Pinaniniwalaan ba ng Lahat ng Klerigo ang Itinuturo Nila?
KAMAMATAY pa lamang ng asawa ng babae. Ipinaliwanag ng kaniyang pari na ang kaniyang asawa ay hindi gayon kabait upang tuwirang magtungo sa langit ni gayon kasama upang italaga sa mga apoy ng impiyerno. Kaya, ayon sa pari, siya ay pinahihirapan hanggang sa siya’y maging kuwalipikado para sa langit. Binayaran niya ang pari na magdasal upang mas madaling makaalis sa purgatoryo ang kaniyang asawa. Kontento na rito ang biyuda, anupat inaakalang pinaniniwalaan din ng pari ang kaniyang taimtim na mga paniniwala.
Sa palagay mo kaya’y masisiraan ng loob ang biyuda kung matuklasan niyang ang kaniyang pari ay hindi naniniwala sa pagpaparusa pagkamatay? Marami ang naguguluhang malaman na maraming klerigo ang hindi naniniwala sa karamihan ng kanila mismong itinuturo. Ganito ang sabi ng National Catholic Reporter, tungkol sa tinatawag nitong “mas malubhang problema kaysa sa sekso”: “Sa mga klero sa pangkalahatan, marami ang hindi na naniniwala sa pag-iral ng Diyos o sa doktrina ng mga gantimpala at mga kaparusahan o sa pagkabuhay-muli . . . anupat ang hindi paniniwala ay naging bahagi ng kaisipan ng mga klero, na parang makapal na ulap.”
Gayunding problema ang kinakaharap ng iba pang simbahan. Isiniwalat ng isang surbey sa mga bikaryo ng Simbahan ng Inglatera na marami ang “hindi naniniwala sa pangunahing mga paniniwala ng tradisyonal na pananampalatayang Kristiyano, tulad ng panganganak ng isang birhen, ang mga himala ni Jesus at ang ikalawang pagdating ng mesiyas,” ang ulat ng Canberra Times ng Australia.
Ang manunulat sa relihiyon na si George R. Plagenz ay nagtanong sa isang ministro, kung paano niya mabibigkas nang may malinis na budhi ang isang kredo na hindi niya mismo pinaniniwalaan. Isang ministro ang nagsabi na basta pinapalitan niya ang panimulang pananalita ng kredo na, “Ako’y sumasampalataya.” Aniya: “Sinisimulan ko ang kredo sa pagsasabing, ‘SILA’Y sumasampalataya sa Diyos ang Makapangyarihan-sa-lahat na Ama . . .’ ” Tinawag ni Plagenz ang pagpapaimbabaw na ito na “ang pinakamalaking panlilinlang sa bansa.”
Nakalulungkot nga, ang hindi paniniwala at kawalan ng kataimtiman ng mga klero ay nakasisirang-loob sa maraming tao tungkol sa relihiyon sa pangkalahatan. Subalit hindi lamang ito ang magulong bahagi ng relihiyon ngayon. Karamihan sa mga nagsisimba ay naturuan na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Mabibigla kaya silang malaman na ang ilan sa mga doktrinang malaon nang tinatanggap ng simbahan ay hindi itinuturo sa Bibliya? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang isang halimbawa.