Jerusalem—Ito Ba’y ‘Higit Pa sa Inyong Pangunahing Sanhi ng Pagsasaya’?
“Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala . . . kung hindi ko ituturing ang Jerusalem na higit pa sa aking pangunahing sanhi ng pagsasaya.”—AWIT 137:6.
1. Ano ang naging saloobin ng maraming ipinatapong Judio hinggil sa piniling lunsod ng Diyos?
HALOS pitong dekada ang lumipas mula nang makabalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. ang mga unang Judiong ipinatapon. Naitayo nang muli ang templo ng Diyos, ngunit nasa kaguhuan pa rin ang lunsod. Samantala, isang bagong henerasyon ang lumaki na malayo sa kanilang sariling lupain. Tiyak na marami sa kanila ang nakadama ng gaya ng nadama ng salmista na umawit: “Kung malimutan kita, O Jerusalem, maging malilimutin nawa ang aking kanang kamay.” (Awit 137:5) Hindi lamang basta inalaala ng ilan ang Jerusalem; sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ay pinatunayan nila na ito ay naging “higit pa sa [kanilang] pangunahing sanhi ng pagsasaya.”—Awit 137:6.
2. Sino si Ezra, at paano siya pinagpala?
2 Halimbawa, tingnan ang saserdoteng si Ezra. Bago pa man siya nakabalik sa kaniyang lupang tinubuan, buong-sigasig na niyang itinaguyod ang mga kapakanan ng dalisay na pagsamba sa Jerusalem. (Ezra 7:6, 10) Si Ezra ay saganang pinagpala dahil dito. Inantig ng Diyos na Jehova ang puso ng haring Persiano upang pagkalooban si Ezra ng pribilehiyo na pangunahan ang pangalawang grupo ng mga ipinatapon na babalik sa Jerusalem. Isa pa, binigyan sila ng hari ng maraming ginto at pilak bilang abuloy “upang pagandahin ang bahay ni Jehova.”—Ezra 7:21-27.
3. Paano pinatunayan ni Nehemias na ang Jerusalem ang siya niyang pangunahing ikinababahala?
3 Pagkaraan ng mga 12 taon, may isa pang Judio na kumilos nang may determinasyon—si Nehemias. Naglingkod siya sa palasyo ng Persia sa Shushan. Nagkaroon siya ng prominenteng posisyon bilang tagapagdala ng kopa ni Haring Artajerjes, ngunit hindi iyon ang “pangunahing sanhi ng pagsasaya” ni Nehemias. Sa halip, nanabik siyang yumaon at muling itayo ang Jerusalem. Maraming buwan na ipinananalangin ito ni Nehemias, at pinagpala siya ng Diyos na Jehova sa paggawa nito. Nang malaman ang ikinababahala ni Nehemias, ang haring Persiano ay naglaan sa kaniya ng isang puwersang militar at ng mga liham na nagpapahintulot sa kaniya na muling itayo ang Jerusalem.—Nehemias 1:1–2:9.
4. Paano natin maipakikita na ang pagsamba kay Jehova ay higit pa sa anumang sanhi ng pagsasaya na maaaring taglayin natin?
4 Walang-alinlangan, sina Ezra, Nehemias, at ang maraming Judio na nakipagtulungan sa kanila ay nagpatunay na ang pagsamba kay Jehova, na nakasentro sa Jerusalem, ay higit na mahalaga kaysa sa anumang bagay—na iyon ay ‘higit pa sa kanilang pangunahing sanhi ng pagsasaya,’ samakatuwid nga, nakahihigit sa anumang iba pang bagay na maaari nilang ikagalak. Tunay na isang pampatibay-loob ang gayong mga tao para sa lahat ngayon na may gayunding pangmalas kay Jehova, sa pagsamba sa kaniya, at sa kaniyang organisasyon na inaakay ng espiritu! Totoo rin ba ito sa inyo? Ipinakikita ba ninyo sa pamamagitan ng inyong pagbabata sa makadiyos na mga gawa na ang pinakamalaking sanhi ng inyong pagsasaya ay ang pribilehiyo na sambahin si Jehova kasama ng kaniyang nakaalay na bayan? (2 Pedro 3:11) Bilang higit pang pampatibay-loob sa layuning ito, talakayin natin ang maiinam na resulta ng paglalakbay ni Ezra patungo sa Jerusalem.
Mga Pagpapala at Pananagutan
5. Anong saganang pagpapala ang tinanggap ng mga naninirahan sa Juda noong panahon ni Ezra?
5 Ang grupo na binubuo ng mga 6,000 nagbabalik na mga ipinatapon sa pangunguna ni Ezra ay nagdala ng mga abuloy na ginto at pilak para sa templo ni Jehova. Ito ay nagkakahalaga ng mga 35 milyong dolyar sa kasalukuyan. Mga pitong ulit ang kahigitan ng ginto at pilak na ito kaysa sa nadala ng mga unang nagsibalik mula sa pagkatapon. Tiyak na malaki ang pasasalamat kay Jehova ng mga naninirahan sa Jerusalem at Juda sa pagtanggap nila ng lahat ng tulong sa materyal at sa pamamagitan ng mga taong ito! Subalit may kaakibat ding pananagutan ang mayamang pagpapala mula sa Diyos.—Lucas 12:48.
6. Ano ang natuklasan ni Ezra sa kaniyang lupang tinubuan, at ano ang kaniyang naging reaksiyon?
6 Natuklasan kaagad ni Ezra na maraming Judio, pati na ang ilang saserdote at matatanda, ang lumabag sa Batas ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa sa mga babaing pagano. (Deuteronomio 7:3, 4) Tama lamang na mapighati siya nang labis dahil sa ganitong paglabag sa tipang Batas ng Diyos. “Pagkarinig na pagkarinig ko ng bagay na ito ay hinapak ko ang aking kasuutan at ang aking walang-manggas na damit, . . . at ako ay nanatiling nakaupong natitigilan.” (Ezra 9:3) Pagkatapos, sa harap ng hindi mapalagay na mga Israelita, binuksan ni Ezra ang laman ng kaniyang puso sa isang panalangin kay Jehova. Sa pandinig ng lahat, nirepaso ni Ezra ang pagkamasuwayin noon ng Israel at ang babala ng Diyos sa kung ano ang mangyayari kapag sila’y nakipag-asawa sa mga paganong naninirahan sa lupain. Nagtapos siya: “O Jehova na Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nakaligtas na bayan na gaya sa araw na ito. Narito kami sa harap mo sa aming pagkakasala, sapagkat imposible na makatayo sa harap mo dahil dito.”—Ezra 9:14, 15.
7. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Ezra sa pakikitungo sa mga nagkasala? (b) Paano tumugon ang mga nagkasala noong panahon ni Ezra?
7 Ginamit ni Ezra ang salitang “kami.” Oo, isinali niya ang kaniyang sarili, bagaman hindi siya personal na nagkasala. Ang matinding pamimighati ni Ezra kasabay ng kaniyang mapagpakumbabang panalangin ay nakaantig sa puso ng bayan at nag-udyok sa kanila sa mga gawang nauukol sa pagsisisi. Nagmungkahi sila ng isang masakit na lunas—pababalikin ng lahat ng lumabag sa Batas ng Diyos ang kanilang mga banyagang asawa sa kani-kanilang lupang tinubuan, kasama ng mga anak na isinilang sa kanila. Pumayag si Ezra sa ganitong hakbang at hinimok niya ang mga nagkasala na sundin ito. Yamang may awtoridad siya mula sa haring Persiano, may karapatan si Ezra na ipapatay ang lahat ng manlalabag-batas o palayasin sila mula sa Jerusalem at Juda. (Ezra 7:12, 26) Subalit lumilitaw na hindi niya ginawa iyon. “Ang buong kongregasyon” ay nagsabi: “Alinsunod mismo sa iyong salita, gayon ang dapat naming gawin.” Karagdagan pa, ganito ang ipinagtapat nila: “Kami ay naghimagsik nang matindi sa bagay na ito.” (Ezra 10:11-13) Nakatala sa Ezra kabanatang 10 ang mga pangalan ng 111 lalaki na sumunod sa pasiya sa pamamagitan ng pagpapauwi sa kanilang mga banyagang asawa at sa mga anak na isinilang sa kanila.
8. Bakit para sa kapakanan ng buong sangkatauhan ang matinding hakbang na pagpapauwi sa mga banyagang asawa?
8 Ang ginawang ito ay sa kapakanan hindi lamang ng Israel kundi pati ng buong sangkatauhan. Kung hindi itinuwid ang mga bagay-bagay, maaaring napahalo na ang mga Israelita sa nakapalibot na mga bansa. Kung gayon, maaaring nahaluan na ang hanay ng angkan ng Ipinangakong Binhi ukol sa pagpapala ng buong sangkatauhan. (Genesis 3:15; 22:18) Naging mahirap sana na patunayan ang pagkakakilanlan ng Ipinangakong Binhi bilang isang inapo ni Haring David mula sa tribo ni Juda. Pagkaraan ng mga 12 taon, muling binigyang-pansin ang mahalagang bagay na ito nang “ang binhi ng Israel ay bumukod mula sa lahat ng banyaga.”—Nehemias 9:1, 2; 10:29, 30.
9. Anong mabuting payo ang ibinibigay ng Bibliya sa mga Kristiyanong may asawang di-mananampalataya?
9 Ano ang maaaring matutuhan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon mula sa salaysay na ito? Buweno, ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng tipang Batas. (2 Corinto 3:14) Sa halip, sinusunod nila “ang batas ng Kristo.” (Galacia 6:2) Sa gayon, ang isang Kristiyano na may asawang isang di-mananampalataya ay sumusunod sa payo ni Pablo: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan.” (1 Corinto 7:12) Bukod dito, ang mga Kristiyano na may asawang di-mananampalataya ay may maka-Kasulatang obligasyon na sikaping magtagumpay ang kanilang pag-aasawa. (1 Pedro 3:1, 2) Ang pagsunod sa mainam na payong ito ay malimit na nagbubunga ng pagpapala anupat ang di-mananampalatayang kabiyak ay nagbago ng saloobin tungkol sa tunay na pagsamba. Ang ilan pa nga ay naging tapat na bautisadong Kristiyano.—1 Corinto 7:16.
10. Anong aral ang matututuhan ng mga Kristiyano sa 111 lalaking Israelita na nagpauwi sa kanilang mga banyagang asawa?
10 Gayunman, ang kaso ng mga Israelitang nagpauwi sa kanilang mga banyagang asawa ay naglalaan ng isang mainam na aral para sa mga Kristiyanong walang asawa. Hindi sila dapat manligaw sa mga hindi kasekso na di-mananampalataya. Maaaring maging mahirap, masakit pa nga, ang pag-iwas sa gayong kaugnayan, ngunit iyon ang pinakamagaling na landasin upang ang isa ay patuloy na pagpalain ng Diyos. Inutusan ang mga Kristiyano: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 6:14) Sinumang dalaga o binatang Kristiyano na nagnanais mag-asawa ay dapat na magbalak na magpakasal sa isang tunay na kapananampalataya.—1 Corinto 7:39.
11. Gaya ng mga lalaking Israelita, paano tayo maaaring masubok hinggil sa ating sanhi ng pagsasaya?
11 Sa marami pang ibang paraan, ang mga Kristiyano ay gumagawa ng mga pagbabago kapag itinawag pansin sa kanila na sila’y patungo sa isang di-makakasulatang landasin. (Galacia 6:1) Sa pana-panahon, ipinakikita ng magasing ito ang di-maka-Kasulatang paggawi na magiging dahilan para ang isa ay hindi na kuwalipikadong manatili bilang bahagi ng organisasyon ng Diyos. Halimbawa, noong 1973, lubusang naunawaan ng bayan ni Jehova na malubhang kasalanan ang pag-aabuso sa droga at paggamit ng tabako. Upang maitaguyod ang makadiyos na landasin, dapat na “linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Marami ang nagkapit ng payong ito ng Bibliya; sila’y handang dumanas ng panimulang mga sintoma ng paghinto upang makapanatiling bahagi ng malinis na bayan ng Diyos. Nagbigay rin ng maliwanag na utos mula sa Kasulatan sa mga bagay hinggil sa sekso, pananamit, pag-aayos, at sa matalinong pagpili ng trabaho, libangan, at musika. Anumang simulain sa Kasulatan ang itawag pansin sa atin, tayo sana ay mapatunayan na handang ‘maibalik sa ayos,’ gaya ng 111 lalaking Israelita. (2 Corinto 13:11) Ipakikita nito na ang pribilehiyo ng pagsamba kay Jehova kasama ng kaniyang banal na bayan ay ‘itinuturing na higit pa sa ating pangunahing sanhi ng pagsasaya.’
12. Ano ang nangyari noong 455 B.C.E.?
12 Matapos iulat ang pangyayari tungkol sa mga banyagang asawa, hindi na sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nangyari sa Jerusalem sa sumunod na 12 taon. Tiyak, lalong nagalit ang mga kalapit-bayan ng Israel dahil sa pagpapawalang-bisa ng maraming pag-aasawa. Noong 455 B.C.E., si Nehemias ay dumating sa Jerusalem na may kasamang mga sundalo. Inatasan siya bilang gobernador ng Juda at may dala siyang mga liham mula sa hari ng Persia na nagbibigay sa kaniya ng awtoridad na muling itayo ang lunsod.—Nehemias 2:9, 10; 5:14.
Pagsalansang ng Naiinggit na mga Kalapit-Bayan
13. Anong saloobin ang ipinakita ng mga kalapit-bayan ng mga Judio na nagsasagawa ng huwad na relihiyon, at paano tumugon si Nehemias?
13 Sinalungat ng mga kalapit-bayan na nagsasagawa ng huwad na relihiyon ang layunin ng pagdating ni Nehemias. Siya’y pinagbantaan ng kanilang mga lider na nagtanong: “Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?” Bilang pagpapamalas ng pananampalataya kay Jehova, tumugon si Nehemias: “Ang Diyos ng langit ang Isa na maggagawad sa amin ng tagumpay, at kami mismo, na mga lingkod niya, ay babangon, at magtatayo kami; ngunit kayo ay walang bahagi, ni makatuwirang pag-aangkin, ni pinakaalaala man sa Jerusalem.” (Nehemias 2:19, 20) Nang simulan ang pagkukumpuni sa pader, nanlibak ang mga kaaway ring iyon: ‘Ano ang ginagawa nitong mahihinang Judio? Bubuhayin ba nila ang mga bato mula sa mga bunton ng maalikabok na basura? Kung ang isang sorra ay sumampa roon, tiyak na magigiba nito ang kanilang mga batong pader.’ Sa halip na sumagot sa mga salitang ito, nanalangin si Nehemias: “Dinggin mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay naging tampulan ng paghamak; at ibalik mo ang kanilang pandurusta sa kanilang sariling ulo.” (Nehemias 4:2-4) Patuloy na nagpakita si Nehemias ng ganitong mainam na halimbawa ng pananalig kay Jehova!—Nehemias 6:14; 13:14.
14, 15. (a) Paano hinarap ni Nehemias ang pagbabanta ng karahasan ng mga kaaway? (b) Paano naipagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang espirituwal na gawaing pagtatayo sa kabila ng mahigpit na pagsalansang?
14 Upang matupad ang kanilang mahalagang atas na pangangaral, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay nananalig din sa Diyos. Sinisikap ng mga mananalansang na hadlangan ang gawaing ito sa pamamagitan ng panlilibak. Kung minsan, ang mga indibiduwal na interesado sa mensahe ng Kaharian ay sumusuko dahil sa hindi nila matiis ang panunuya. Kapag nabigo ang panunuya, maaaring magalit ang mga mananalansang at bumaling sa pagbabanta ng karahasan. Ito ang naranasan ng mga tagapagtayo ng pader ng Jerusalem. Ngunit hindi natakot si Nehemias. Sa halip, sinandatahan niya ang mga tagapagtayo laban sa pagsalakay ng kaaway at pinatibay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasabi: “Huwag kayong matakot dahil sa kanila. Si Jehova na Isa na dakila at kakila-kilabot ang ingatan ninyo sa inyong isipan; at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga tahanan.”—Nehemias 4:13, 14.
15 Gaya noong panahon ni Nehemias, lubhang nasasangkapan ang mga Saksi ni Jehova upang ipagpatuloy ang kanilang espirituwal na gawaing pagtatayo sa kabila ng mahigpit na pagsalansang. “Ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng nakapagpapatibay-sa-pananampalataya na pagkaing espirituwal, na nagpapangyaring maging mabunga ang bayan ng Diyos kahit na sa mga lugar na ipinagbabawal ang gawain. (Mateo 24:45) Bunga nito, patuloy na pinagpapala at pinasusulong ni Jehova ang kaniyang bayan sa buong lupa.—Isaias 60:22.
Mga Suliraning Panloob
16. Anong mga suliraning panloob ang nagbanta sa sigasig ng mga tagapagtayo ng pader ng Jerusalem?
16 Habang nagpapatuloy ang muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem at pataas nang pataas ang pader, lalong naging mahirap ang gawain. Noon lumitaw ang isang suliranin na nagbanta sa sigasig ng nakikipagpunyaging mga tagapagtayo. Dahil sa kakapusan sa pagkain, ang ilang Judio ay nahirapang maglaan ng pagkain para sa kani-kanilang pamilya at magbayad ng buwis sa pamahalaan ng Persia. Pinautang sila ng pagkain at salapi ng mas mayayamang Judio. Gayunman, salungat sa Batas ng Diyos, kinailangang ipangako ng mas mahihirap na Israelita ang kanilang mga lupain at mga anak bilang garantiya na babayaran nila ang salapi kasama ng tubo. (Exodo 22:25; Levitico 25:35-37; Nehemias 4:6, 10; 5:1-5) Ngayon, ang mga nagpautang ay nagbabantang kunin ang kanilang mga lupain at nagpipilit na ipagbili nila ang kanilang mga anak bilang mga alipin. Lubhang ikinagalit ni Nehemias ang ganitong di-maibigin at materyalistikong saloobin. Kumilos siya kaagad upang tiyakin ang patuloy na pagpapala ni Jehova sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.
17. Ano ang ginawa ni Nehemias upang matiyak ang patuloy na pagpapala ni Jehova sa gawaing pagtatayo, at ano ang kinalabasan?
17 Isinaayos ang “isang malaking kapulungan,” at maliwanag na ipinakita ni Nehemias sa nakaririwasang mga Israelita na ang ginawa nila ay hindi kinalugdan ni Jehova. Pagkatapos ay nanawagan siya sa mga nagkasala, pati na sa mga saserdote, na ibalik nila ang lahat ng kanilang kinuha at ibalik ang mga lupain na ilegal nilang kinuha mula sa mga hindi makabayad ng tubo. Kapuri-puri naman, sinabi ng mga nagkasala: “Isasauli namin, at mula sa kanila ay wala kaming hihinging anuman. Gagawin namin ang mismong gaya ng sinasabi mo.” Hindi ito walang-kabuluhang mga salita, sapagkat iniuulat ng Bibliya na “ginawa ng bayan ang ayon sa salita [ni Nehemias].” At ang lahat sa kongregasyon ay pumuri kay Jehova.—Nehemias 5:7-13.
18. Dahil sa anong saloobin nakilala ang mga Saksi ni Jehova?
18 Kumusta naman sa ngayon? Sa halip na magsamantala, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa kanilang pagiging bukas-palad sa kanilang mga kapananampalataya at sa iba na dumaranas ng kagipitan. Gaya noong panahon ni Nehemias, ito ay umani ng maraming kapahayagan ng pagpapasalamat at papuri kay Jehova. Subalit kasabay nito, kinailangang magbigay “ang tapat at maingat na alipin” ng maka-Kasulatang payo sa mga bagay hinggil sa negosyo at sa pangangailangan na iwasan ang sakim na pagsasamantala sa iba. Sa ilang bansa, pangkaraniwan na ang humingi ng mataas na dote, ngunit maliwanag na nagbabala ang Bibliya na ang mga taong sakim at mga mangingikil ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Ang mabuting pagtugon ng maraming Kristiyano sa gayong payo ay nagpapaalaala kung paano minalas ng mga Judiong iyon ang kasalanan ng pagsasamantala sa kanilang mas mahihirap na kapatid.
Natapos ang Pader ng Jerusalem
19, 20. (a) Ano ang naging epekto sa mga relihiyosong mananalansang ng pagtapos sa pader ng Jerusalem? (b) Anong tagumpay ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain?
19 Sa kabila ng lahat ng pagsalansang, natapos ang pader ng Jerusalem sa loob ng 52 araw. Ano ang naging epekto nito sa mga mananalansang? Sinabi ni Nehemias: “Nang marinig iyon ng lahat ng aming mga kaaway at nang makita iyon ng lahat ng bansa na nasa palibot namin, kaagad silang lubhang napababa sa kanilang sariling paningin, at nalaman nila na ang gawaing ito ay nagawa dahil sa aming Diyos.”—Nehemias 6:16.
20 Sa ngayon, ang pagsalansang ng kaaway sa gawain ng Diyos ay nagpapatuloy sa iba’t ibang paraan at lugar. Gayunman, nakita ng milyun-milyong tao ang kawalang-saysay ng pagsalansang sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, isaalang-alang ang nakaraang mga pagtatangka na pahintuin ang gawaing pangangaral sa Nazing Alemanya, Silangang Europa, at maraming bansa sa Aprika. Nabigo ang lahat ng gayong pagtatangka, at kinikilala ngayon ng maraming tao na ‘ang ating gawain ay nagawa dahil sa ating Diyos.’ Tunay na isang gantimpala ito sa tapat na matatagal na sa katotohanan sa mga lupaing iyon na ‘nagturing [sa pagsamba kay Jehova] na higit pa sa kanilang pangunahing sanhi ng pagsasaya’!
21. Anong mahahalagang pangyayari ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Sa susunod na artikulo, rerepasuhin natin ang mahahalagang pangyayari na humantong sa masayang pagpapasinaya ng muling itinayong pader ng Jerusalem. Tatalakayin din natin kung paanong malapit nang matapos ang isang higit na dakilang lunsod para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan.
Natatandaan ba Ninyo?
◻ Paano nagsaya si Ezra at ang iba pa dahil sa Jerusalem?
◻ Tinulungan nina Ezra at Nehemias ang maraming Judio na ituwid ang anong mga pagkakamali?
◻ Anong mga aral ang matututuhan ninyo mula sa salaysay tungkol kina Ezra at Nehemias?
[Larawan sa pahina 15]
Ang Jerusalem, hindi ang kaniyang prominenteng trabaho sa Shushan, ang siyang pangunahing ikinabahala ni Nehemias
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Gaya ni Nehemias, kailangan nating manalangin para sa patnubay at lakas ni Jehova upang maipagpatuloy ang ating napakahalagang atas na pangangaral