral ng Bibliya at sumulong naman sa espirituwal. Pagkatapos na pakasal, ang ina ni Shannon at ang kaniyang amain ay nabautismuhan.
Isang araw si Shannon at ang maybahay ng tagapangasiwa ng sirkito ay magkasama sa paglilingkod sa larangan. Isang maybahay ang nagtanong kay Shannon: “Ano ba ang nangyari sa iyong mata?” “Ito po’y dinapuan ng kanser, at kinailangang alisin,” ang tugon niya. “Malapit nang bigyan ako ni Jehova ng isang bagong mata sa Paraiso, at tungkol diyan ang ibabalita namin sa inyo.”