Patuloy na Sumulong sa Espirituwal!
Ang araw ng ating bautismo ay isang araw na dapat nating laging pahalagahan at alalahanin. Kung sa bagay, ito ang araw na ipinahayag natin sa madla na tayo’y nag-alay upang maglingkod sa Diyos.
PARA sa marami ito ay nangangailangan ng napakalaking pagsisikap upang marating ang puntong ito—pagtigil sa matagal nang masasamang kinaugalian, pag-iwas sa di-mabuting mga kasama, pagbago sa malalim ang pagkakatimong kaisipan at paggawi.
Magkagayon man, bagaman isang maligaya at mahalagang pangyayari sa buhay ng isang Kristiyano ang bautismo, pasimula lamang ito. Ganito ang sabi ni apostol Pablo sa bautisadong mga Kristiyano sa Judea: “Ngayon na atin nang iniwan ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.” (Hebreo 6:1) Oo, ang lahat ng Kristiyano ay kailangang “makaabot sa pagiging-isa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, tungo sa isang tao na lubos-ang-laki, tungo sa sukat ng antas na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” (Efeso 4:13) Tanging sa pamamagitan ng pagsulong tungo sa pagkamaygulang tayo ay tunay na “pinatatatag sa pananampalataya.”—Colosas 2:7.
Sa nakalipas na ilang taon, daan-daang libo sa bagong nag-alay na mga mananamba ang pumasok sa Kristiyanong kongregasyon. Marahil ay isa ka sa kanila. Katulad ng iyong mga kapatid noong unang siglo, hindi mo nanaising manatiling sanggol sa espirituwal. Gusto mong lumaki, sumulong! Subalit paano? At ano ang ilang paraan upang magawa mo ang gayong pagsulong?
Pagsulong sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral
Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.” (Filipos 1:9) Ang paglaki sa “tumpak na kaalaman” ay mahalaga sa iyong espirituwal na pagsulong. ‘Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo’ ay isang patuluyang proseso, hindi isang bagay na humihinto pagkatapos ng bautismo.—Juan 17:3.
Natanto ito ng isang Kristiyanong kapatid na babae, na tatawagin nating Alexandra, mga sampung taon pagkatapos niyang mabautismuhan sa edad na 16. Siya’y pinalaki sa katotohanan at laging regular sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano at sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ganito ang sulat niya: “Sa nakalipas na ilang buwan, natanto ko na may masamang nangyayari. Nagpasiya akong suriin nang husto at matapat ang aking sarili, kung ano ba ang nadarama ko para sa katotohanan, at kung bakit ako ay nasa katotohanan pa rin.” Ano ang nasumpungan niya? Ganito ang pagpapatuloy niya: “Nasumpungan ko na ang mga dahilan ng pagiging nasa katotohanan ko ay nakabagabag sa akin. Natatandaan ko na habang ako’y lumalaki, idiniin ang mga pulong at ang paglilingkod sa larangan. Akala ko’y susunod na rin ang mga kaugalian sa personal na pag-aaral at panalangin. Subalit habang sinusuri ko ang aking situwasyon, natalos ko na hindi ito nangyari.”
Ganito ang payo ni apostol Pablo: “Sa anumang antas tayo nakagawa na ng pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa kinagawian ding ito.” (Filipos 3:16) Ang isang rutin o kinagawian ay maaaring pagmulan ng pasulong na pagkilos. Bago ka nabautismuhan, walang alinlangan na mayroon kang lingguhang rutin ng pag-aaral sa Bibliya na kasama ng isang lubhang kuwalipikadong guro. Habang sumusulong ang iyong pagpapahalaga, isinama mo sa rutin na ito ang paghahanda para sa leksiyon sa bawat linggo, anupat tinitingnan ang siniping mga teksto sa Bibliya, at iba pa. Ngayon na bautisado ka na, nagpatuloy ka ba sa ‘paglakad sa kinagawian ding ito’?
Kung hindi, baka kailangan mong suriing muli ang iyong mga priyoridad, anupat ‘tinitiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Sa ating abalang buhay, nangangailangan ng pagpipigil sa sarili upang maglaan ng panahon para sa personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Subalit ang mga pakinabang ay sulit naman sa gayong pagsisikap. Muling isaalang-alang ang karanasan ni Alexandra. “Masasabi kong ako’y nasa katotohanan sa nakalipas na 20 taon o mahigit pa sa pamamagitan ng basta pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa ministeryo sa larangan,” ang sabi niya. Gayunman, ganito pa ang sabi niya, “Nahinuha ko na bagaman mahalaga ang mga bagay na ito, ang mga ito sa ganang sarili ay hindi makatutulong sa akin kapag naging mahirap ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng ito ay lumitaw sapagkat halos wala akong kaugalian sa personal na pag-aaral, at ang aking mga panalangin ay hindi palagian at hindi taimtim. Natanto ko ngayon na kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip at simulan ang isang makahulugang programa ng pag-aaral upang talagang makilala ko si Jehova at maibig siya at mapahalagahan kung ano ang ibinigay sa atin ng kaniyang Anak.”
Kung kailangan mo ng tulong sa pagtatatag ng isang mabuting rutin ng personal na pag-aaral, maligayang tutulong sa iyo ang matatanda at iba pang maygulang na mga Kristiyano sa inyong kongregasyon. Bukod pa riyan, maraming nakatutulong na mga mungkahi ang nasa mga artikulong lumitaw sa Mayo 1, 1995; Agosto 15, 1993; at Mayo 15, 1986, na mga labas ng Ang Bantayan.
Ang Pangangailangang Lumapit sa Diyos
Ang isa pang dako na maaari kang magsikap na sumulong ay ang iyong kaugnayan sa Diyos. Sa ilang kalagayan ay maaaring may matinding pangangailangan sa bagay na ito. Isaalang-alang si Anthony, na nabautismuhan sa batang gulang. “Ako ang unang anak sa aming pamilya na nabautismuhan,” aniya. “Pagkatapos ng aking bautismo, ako’y magiliw na niyapos ng aking ina. Noon ko lamang siya nakita na napakasaya. Labis ang kagalakan, at nadama kong napakalakas ko.” Gayunman, may ibang pangyayari. Matagal-tagal na panahon din, walang sinumang kabataan ang nabautismuhan sa aming kongregasyon,” patuloy ni Anthony. “Kaya labis kong ipinagmamalaki ang aking sarili. Ipinagmamalaki ko rin ang aking mga komento at mga pahayag sa mga pulong. Ang pagtatamo ng papuri at pagsang-ayon ng mga tao ay naging mas mahalaga sa akin kaysa sa pagbibigay ng papuri kay Jehova. Talagang wala akong malapit na kaugnayan sa kaniya.”
Tulad ni Anthony, ang ilan ay maaaring nag-alay dahilan lamang sa pagnanais na palugdan ang iba kaysa pagnanais na palugdan si Jehova. Magkagayon man, inaasahan ng Diyos na tutuparin ng mga iyon ang kanilang pangako na maglingkod sa kaniya. (Ihambing ang Eclesiastes 5:4.) Gayunman, mahirap nilang gawin iyon kung walang personal na kaugnayan sa Diyos. Naalaala ni Anthony: “Ang matinding kagalakan na taglay ko sa aking bautismo ay panandalian lamang. Wala pa ngang isang taon pagkatapos ng aking bautismo nang makagawa ako ng isang malubhang pagkakamali at kailangang sawayin ng matatanda sa kongregasyon. Ang paulit-ulit na maling paggawi ay humantong sa pagtitiwalag sa akin mula sa kongregasyon. Anim na taon pagkaraan ng aking pag-aalay kay Jehova, ako’y nadakip at nakulong sa salang pagpatay.”
Pagkakaroon ng Isang Matalik na Kaugnayan kay Jehova
Anuman ang iyong kalagayan, lahat ng Kristiyano ay makatutugon sa paanyaya ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Walang alinlangan na nalinang mo ang pagiging malapit sa Diyos nang una kang mag-aral ng Bibliya. Nalaman mo na ang Diyos ay hindi isang mahirap na unawaing diyos na sinasamba sa Sangkakristiyanuhan, kundi isang persona na may pangalan, Jehova. Natutuhan mo rin na mayroon siyang kaakit-akit na mga katangian, na siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.”—Exodo 34:6.
Gayunman, upang matupad ang iyong pag-aalay na maglingkod sa Diyos, dapat na lalo ka pang lumapit sa kaniya! Paano? Ang salmista ay nanalangin: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4) Makatutulong sa iyo ang personal na pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon ng Samahan upang lalo mong makilala si Jehova. Mahalaga rin ang regular na pananalangin nang taos-puso. “Sa harap niya ay ibuhos ninyo ang inyong puso,” ang payo ng salmista. (Awit 62:8) Habang nararanasan mo na sinasagot ang iyong mga panalangin, madarama mo ang personal na interes sa iyo ng Diyos. Makatutulong ito sa iyo na madamang mas malapit ka sa kaniya.
Ang mga pagsubok at problema ay isa pang pagkakataon upang maging malapit sa Diyos. Maaaring makaharap mo ang mga hamon at pagsubok sa pananampalataya, gaya ng sakit, panggigipit sa paaralan at sa trabaho, o kahirapan sa pamumuhay. Maaari pa ngang maging mahirap para sa iyo ang normal na teokratikong rutin ng pakikibahagi sa ministeryo, pagdalo sa mga pulong, o pag-aaral ng Bibliya na kasama ng iyong mga anak. Huwag mong harapin ang mga problemang iyon nang nag-iisa! Magsumamo ka sa Diyos na tulungan ka, anupat humihingi ng kaniyang payo at patnubay. (Kawikaan 3:5, 6) Makiusap ka sa kaniya para sa kaniyang banal na espiritu! (Lucas 11:13) Habang nararanasan mo ang maibiging tulong ng Diyos, ikaw ay lalong mapapalapit sa kaniya. Gaya ng pagkakasabi ng salmistang si David, “tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti . . . Maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.”—Awit 34:8.
Kumusta naman si Anthony? “Pinag-isipan ko ang panahon nang napakarami kong espirituwal na tunguhing nakasentro sa paggawa ng kalooban ni Jehova,” gunita niya. “Masakit ito. Subalit sa lahat ng kirot at kabiguan, naalaala ko ang pag-ibig ni Jehova. Matagal din bago ko nagawang manalangin kay Jehova, subalit ginawa ko ito, at ibinuhos ko ang nilalaman ng aking puso sa kaniya, anupat humihingi ng kapatawaran. Nagsimula rin akong magbasa ng Bibliya at nagulat ako sa dami ng nakalimutan ko na at kung paano talagang hindi ko gaanong nakikilala si Jehova.” Bagaman kailangan pang tapusin ni Anthony ang sentensiya sa bilangguan dahil sa kaniyang ginawang krimen, tumatanggap siya ng tulong mula sa mga Saksi roon at patungo na sa espirituwal na paggaling. Taglay ang pasasalamat, ganito ang sabi ni Anthony: “Dahil kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, nagawa kong hubarin ang lumang personalidad at nagsisikap akong isuot ang bagong personalidad sa bawat araw. Ang aking kaugnayan kay Jehova ang pinakamahalaga sa akin ngayon.”
Espirituwal na Pagsulong sa Iyong Ministeryo
Inutusan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na maging mga tagapangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Bilang isang baguhang mamamahayag ng mabuting balita, maaaring limitado pa ang iyong karanasan sa ministeryo. Kaya, paano ka susulong upang ‘lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo’?—2 Timoteo 4:5.
Ang isang paraan ay ang pagkakaroon ng positibong saloobin. Pag-aralan mong malasin ang gawaing pangangaral bilang isang “kayamanan,” isang pribilehiyo. (2 Corinto 4:7) Isa itong pagkakataon upang ipakita ang ating pag-ibig, pagkamatapat, at integridad kay Jehova. Pinangyayari rin nitong maipakita natin ang ating malasakit sa ating kapuwa. Ang walang pag-iimbot na pagbibigay ng ating sarili may kinalaman sa bagay na ito ay maaaring maging isang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan.—Gawa 20:35.
Taglay mismo ni Jesus ang positibong pangmalas sa gawaing pangangaral. Ang pagbabahagi ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba ay parang “pagkain” sa kaniya. (Juan 4:34) Angkop na angkop lamang kung gayon na buurin ang kaniyang pangganyak sa pagtulong sa iba sa pamamagitan ng kaniyang pananalitang, “Ibig ko.” (Mateo 8:3) Madamayin si Jesus sa mga tao, lalo na sa mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” ng sanlibutan ni Satanas. (Mateo 9:35, 36) “Ibig” mo rin bang tulungan ang iba na nasa espirituwal na kadiliman at nangangailangan ng kaliwanagan mula sa Salita ng Diyos? Ikaw kung gayon ay mauudyukang tumugon sa utos ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Oo, mapakikilos kang makibahagi nang lubusan sa gawaing ito habang ipinahihintulot ng iyong kalusugan at kalagayan.
Ang isa pang susi upang sumulong ay ang pagkakaroon ng regular na bahagi sa ministeryo—bawat linggo hangga’t maaari. Ang paggawa niyaon ay makatutulong upang maibsan ang pangamba at takot na maaaring humadlang sa isa na paminsan-minsan lamang nangangaral. Makikinabang ka rin sa ibang paraan sa regular na pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Palalakihin nito ang iyong pagpapahalaga sa katotohanan, palalaguin nito ang pag-ibig mo kay Jehova at sa kapuwa, at tutulong ito sa iyo na ituon ang pansin sa pag-asa ng Kaharian.
Kumusta naman kung lubhang natatakdaan ng iyong kasalukuyang situwasyon ang iyong pakikibahagi sa gawaing pangangaral? Kung talagang hindi posible ang mga pagbabago, kung gayon ay maaliw ka sa pagkaalam na ang Diyos ay nalulugod sa anumang magagawa mo, basta ikaw ay buong-kaluluwa sa iyong paglilingkod. (Mateo 13:23) Marahil ay maaari kang sumulong sa iba pang paraan, gaya sa pagpapabuti ng iyong mga kasanayan sa pangangaral. Sa kongregasyon, ang Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro at ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay naglalaan ng mahusay na pagsasanay sa bagay na ito. Natural, mientras may-kakayahan tayo sa ministeryo, lalo tayong nasisiyahan dito at nagtatamasa ng mga resulta.
Maliwanag, kung gayon, na hindi dapat huminto ang espirituwal na pagsulong sa araw na ang isa’y mabautismuhan. Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa kaniyang pag-asa na magtamo ng imortal na buhay sa mga langit: “Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol doon: Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Kung gayon, tayong lahat na mga may-gulang, magkaroon tayo ng ganitong pangkaisipang saloobin; at kung kayo ay may kaisipang nakahilig nang di-gayon sa anumang paraan, isisiwalat ng Diyos ang nabanggit na saloobin sa inyo.”—Filipos 3:13-15.
Oo, lahat ng Kristiyano, ang pag-asa man nila ay imortalidad sa langit o buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa, ay dapat na ‘umabot’—magsumikap, wika nga, upang makamit ang tunguhin ng buhay! Mahusay na pasimula ang iyong bautismo, subalit pasimula lamang ito. Patuloy na pagsikapang sumulong sa espirituwal. Sa pamamagitan ng mga pulong at personal na pag-aaral, “maging lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Corinto 14:20) ‘Lubos na intindihin sa isipan . . . ang lapad at haba at taas at lalim’ ng katotohanan. (Efeso 3:18) Ang pagsulong mo ay tutulong sa iyo na hindi lamang mapanatili ang kagalakan at kaligayahan ngayon kundi upang magkaroon ng isang tiwasay na dako sa bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian, ikaw ay maaaring sumulong magpakailanman!
[Larawan sa pahina 29]
Nangangailangan ng disiplina upang makasumpong ng panahon para sa personal na pag-aaral
[Larawan sa pahina 31]
Ang pagkakaroon ng positibong saloobin ay makatutulong sa atin upang makasumpong ng kagalakan sa ministeryo